Sabado, Abril 30, 2016

ANG HULING BARAHA: Reflection for 6th Sunday of Easter Year C - May 1, 2016 - Year of the Family & the Eucharist - Jubilee Year of Mercy

Siyam na araw na lamang at eleksiyon na! Halos lahat ng tumatakbong kandidato ay nangangako ng mapayapa at masaganang pamumuhay kung saka-sakaling sila ay maihalal sa pamumuno.  Ngunit paano nga ba natin uunawin ang salitang "kapayapaan?"  May isang nagsasabing ang kapayapaan ay makakamit natin  kapag walang krimen, korupsiyon, at droga!  May ilan ding nagsasabing hindi ang karahasan ang tanging daan upang makamit ang kapayapaan.  May ilan ding nagsasabing ang maayos na pamumuno o "tuwid na daan" ang magpapatuloy sa matiwasay nating pamumuhay bilang mga Pilipino.  Ngunit bilang isang Kristiyano, paano ba natin uunawain ang salitang "kapayapaan" at paano ba natin makakamit ito?  May isang lalaking nangumpisal. "Padre, basbasan mo ako dahil ako'y nagkasala. Matagal na akong hindi nakapagkukumpisal.  Ang akin mga kasalanan ay binigyan ko ng kapayapaan ang mga kapitbahay naming magugulo at maiingay. "  Sagot ang pari, "anak, wala namang masama sa ginawa mo, sa katunayan tayo ay tinatawagan ni Jesus na maging tapaghatid ng kanyang kapayapaan."  Biglang singit ang lalaki: "Hindi, yan ang ibig sabihin padre."  Biglang napag-isip ang pari at nagtanong: "Bakit?  Paano ka bang naghatid ng kapayapaan sa kanila?"  Sagot ang lalaki: "Pinatay ko silang lahat padre!"  Akala ng marami ang kapayapaan ay kasingkahulugan ng katahimikan.  Kaya siguro para sa iba ang sementeryo ang lugar na kung saan ay may tunay na kapayapaan.  "Rest in peace!"  ang makikita natin sa maraming lapida ng mga yumao.  Parang sinasabi sa ating mapayapa na sila sapagkat nakahimlay na sila sa katahimikan. Ito ba ang kahulugan ng tunay na kapayapaan?  Tandaan natin na KAPAYAPAAN ang biyaya ng muling pagkabuhay ni Kristo!  Bago niya lisanin ang kanyang mga alagad ay ito ang ibinilin Niya sa kanila: "Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo.  Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan."  Sa mundo, ang kapayapaan ay kapag walang gulo, walang ingay, walang alitan. Kaya nga't kahit ang dahas ay maaring gamitin para lamang mapanatili ito.  Ngunit para sa ating mga Kristiyano, ang kapayapaan ay higit pa sa kawalan ng ingay o gulo.  Ang tunay na kapayapaan ay regalo na maari lamang magmula sa Diyos.  Kaya nga ang kapayapaan ay  "kaganapan ng buhay" na kung saan ay nakararanas ang isang tao ng kapanatagan sa kanyang sarili.  Kaya nga huwag tayong umasa na makakamit natin ang kapayapaan sa pamamagitan ng isang tao lamang.  Madaling mangako, ngunit kung paano at ano ang kahihinatnan nito ay hindi natin napag-iisipan.  Nangangahulugan ito ng maayos na pakikitungo sa apat na aspeto ng ating buhay.  Sa mga Hudyo ang salitang SHALOM, na ang ibig sabihin ay "kapayapaan"  ay nangangahulugan ng mabuting relasyon sa Diyos, sa kapwa, sa ating sarili, at sa kalikasan o kapaligiran.  Ganito rin ang kaganapan ng kapayapaan na dulot ng Muling Pagkabuhay ni Jesus.  Una ay ang manatili sa pag-ibig ng Diyos. Ang sabi ni Jesus sa ating Ebanghelyo:  “Ang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami’y sasakanya at mananahan sa kanya."  Katulad ng sinabi ko noong nakaraan na sa pagpili ng kandidato ay ang pagiging "Maka-Diyos".   Pangalawa ay ang ibigin ang ating kapwa tulad ng pag-ibig Niya sa atin. Muli ang isang kandidato ay dapat na maka-tao na may paggalang sa karapatan ng iba at hindi pinagsasamantalahan ang kahinaan ng mga mahihirap at api.  Pangatlo ay ang tamang pagmamahal sa sarili na may paggalang.  Kaya hindi siya gagawa ng mga bagay na makasisira sa kanyang pagiging tao.  Ang kandidato ay may tamang pagmamahal sa kanyang sarili. At pang-apat ay ang pagiging maka-bayan na makikita kung paano siya magmalasakit sa ating kapaligiran at lipunang ating ginagalawan.  Sa taong ito ng  AWA ay pagsumikapan nating kamtin ang tunay na kapayapaan.  Magtiwala tayo na pasasaan ba't makakamit din natin ito kung buo nating ipagkakatiwala ang ating buhay kay Kristo at hindi sa sanlibutang huwad na kapayapaan ang ibinibigay.  Ipagdasal natin ang darating na halalan na sana ay pagharian ng tunay na kapayapaang nagmumula sa Diyos na dulot ng Muling Pagkabuhay ni Kristo Jesus! 'Wag tayong mawalan ng pag-asa! Hindi kung sa sinumang tao nakasalalay ang ating "huling baraha" upang makamit ang matiwasay na pamumuhay.  Umasa tayo kay Jesus. Tulad ng nabasa ko sa isang FB post: I am a Filipino and my country's hope is Jesus!  

