Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 26, 2011
SINO ANG BOSS MO? : Reflection for 8th Sunday in Ordinary Time Year A - February 27, 2011
Isang kura paroko ang balisang-balisa kung saan n'ya kukunin ang malaking halagang kinakailangan upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang parokya. Sinisingil na s'ya ng mga contractors ng kanyang pinapagawang simbahan at parish hall. Ipinadala na ang notice ng Meralco na mapuputalan na sila ng kuryente. Malapit na ang katapusan ng buwan at wala pa siyang pangsuweldo sa mga empleyado ng parokya. Gulong-gulo ang kanyang isipan. Saan s'ya hahanap ng pera? Nagkataong nagkaroon ng promo ang isang RC Cola, ang grand prize: sampung milyong piso! Simple lang ang gagawin. Bibili lang ng softdrinks. Bubuksan ang takip. Bubuuin ang tatlong numero: 1, 2 at 3! At presto... may 10 million pesos ka na! Agad-agad nagtungo ng tindahan si padre at bumili ng isang case na RC cola! Mukhang nadasalan niya ata ang mga softdrinks sapagkat sa unang bukas pa lamang ng tansan ay lumabas agad ang # 1. Sa susunod na bukas ay lumabas naman ang # 3. Excited na binuksan niya ang pangatlo ngunit hindi lumabas ang # 2. Nagbukas siya uli ngunit ang lumalabas ay pag hindi # 1 ay # 3. Ayaw talagang lumabas ng # 2. Nakasampung case na siya ng softdrinks ngunit wala pa rin ang #2. Nang biglang may lalaking lumapit sa kanya na ang sabi: "Father, gusto ko pong magkumpisal..." Balisang-balisang sumagot ang pari: "Bakit naman ngayon pa! May ginagawa ako! Bakit? Anu bang kasalanan mo?" Sumagot ang lalaki: "Father may number two po ako..." Biglang napasigaw ang pari: "Ano? may number two ka? Akin na lang!" ehehe.. Kung minsan katulad din tayo ng pari. Balisang-balisa sa paghahanap ng pera. Balisang-balisa sa pagkakaroon ng kayamanan! Para sa atin ang sinasabi ng Panginoon: "Hindi kayo makapaglilingkod ng sabay sa Diyos at kayamanan." Totoong kinakailangan natin ang pera para mabuhay. Kinakailangan natin ng pagkain, kasuotan at matitirhan. Ang mga ito ay nangangailangan ng salapi. Hindi masama ang maghangad at magkaroon nito. Ang masama ay sobrang paghahangad nito at nawawala na ang ating tiwala sa Diyos na mapagkalinga at mapag-aruga. Sa mga pagbasa sa Linggong ito ay pinapaalalahanan tayo ng Diyos na ilagay natin ang ating pagtitiwala sa kanya. Sa unang pagbasa pa lamang ay sinasabihan na tayong kailanman ay hindi niya tayo malilimutan at tatalikuran. Sa Ebanghelyo ay gumamit pa ang Panginoon ng mga halimbawa: ang mga ibon sa himpapawid, ang mga bulaklak sa parang: ang mga ito'y inaalagaan ng Diyos. Paano pa kaya tayong mga taong mas higit pa sa mga ito? Kaya nga't napakaganda ng kanyang habilin sa atin: "Hanapin natin ang kaharian ng Diyos at magsumikap na gawin ang Kanyang kalooban at ang atin namang pangangailangan ay Kanyang sasagutin." Tandaan natin na may mga bagay na hindi nabibili ng salapi tulad ng pagmamahal, pagpapatawad, kapayapaan at higit sa lahat ang kaligtasan ng ating kaluluwa! Magtrabaho tayo upang mabuhay. Ngunit mabuhay tayo na nagtratrabaho para sa kaligtasan ng ating kaluluwa. Tugunan natin ang mga pangunahing pangangailan ng ating katawan. Ngunit wag nating kalilimutan na may kaluluwa tayong dapat iligtas. Pagsilbihan natin ang tunay na amo... ang Diyos at hindi ang salapi! Hindi tayo maaring magsilbi ng sabay sa dalawang panginoon. Sino ba ang "boss" mo?
