Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Hunyo 24, 2011
EAT ALL YOU CAN! : Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year A - June 26, 2011
Ang sarap talagang kumain lalo na't "eat all you can!" Ikaw man ay nasa SAISAKI, BARIO FIESTA, CABALEN, O YAKIMIX, pare-pareho lang ang motto ng mga mahilig kumain: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die, just the same SO WHY NOT EAT AND DIE!" Sa ganitong mga lugar ang "The Biggest Looser" ay ang mga nagda-diet. Sayang ang pera mo kung hindi mo lulubusin ang pagkain. Kaya't kumain ka hanggang kaya mo! Puwedeng bumalik kahit ilang ulit, 'wag ka lang magtitira sa plato. Bawal ang magtira! "No left-overs." Kapag nagtira ka ay babayaran mo uli ang presyo ng buong pagkain mo. "No sharing!" Bawal ang magbigay ng pagkain sa iba. Medyo makasarili ang patakaran ngunit ang layunin ay para ma-enjoy mo ng sarilinan ang pagkain mo! Kaya nga't kapag "Eat All You Can" ang kainan ay isang araw ko itong pinaghahandaan. Hindi ako kakain ng marami. Mag-aayuno ako. Ihahanda ko ang aking sarili, mentally, emotionally at physically, upang sa oras na ng kainan ay maibuhos ko ang aking buong pag-iisip, diwa at lakas! Pero ang ipinagtataka ko e bakit hindi ako makuntento sa aking kinakain. Parang kulang pa... kaya kain ng kain ng kain hanggang wala akong kamalay-malay na tumataas na pala ang aking bilbil! Dumadami ang palapag ng aking tiyan! hehehe... Ngunit bakit ganoon? Gaano man kasarap at karami ang iyong kinain ay ilalabas mo rin? Ganun lang ba ang proseso ng pagkain: In and Out? Merong nangyayari na hindi natin namamalayan kapag tayo ay kumakain, nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain. We become what we eat...! Kaya nga ingat...! Kapag puro baboy ang kinakain mo e magmumukha ka ring baboy! Kapag kambing naman ay malamang maging amoy kambing ka! Kapag puro junk foods naman ay magiging junk din ang katawan mo... You become what you eat! Ngayon ko naintindihan kung bakit inalay ni Hesus ang kanyang sarili sa atin upang ating maging pagkain... gusto niyang maging katulad Niya tayo! In the Eucharist... we become like Christ!... Nagiging katulad natin S'ya! Ganito ba talaga ang nangyayari pagkatapos nating magkomunyon? Nagiging katulad ba ni Kristo ang ating pag-iisip? Ang ating pananalita? Ang ating pagkilos? Kaya naman pala kahit "eat all you can" ang ating pagtanggap ng Komunyon ay parang no effect sa atin ay sapagkat hindi natin ipinapakitang nagiging katulad Niya tayo. Sana kapag tinanggap natin Siya sa Banal na Komunyon ay maging mas maunawain tayo. Maging mas mapagpatawad, mapag-aruga, magpagpakumbaba... Become what you eat... become like Christ!
SARAP NG GABI... SARAP NG KAPE! :Reflection for the Solemnity of the Most Holy Trinity Year A - June 19, 2011
I am a cofee lover! Grabe! Hindi ako makakatulog sa gabi pag hindi ako uminom ng kape. Sabi nga ng commercial sa T.V. "Sarap ng gabi... sarap ng kape! Why not? Try n'yo!" Marami na rin akong kapeng natikman... from brewed o barakong kape ng batanggas to fraps o fancy cofee ng starbucks. Natikman ko pa nga ang exotic na "kape alamid". Special daw ang kapeng ito na ang beans ay galing sa "shit ng Alamid" hehehe! Talagang mapapa... (sorry for the word) SHIT ka pag nainom mo ito! Php 170 ba naman sa isang maliit na expresso cofee! Isang lunukan lang at naglaho na ang Php 170 mo! hehehe... Kaya nga't nasabi ko sa aking sarili na dun na lang ako sa aking 3 in 1 na Nescafe! Tubig lang na mainit ang kelangan mo... enjoy ka na! Sometimes we make life so complicated tulad ng kape e simple lang naman ang buhay! Parang Diyos... we make Him too complicated in our minds. Pilit nating inuunawa siya gamit ang ating maliit na pag-iisip. Parang tubig ng dagat na pilit nating pinagkakasya sa maliit na butas sa