Sabado, Abril 23, 2016

PAGBABAGO: Reflection for 5th Sunday of Easter Year C - April 24, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY and YEAR OF THE EUCHARIST AND FAMILY

Isang bakbakan ang natunghayan natin kagabi (sa mga nanonood ng pay review o nagsubscribed sa abs-cbn tv plus).  Mamaya isang kakaibang bakbakan naman ang ating matutunghayan.  Sana panoorin natin nang sa gayon ay magkarron tayo ng tamang batayan sa pagpili ng ating kandidato. Hindi lang yung nadadala tayo ng bugso ng damdamin dahil galit tayo sa kapalpakan ng gobyerno o kaya naman ay naniniwala tayo sa mga surveys ng SWS o Pulse Asia.  Manood tayo nang sa gayon ay magkaroon tayo ng sariling paninindigan at para sa isang MATALINONG PAGBOTO.  Ang sabi nga ng mga kapamilya, gawin natin ang ating pagboto upang "Ipanalo ang pamilyang Pilipino", at ang paalala naman ng mga kapuso na sa pagpili ng mga kandidato ay  "Dapat tama!"  Makinig tayo ng mabuti at maging mapanuri.  Pakinggan natin ng mabuti ang boses ng pagbabago na hinahayag ng kanilang mga plataporma.  Ngunit anung uring pagbabago?  Lahat naman tayo ay nangangarap nito. Sawang-sawa na tayo sa korupsiyon, sa pangako ng mga trapo na hindi naman natutupad, sa mga platapormang di naman makatotohanan... Anung uring pagbabago ang nais natin?  Anung pagbabago ang nais nating mga Kristiyano?  Sa ikalawang pagbasa, sa Aklat ng Pahayag ay binibigay sa atin ang isang bagong panahon na punong-puno ng pag-asa: "Ngayon binabago ko ang lahat ng bagay!" (Pahayag 21:5)  Isang bagong mundo ang inaalok sa atin na kung saan ay pinaghaharian ito ng pagmamahal at katarungan. Hindi ba't ito ang inaasam-asam natin?  Mundong mapayapa, maunlad, maayos at tahimik.  Nais nating baguhin ang lipunang ginagalawan natin ngayon upang matutunan lamang na ang ang pagbabago pala ay dapat magmula muna sa ating mga sarili.  Sabi nga ng isang post sa Facebook:  "I am a Filipino and real change begins with me.... not the President you are a fan of!"  Ibig sabihin hindi ang presidenteng ating iniidolo ang magsisimula ng pagbabago sa ating lipunan.  Marami kasi sa atin ay nabubuhay sa idol complex.  Gusto natin ang lider na na nagpapatupad ng disiplina pero ayaw naman nating madisiplina!  Tingnan mo ang sarili mo baka ikaw ang tipong nagkakalat ng basura kahit saan, tumatawid kahit saan, lumalabag sa mga batas trapiko, dumudura o umiihi kung saan-saan,  naninigarilyo sa mga lugar na bawal, nanunuhol sa mga pulis... haaay... gusto ng disipina pero wala namang disiplina na sarili.  Kahit sinong Batman o Superman pa ang gawin mong presidente ng Pilipinas... walang pagbabagong magaganap. Ang sabi nga ni Hen. Luna: "Mga kapatid, mayroon tayong mas malaking kaaway kaysa mga Amerikano. Ang ating mga sarili!"  Kaya nga ang pagbabago ay dapat magsimula muna sa ating lahat ng sa gayon ay maging tama ang pagpili natin ng mga kandidato.  Matutulungan tayo ng ating Simbahan sa pagpili sa pamamagitan ng tatlong simpleng pamantayan. Una, pagiging MAKA-DIYOS. Ang kandidato mo ba ay may takot sa Diyos? Mabuti ba siyang anak ng Simbahan? Iginagalang n'ya ba ang mga namumuno sa Simbahan? Sumusunod ba s'ya sa 10 Utos ng Diyos?  Ikalawa, ang pagiging MAKA-TAO. Siya ba ay may paggalang sa karapatang pangtao? Marahas ba ang kanyang pamamaraan tulad ng pagpatay?  Siya ba ay maka-pamilya, maka-mahirap, at maka-kalikasan?  Ikatlo,  MAKA-BAYAN.  Siya ba ay hindi kurakot? Magnanakaw? Nagpayaman ba siya gamit ang pera ng bayan?  Mga kapatid, maging mapanuri sana tayo.  Ngunit hindi lang mapanuri; dapat tayo rin ay magdasal.  Tandaan natin na ang pagbabago ay biyaya ng Diyos. Siya ang kikilos sa isang tunay na pagbabago.  Sa unang pagbasa, nakita natin na ang mga unang Kristiyano ay nag-aalay ng panalangin at sakripiso bago pumili ng kanilang mga pinuno.  Tayo rin dapat ay magdasal upang ang ating ihahalal ay maging mapagmahal, may malasakit, may paggalang, may pagpapakumbaba sa kanyang pamumuno.  Isang pinuno na nahubog sa puso ni Jesus na ating Mabuting Pastol.

