Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Mayo 29, 2011
PAGSUNOD AT PAG-IBIG: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year A - May 29, 2011
Paano mo malalaman kung tunay ang iyong pagsunod sa mga utos ng Diyos? Tanungin mo ang iyong sarili... Bakit ka nagsisimba tuwing Linggo? Marahil sasabihin ng iba ay sapagkat takot silang malabag ang ikatlong utos ng Diyos. Ang iba naman marahil ay sapagkat may karampatang kapalit ang pagpapakabuti; may langit na naghihintay sa mga sumusunod ng kanyang utos. Tama ba o mali ang ganitong mga dahilan? Mayroong isang kuwento na minsan daw ay may isang taong nakakita sa isang anghel na may dalang sulo sa isang kamay at isang timbang tubig naman sa isa. Tinanong niya ang anghel kung para saan ito. Ito ang sagot ng anghel: "Sa pamamagitan ng sulo ay susunugin ko ang mga "mansiyon" sa langit at sa pamamagitan naman ng tubig ay bubuhusan at pupuksain ko ang apoy ng impiyerno. At makikita natin kung sino talaga ang taong nagmamahal sa Diyos!" Ito ang mensaheng nais ipahiwatig ng anghel: Marami sa ating mga Kristiyano ang sumusunod lang sa utos ng Diyos sapagkat takot sila sa "apoy" o parusa ng impiyerno o kaya naman ay sapagkat nais nilang manirahan sa "mansiyon ng langit." Kakaunti ang nakapagsasabing "sumusunod ako sa utos dahil mahal ko ang Diyos!" Sa Ebanghelyo ay malinaw ang mga salitang binitiwan ni Hesus: "Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos!" Mali ang pagsunod ng dahil sa takot at mali rin ang pagsunod dahil may hinihintay na kapalit. Ang tunay na pagsunod sa utos ng Diyos ay sapagkat mahal natin Siya. Walang takot. Walang hinihintay na kapalit. Ibig sabihin, nagsisimba ka hindi sapagkat takot kang magkaroon ng kasalanang mortal. Matulungin ka sa mahihirap hindi sapagkat may hinihintay kang gantimpala sa langit. Umiiwas ka sa masamang gawain hindi sapakat takot kang mapa-impiyerno! Nagpapakabuti ka sapagkat MAHAL MO ANG DIYOS! Hindi madali ang magkaroon ng ganitong pananaw at pag-iisip. Kaya nga ipinangako ni Hesus ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo, ang Patnubay na ipinangako ni Hesus, ang s'yang tutulong sa atin upang masunod natin ng may pagmamahal ang Kanyang mga utos. Ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... mas nais Niyang Siya'y ating mahalin.
Sabado, Mayo 21, 2011
ANG SIGURADONG DAAN: Reflection for 5th Sunday of Easter Year A - May 22, 2011
Marahil ay isa ka rin sa mga kinabahan nang sinabi ng isang sektang magugunaw na ang mundo noong May 21, 2011. May mga ibang sineryoso ang balita, may iba namang binalewala at pinagtawanan lamang. Katulad ng isang kuwento nang may isang lalaking sumigaw sa isang Mall: "Magbalik-loob na kayo sa Diyos! Katapusan na! Katapusan na!" Biglang sumbat ng isang tindera, "Tanga! Kinsenas pa lang!" hehe... Kanino nga ba dapat tayo maniwala? Sino ba ang nagsasabi ng katotohanan? Sino ba ang nakakaalam ng tamang daan? Isang bagong pari ang nadestino sa isang liblib na baryo ang matiyagang naghanap ng kanyang bagong parokya. Dahil baguhan sa lugar ay hindi niya matunton ang simbahan kaya't nagtanong siya sa isang batang tagaroon. "Iho, saan ba dito ang daan papuntang Simbahan?" Hindi sumagot ang bata kaya't naisipan ng paring baguhin ang kanyang tanong. "Iho, kung sasabihin mo sa akin kung saan ang daan papuntang parokya ay ituturo ko sa iyo ang daan papuntang langit!" Sagot ang bata: "E kung yung daan nga pong papuntang parokya ay di n'yo alam, papaano pa kaya ang daan papuntang langit?" hehehe... Saan nga ba ang daan papuntang langit? Ang sabi ni Bro. Eli ay sa