Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Agosto 28, 2009
MAPALAD KA! - Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year B - August 30, 2009
Nakagawian na ni "Mandong Mandurukot" ang dumaan sa Simbahan ng Quiapo at magdasal sa kanyang paboritong patrong Poong Nazareno pagkatapos ng maghapong pagtratrabaho. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng matalas na mata! Nakadukot ako ng cellphone sa katabi ko kanina sa bus na walang kahirap-hirap!" Bigla siyang may narinig na mahiwagang tinig: "Mapalad ka Mando... mapalad ka!" Nagulat siya sa sagot na kanyang tinanggap. Hindi niya ito gaanong binigyang pansin. Kinabukasan pagkatapos ng kanyang "trabaho" ay muli siyang dumaan sa simbahan. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng mabilis na kamay at paa. Hindi ako inabutan ng pulis na humahabol sa akin!" Muling lumabas ang mahiwagang tinig na ang wika: "Mapalad ka Mando... mapalad ka!" Nagulumihanan si Mando at sa puntong ito ay di na napigilang magtanong. "Panginoon, ikaw ba yan? Anung ibig sabihin mong mapalad ako?" At sumagot ang tinig: "Mapalad ka Mando at mabigat itong krus na pasan-pasan ko. Kung hindi ay ibinalibag ko na ito sa iyo!" hehehe... Marahil ay kuwento lamang ito ngunit may inihahatid sa ating mahalagang aral: Ang tunay na relihiyon ay wala sa panlabas na pagpapapakita ngunit nasa panloob na paniniwala at pagsasabuhay nito. Ano ang sabi ni Hesus tungkol sa mga Pariseo? “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat: ‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal." Paano ko ba ipinapakita ang pagiging Kristiyano? Baka naman natatali lang ako sa mga ritwal na panlabas at nakakalimutan ko ang higit na mahalaga? Mahalaga ang pagrorosaryo, pagsama sa prusisyon, pagdedebosyon sa mga santo, pagsisimba tuwing Linggo. Ngunit dapat nating tandaan na hindi lamang ito ang ibig sabihin ng relihiyon. May mas mahalagang hinihingi si Hesus sa atin. Ang sabi nga ng isang sikat na mangangaral na obispo: "Kung paanong ang pumapasok ng talyer ay hindi nagiging kotse... ganun din ang pumapasok ng simbahan ay hindi agad matatawag na Kristiyano." Hindi sapagkat nagsimba ka ay Kristiyano ka na! Hindi garantiya ang litanya ng mga debosyon, ang paulit na ulit na pagsambit ng panalangin, ang araw-araw na pagtitirik ng mga kandila kung ang lumalabas naman sa ating bibig ay paglapastangan sa kapwa, masasamang salita, paninira, paghuhusga sa kamalian ng iba... Sikapin nating magpakatotoo sa ating pagiging Kristiyano! Ang tunay na "mapalad" ay ang mga nakikinig sa Panginoon at nagsasabuhay ng Kanyang Salita. Ang sarap marinig sa Panginoon ang mga katagang: "Mapalad ka (pangalan mo)... MAPALAD KA!"
Biyernes, Agosto 21, 2009
Reflection: 21st Sunday in Ordinary Time Year B - August 23, 2009 - KRISTIYANONG BALIMBING!
Minsan may tatlong magkakaibigan, isang Muslim, isang Buddhist, at isang Katolikong pari ang nagpayabangan kung sino sa kanila ang may pinaka-makapangyarihang Diyos. Umakyat sila sa isang mataas na gusali at nagskasundong tatalon habang tumatawag ng tulong sa kanilang Diyos. Naunang tumalon ang Muslim, sumigaw s'ya ng "Allah, iligtas mo ako!" Ngunit tuloy-tuloy siyang lumagpak sa lupa na parang isang sakong bigas! Sumunod ang Buddhist. Hanggang nasa gitna siya ng pagbagsak ay sumigaw: "Buddha, iligtas mo ako!" At nakapagtatakang bigla siyang huminto sa ere at parang pakpak ng manok na dahan-dahang lumagpak sa lupa. Ngayon naman ay ang Katolikong pari ang tumalon. Lakas loob niyang isinigaw ang: "Panginoong Hesukristo, iligtas mo ako!" Pabulusok siyang bumagsak na parang kidlat at ng mapansin niyang walang nangyayari ay sumigaw siya ng: "Buddha, Buddha... iligtas mo ako!" Bakit kaya ganoon? Ang daling magbago ng ating isip kapag hindi natin makuha ang ating gusto. Madali natin iwanan at ipagpalit ang Diyos kapag hindi napagbibigyan ang ating kahilingan. Ang tawag sa ganitong mga tao ay "Kristiyanong balimbing!" Sa Ebanghelyo, narinig natin kung paano siya tinalikuran ng mga taong kanyang pinakain ng tinapay. Nakita nila at naranasan ang mahimalang pagpapakain. Saksi sila sa kanyang kapangyarihan. Sa katunayan ay nagbabalak na silang gawin siyang kanilang hari! Ngunit nang marinig nila ang pananalitang