Sabado, Marso 27, 2010

MAHAL BA O BANAL NA ARAW? : Reflection for Passion (Palm) Sunday - March 28, 2010 (Reposted)

Mga Mahal na Araw na naman! Bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin? Di ba Holy Week ang tawag natin sa ingles? Bagama't mas tama ang translation na "Banal", ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang "Mahal". Kapag sinabi mong "mahal" maari mong ipakahulugang "something of great value" o "precious". Para sa ating mga Kristiyano ay MAHAL ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi... sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo! Ang "Mahal" din ay nangangahulugang "close to our hearts, dear..." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas... Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang "cheap" o mumurahin ang mga araw na ito! Imbis na magbisita Iglesya ay beach resort ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw . Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine... ang precious... nagiging cheap... ang mahal nagiging... mumurahin! Sanaay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito. Simula sa Lunes ang tawag natin sa mga araw na ito ay Lunes Santo, Marters Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo at Biyernes Santo... dapat lang sapagkat "Banal" ang mga araw na ito. Banal sapagkat "mahal" ang pinuhunan ng Diyos... walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. Baka matapos ang mga Mahal na Araw na hindi natin ito nabigyan ng sapat na pagpapahalaga. Sayang!!!

Sabado, Marso 20, 2010

MAPANGHUSGA! : Reflection for 5th Sunday of Lent Year C - March 21, 2010

Minsan pinagkumpisal ng pari ang kanyang sakristan sa paghihinalang kinukupit nito ang mga koleksyon sa misa. Sumunod naman ang sakristan, ikinumpisal lahat ang kasalanan maliban sa pangungupit. Kaya't sinabi ng pari sa kanya: "Mukhang me nakalimutan ka atang sabihin... kikukupit mo ba ang koleksyon sa misa?" Sumunod ang isang mahabang katahimikan. Nainis na ang pari kaya siya ay lumabas sa kumpisalan at sinabi sa nakaluhod na sakristan. "Ano? bingi ka ba? Hindi mo ba ako narinig? Tinatanong kita kung kinukupit mo ang koleksyon!" Sagot ng bata: "Wala po akong marinig dito padre." Sabat ng pari: "Kalokohan, palit tayo ng lugar, ikaw ang maupo sa loob ako dito sa labas... magsalita ka." Nagsalita ng sakristan mula sa loob ng kumpisalan: "Father, bakit hindi pa ninyo ako sinusuwelduhan, yung SSS ko wala pa, yung health benefits ko wala pa rin... at saka sino yung babaeng laging pumupunta sa kumbento?" Sagot ng pari: "Iho, tama ka nga... wala akong naririnig dito..." hehehe... Kung minsan bingi tayo sa ating sariling pagkakamali. Napakadaling husgahan ng iba ngunit di naman natin makita ang ating sariling pagkakasala. Napakadali sa atin ang manuro ng kapwa sa tuwing sila ay nagkakamali upang malaman lamang natin sa huli na sa tuwing tayo ay nanunuro ay tatlong daliri ang nakaturo sa atin na nagsasabi na ikaw din ay nagkasala! Iwasan natin ang manghusga! Ito rin ang nais ni Jesus na baguhin natin sa ating mga sarili. Bago natin patawan ng paghuhusga ang iba... tingnan muna natin ang ating mga sariling kakulangan at pagkakamali: "Sino man sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya." Wala ni isang naiwan sa mga humuhusga sa babae... lahat ay umalis. Ang Diyos natin ay Diyos na mahabagin at mapagpatawad... hindi Diyos na mapanghusga. "Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag ng magkasala!" Pasalamatan natin ang Panginoon sa tuwing nakakamit natin ang Kanyang pagpapatawad at ipakita natin sa Kanya na tatalikuran na natin ang kasalanan at tayo ay magbabagong buhay!