pamamagitan ng "Dating Daan". Ang sabi naman ni Ka Bularan (mga Iglesia ni Manalo) ay sa "Tamang Daan". Tahimik lang tayong mga Katoliko sapagkat alam natin na nasa atin ang "Siguradong Daan"... Si Hesus! Siya ang "Daan, ang Katotohanan at Buhay!" Sa Kanya lamang natin matatagpuan ang tunay na kaligayahan. Taliwas sa itinuturo ng mundo na ang daan sa kaligayahan ay nasa kayamanan, salapi, katanyagan, kasarapan sa buhay. Si Hesus bilang "daan" ay nagpakita sa atin na ang tunay na kaligayahan ay nasa pagtitiis ng hirap, pagpapakumbaba, pagsasakripisyo... At ang tanging hinihingi Niya sa atin ay malakas na pananampalataya. Ang sabi Niya nga sa Ebanghelyo ngayong Linggo, "Manalig kayo sa Diyos Ama, at manalig din kayo sa Akin." Sinasabihan Niya tayong "manalig" sapagkat ang daan patungo sa kapahamakan ay napakalawak. Walang hirap. Pa-easy-easy! Papetiks-petiks! Samantalang ang daan patungo sa langit ay mahirap! Puno ng pagtitiis! May kasamang pag-uusig at pagkamatay sa sarili! Madaling magsinungaling mas mahirap magsabi ng totoo. Madaling magnakaw, mas mahirap magtrabaho. Madaling mag-cheat sa exam mas mahirap mag-aral. Madaling magcomputer games mas mahirap gumawa ng homework sa school. Ngunit kahit mahirap man ay hindi tayo magkakamali kung si Hesus ang daan na ating tatahakin sapagkat Siya lang naman talaga ang ating "SIGURADONG DAAN" tungo sa ating kaligtasan! Sa kanya lamang nagmumula ang GANAP NA KATOTOHANAN na ating minimithi. At higit sa lahat siya lang ang makapagbibigay ng BUHAY NA WALANG HANGGAN sa mga nagnanais magkamit nito!
Biyernes, Mayo 13, 2011
ANG MABUTING PASTOL: Reflection for the 4th Sunday of Easter Year A - May 15, 2011
Ang ika-apat na Linggo ng Muling Pagkabuhay ay laging inilalaan ng Simbahan upang ipagdasal ang pagpapalaganap sa bokasyon ng pagpapari at pagiging relihiyoso (madre at lay brother). Ang ebanghelyo ay parating patungkol sa Mabuting Pastol upang paalalahanan tayo ng masidhing pangangailangan ng Simbahan ng mabubuting pastol na naayon sa halimbawa ni Jesus, ang ating Butihing Pastol. Siya ang Mabuting Pastol na talagang may malasakit para sa kanyang mga tupa. Sa modernong takbo ng pamumuhay ngayon at malakas na impluwensiya ng komersiyalismo at materyalismo ay tila napakahirap ng mag-anyaya ng mga kabataang nais sumunod sa yapak ni Jesus. Ngunit mas mahirap itong ipaliwanag kung hindi muna natin naiintindihan ang ibig sabihin ng salitang "bokasyon". Ano ba ang ibig sabihin ng bokasyon? Sagot sa aking ng isang bata: "Father ang pinto pag hindi nakasara... bukas yon!" hehehe... May tama ang batang iyon at tunay namang may punto ang kanyang sagot. Ang isang pintong bukas ay naghihintay... nag-aanyaya! Ang bokasyon ay ang paghihintay ng Diyos sa kanyang paanyaya sa atin. Ito ay ang ating pagtugon sa Kanyang pagtawag. Ang unang pagtawag ng Diyos ay ang tayo ay mabuhay bilang tao (human vocation). Sinasagot natin ito kung nabubuhay tayo ng mabuti at kapag pinagyayaman natin ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos. Ang ikalawang pagtawag ay ang ating pagiging Kristiyano (Christian vocation). Sinasagot natin ito kapag tayo ay nabubuhay na katulad ni Kristo (Christ-like). Ang resulta ay ang pinakamataas na pagtawag ng Diyos sa atin... ang pagiging banal (Call to Holiness!). Isinasagawa natin ang mga ito sa iba't ibang estado ng ating buhay bilang may asawa, single o walang asawa, at bilang pari o relihiyoso. Lahat ay daan tungo sa kabanalan. Bukas ang pintuang nag-aanyaya at ang pintuan ay walang iba kundi si Jesus! Siya ang pintuan na kung saan ay dapat dumaaan ang Kanyang