Sabado, Abril 16, 2016

LEADERSHIP BY EXAMPLE : Reflection for 4th Sunday of Easter Year C - April 17, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

Ang ika-apat na Linggo ng Muling Pagkabuhay ay laging inilalaan ng Simbahan upang ipagdasal ang pagpapalaganap sa bokasyon ng pagpapari at pagiging relihiyoso (madre at lay brother). Ang ebanghelyo ay parating patungkol sa 
Mabuting Pastol upang paalalahanan tayo ng masidhing pangangailangan ng Simbahan ng mabubuting pastol na naayon sa halimbawa ni Jesus, ang ating Butihing Pastol.  Siya ang Mabuting Pastol na talagang may malasakit para sa kanyang mga tupa.  Ngunit hindi lang naman nalilimita sa mga "taong simbahan" ang pagiging Mabuting Pastol.  Sa katunayan, ang mga taong namumuno at nangangalaga sa atin ay maituturing na "mabuting pastol".  Napapanahon at akmang-akma ang pagdiriwang natin ngayon upang pagnilayan ang mga katangian ng mga taong naghahangad na maging "pastol" ng ating lipunan.  Marahil hanggang ngayon ay nag-iisip pa rin tayo kung sino ba ang ating ihahalal sa pamumuno.  Maraming katangian tayong maaring pagbatayan, ngunit sa aking palagay, bilang mga Kristiyano, ay hindi maaring maisantabi ang pamatayang inihayag mismo ni Jesukristo, ang ating tunay na Mabuting Pastol.  "Sa isang pagtitipon ay pinarangalan ang matandang pari ng isang parokya dahil sa katapatan niya sa pagilingkod ng limampung taon sa kanilang bayan.  Binigyan sya ng pagkakataong makapagsalita at magpahayag ng kanyang saloobin.  Magiliw niyang isinalaysay ang kanyang karanasan sa parokya:  "Alam ninyo mga kapatid, noong unang araw na maitalaga ako dito bilang kura paroko ninyo ay may nagkumpisal agad sa akin. Siya raw ay isang lalaking babaero, nagtaksil sa kanyang asawa, mapagsamantala, mabisyo, sugarol at magnanakaw.  Napakasama niyang tao ngunit natuwa ako sa pag-amin niya sa kanyang mga kasalanan." Sabay dating ng Mayor na nahuli sa programa at hingal na hingal na lumapit sa entablado upang umepal.  Hinawakan niya ang mikropono at buong pagmamalaking sinabi: "Mga kapatid ko kay Kristo, ako ay lubos na nagpapasalamat at nabiyayaan tayo ng isang mabuting pari sa ating lugar. Sariwa pa sa aking ala-ala na noong bago pa siyang talaga dito bilang kura-paroko ay ako agad ang unang nagkumpisal sa kanya..."  Patay! Buking si Mayor!  Ano nga bang mga katangian ang nais nating makita sa ating mga pinuno bilang mabuting pastol?  