Sabado, Marso 13, 2010

THE PRODIGAL FATHER : Reflection for the fourth Sunday of Lent Year C - March 14, 2010

Naassign sa "Bario Sirang-Tulay" si Padre Kuliling. Yun ang tawag sa kanya ng mga tao sapagkat sa tuwing siya ay nagpapa- kumpisal ay gumagamit siya ng ng maliit na "bell" at pagkatapos mong sabihin ang kasalanan mo ay makakarinig ka ng "kuliling... kuliling..." ng maliit na bell depende sa bilang ng iyong kasalanan. Nagkataong nangumpisal ang kinikilalang pinakamakasalanan sa bayan. Parang may shooting ng mga artista na dinagsa ng mga tao ang simbahan upang marinig kung ilang kuliling ng bell ang gagawin ng pari. Dalawampung minuto na ang nakalipas... walang kuliling. Tatlumpu... apatnapu... wala pa rin. "Hinimatay na ata si Fr. Kuliling sa dami ng kasalanang kanyang narinig" sabi ng mga tao. Pagkatapos ng isang oras ay patakbong lumabas si Fr. Kuliling. Nagtungo sa kampanaryo ng Simbahan at hinila ang tali... "boom! boom! boom!...." Ganyan kalaki ang pagpapatawad ng Diyos. Hindi lang "kuliling ng maliit na kampana" ngunit "boom ng kampanaryo" ang nakalaan sa isang makasalanang tunay na nagsisisi. Ang talinhaga ay angkop na pamagatang "The parable of the Prodigal Father" imbis na "Prodigal Son" sapagkat ang bida ay ang tatay hindi ang anak. "prodigal" o alibugha ang tatay sapagkat hindi naayon sa tamang pag-iisip ang kanyang ginawa sa kabila ng maraming pagkakamali ng kanyang anak. Hindi siya nirespeto, pinagsamantalahan ang kanyang kabaitan, nilustay ang kanyang kayamanan ngunit sa huli ay nakuha niya pa ring magpatawad. Ganyang kabuti ang ating Diyos... Kahit halos abusuhin na natin Siya sa dami at paulit-ulit nating kasalanan ay nakahanda pa rin Siyang magpatawad at tanggapin muli tayo bilang kanyang mga anak! 'Yan ang tunay na "Good News!"

Huwebes, Marso 4, 2010

GOD'S PATIENCE: Reflection for 3rd Sunday of Lent Year C - March 7, 2010

"Ang 'Barrio Sirang Tulay' ay kilala sa mga taong ang kasalanan ay "adultery". Ang matandang paring naassign doon ay mayroon ng kasunduan sa mga tao na kapag ikukumpisal nila ang ganitong kasalanan ay sabihin na lamang na sila ay nalaglag sa tulay at alam na n'ya yon. Sa kasamaang palad ay napalitan ang pari at agad sumabak sa pagpapakumpisal ang pumalit. Tulad ng inaasahan ang kanyang narinig ay: "Padre, patawarin mo po ako at ako ay nalaglag sa tulay!" Di makapaniwala ang pari na marami ang nalalaglag sa tulay. Hanggang sa ang asawa ng baranggay captain ang nagkumpisal at nagsabing siya rin daw ay nalaglag sa tulay. Agad-agad siyang sumugod sa baranggay hall na kung saan ay nagmemeeting ang konseho. "Kapitan, wala ka bang magagawa sa tulay natin? And daming nalalaglag! Nagtawanan ang lahat pati ang kapitan. Galit na sinabi ng pari: "Hoy kapitan, wag kang tumawa... ang asawa mo... nalaglag rin sa tulay!" hehehe... Marami tayong tulay na kinalalaglagan: mga kasalanang paulit-ulit, masamang pag-uugali, mga bisyo tulad ng sugal, pag-inom, paninigarilyo, pambabae, sa mga kabataan pagbababad sa computer games at marami pang iba. Ang "Good News" maari pa tayong umahon sa ating pagkakalaglag. Sa Diyos lagi tayong may second chance. Hindi siya nagsasawa at bumibigay sa ating kahinaan. Para tayong puno ng igos sa Ebanghelyo, walang bunga... ngunit ang Panginoon ay nagtitiyaga sa atin. Inaalagaan niya tayo upang makapamunga. "Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti, ngunit kung hindi, putulin na natin. " Ngunit mag-ingat din tayo na huwang nating aabusuhin ang kabutihan ng Diyos. Ang lahat din ay may hangganan. Kung taos ang ating pagsisisi ay gagawin natin ang lahat ng paraan upang maituwid ang ating baluktot na pamumuhay at tahakin ang landas ng pagbabago. Sa ating pagbabago tandaan natin na may Diyos na tapat sa atin. "Be patient for God is patient with you!"

