Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Huwebes, Enero 14, 2010
Reflection on the Feast of Sto. Nino - January 17, 2010: PAGTULAD SA MGA BATA
May joke sa isang text: A woman gave birth to an ugly child. She said: "What a lovely and beautiful child... He's a treasure!" The husband said: "Yeah... let's bury him!" hehehe... Hindi siguro ito totoo sa ating kultura. Tayong mga Pilipino ay likas na mapagmahal sa mga bata. Magaang ang ating loob sa kanila. Kaya nga't hindi nakakagulat na isa tayo sa bansang napakarami ang populasyon. Mas maraming anak... mas masaya! Bahala na kung papaano sila papakainin at bubuhayin! Kaya siguro malapit sa ating puso ang Kapistahan ng Sto. Nino. Sa mukha ng maraming bata ay nakikita natin ang mukha ng batang Hesus! Makahulugan ang mga salitang binitawan ni Hesus sa Ebanghelyo. Hindi siya nagbibiro ng sabihin niyang: "Hanggang hindi kayo natutulad sa mga bata, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit." (Mt. 18:10) Hindi niya nais na mag-isip bata tayo. Bagkus nais niyang maisabuhay natin ang natatanging katangian ng isang bata: Una, ang kababang-loob. Hindi ugali ng mga bata ang magpasikat. Ang matatanda pa nga kung minsan ang natutulak sa batang maging makapal ang mukha! At ikawala, ang katangiang magtiwala. Panatag ang kalooban ng isang bata sapagkat alam n'yang hindi siya iiwan ng kanyang magulang. Sa kapistahang ito ng Sto. Nino ay isabuhay natin ang dalawang katangiang ito: maglingkod sa ating kapwa ng may pagpapakumbaba, magtiwala sa Diyos lamang at hindi sa kapangyarihang ibinibigay ng mundo. At makikita natin na ang kaharian ng Diyos ay hindi pala mahirap marating...
Sabado, Enero 9, 2010
Reflection: Feast of the Lord's Baptism Year C - January 10, 2010: SECOND EPIPHANY (Reposted)
Ang Kapistahang ipinagdiriwang natin ngayon ay may pagkakahawig sa kapistahang ipinagdiwang natin noong nakaraang Linggo. Sa katanuyan, ang tawag din sa kapistahang ito ay "Ikalawang Epipanya o Pagpapakita kay Jesus". Ano naman kaya ang ipinahayag ni Jesus sa kapistahang ito at ano ang itinuturo nito sa atin? "May isang lasing na naglalakad sa isang madilim na kalsada. Dala ng kanyang kalasingan ay hindi niya napansin ang isang malaki at malalim na hukay sa kanyang daraanan. Natural, nalaglag siya sa hukay! Natauhan siya at nang makitang may kalaliman ang hukay ay naglakas-loob na s'yang sumigaw upang humingi ng tulong. Mabuti na lang at may isang lalaki ring napadaan sa hukay ng makita ang lasing sa ibaba ay bigla s'yang tumalon! Laking pagkagulat ng lasing at tinanong siya: "Anung ginagawa mo dito?" Sagot ng lalaki: "Narinig ko ang sigaw mo... medyo mahina, kaya tumalon ako para tulungan ka... para mas malakas ang sigaw natin!" hehe... May katangahan din naman ang taong iyon kung ating iisipin. Pero ganyan ang ginawa ng Diyos nang Siya ay nagdesisyong maging tao. Tumalon Siya sa hukay upang samahan tayo. Nakiisa Siya sa atin. Ito ang mensahe ng Kapistahan ngayon: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi! Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos. At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos. Ano ang itinuturo nito sa atin? Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay nangako tayong tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na Anak ng Diyos Ama. Ikalawa, na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at kaaya-aya. Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos. Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpakakristiyano. Madali sapagkat buhos lang tubig sa ulo ang kinakailangan. Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba. Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano... Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo!
Sabado, Enero 2, 2010
Reflection: Dakilang Kapistahan ng Epipanya (Pagpapakita) - January 3, 2009: ANG IKALAWANG PASKO
Sinasabing ang Epipanya ay "Ikalawang Pasko" na kung saan ay araw ito ng pagbibigay ng regalo. May kuwento ng isang kura paroko na niregaluhan ng kanyang mga parokyano. Dahil sa liit ng kanyang parokya ay halos kilala niya lahat ang mga tao at ang mga kabuhayan nito. May isang batang lumapit na may bitbit na kahon na ang pamilya ay may "bake shop". Sabi ng pari: "Ah, alam ko yang dala-dala mo... cake yan 'no?" Sagot ng bata: "Ang galing mo Father, pano mo nahulaan?" "Obvious ba? e may bakeshop kayo?" Sagot sa kanya ng pari. Lumapit ang ikawalang bata na may dala ring regalo na ang pamilya naman ay may pagawaan ng sapatos. "Alam ko yang regalo mo... sapatos yan!" Sabi ng pari. Laking gulat ng bata at tanong sa pari: "Pano mo nalaman Father?" "Obvious ba? May pagawaan kayo ng sapatos di ba? hehehe" Patawang sagot ng pari. Lumapit ang isa pang bata na may dalang kahon na medyo basa pa ang ilalim. May tindahan sila ng mga alak. Sabi ng pari: "Alam ko yan... alak yan." Hinipo ang basang bahagi ng kahon at tinikman. "Aha! Champagne ito... maasim!" Sabi ng pari. "Hindi po padre!" Sabi ng bata. "Mompo?" "Hindi rin po!" "E, ano ito...?" Sagot ng nakangiting bata: "Tuta po!" Kaya mag-ingat sa susunod na pagtanggap ng regalo! Tingnan muna bago tikman! hehehe... Ngunit kung titingnan natin ay kakaiba ang pagbibigayan ng regalo sa Pasko: Ang may birthday ang nagbibigay ng regalo... tayo ang tumatanggap! Ang Epipanya ay nagsasabi sa atin na may Diyos na nagbigay ng dakilang regalo sa atin nang ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayong lahat ay maligtas! Walang pinipili ang Diyos! Ang regalo Niyang Anak ay para sa lahat. Lahat ay nais Niyang maligtas! Wala tayong ibang masisisi kundi ang ating sarili kung tinanggihan natin ang dakilang regalong ito mula sa Kanya. Paano ko ba pinahahalagahan ang kaligtasang bigay sa akin ng Panginoon? Patuloy pa ba ako sa paggawa ng kasalanan? Sa pagkakahumaling sa mga bisyo? Sa pagpapa-iral ng masamang pag-uugali? Marahil tulad ng mga pantas sa Ebanghelyo, ng malaman nila ang masamang balakin ni Haring Herodes, ay nagbago sila ng daan pauwi. Oras na rin para talikuran natin ang DATING DAAN ng pagiging makasalanan at tahakin ang BAGONG DAAN ng pagbabago! (Excuse me po... Bro. Eli! hehehe) Katulad rin ng mga pantas, hayaan natin ang "Star ng Pasko" ang gumabay sa atin tungo sa daan ng pagbabago. Sa huling pagkakataon: Isang maligaya at mapayapang Pasko sa inyong lahat!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)