Sa ating Ebanghelyo ay makikita natin ang larawan ni Jesus bilang isang Mabuting Pastol.  Siya ang mabuting pastol na kilala ng kanyang mga tupa, nakikinig sa kanya at sumusunod sapagkat alam nilang handa siyang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanila upang hindi sila mailagay sa kapahamakan.  Dito ay makikita natin ang magandang katangian ng isang nagnanais "magpastol sa kawan":  katapatan sa paglilingkod, may malasakit at kapakumbabaan, may takot sa Diyos at tumutupad sa Kanyang utos.  Marami na tayong nakitang lider na matatalino, bihasa sa sistema ng pamumuno, makarisma sa masa.  Marami na rin ang nagbitaw ng magagandang pangako, plataporma at programa kung sakaling sila ay maihahalal. Ngunit sa aking palagay ay walang saysay ang kagalingan niyang ipinagyayabang kung hindi naman siya kinakikitaan ng mabuting halimbawa sa uri ng kanyang pagkatao at pamumuhay.  "Leadership by example" ang nais nating makita sa isang lider at bilang isang kristiyano ang "example" o halimbawa ng Mabuting Pastol ang dapat makita sa kanya.  Kaya nga hindi dapat natin pipiliin ang mga taong kwestiyonable ang pamumuhay: babaero, sugarol, lasinggero, palamura, hindi gumagalang sa karapatang pantao, magnanakaw, kurap!  Bakit? Sapagkat, ipapahamak lamang nila ang kanilang mga tupa!  Anung halimbawa ang maibibigay nila sa inyong mga anak?  Pagnanakaw? Pagmumura? Pambabae? Karahasan?  Tandaan natin na sa mata ng bata, ang mga gawaing masama kapag ginagawa ng matanda, ay nagiging tama!  Kung minsan nakakalungkot isipin na tanggap na ng marami sa atin ang mga masamang pag-uugaling ito.  Kaya nga't kung meron mang dapat na unang magbago ay walang iba kundi ang ating sariling pag-isiip.  Makakapili tayo ng tamang mga pinuno kung isasapuso din natin ang mga katangian ni Jesus bilang Mabuting Pastol.  Isapuso natin ang pagiging tapat sa paglikingkod. Tanggalin natin ang pag-iisip ng masama at panlalamang sa kapwa. Huwag tayong magnanakaw.  Iwasan nating magmura.  Iwasan ang karahasan.  Igalang ang karapatan ng bawat isa. Magpakita tayo ng awa at malasakit sa ating kapwa. Tandaan natin na maipapakita lamang natin sa iba kung ano ang mayroon tayo sa ating sarili.  Ang pagiging mabuting pastol ay dapat magsimula sa atin kung nais nating maibahagi ang pagiging mabuting pastol sa iba.  Tayong lahat ay MABUTING PASTOL! 