buhanginan. Pinagpipilitan nating unawain ang kanyang misteryo ng ating limitadong kaalaman upang maunawaan lamang na ang Diyos pala ay ginagamitan hindi ng utak kundi ng ating puso. Tuna nga naman na ang mga taong marunong lang magmahal ang lubos na nakakaunawa sa Diyos! Kapag marunong kang magpakita ng pagmamahal sa isang taong nangangailan ng tulong, kapag kaya mong magpatawad sa mga taong nakagawa sa iyo ng masama, kapag kaya mong mahalin ang iba sa kabila ng kanilang di kaibig-ibig na pag-uuagali... matuwa ka! Unti-unti ay nauunawan mo na ang misteryo ng Diyos. Ang pagkilala sa Kanya ay higit pa sa pagkakaalam sa kanyang "Bio-data". Ang pagkilala sa Diyos ay ang pagkakaroon ng personal na karanasan sa Kanya. Kailan mo ba tunay na naranasan ang Diyos sa iyong kapwa? Kailan mo ipinaranas ang kanyang pagmamahal sa iba? Maraming "diyos" na ipinakikilala ang mundo ngunit ako... kuntento na sa aking Diyos na 3 in 1, ang Diyos Ama na nagbigay sa akin ng Kanyang Anak at patuloy na gumagabay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Di ko man S'ya lubos na maintindihan (bakit 3 in 1?) alam ko namang mahal N'ya ako at nais Niyang mahalin ko rin Siya. Sa susunod na ako ay uminom uli ng kape, dapat ay lagi kong maalala ang aking Diyos na 3 in 1. Tatlong persona na IISANG PAGKADIYOS na nagmahal sa akin ng lubos. Sarap ng gabi... sarap ng kape. Sarap ng buhay... sarap makasama ang Diyos. Bakit hindi? Try n'yo!
Sabado, Hunyo 11, 2011
DOUBLE BIRTHDAY CELEBRATION: Reflection for the Solemnity of Pentecost Year A - June 12, 2011
Dalawang "Birthday celebration" ang pinagdiriwang natin ngayon! Una, araw ngayon ng pagsilang ng ating bayan. Ginugunita natin ang ating pagsilang bilang malayang mamamayan! Pagdiriwang ngayon ng ating kasarinlang bilang isang bansa! Ikawala, ngayon din ang pagsilang nating Simbahan. Sa araw ng Pentekostes, pumanaog ang Espiritu Santo at binigyan ng isang bagong buhay ang Simbahan upang buong tapang na makapagpahayag ng Mabuting Balita ni Kristo. Pagdiriwang ngayon ng ating Simbahan bilang isang sambayanang pinalaya ni Kristo sa pagkakaalipin sa kasamaan at kasalanan! Sa araw na ito ay pinararangalan natin sa isang natatanging paraan ang ikatlong Persona ng Banal na Santatlo: Ang Diyos Espiritu Santo. Karaniwan kapag tayo ay nagdarasal ay lagi natin itinataas ang ating panalangin sa Diyos Ama o di kaya nama'y sa Diyos Anak. Maliban sa tanda ng krus at sa pagdaral ng Luwalhati, bihira nating tawagin ang Banal na Espiritu Santo sa ating panalangin. Ngunit kung ating iisipin ay ang Espiritu Santo ang gumagalaw ngayon sa ating Simbahan. Ang Espiritu Santo ang gumagabay at pumapatnubay sa Simbahan mula pa ng ito ay isilang at magpasahanggang ngayon. Kung mahalaga ang kanyang papel na ginagampanan sa ating Simbahan ay lalong ng higit pa sa ating mga Kristiyano. Ang Espiritu Santo ang nagpapabanal sa atin! Noong tayo ay bininyagan ay napuspos tayo ng Espiritu Santo. Sa Kumpil ay tinanggap naman natin ang kaganapan ng Kanyang mga biyaya hindi sapagkat kulang ito noong tayo ay binyagan kundi sapagkat hindi pa nakahanda ang ating pisikal na katawan noong sanggol pa lamang tayo. Ngayong tayo ay nakapag-iisip na ay nararapat lamang na ipakita natin ang pananahan ng Espiritu Santo sa ating buhay! Gisingin natin ang ating mga tulog na sarili! Maging mulat tayong lahat na tayo ay ang mga buhay na "Templo ng Espiritu Santo!" Maging mga saksi tayo ng kanyang kapangyarihan sa ating buhay! Ang "kapayapaan" ang tanda na tayo ay mga taong puspos ng Espiritu Santo. Kapayapaan na ibinahagi ni Jesus sa kanyang mga alagad noong Siya ay muling mabuhay. Kapayapaan din na patuloy niyang ibinabahagi sa ating pinananahanan na ng Banal na Espiritu. Kapayapaan na ibinibigay Niya rin sa ating bansang lumaya na sa pagkakaalipin.
