Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Hulyo 25, 2008
ANG TUNAY NA KAYAMANAN : Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year A - July 27, 2008
Isang matandang mayaman ang walang kaalam-alam na nanalo sa s'ya lotto ng Php 50 million. Ang problema ng kanyang mga kasambahay ay paano nila sasabihin sa kanya sa kadahilanang may sakit siya sa puso at matanda na! Naisip nilang imbitahan ang kanilang kura-paroko dahil kaibigang matalik ito ng kanilang lola at s'ya na ang magbalita sa maingat na paraan. Gayun nga ang kanilang ginawa, isang gabi ay dumalaw ang pari sa bahat at kinausap ang matanda: "Lola, kamusta na ang lagay ninyo?" Sagot ng matanda: "Mabuti naman po padre..." At nagkuwentuhan sila ng matagal. Nang mapansin ng pari na nalilibang na at relax na ang matanda ay tinanong niya ito: "Lola, kung sakaling manalo kayo ng Php 50 million sa lotto... anung gagawin ninyo sa pera?" "Aba padre," sabi ni lola, "kung ako ang mananalo ng 50 million sa lotto ay ibibigay ko ang kalahati sa Simbahan." Nang marinig ito ng pari ay inatake siya sa puso at namatay! hehe... Sino nga ba ang di hihimatayin sa gayong kalaking kayamanan? Wala naman sigurong taong matino ang pag-iisip ang ayaw yumaman. Dati rati ang kayamanan, hinuhukay, sinisisid, nilalakbay ng malayo. Ngayon siguro mas madali: tumaya ka lang sa lotto, sumali sa contest ng wowowee o eat bulaga, tumaya sa sugal... instant yaman ka na! Ang talinhaga ng nakatagong kayamanan at mamahaling perlas ay nagsasabi sa atin na dapat ay handa nating isakripisyo ang lahat mapasaatin lamang ang kayamanang nais nating makamtan. Hinalintulad ito ni Jesus sa "Kaharian ng Diyos." Kung kaya nating magsakripisyo para sa kayamanang makamundo na nabubulok at nasisira ay dapat gayun din sa mga bagay na espirituwal. Ang "kaharian ng Diyos" ay ang pagharian tayo ng Kanyang biyaya at mabuhay bilang mga tapat niyang anak. Dapat ay matuto tayong magpahalaga sa mga bagay na dapat unahin sa ating buhay. Kapag ang pagsisimba ay ipinagpapalit mo sa "mga lakad" mo sa araw ng Linggo ay hindi ka pa handang pagharian N'ya. Kapag sinasabi mong wala akong oras magdasal o gumawa ng mabuti sa iba ay hindi mo pinahahalagahan ang Kaharian ng Diyos. Kapag mas mahalaga sa iyo ang mga bagay na materyal kaysa ispirituwal... kapag labis mong pinagtutuunan ng pansin ang iyong katawan at napababayaan mo ang iyong kaluluwa ay malayo ka pa sa paghahanap sa tunay na kayamanan. Ano ba ang tinuturing mong kayamanan ngayon sa buhay mo? Kung nasaaan ang kayamanan mo... naroroon ang iyong puso...