Sabado, Abril 9, 2016

MOVE ON: Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year C - April 10, 2016 - Jubilee Year of Mercy

Nauuso ngayon ang mga "hugot lines" kung tawagin.  Katulad ng mga "pick-up lines" na sumikat nitong nakaraang mga taon, ang mga banat na "may hugot"  ay nakakatuwang pakinggan sapagkat nakakarelate sila sa maraming katotohanan ng ating buhay.  Halimbawa, sa isang jeep habang naghihintay na makapuno ng pasahero ay biglang may huhugot na: "Puno na nga sa jeep nagpapasakay pa, parang sa love may syota na nga, lumalandi pa!" Ngunit natutuwa ako sa mga taong nahihirapang mag-move on.  Heto ang ilang halimbawa ng kanilang mga hugot: "Ang daling matulog, ang hirap bumangon. Ang daling mahulog, ang hirap magmove-on!" "Ang pagmomove-on ay parang estudyante na gumigising sa umaga.  Mahirap pero kailangan!"  "Paano magmove-on? Simple lang... Iwanan ang katangahan. Irampa ang kagandahan!"  Ngunit ganoon ba talaga kadali ang magmove-on?  Sa ating Ebanghelyo, ay narinig natin ang mga algad na hirap magmove-on pagkatapos ng pagkamatay ni Jesus.  Si Jesus kasi ang inaasahan nilang magpapalaya sa kanila sa kamay ng mga mananakop na Romano.  Siya ang kinikilala nilang Mesiyas, ang hinirang na tagapagligtas, ang pag-asa ng kanilang "bayan".  Ngunit lahat ng ito ay gumuho ng matunghayan nila ang paghihirap at kamatayan ni Jesus sa krus.  Kaya wala ng saysay na magpatuloy pa.  Sa katunayan ay nagdesisyo silang ituloy ang kanilang normal na buhay... ang pangingisda. Dito nagpakita si Hesus sa kanila at muling pinukaw ang kanilang natutulog na pananampalataya! Nang maibulalas ni Juan na "Ang Panginoon iyon!" ay agad-agad na lumusong si Pedro at nilapitan si Jesus.  Hindi makapaniwala ang mga alagad na kapiling nila si Jesus at nakisalo sa kanila.  At dito nga nangyari ang pagtatanong ni Jesus kay Pedro:  “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Tatlong beses tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal siya nito. Lubhang nasaktan si Pedro sa ikatlong pagtatanong ni Jesus.  Dito makikita nating may "hugot" ang mga katanungang binitawan ng Panginoon kay Pedro. Marahil ay bumalik sa ala-ala ni Pedro kung paano niyang maikatlong ulit na itinatwa ang kanyang Panginoon! Ngunit sa kabila ng karupukan ni Pedro ay nakita ni Jesus ang isang "bato"... matatag, di matitinag, lubos ang katapatan! Kaya nga ibinigay sa kanya ni Jesus ang pamamahala sa kanyang mga "tupa".  Kaya nga ang sagot ni Pedro sa katanungan ni Jesus ay nagtataglay din ng malalim na pinanghuhugutan: “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.”   May Pedro rin sa bawat isa sa atin. Madaling magkamali, mahina at kung minsan pa nga ay paulit-ulit sa ating kamalian. Ngunit ang Diyos ay naniniwala na mayroon din tayong katatagan, na kaya rin nating maging tapat at umahon sa ating pagkakadapa! Naniniwala ang Diyos na kaya rin nating bumalik at itama ang ating pagkakamali.  Humugot tayo mula sa malaking pagmamahal ng Diyos sa atin. Huwag tayong mawalan ng pag-asa lalo na ngayong Taon ng Awa o Jubilee Year of Mercy.   Ang Diyos ay hindi nakakalimot sa atin.  Patuloy niyang pinadadaloy ang Kanyang awa at pagmamalasakit lalo na sa mga taong mahihina at makasalanan. Kaya nga ang panawagan din ng ating Santo Papa ay maging mas mahabaging Simbahan tayo sa mga taong naisasantabi ng ating kultura at lipunan.  Mag-move on tayo mula sa pagiging self-righteous at mapanghusgang Kristiyano tungo sa pagiging mapagpatawad at mapang-unawang kasapi ng "Katawan ni Kristo."  Ang hugot ng isang Kristiyano ay "ang tunay na Kristiyanong nagmamahal ay parang tapat na estudyanteng nag-eexam.  Kahit nahihirapan na, hindi pa rin tumitingin sa iba!"  Sa kabila ng maraming paghihirap sa ating buhay, huwag sanang mawala ang ating pagtingin kay Kristo.  Siya na larawan ng pagmamahal at awa ng Diyos ang ating inspirasyon para makapag-move on sa pagiging makasarili at mapagmataas.