nagsasabing siya ang "Tinapay ng Buhay" ay biglang nagbago ang kanilang pagtingin sa kanya. “Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?” Mahirap sa kanila na tanggapin ang mga salita ni Hesus na ang Kanyang laman ay tunay na pagkain at ang Kanyang Dugo ay tunay na inumin. Hindi nila matanggap ito. Hindi ba kung minsan ganito rin tayo? Kapag hindi sang-ayon sa ating gusto ang turo ni Hesus o ng Simbahan ay madali nating itatwa ang ating pananampalataya. Bakit maraming Katoliko ang lumalaban sa aral ng Simbahan tungkol sa abortion, contraception, live-in, same-sex marriages, at marami pang usapin tungkol sa moralidad? Kasi nga ay hindi ito sang-ayon sa kanilang gusto. Para sa kanila ay panghihimasok ito sa kanilang personal na buhay! Totoong mahirap maintindihan ang pag-iisip ng Diyos at mas mahirap isabuhay ito. Sa mga pagkakataong nalalagay tayo sa pag-aalinlangan at kinakalaban ng ating pag-iisip ang "pag-iisip ng Diyos", sana ay masabi rin natin ang mga salitang binitiwan ni Pedro: “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami at ngayo’y natitiyak naming kayo ang Banal ng Diyos.”
Linggo, Agosto 16, 2009
Reflection: 20th Sunday in Ordinary Time Year B - August 16, 2009: MAGIC SA PAGKAIN
Alam mo bang kakaibang nangyayari kapag ikaw ay kumakain? Ang pagkain ay isang "psychomotor activity" kaya't marahil ay hindi natin lubos na pinag-iisipan kapag ating ginagawa. Subo lang tayo ng subo. Lunok lang ng lunok. Kain lang ng kain. Kaya tuloy, pataba tayo ng pataba. Pataas ng pataas ang ating bilbil hanggang umabot na sa ating kili-kili. May parang "magic" na nangyayari sa tuwing tayo'y kumakain. Nagiging kabahagi natin ang ating kinakain. Pinapasok natin sa ating katawan ang isang bagay na patay at binibigyan natin ito ng buhay! Kaya nga kung nais mong maging malusog ang iyong pangangatawan ay dapat na masusustanyang pagkain ang kainin mo. Nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain! Alam marahil ni Hesus ang prinsipyong ito kaya't ginamit niya ang simpleng halimbawa ng pagkain upang iparating ang kahalagahan ng pakikiisa sa kanya. “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Sa unang pagkarining ay parang kahibangan ang sinasabi ni Hesus. Sa katunayan, marami ang hindi nakaintindi sa kanya. Maging sa panig ng kanyang mga tagasunod ay may umalis at tumiwalag dahil sa bigat ng kanyang mga pananalita. Para nga namang kanibalismo ang nais niyang ituro sa kanila: "Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya." Ngunit alam nating hindi ito ang kanyang pakahulugan. Mapalad tayo sapagkat ngayon ay alam nating ang Sakramentto ng Eukaristiya ang kanyang tinutukoy. Tunay na katawan at dugo ni Hesus ang tinatanggap natin sa Eukaristiya at hindi lang simbolismo. Kaya nga't kung naniniwala tayo sa prinsipyong "nagiging kabahagi natin ang ating kinakain" ay dapat maunawaan natin ang ibig sabihin ng pananahan ni Hesus sa atin bilang Kristiyano. Sa tuwing tinatanggap ko si Hesus sa Banal na Komunyon, naniniwala ba akong nagiging kabahagi ko Siya? Ako ba'y nagiging mas mapagkumbaba, mas mapagpatawad, mas maalalahanin, mas matulungin sa aking kapwa? Marahil ay "marami pa tayong kakaining bigas" sa pagiging tunay na Kristiyano. Ngunit ang lahat ay nagsisimula sa unang subo... maniwala tayo na ang ating tintanggap sa Banal na Komunyon ay ang TUNAY NA KATAWAN ni KRISTO!
Biyernes, Agosto 14, 2009
Reflection: Solemnity of the Assumption - August 15, 2009: ANG MAGAANG TUMATAAS! (Reposted)
"Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... magaang tulad ng isang lobo." Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas! Kapistahan ngayon ng Pag-aakyat kay Maria sa Langit. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII , "si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan." Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad ng kalooban ng Diyos at di nabahiran ang kasalanan ang kanyang buhay. Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Ito ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang 15 taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanyan sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan. Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Iaakyat din tayo sa itaas...
