Sabado, Abril 26, 2008

APOY AT ANG TUBIG : Reflection for the 6th Sunday of Easter A - April 27, 2008

Mayroong isang kuwento na minsan daw ay may isang taong nakakita sa isang anghel na may dalang sulo sa isang kamay at isang timbang tubig naman sa isa. Tinanong niya ang anghel kung para saan ito. Ito ang sagot ng anghel: "Sa pamamagitan ng sulo ay susunugin ko ang mga "mansiyon" sa langit at sa pamamagitan naman ng tubig ay bubuhusan at pupuksain ko ang apoy ng impiyerno. At makikita natin kung sino talaga ang taong nagmamahal sa Diyos!" Ito ang mensaheng nais ipahiwatig ng anghel: Marami sa ating mga Kristiyano ang sumusunod lang sa utos ng Diyos sapagkat takot sila sa "apoy" o parusa ng impiyerno o kaya naman ay sapagkat nais nilang manirahan sa "mansiyon ng langit." Kakaunti ang nakapagsasabing "sumusunod ako sa utos dahil mahal ko ang Diyos!" Sa Ebanghelyo ay malinaw ang mga salitang binitiwan ni Hesus: "Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos!" Mali ang pagsunod ng dahil sa takot at mali rin ang pagsunod dahil may hinihintay na kapalit. Ang tunay na pagsunod sa utos ng Diyos ay sapagkat mahal natin Siya. Walang takot. Walang hinihintay na kapalit. Ibig sabihin, nagsisimba ka hindi sapagkat takot kang magkaroon ng kasalanang mortal. Matulungin ka sa mahihirap hindi sapagkat may hinihintay kang gantimpala sa langit. Umiiwas ka sa masamang gawain hindi sapakat takot kang mapa-impiyerno! Hindi... Nagpapakabuti ka sapagkat MAHAL MO ANG DIYOS! Ang Espiritu Santo, ang Patnubay na ipinangako ni Hesus, ang s'yang tutulong sa atin upang masunod natin ng may pagmamahal ang Kanyang mga utos. Ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... mas nais Niyang Siya'y ating mahalin.

Linggo, Abril 20, 2008

ANG SIGURADONG DAAN: Reflection for the 5th Sunday of Easter Year A - April 20, 2008


Isang bagong pari ang nadestino sa isang liblib na baryo ang matiyagang naghanap ng kanyang bagong parokya. Dahil baguhan sa lugar ay hindi niya matunton ang simbahan kaya't nagtanong siya sa isang batang tagaroon. "Iho, saan ba dito ang daan papuntang Simbahan?" Hindi sumagot ang bata kaya't naisipan ng paring baguhin ang kanyang tanong. "Iho, kung sasabihin mo sa akin kung saan ang daan papuntang parokya ay ituturo ko sa iyo ang daan papuntang langit!" Sagot ang bata: "E kung yung daan nga pong papuntang parokya ay di n'yo alam, papaano pa kaya ang daan papuntang langit?" hehehe... Saan nga ba ang daan papuntang langit? Ang sabi ni Bro. Eli ay sa pamamagitan ng "Dating Daan". Ang sabi naman ni Ka Bularan ay sa "Tamang Daan". Tahimik lang tayong mga Katoliko sapagkat alam natin na nasa atin ang "Siguradong Daan"... Si Hesus! Siya ang "Daan, ang Katotohanan at Buhay!" Sa Kanya lamang natin matatagpuan ang tunay na kaligayahan. Taliwas sa itinuturo ng mundo na ang daan sa kaligayahan ay nasa kayamanan, salapi, katanyagan, kasarapan... Si Hesus bilang "daan" ay nagpakita sa atin na ang tunay na kaligayahan ay nasa pagtitiis ng hirap, pagpapakumbaba, pagsasakipisyo... At ang tanging hinihingi Niya sa atin ay malakas na pananampalataya: "... manalig kayo sa Diyos Ama, at manalig din kayo sa Akin." Hindi tayo magkakamali kung si Hesus ang daan na ating tatahakin sapagkat Siya lang naman talaga ang ating "SIGURADONG DAAN" tungo sa ating kaligtasan!

Sabado, Abril 12, 2008

BOKASYON... BUKAS 'YUN! : Reflection for the 4th Sunday of Easter A - April 13. 2008