Sabado, Abril 2, 2016

AMBASSADOR OF MERCY: Reflection for 2nd Sunday of Easter Year C - April 3, 2016 - DIVINE MERCY SUNDAY & JUBILEE YEAR OF MERCY

Ang ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay ay laging inilalaan upang ipagdiwang si Jesus bilang HARI NG AWA.  Sa ingles ay tinatawag ang linggong ito na DIVINE MERCY SUNDAY. Nagkataong tayo rin ay nasa pagdiriwang ng Jubilee Year of Mercy na kung saan ay hinihimok tayong maging mahabagin tulad ng Ama... "Merciful like the Father!"  Nakakalungkot na sa kabila ng mga paalalang ito ay nangyari noong mga nakaraang araw ang trahedya sa Kidapawan na kung saan ay ilang magsasakang nagkatipon-tipon upang iparating lamang ang kanilang hiling na mabigyan ng bigas bilang tugon sa matinding taggutom sa kanilang lupain ay sinalubong ng karahasan at nauwi sa pagkasawi ng ilang buhay at pagkaospital ng marami.  Nakalulungkot isipin sapagkat maari namang tugunan ang karaingan ng mga magsasaka ngunit nauwi sa ganitong trahedya.  Hindi natin sinisisi kung sino ang nagsimula ng trahedyang ito ngunit ang ating pinanghihinayangan ay naiwasan sana ang ganitong karahasan kung napaghandaan lamang ng lokal na pamahalaan ang tagtuyot sapagkat noong Disyembre pa lamang ay may paalala na tungkol sa pagdating ng El Nino at ang pinsalang maaring idulot nito.  Ang kawalan ng malasakit ng ilan sa ating mga kababayaan ang nag-uwi sa malagim na trahedyang ito.  Mahirap talagang umunawa kung walang malasakit.  Sa loob ng isang LRT ay may isang binatang nakaupo at harap n'ya lang ay may isang matandang babaeng nakatayo. Nang makita niya ito ay sabay pikit ng mata at nagkunwaring umidlip.  Nang tinanong sya kung bakit siya umidlip ay sinabi n'yang: "Pumikit ako sapagkat sa tuwing nakikita ko ang matanda ay nadudurog ang aking puso! Kaawa-awa naman ang matanda.  Parang nakikita ko ang lola ko sa kanya!"  Ito ba ang ibig sabihin ng pagkaawa?  Ang tunay na pagkaawa ay dapat may kasamang gawa.  Ito ang pinakita nina apostol Pedro at Juan ng pinagaling nila ang mga maysakit.  Alam nilang kasama ng biyaya ng muling pagkabuhay ni Jesus ay ang misyong maging tagapaghatid ng awa at habag ng kanilang Panginoon.  Tandaan natin na takot ang namayani sa mga apostol pagkatapos ng kamatayan ni Jesus.  Ngunit pananampalataya kay Jesus na muling nabuhay ang nagbigay sa kanila ng lakas at pag-asa. Pananampalataya ang hiningi ni Jesus kay Tomas.  Pananampalataya rin ang hinihingi niya sa ating hindi nabibiyayaan na makita siya ng personal.  "Mapalad ang mga naniniwala kahit na hindi nila ako nakikita!"  Ang maging katulad ni Jesus ay dapat sinasalamin ang ang kanyang awa at malasakit.  We are called to be ambassadors of God's mercy and compassion.  Hindi natin kinakailangang pumunta pa ng Kidapawan upang magpakita ng awa at malasakit sa ating kapwa.  Sa ating sariling bakuran at tahanan ay maari nating ibahagi ang awa at malasakit ng Diyos. Ang mga anak ay nararapat magpakita ng pang-unawa sa maraming sakrispisyo at paghihirap na ibinibigay ng kaniang mga magulang.  Ngunit ang mga magulang din ay kinakailangang magpakita ng awa sa kanilang mga anak sa pag-unawa sa kanilang kalagayan na naghahanap ng paggabay, pagkalinga at pagmamahal.  Ibig sabihin, lahat tayo ay maaring magbigay at magpakita ng awa at malasakit sa isa't isa.  Sapat lamang na damhin natin ang AWA ng Diyos, isapuso ang kanyang UNAWA, at isabuhay ang kanyang GAWA.  Sa ganitong paraan ay magiging tagapaghatid tayo ng kanyang AWA at MALASAKIT.