mga tupa. Nakasalalay ang ating kaligayahan sa pagpasok sa tamang 'pintuan'... sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kapag tinawag ka ng Diyos sa pagpapari o pagmamadre ay wag ka ng mag-atubili pa! Wag magpatumpik-tumpik! Wag kang matakot o mag-alinlangan sapagkat hindi pinababayaan ng Diyos ang kanyang tinawag. Paano na ang pamilya ko? Sino na ang mag-aalaga sa aking mga magulang at mga kapatid? Paano na ang career ko? Paano na ang mga kaibigan ko? Iiwanan ko ba silang lahat? Kung minsan din ay pinangungunahan tayo ng ating "kakulangan" at naiisip nating di tayo karapat-dapat sa pagtawag ng Diyos. Ang Diyos na tumatawag sa atin ang magpupuno ng ating kakulangan. Hindi dapat maging hadlang ang anumang bagay upang sumunod sa Kanya! Pamilya, kaibigan, kayamanan, "career", kakayahan at kakulangan ay di dapat hadlang sa pagpasok sa "Pintuan". Isa lang ang pintuan... si Jesus! At sa Kanya nakasalalay ang ating kaligayahan. Kung nais mong tunay na lumigaya ay sagutin mo ang paanyaya ng Mabuting Pastol.
Sabado, Mayo 7, 2011
NASAAN ANG DIYOS? : Reflection for 3rd Sunday of Easter Year C - May 8, 2011
"Nasaan ba ang Diyos?" Tanong ng isang katekista sa kanyang mga batang tinuturuan ng katesismo. Sagot ang isa: "Sister, nandun po siya sa Simbahan, nakatago sa tabernakulo." "Very good!" sagot ni sister. "Sister", sabi naman ng isa: "Nandun po siya sa Banal na Komunyon na tinatanggap namin sa Misa." "Very good!" sabi uli ni sister. Nagtaas ng kamay ang pinkapasaway niyang estudyante. "Sister, ang Diyos po ay nasa banyo namin!" "Haaa? Panung nangyari yun?" tanong ni sister. Kasi po, kaninang pagkagising ko ay narinig ko ang tatay ko na kinakalabog ang pintuan ng banyo namin at sinasabing: "Diyos ko... Diyos ko... ang tagal mo naman! Late na ako sa trabaho! Kelan ka lalabas d'yan?" hehe... Nasaan ba ang Diyos? Ito ang tanong ng marami sa atin kapag hindi natin mabigyan ng magandang paliwanag ang mga masasamang pangyayari sa ating buhay. Sa mukha ng kagutuman, karahasan, kawalan ng katarungan at kahit kamatayan ay lagi nating naitatanong kung may Diyos bang naninirihan sa piling natin. Para sa dalawang alagad na pabalik ng Emaus, ang kanilang kinikilalang Mesias at Panginoon ay wala na. Kaya nga 't balot ng lungkot at pighati ang kanilang paglisan sa Jerusalem, ang lugar nang kanilang "pagkabigo". Ngunit ang kanilang pagkabahala ay pinawi ni Jesus. Siya mismo ang tumagpo sa kanila sa daan upang iparamdam na hindi sila iniwan ng kanilang Panginoon. Nakisabay si Jesus sa kanila; ipinaliwanag ang Kasulatan at binuksan ang kanilang isipan sa "Paghahati ng Tinapay." Doon nila naunawaang ang Diyos pala ay "kapiling nila!" Ito rin marahil ang tanong ng marami sa atin. Nasaan ba ang Diyos? Kapag nahaharap tayo sa ating mga "Jerusalem", ang ating mga krisis, ay napakadali nating pagdudahan ang Kanyang pananatili at tinatahak agad natin ang ating mga "Emaus"... lugar ng kawalan ng pag-asa. Isa lang ang nais ipahiwatig sa atin ni Jesus... hindi Niya tayo binigo! Siya ay nanatili pa rin kapiling natin! Sa tuwing binubuklat natin ang Salita ng Diyos at nagsasalo sa paghahati ng tinapay sa Banal na Misa ay naroon Siya sa ating piling. Sa tuwing nagsasabi tayo ng "Amen!" sa pagtanggap natin sa Kanya sa Komunyon ay nanatilli siya sa ating pagkatao at dahil dito ay matatagpuan din natin Siya sa ating kapwa. Hingin natin sa Panginoon ang biyayang makita Siya at madama ang Kanyang pag-ibig. Lisanin natin ang ating "Emaus" at harapin natin ang ating "Jerusalem" upang makasama tayo sa kaluwalhatian ng muling pagkabuhay ni Jesus!