Ang ika-apat na Linggo ng Muling Pagkabuhay ay laging inilalaan ng Simbahan upang ipagdasal ang pagpapalaganap sa bokasyon ng pagpapari at pagiging relihiyoso (madre at lay brother). Ang ebanghelyo ay parating tungkol sa Mabuting Pastol upang paalalahanan tayo ng pangangailangan ng Simbahan ng mabubuting pastol na naayon sa halimbawa ni Jesus. Siya ang Mabuting Pastol na talagang may malasakit para sa kanyang mga tupa. Ngunit mahirap itong ipalaganap kung hindi muna natin naiintindihan ang ibig sabihin ng "bokasyon". Ano ba ang ibig sabihin ng bokasyon? Sagot sa aking ng isang bata: "Father ang pinto pag hindi nakasara... bukas yon!" hehehe... Me tama din siya. Ang isang pintong bukas ay naghihintay... nag-aanyaya! Ang bokasyon ay ang paghihintay ng Diyos sa kanyang paanyaya sa atin. Ito ay ang ating pagtugon sa Kanyang pagtawag. Ang unang pagtawag ng Diyos ay ang tayo ay mabuhay bilang tao (human vocation). Sinasagot natin ito kung nabubuhay tayo ng mabuti at kapag pinagyayaman natin ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos. Ang ikalawang pagtawag ay ang ating pagiging Kristiyano (Christian vocation). Sinasagot natin ito kapag tayo ay nabubuhay na katulad ni Kristo (Christ-like). Ang resulta ay ang pinakamataas na pagtawag ng Diyos sa atin... ang pagiging banal (Call to Holiness!). Isinasagawa natin ang mga ito sa iba't ibang estado ng ating buhay bilang may asawa, single o walang asawa, at bilang pari o relihiyoso. Lahat ay daan tungo sa kabanalan. Bukas ang pintuang nag-aanyaya at ang pintuan ay walang iba kundi si Jesus! Siya ang pintuan na kung saan ay dapat dumaaan ang Kanyang mga tupa. Nakasalalay ang ating kaligayahan sa pagpasok sa tamang 'pintuan'... sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kapag tinawag ka ng Diyos sa pagpapari o pagmamadre ay wag ka ng mag-atubili pa! Wag kang matakot o mag-alinlangan sapagkat hindi pinababayaan ng Diyos ang kanyang tinawag. Kung minsan ay pinangungunahan tayo ng ating "kakulangan" at naiisip nating di tayo karapat-dapat sa pagtawag ng Diyos. Ang Diyos na tumatawag sa atin ang magpupuno ng ating kakulangan. Hindi dapat maging hadlang ang anumang bagay upang sumunod sa Kanya! Pamilya, kaibigan, kayamanan, "career", kakayahan... ay di dapat hadlang sa pagpasok sa "Pintuan". Isa lang ang pintuan... si Jesus! At sa Kanya nakasalalay ang ating kaligayahan.

Sabado, Abril 5, 2008

NASAAN BA ANG DIYOS? Reflection for the 3rd Sunday of Easter A - April 6, 2008

"Nasaan ba ang Diyos?" Tanong ng isang katekista sa kanyang mga batang tinuturuan ng katesismo. Sagot ang isa: "Sister, nandun po siya sa Simbahan, nakatago sa tabernakulo." "Very good!" sagot ni sister. "Sister", sabi naman ng isa: "Nandun po siya sa Banal na Komunyon na tinataggap namin sa Misa." "Very good!" sabi uli ni sister. Nagtaas ng kamay ang pinkapasaway niyang estudyante. "Sister, ang Diyos po ay nasa banyo namin!" "Haaa? Panung nangyari yun?" tanong ni sister. Kasi po, kaninang pagkagising ko ay narinig ko ang tatay ko na kinakalabog ang pintuan ng banyo namin at sinasabing: "Diyos ko... Diyos ko... ang tagal mo naman! Late na ako sa trabaho! Kelan ka lalabas d'yan?" hehe... Nasaan ba ang Diyos? Para sa dalawang alagad na pabalik ng Emaus, ang kanilang kinikilalang Mesias at Panginoon ay wala na. Kaya nga 't balot ng lungkot at pighati ang kanilang paglisan sa Jerusalem, ang lugar nang kanilang "pagkabigo". Ngunit ang kanilang pagkabahala ay pinawi ni Jesus. Siya mismo ang tumagpo sa kanila sa daan, ipinaliwanag ang Kasulatan at binuksan ang kanilang isipan sa "Paghahati ng Tinapay." Doon nila naunawaang ang Diyos pala ay "kapiling nila!" Ito rin marahil ang tanong ng marami sa atin. Nasaan ba ang Diyos? Kapag nahaharap tayo sa ating mga "Jerusalem", ang ating mga krisis, ay napakadali nating pagdudahan ang Kanyang pananatili at tinatahak agad natin ang ating mga "Emaus"... lugar ng kawalan ng pag-asa. Isa lang ang nais ipahiwatig sa atin ni Jesus... hindi Niya tayo binigo! Siya ay nanatili pa rin kapiling natin! Sa tuwing binubuklat natin ang Salita ng Diyos at nagsasalo sa paghahati ng tinapay sa Banal na Misa ay naroon Siya sa ating piling. Sa tuwing nagsasabi tayo ng "Amen!" sa pagtanggap natin sa Kanya sa Komunyon ay nanatilli siya sa ating pagkatao at dahil dito ay matatagpuan din natin Siya sa ating kapwa. Hingin natin sa Panginoon ang biyayang makita Siya at madama ang Kanyang pag-ibig. Lisanin natin ang ating "Emaus" at harapin natin ang ating "Jerusalem" upang makasama tayo sa kaluwalhatian ng muling pagkabuhay ni Jesus!