Ang pagkakasarinlan ay hindi nangangahulugan ng pagkakakanya-kanya kundi ito ay dapat maghatid sa atin sa pagkakaisa! Ang Espiritu Santo ay nag-uugnay! Nawa ay magkaisa tayo bilang isang bansa upang sugpuin ang pag-iisip na "walang pakialaman" at kapakanan ng sarili ang laging inuuna! Mabuhay tayong mga Pilipino! Mabuhay tayong mga Kristiyano! Maligayang kaarawang sa ating lahat!
Sabado, Hunyo 4, 2011
KOMUNIKASYON: Reflection for the Solemnity of the Ascension Year A - June 5, 2011
Ano nga ba ang nagagawa ng mga makabagong komunikasyon sa atin? Hanggang saan nga ba ang kayang maabot nito? May joke sa isang text: Katutubo 1: Mag-ingat ka s 'yong babaybayin na daan dahil ito'y mapanganib. Kunin mo itong gamot para sa kagat ng ahas baka sakaling ika'y makagat. Kunin mo itong isang bote ng hamog dahil ito'y nakakatanggal ng uhaw at gutom. Dalhin mo ang balaraw na ito ng ating mga ninuno upang maprotektahan ka laban sa mga mababangis na hayop. Natatandaan mo pa ba ang mga sinabi ko? Katutubo 2: Opo ama... basta, txt2 na lang if ever! Katutubo 1: Ok basta miscol me pag feel mo na lost ka. huh?" Iba na nga talaga ang nagagawa ng makabagong teknolohiya lalo na sa aspeto ng komunikasyon. Kahit, mga tao sa liblib na lugar ay nabibiyayaan na nito. Karaniwan nang makakita ka ng "cell phones" at "computers" kahit sa mga bundok at malalayong isla. Tunay na pinaliliit ng makabagong komunikasyon ang ating mundong ginagalawan. Ang Kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa langit ang siya ring pinili ng Simbahan upang ipagdiwang ang "Linggo ng Komunikasyong Pandaigdig". Naaakma sapagkat ng si Hesus ay umakyat sa langit, ay iniwang niya sa mga alagad ang utos na: "Humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa." Isinagawa ito noong una sa pamamagitan ng pagpapasa-pasa ng aral ni Hesus (tinatawag ding tradisyon) sa pamamagitan ng pangangaral at pagsusulat. Sa kasalukuyan ay ipinagpapatuloy pa rin ang mga ito sa mga makabagong pamamaraan ng pakikipagtalastasan: internet, video broadcast, tv & cable, tele conferencing, etc... Bagama't makabago, mawawalan ng saysay ang mga ito kung hindi kapani-paniwala ang mga nagpapahayag. Kaya nga't kasama ng utos ni Hesus ay ang pagiging kanyang mga buhay na saksi! Ang pinaka-epektibo pa ring pamamaraan ng komunikasyon ay ang "pagiging mga totoong saksi ni Kristo!" Sabi sa turo ng Simbahan: "Ang mga tao ngayon ay higit na naniniwala sa mga saksi kaysa mga guro. At kung sakali mang maniwala sila sa mga guro ay sapagkat sila ay mga saksi!" Ang pagiging saksi ay naipapakita sa ating pananalita at pagkilos. Pagpili sa tama at pagtalikod sa masasamang gawain, pagsasabi ng totoo at pag-iwas sa kasinungalingan, pagbibigay ng mabuting halimbawa sa iba sa halip na manirang puri... Marami tayong maaring gawin upang maipahayag ng makatotohanan ang utos ni Jesus. Gamitin natin ng tama ang mga makabagong paraaan ng komunikasyon upang ikalat ang Mabuting Balita ni Hesus! Kahit simpleng text o maikling e-mail message ay makakatulong upang maipalaganap ang Kaharian ng Diyos... Tayo ngayon ang mga buhay na saksi ni Kristo!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)