Sabado, Pebrero 19, 2011
MATA SA MATA, NGIPIN SA NGIPIN: Reflection for the 7th Sunday in Ordinary Time Year A - February 20, 2011
Sino ang binigyan mo ng regalo noong nakaraang Valentines Day? Siguro nagbigay ka ng bulaklak sa iyong "inday". Siguro nagbigay ka ng cake sa mga magulang mo. Siguro nagbigay ka ng simpleng card sa 'yong mga minamahal na kaibigan. May ibinigay ka ba sa iyong kaaway? Siguro nagbigay ka ng rosas, rosas na may bubuyog! Siguro nagbigay ka ng pagkain, pagkaing panis na! Siguro nagbigay ka ng ice cream, ice cream na tunaw at puwede ng gawing juice! Totoo nga naman... mahirap mahalin ang kaaway. Mahirap magpakita ng pagmamahal sa taong nagbibigay sa iyo ng sama ng loob! May isang bilanggong pari noong World War II ang nakapiit sa isang concentration camp. Nalaman ng guwardia na siya ay isang Katolikong pari kaya't kinutya niya ito. Sinampal siya at sabay sabi: "Nakasulat sa inyong Bibliya na kapag sinampal ka sa kanang pisngi ay ibigay mo ang kaliwa!" Dahan-dahang hinarap ng pari ang kanyang kaliwang pisngi. Sinampal siya ng sundalo at sabay ngisi. "Kapatid" sabi ng pari, "natupad ko na ang sinasaad sa Banal na Kasulatan," sabay taas ng kanyang kamay at isang malakas na upper cut ang kanyang pinakawalan ng pari. "Mata sa mata... ngipin sa ngipin!" Ito ang batas na umiiral sa Lumang Tipan. Hindi lamang upang makapaghiganti ngunit upang makapagbigay ng hustisya sa taong naargabyado. Ngunit ano ang mangyayari kung patuloy nating paiiralin ang batas na ito? Ang sabi ng namayapang si Mahatma Gandhi: "Kung paiiralin natin ang batas na mata sa mata at ngipin sa ngipin, darating ang araw na ang ating mundo ay punong-puno ng mga bulag at bungi!" Totoo nga naman. Hindi kapayapaan ang iiral kundi paghihiganti! Kaya nga pinaging ganap ni Jesus ang aral na ito ng lumang tipan ng sinabi niyang "Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo..." Maari bang ibigin ang kaaway? Mahirap ngunit posible! Maari sapagkat ang tunay na pag-ibig ay hindi pakiramdam. Sabi sa isang nabasa kong aklat: "Loving is willing not feeling!" Ginusto mo ang magmahal! Iniibig mo ang isang tao hindi sapagkat "feel" mo na mahal mo siya at mahal ka niya. Eh papaano kung hindi ka niya "feel"? Si Jesus ay namatay sa krus para sa atin hindi sapagkat "feel" niya tayong mahalin ngunit sapagkat ginusto niya na sundin ang kalooban ng Ama. Nagpapatawad ka hindi sapagkat "feel" mong magpatawad ngunit sapagkat nais mong magpatawad. Kung minsan kinakailangan nating turuan ang ating mga puso. Marami sa atin ang broken hearted sapagkat nasa feeling level lamang ang ating pagmamahal. Subukan mong magmahal katulad ng pagmamahal sa iyo ng Diyos. Magmahal ka hindi lamang sa mga taong mahal mo ngunit maging sa mga kaaway mo.
Linggo, Pebrero 13, 2011
ANG MAS MAKAPANGYARIHAN SA DIYOS: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year A - February 13, 2011
"Nanay, ano po ba ang sampung utos?" tanong ng isang bata sa kanyang ina. "Anak, " sagot ng nanay, "'Yan ang ibinigay ng Diyos kay Moises at ipinapakita nito na ang Diyos ay Makapangyarihan!" Bahagyang tumahimik ang bata at nag-isip. "Kung gayon nanay, mas makapangyarihan pa pala kayo sa Diyos!" Bulalas ng batang nakangiti. "Bakit naman? Sagot muli ng nanay. "Kasi ang dami-dami n'yong utos eh! Ang Diyos... sampu lang!" Noong panahon ni Jesus ay may mga taong "mas makapangyarihan" pa sa Diyos! Ang mga Pariseo at mga Eskriba na itinalagang tagapag-alaga ng Kautusan ay naging mas makapangyarihan pa sa Diyos - pinarami nila ang sampung utos! Kaya nga si Jesus ay malimit na maakusahang binabalewala ang batas. Dahil para sa kanila, ang literal na pagsunod sa kautusan ang naggagarantiya ng kanilang kabanalan! Ang matuwid na Israelita ay sumusunod sa Kautusan! Ngunit malinaw ang mga salitang binitawan ni Jesus sa kanila, dumating Siya "hindi upang pawalang bisa ang kautusan kundi upang gawin itong ganap!" At iyon nga ang nais ni Jesus na kanilang maintindihan: Hindi ang sinasabi ng batas kundi ang layunin kung bakit ito ibinigay ng Diyos ang higit na mahalaga! Kasalanan ang pumatay ngunit baka hindi natin nakikita na ang "pagkapoot" sa kapwa ay nagdadala dito. Masama ang maki-apid ngunti baka hindi natin namamalayan na ang pagtingin at pag-iisip ng mahalay sa isang babae ay nagdadala rin sa atin sa kasalanang ito. Kaya nga ang nais ni Jesus ay muli nating balikan ang ating mga sarili at tanungin natin ng tapat kung bakit ba natin sinusunod ang kautusan. Ano ba ang layunin ng aking pagtupad sa mga kautusan? Bakit ako nagsisimba tuwing Linggo? Bakit kinakailangan kong sumunod sa magulang? Bakit masama ang magnakaw? Mahalaga ang pagsunod sa batas. Totoong katibayan ito ng ating katapatan sa Diyos. Ngunit sana ang mamayani sa atin ay hindi ang literal na pagtupad dito kundi ang diwang dapat maghari sa ating puso! At ang tanging diwang dapat mamayani sa atin ay "pag-ibig." Sinusunod ko ang Kautusan sapagkat "mahal ko ang Diyos!" Tama ang sinabi ni San Agustin: "Love and do what you want!" Siguradong hindi tayo magkakamali sa ating mga desisyon kung sasamaha natin ng pagmamahal ang ating pagsunod sa mga ipinag-uutos ng Diyos!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)