Biyernes, Hulyo 18, 2008
ANG SULAT : Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year A - July 20, 2008
May isang kuwento na minsan daw ay inutusan ng Diyos si Anghel Gabriel upang pumunta sa lupa at bilangin kung ilan ang mga taong masasama. Agad itong sumunod upang gampanan ang kanyang misyon ngunit pagkatapos lang ng ilang araw ay agaran din itong bumalik. Nang tanungin siya ng Diyos Ama ay sinabi n'ya: "Panginoon, masyado pong marami ang taong masasama sa lupa. Puwede bang yung mabubuti na lang ang bilangin ko?" Sagot ng Diyos sa kanya: "Sige, mas mabuti pa nga para mas mapabilis ka." Muli siyang nagbalik at tulad ng inaasahan ay maaga niyang natapos ang pagbibilang. "Ngayon", sabi ng Diyos Ama,"papadalhan natin ng sulat ang mga taong mabubuti. Nais ko silang anyayahan sa isang piging. Bibigyan mo ng sulat ang bawat taong mabuti." At gayon nga ang ginawa ni Anghel Gabriel... binigyan ng sulat ang lahat ng taong mabuti sa lupa. Alam n'yo ba kung ano ang nakalagay sa sulat? Hindi? hahaha! Kung gayon ay hindi ka nabigyan! hehehe... Marahil isang kuwento lamang ngunit nagsasabi ito sa atin ng katotohanan. Tunay ngang may mga taong masasama sa ating mundo! Hindi natin ito maipagkakaila. Ang mas masaklap na katotohanan ay ito. Tila ang mga tao pang ito ang "nag-eenjoy" at nanagana sa kanilang pamumuhay samantalang ang mga mabubuti ay naghihirap! Ano ba ito? Bakit ang masasamang damo ang matagal mamatay? Bakit pinababayaan ng Diyos mangyari ito? Ang talinhaga sa ating Ebanghelyo ay may kasagutan: Ang Diyos ay mapagtimpi. Hindi niya ninanais ang kamatayan ng mga taong makasalanan ngunit ang kanilang pagbabalik-loob. "Unfair!" maari nating sabihin. Ngunit tandaan natin na iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Iba ang kanyang pamantayan sa ating pamantayan. Iba Siyang magmahal sa atin! Magising sana tayong mga makasalanan! Huwag nating balewalain o pagsamantalahan ang malaking pag-ibig ng Diyos. Bawat hininga natin ay dapat magpaalala sa atin na ang Diyos ay nagbibigay ng pagkakataong mahalin natin Siya. Pagkakataon upang suklian natin ang kanyang pagmamahal... Kung alam mo ito ay parang nakatanggap ka na rin ng Kanyang sulat. Mapalad ka. Isa ka sa mga minamahal ng Diyos!
Sabado, Hulyo 12, 2008
ANG BINHI AT LUPA : Reflection for the 15th Sunday in Ordinary Time Year A - July 13, 2008
Isang lola na parating nakaupo sa pinakaharap ng simbahan ang laging nahuhuli ng paring natutulog kapag siya ay nagsisimula ng magbigay ng homiliya. Minsan ay hindi na nakatiis ang pari at nang nakita niya muling natutulog ang matanda ay pabulong at marahan niyang sinabi sa mga tao: "Ang nais umakyat sa langit ay tumayo..." Natural, nagtayuan ang mga tao maliban sa matandang himbing na himbing sa pagtulog. Pagkatapos ay muli silang pinaupo at pagkatapos ay bigla siyang sumigaw ng malakas: "Ang nais mapunta sa impiyerno... tumayo!" At biglang balikwas si lolang tumayo. Hiyang-hiya ang matanda ng makita niyang nakaupo ang lahat at siya lang ang nakatayo. Kaya't nagpaumanhin siya sa pari at nagsabi: "Pasensiya na po kayo padre... di ko gaanong narinig ang sinabi ninyo. Pero sa nakikita ko ngayon... dalawa tayong nakatayo!" hehehe... si lola nga naman... nandamay pa sa impiyerno! Wag nating tawanan si lola sapagkat marami sa atin ay masahol pa sa kanya. Hindi ko lang tinutukoy ang pagtulog sa simbahan kundi ang ating pakikinig sa Salita ng Diyos. Sa dami ng misa na ating dinaluhan ay maaari nating sabihing "lunod na lunod" na tayo sa pakikinig sa Salita ng Diyos. Ang tanong... bakit parang wala itong epekto sa ating buhay? Ang kasagutan ay nasa ating ebanghelyo ngayon. Ang Diyos ang magsasakang naghahasik ng "binhi" ngunit kung minsan ay para tayong mga lupang ayaw tumanggap o kaya naman ay panandalian lamang ang pagtanggap sa Kanyang Salita. Ilan kaya sa atin ang tunay na makapagsasabing tumatanggap, isinasapuso at isinasabuhay ang Kanyang mga Salita? Ang Bibliya ay isinulat upang ipahayag, pakinggan at isabuhay. Hindi lang sana ito naka-display sa ating bookshelf o kaya naman ay nakatampok sa ating mga dambana o altarina sa bahay. Sana binubuksan din natin ito, binabasa, pinagninilayan, at isinasabuhay araw-araw. Kung kaya nating magsayang ng mahabang oras sa harap ng computer sana kaya rin nating maglaan ng kahit ilang sandali sa pagninilay ng Kanyang mga Salita. Kung kaya nating manood at matiyagang makinig sa mahahabang tele-serye sa tv, sana ganun din sa pakikinig sa Misa. Dito nakikita ang ating pagiging "mabuting lupa". Dito pinatutunayan ang ating pagiging mabuting Kristiyano.