NO PAIN! NO GAIN! : Reflection for 2nd Sunday of Lent Year C - February 28, 2010

Sabi ng isang text... "Ang edukasyon ang pintuan ng tagumpay... at ang pangongopya ang susi!" hehehe... Ewan ko ba kung bakit ganun ang takbo ng isip ng mga kabataan ngayon. Gustong makakuha ng mataas na grade sa exam ayaw namang mag-aral. Gustong makagraduate sa pag-aaral ayaw namang magsikap. MEGANUN??? Sabi nga ng isang caption: "No pain no gain!" Totoo nga naman, bale wala ang tagumpay kung hindi mo pinagsumikapan... pinaghirapan... May tagumpay na darating sa kabila ng paghihirap. Ito ang mensahe ng Panginoon sa ating ebanghelyo ngayong ikalawang Linggo ng kuwaresma. Isinama Niya sa bundok ng Tabor ang tatlong alagad upang paalalahanan sila na Siya ng hinirang na Anak ng Diyos Ama... na Siya ang katuparan ng Kautusan at ng mga Propeta. Nagbagong anyo Siya sa kanilang harapan upang palakasin ang kanilang kalooban sa sandaling masaksihan nila ang paghihirap ng Mesiyas. May muling pagkabuhay sa kabila ng Kanyang paghihirap at kamatayan. May liwanag na naghihintay pagkatapos ng dilim. Hindi ba ganito rin sa ating buhay? Hindi mawawala ang mga sandali ng kadiliman ngunit pasasaan ba't darating din ang liwanag. Kahit gaano kadilim ang gabi ng ating buhay ay mayroong umagang naghihintay. Sapat lang na magtiwala tayo sa Kanya... at makakamit din nating lahat ang gantimpala ng kaluwalhatian!

TUKSO: Reflection for the 1st Sunday of Lent Year C - February 21, 2010

Isang matandang pari ang nagsesermon sa Misa tungkol sa tukso: "Kaming mga pari, pag umabot na sa 60 years old... ay hindi na tinatablan ng tukso." Sa sandaling iyon ay biglang may pumasok sa simbahan na seksing babae na maganda at maputi. Napalingon ang pari at sabay sabi: "Ngunit sa aking palagay ay maari pa itong pag-usapan... hanggang 70 siguro." Sino ba naman ang hindi tinatablan ng tukso? Kahit sino puwede! Si Jesus nga tinukso rin ng diyablo! Iyon lang nga ay hindi nagpadaig si Hesus sa panunukso nito. Ginamit niya ang dalawang siguradong sandatang makadadaig dito: ang panalangin at pag-aayuno. Ito rin ang iminumungkahing paraan ng Simbahan sa atin sa ating paglaban sa panunuksao ng demonyo. Ang pagtutungaling ito ng mabuti at masama ay nasa ating lahat. Sabi nga ni San Pablo: "Hindi ko maintindihan ang sarili ko... ang mabuti na dapat kong gawin ay di ko ginagawa... at ang masama naman na dapat kong iniiwasan ang siyang ginagawa ko." Pero hindi ito dahilan upang magpatalo tayo sa tukso. Ang unang Linggo ng Kuwaresma ay nagpapaalala sa atin ng dalawang paraang maari nating gamitin upang labanan ang tukso... panalangin at pag-aayuno. May panahon pa ba ako para magdasal? Kaya ko bang gumawa ng sakripisyo upang madisiplina ang aking sarili? Pag-isipan natin...