Linggo, Mayo 1, 2011
BLESSED JOHN PAUL II, THE BELOVED! : Reflection for 2nd Sunday of Easter, Feast of the Divine Mercy - May 1, 2011
"Pope John Paul the Great", 'yan ang gustong itawag sa kanya ng mga maraming naniniwala sa kanyang kadakilaan bilang Santo Papa. Ngunit sa aking palagay at mas naaangkop ang titulong "Pope John Paul, the Beloved" sapagkat walang hindi sasang-ayon na siya ang santo papang minahal ng marami! "John Paul II... WE LOVE YOU!" Ito ang mga katagang isinisigaw ng lahat noong siya ay bumisita dito sa ikalawang pagkakataon upang pamunuan ang 10th World Youth Day. Isa ako sa mga sumigaw nito! Ang halos limang milyong taong dumalo sa misang kanyang pinamunuan ay sapat ng patunay upang tawagin siyang "the BELOVED!" Ano nga ba ang karisma ng Santo Papang ito at lubos siyang minahal lalong lalo na ng mga kabataan? Isa lang ang nakikita kong dahilan: naging tagapagdala siya ng PAG-IBIG NG DIYOS lalong lalo na sa mga kabataan! Ipinadama niya sa atin ang pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang Banal na Awa at pagpapatawad. Ngayong kapistahan ni Jesus, Hari ng Banal na Awa (Divine Mercy), May 1, 2011, ay itataas sa luklukan ng mga "Mapapalad" O "Blessed" si Pope John Paul II. Sino ba ang hindi nakakaalala noong pinatawad niya ang assasin na si Mehmet Ali Agca, na nagtangka sa kanyang buhay noong May 13, 1981? Pagkatapos niyang gumaling mula sa pagkakabaril ay agad niyang pinuntahan si Agca upang ipadama sa kanya ang pagpapatawad at pagmamahal ng Diyos! Tunay ngang salamin ng Banal na Awa ng Diyos ang Santo Papang ito. Sa Ebanghelo ngayong ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay ay pinaaalalahanan tayo ng Panginoong Jesus na "mapalad ang mga naniniwala kahit na hindi nakakakita!" At iyon ay patungkol Niya sa ating lahat. Hindi man natin nakikita ang Diyos ay dapat manalig tayo sa kanyang mapagkalingang pagmamahal at walang hanggang awa! Higit sa lahat, katulad ni Pope John Paul II, tinatawagan tayong maging instrumento ng Banal na Awa at pag-ibig ng Diyos para sa lahat. Maging tagapaghatid tayo ng pagpapatawad at pang-unawa sa mga taong nakagawa sa atin ng masama o sa mga taong may sama tayo ng loob. Nawa ay maging inspirasyon natin ang Santong Papang minahal ng lahat dahil sa kanyang angking kabutihan at mapagkumbabang paglilingkod. "John Paul II... we love you!"
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)