Sabado, Hulyo 5, 2008
ANG PAMATOK NG DIYOS: Reflection for the 14th Sunday in Ordinary Time Year A - July 6, 2008
Minsan sa isang Golden Wedding Anniversary ay napansin ng isang pari na maluha-luha ang matandang lalaking habang pinapapanibago ang "pangako" ng kasal. Pagkatapos ng misa ay binati niya ito at sinabing: "Lolo, talaga sigurong napakaligaya ninyo ngayon sa 50th anniversary ninyo. Kanina halos mapaluha pa sa saya!" "Ay hindi Padre! Sa katunayan halos mapaiyak nga ako sa lungkot!" "Bakit naman?" ang tanong ng pari. Sagot ang matanda: "Kasi padre, alam mo... 50 years ago, tinakot ako ng tatay ng misis ko. Ikukulong n'ya raw ako ng 50 taon kapag di ko pinakasalan ang anak niya. Sana pala... kung di ko sinunod yon, malaya na ako ngayon!" hehehe... Marami tayong tinuturing na pabigat sa ating buhay: asawa, "monster-in-law"este mother-in-law pala, suwail at "ingratong" mga anak, plastic na kaibigan, mortal na kaaway, "bossing" na manager, etc... Kung minsan naman ay hindi tao: nakakasawang trabaho, utang na di mabayaran, minalas na negosyo, mahirap na pag-aaral, etc.. May good news at bad news ang ebanghelyo ngayon. Ang bad news ay hindi nangako ang Panginoon na tatanggalin Niya ang ating mga "pasanin" sa buhay. Ngunit may good news naman... pagagaanin niya ang ating mga pasanin! Ang sabi ng Panginoon ay gamitin natin ang Kanyang "pamatok". Ang pamatok ay ang kahoy na inilalagay sa batok ng hayop upang mapagaan ang kanyang paghila ng mga bagay. Kung tama ang pamatok hindi mnahihirapan ang hayop. At ano ang pamatok na ito? Walang iba kundi ang Kanyang tapat at walang sawang pag-ibig! Ang nais ng Panginoon ay dalhin natin ng may "pag-ibig" ang ating mga pasanin sa buhay. Kung lalagyan lang natin ng pagmamahal ang ating mga ginagawa araw-araw ay mapapagaan natin ito. Kaunting pagngiti, pagbati, pagkamusta ay sapat na upang makapawi ng pagod, sakit, at kalungkutan. Tandaan natin na hindi nagbibigay ang Diyos ng pasanin na di natin kayang buhatin. Ang Diyos ay kasama natin sa ating paghihirap at mga suliranin natin sa buhay. Nawa ang ating panalangin ay: "Panginoon, wag mong tanggalin ang mga pasanin ko ngayon, bagkus bigyan mo ako ng lakas na mabuhat ito sa pamamagitan ng iyong pagmamahal..."
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)