Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Agosto 25, 2007
ANG MAKIPOT NA PINTUAN: Reflection for the 21st Sunday in Ordinary Time Year C - August 26, 2007
Ang langit daw ay gantimpala para sa mga taong nabuhay ng mabuti. Ang impiyerno naman ay para sa mga masasama. Ang purgatoryo... para sa mga nasa gitna. May isang lumang kuwento na minsan daw ay may mga kaluluwang napunta sa purgatoryo. Laking pagkagulat nila ng makita ang kanilang kura-paroko doon. "Hala! Padre! Dito ka rin pala... kelan ka pa dito? Akala pa naman namin nasa top floor ka!" Sigaw ng kanyang parokyano. "Shhhh... wag kayong maingay! Baka magising ang obispo. Natutulog sa ibaba!" hehehe. Pasantabi po sa mga obispo. Pero sa ebanghelyo ngayon ay maliwanag ang sinasabi ni Jesus na may mga "nauunang mahuhuli at nahuhuling mauuna." Sabi nga nila, ang langit daw ay puno ng surpresa! Ngunit katulad nga ng sabi ng Panginoon, isa lang naman ang daan papasok sa langit... ang makipot na pintuan! Kaya nga kung ang hanap natin sa pagiging Kristiyano ay "good time" at "pa-easy-easy" lang tayo sa pagsasabuhay ng ating mga tungkulin bilang tagasunod ni Kristo ay nagkakamali tayo... Hindi puwedeng maligamgam tayo sa harapan ng Diyos. Sala sa init... sala sa lamig! Ang pagiging Kristiyano ay isa lang ang hinihingi... ang maging tulad ni Kristo! Ang makipot na pintuan ay dinaraanan natin araw-araw. Laging bukas... nag-aanyaya ngunit dahil nga makipot ay ayaw nating daanan. Mahirap magpatawad. Mahirap maging tapat sa trabaho. Mahirap umunawa. Mahirap magbigay. Mahirap magpakatao... Mas madali ang gumawa ng kasalanan. Mas masarap ang alok nito. Walang hirap. Walang pasakit. Ngunit alam din natin ang patutunguhan ng pintuang maluwag... walang hanggang kapahamakan! Maging matalinong kang Kristiyano. Tandaan mo... isa lang ang daang patungo kay Kristo... at ang hahantungan mo ay nakasalalay sa daang pipiliin mo.
Linggo, Agosto 19, 2007
KATOLIKO... katok na liko pa! : Reflection for the 20th Sunday in Ordinary Time Year C - August 19, 2007
Madali ba ang maging Kristiyano? Sabi ng isang text na natanggap ko: "Ang edukasyon ang pintuan ng tagumpay... ang pangongopya ang susi!" Para sa maraming estudyante, ang pangongopya ay isang natural na bagay na at kung di mo gagawin ay o.p. ka sa kanila! Napakahirap magpakatotoo bilang isang Kristiyano kung napapalibutan ka ng mga taong hindi na malaman ang pagkakaiba ng tama sa mali. Ngunit ito naman talaga ang tadhana ng buhay na nakalaan kay Kristo... ang maging tanda ng kontradiksiyon! Kaya nga tama si Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Ang kanyang pagdating ay magdudulot ng pagkakahati-hati. Pagkakahati-hati ng mabubuti sa masasama... ng tama sa mali... ng baluktot sa diretso... Saan ka papanig bilang isang Kristiyano? Minsan may lumapit sa aking isang estudyante, "Fadz, di ko alam ang gagawin ko... ngayong nais ko ng magbago ay parang lalong sumasama ang pagtingin sa akin ng mga barkada ko. Tinatawag akong bakla, duwag, traydor... di marunong makisama." Ang sabi ko sa kanya, "Ganyan talaga ang pagiging isang mabuting Kristiyano... maraming hindi makakaintindi sa iyo. Pero 'wag kang mawawalan ng pag-asa. Sa kaloob-looban ay alam ng mga kabarkada mong tama ka at mali sila... hindi lang nila matanggap ang pagpili mo sa tama." Siguro, ito nga ang ibig sabihin ng pagiging "Katoliko". May KATOK na... LIKO pa!" Ok lang yun! Sabi nga ni San Pablo: "We are fools for Christ's sake!" Ok lang na maging katok at liko basta para kay Kristo!
Lunes, Agosto 13, 2007
ANG MAGAANG...TUMATAAS! : Reflection for the Solemnity of the Assumption - August 15, 2007
"Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... magaang tulad ng isang lobo." Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas! Kapistahan ngayon ng Pag-aakyat kay Maria sa Langit. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII , "si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan." Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad ng kalooban ng Diyos at di nabahiran ang kasalanan ang kanyang buhay. Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Ito ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang 15 taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanyan sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan. Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit!