Sabado, Agosto 8, 2009
Reflection: 19th Sunday in Ordinary Time Year B - August 8, 2009: PAGKAGUTOM
"Tatay laro tayo!" Sabi ng bata sa kanyang tatay na abala sa trabaho. "Hindi muna ngayon anak marami akong ginagawa." "Anung ginagawa mo?" "Nagtratrabaho." "E bakit ka nagtratrabaho?" Pakulit na tanong ng anak. "Para yumaman tayo." "E bakit gusto mong yumaman tayo?" Tanong uli ng anak. "Para marami tayong pera." Sagot ng tatay na medyo nakukulitan na. "E bakit gusto nyong magkapera?" Nagtaas na ng boses ang tatay: "Para may makain tayo!" Tanong uli ang anak: "E bakit tayo dapat kumain?" Sumigaw na ang tatay: "Para di tayo magutom!" Tumahimik sandali ang bata at pagkatapos ay sinabi: "Tatay... hindi po ako nagugutom! Laro tayo!" Bagamat hindi gutom ang bata sa pagkain, may pagkagutom pa rin siyang nadarama! Ang pagkagutom ay hindi lang pisikal. May pagkagutom ding espirituwal tulad ng pagkagutom sa katotohanan at justisya, pagkagutom sa kapayapaan, pagkagutom sa pagmamahal... Ngunit ang higit sa lahat ng pagkagutom ay ang "pagkagutom sa Diyos." Batid ni Hesus ang pagkagutom na ito kaya't inialok niya ang kanyang sarili upang maging pagkaing nagbibigay buhay! Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Mapalad tayo dahil maari natng tanggapin ang pagkaing ito linggo-linggo... araw-araw! Bilangin mo ang mga komunyong tinanggap mo... madami na di ba? Anung epekto nito sa 'yo? Nagbabago na ba ang pag-uugali mo? Nagiging mas mapagmahal ka ba sa yong kapwa? Mapagpatawad sa yong mga kaaway? Namumuhay na matuwid? Tanong lang naman...
Miyerkules, Agosto 5, 2009
from CORY MAGIC... to CORY MIRACLE! Short Reflection and Tribute to Pres. Cory Aquino: August 5, 2009
May malaking pustahan daw na nangyayari ngayon sa langit... Nagpupustahan ang mga anghel at mga banal na naroon kung kaninong libing ang mas maraming tao... ang kay Ninoy ba o kay Cory! Totoo nga naman. Magdamag akong tumutok sa telebisyon upang panoorin ang libing ng ating minamahal na Pangulong Corazon Aquino. Nasa loob ako ng aming community room. Ligtas sa lakas ng ulan. Kumportableng nakaharap sa aking laptop computer. Ngunit damang-dama ko ang kakaibang init ng maraming taong nakalinya at matiyagang naghihintay upang masumpungan sa huling pagkakataon ang labi ng kanilang mahal na Pangulo. Dama ko ang ngalay nilang paa. Dama ko ang kumakalam nilang sikmura. Dama ko ang lamig ng ulan sa katawan ng mga taong walang dalang payong. Dama ko ang kanilang pananampalataya sa taong nagbalik sa kanila demokrasya at kalayaan! Ang tawag daw dito: "Cory Magic!" Ang tawag ko naman... "Cory Miracle!" Isang milagrong bunga ng pananampalataya ng isang taong napakalakas ang kapit sa Diyos sa mga napakahirap na taon ng kanyang pamumuno bilang Presidente. Napakaraming nagduda noon sa kanyang kakayahanng mamuno. Hindi siya pulitiko! Hindi ekonomista! Walang alam sa pagpapatakbo ng bayan. Ang maraming pagtatangka ng ilang militar upang agawin ang kanyang pamumuno ay isang malinaw na halimbawa. Ngunit nalagpasan niya ang lahat ng ito. Ang kanyang sandata... malakas na pananampalataya sa Diyos! Ngayong siya ay inihahatid sa huling hantungan, walang pagdududang isang malaking himala ang kanyang ginagawa at gagawin sa puso ng bawat Pilipino. Ngayong nahaharap tayo sa "krisis ng kredibilidad" ng ating mga pinuno, at ito nga ay nararamdaman na natin sa nalalapit ng halalan, siguradong gagawa siya ng himala sa puso ng mga tao! Nawa ang "Cory Magic" ay magtuloy sa isang "Cory Miracle", na sana ay hipuin ang matitigas na puso ng ating mga lider at matuto sa pagpapakumbaba, pagiging tunay na tao at pagkamaka-Diyos ng ating mahal na Pangulong Corazon Aquino! Maraming Salamat minamahal naming Pangulo!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)