Huwebes, Agosto 9, 2007
PRAKTIKAL NA PANANAMPALATAYA: Reflection for the 19th Sunday in Ordinary Time Year C - August 12, 2007
"Panginoon... iligatas mo ako! Sumasampalataya ako sa 'yo!" Sigaw ng isang lalaki sa itaas ng bubong ng kanilang bahay sa kasagsagan ng bagyong Dodong. Dumaan ang isang bangkang padala ng Red Cross. Tumanggi lamang ang lalaki at sinabing: "Mauna na kayo, ang Panginoon ang magliligtas sa akin." Dumaan din ang isang amphibian ng PNP. Pinasasakay siya ngunit umiling lamang at sinabing: "Iba na lang ang inyong isakay. Hindi ako pababayaan ng Panginoon." Sa wakas ay dumating ang isang helicopter na padala ng AFP. Ayaw pa rin ng matandang sumakay. "Malakas ang pananampalataya kong hindi ako pababayaan ng Panginoon kaya yumao na kayo!" Para matapos na ang kwento, namatay ang matanda at ng humarap na sa Panginoon ay hindi naitago ang kanyang pagkadismaya. "Panginoon, bakit mo ako pinabayaan. Malakas naman ang pananampalataya ko sa 'yo?" Sagot ng Panginoon, "Anung pinabayaan kita? Tatlong beses akong nagpadala ng tulong sa 'yo pero tinanggihan mong lahat! Kung naging praktikal lang sana ang pananampalataya mo..." Kailan natin masasabing praktikal ang isang pananampalataya? Alam natin ang kahulugan nito: paniniwala... pagtitiwala. Pero kalimitan ay nakakaligtaan natin ang ikatlong katangian ng praktikal na pananampalataya at ito ay ang... pagsunod! Kaya nga't madalas ay nakakakita tayo ng mga "doble-karang Kristiyano", magaling sa salita ngunit kulang naman sa gawa. Saulado ang kapitulo at bersikulo ng Bibliya ngunit hindi naman isinasabuhay ito... Ano ba ang nais ng Diyos sa atin? Simple lang... isabuhay mo ang pinaniniwalaan mo! Maging tulad tayo ng aliping laging handang naghihintay sa pagdating ng Panginoon. Hindi patulog-tulog, tamad, walang ginagawa, nagsasamantala sa kapwa. Ipakita natin ang isang pananampalatayang buhay! Pananampalatayang hindi lamang laman ng mga isinaulong panalangin o kaalaman sa katesismo, ngunit isang pananampalatayang nakikita sa ating pagsaksi bilang mga tagasunod ni Kristo. Huwang lang nating ipangaral ang pag-ibig, pagpapatawad, pagtulong sa mahihirap... isagawa natin ito... Tandaan natin na sa ating pinagkalooban nito ay mas higit ang inaasahan sa atin ng Panginoon. Buhay ba ang pananampalataya mo?
Sabado, Agosto 4, 2007
KAHANGALAN! : Reflection for the 18th Sunday in Ordinary Time Year C - August 5, 2007
Isang matandang negosyanteng intsik ang naghihingalo sa kanyang kama. Napapalibutan siya ng kanyang mga kasambahay na lubha naman ang pagkalungkot. Umuungol na tinawag niya ang mga nasa paligid: "Asawa ko, nand'yan ka ba? " Sagot si misis: "Oo mahal, nandito ako." "Ang panganay ko nand'yan ba?" Sagot si kuya: "Opo dad, nandito ako..." Tawag uli siya: "Ang bunso kong babae nan'dyan din ba?" Sagot si ate: "Yes dad, me here!" Biglang napasaigaw ang matanda: "Mga lintek kayo! Nandito kayong lahat... sino ngayon ang tumatao sa tindahan?" hehehe... Tingnan mo nga naman, mamamatay na lang e negosyo pa rin ang iniisip! Taliwas sa mga narinig natin sa mga pagbasa ngayon. Sa unang pagbasa sinabi ng mangangaral: "Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay!" Hindi niya sinasabing huwag na tayong mabuhay kung gaanoon. Kailangan nating magtrabaho para mabuhay. Kailangan nating mag-ipon ng kayamanan para sa ating seguridad. Ngunit ang ipinapaalala sa atin ay mag-ingat sa labis na paghahangad nito... mag-ingat sa kasakiman! Sa ebanghelyo ay sinasabihan tayo sa sasapitin ng taong nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos! Muli ay ibinabalik tayo ni Jesus na suriin ang ating sarili at tingnan kung ano ba ang pinahahalagahan natin sa ating buhay. Marahil ay ipinanganak tayong may kaya... marahil nagsikap tayo upang umunlad ang buhay natin... Pasalamatan natin ang Diyos! Ngunit hindi natatapos doon. Tingnan din natin kung papaano natin magagamit ang mga ito sa tamang paraan upang mapaunlad ang ating kabuhayan at makatulong din sa mga taong nangangailangan. Tayo ay tagapag-alaga lamang ng mga bagay na bigay sa atin ng Diyos. Sa sandali ng ating kamatayan ay magsusulit tayo sa mga bagay na ipinagkatiwala niya sa atin. Nakakatakot na matawag niya rin tayong "Hangal!" sapagkat naging sakim tayo!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)