Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Setyembre 30, 2011
MAGBUNGA MAMUNGA! : Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year A - October 2, 2011
Ugali mo ba ang maningil? Ang iba sa atin ay mahilig bilangin ang ginagawang kabutihan. Bawat pagpapagod ay dapat may kaukulang bayad! Katulad ng kuwento ni Juan: Si Juan ay isang batang masipag at maasahan sa gawaing bahay. May roon lang nga siyang masamang ugaling maningil sa lahat ng kanyang ginagawa. Minsan ay may pinuntahan ang kanyang nanay at iniwan sa kanya ang gawaing bahay. Katulad ng inaasahan ay malugod namang tinanggap ni Juan. Pag-uwi ng kanyang ina ay may nakita itong papel na nakapatong sa lamesa. Nakasulat: Naglinis ng bahay - sampung piso, naglaba ng damit - sampung piso, nagdilig ng mga halaman - sampung piso, nag-alaga kay junior - sampung piso... kabuuan: singkuwenta pesos. Ps. Yung sampung pisong karagdagan ay VAT. Ang masipag mong anak, Juan. Napangiti ang nanay, kumuha ng papel at nagsulat din: siyam na buwan kitang inalagaan sa aking tiyan - libre, ipinanganak kita - libre, pinakain at pinag-aral - libre, at ngayon mahal kong anak may lakas ng loob kang singilin ako? Patawarin mo ako anak, walang pera ang nanay, wala akong maibibigay sa iyo. Ang nagmamahal mong ina - Juana. Kinabukasan ay nagising si Juan at nakita ang sulat sa kanyang kama. Binuksan iyon at ng nabasa niya ay natulala siya. Kumuha ng isang papel at muling nagsulat. Dear inay... pinapatawad ko na po kayo! hehe.. Anung klaseng anak si Juan? Marahil masasabi nating isang anak na walang utang na loob! Pagkatapos ng maraming paghihirap na ibinigay ng kanyang ina ay lumalabas na siya pa ang may ganang magpatawad. Ang kawalan ng utang na loob at di pagbibigay ng nararapat ang mensahe rin ng ating mga pagbasa ngayon. Ang Israel ang ubasan sa unang pagbasa na hindi nagbigay ng bunga sa kabila ng pag-iingat at pag-aalaga ng may-ari. Ang mga punong saserdote naman at Pariseo ang mga katiwala sa talinhaga na hindi nagbigay ng nararapat sa may-ari ng ubasan bagkus ay sinaktan at pinatay pa ang mga sugo kasama na kanyang anak na ipinadala upang sulitin ang kanyang ani. Dahilan dito ay tinanggal sa kanila ang kaakiabat na pribelehiyo na tawaging Kanyang bayang pinili at bagkus ay ibinigay ito sa iba na mas karapat-dapat. Tayo ngang mga Kristiyano ang nabiyayaang magpatuloy nito. Ang talinghagang ay babala sa ating lahat: Balang araw ay matatapos din ang pagpapasensiya ng Diyos sa atin. Huwag nating balewalain at pagsamantalahan ang kanyang kabutihan. Totoo, ang Diyos ay lubos na mabuti at mapagpatawad ngunit ang lahat ay may hangganan din. Libre ang Kanyang biyayang kaligtasan at hindi natin pinaghirapan. Kaya nga nararapat lang na ibigay natin ang nararapat sa Kanya! Huwag makumpiyansa sa pagiging "mabuting Kristiyano" sa pamamagitan ng pagdarasal at pagsisimba lamang. Bagkus, tingnan natin ang sarili kung naibibigay ba natin sa kanya ang nararapat niyang tanggapin, isang buhay na malinis, tapat, at naglilingkod sa iba. Ang pagiging Kristiyano ay isang pribelehiyo ngunit ito rin ay isang responsibilidad. Inaasahan ng Diyos na tayo ay magbunga sa ating pagsunod kay Kristo. Sa kahuli-hulihan ay susulitin tayo ng Diyos kung papaano natin ginamit ang mga ibinigay Niya sa ating pagpapala. May bunga na ba akong maibibigay sa Kanya?
Sabado, Setyembre 24, 2011
JUST DO IT! : Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year A - September 24, 2011
Actions speak louder than voice! Isa ito sa mga kasabihang natutunan ko noong ako ay nasa elementarya pa lamang. At habang tumatanda ako ay mas nauunawan ko ang kahulugan nito! Lalo na sa aking pagmiministeryo bilang pari, lagi kong naiisip ang mga katagang ito sa tuwing ako ay nangangaral o nagbibigay ng homiliya sa Misa. Baka naman ang mga sinasabi ko ay hindi tugma sa aking ginagawa... tatawanan lang ako ng mga nakikinig sa akin. Hindi ko sila mapapaniwala! Katulad ng kuwento ng isang negosyanteng nagbebenta ng "ballpen" sa isang paaralan. Kinausap niya ang administrator at masigasig na prinomote ang kanyang produkto. Halos isang oras siyang nagsalita at nagpaliwanag tungkol sa galing at ganda ng kanyang paninda. Buo na ang loob ng administrator ng school na kumuha ng 1,000 pirasong ballpen. Kaya lang nang isinusulat na ng negosyante ang order sa kanyang kuwaderno ay biglang napasigaw ang bumibili: "Teka, wag na lang! Ayaw ko na! Hindi na ako oorder!" Laking pagkagulat ng negosyante at tinanong niya kung bakit. "Alam mo, isang oras mo akong nililigawan para bilhin ang produkto ninyong ballpen. Ang dami mong magagandang sinabi. Napaniwala mo ako. Pero nang isinusulat mo na ang order ko... e nakita kong ibang brand ng ballpen ang ginamit mo! Ang ikinilos mo ay hindi tugma sa iyong panagsasabi! Ang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay isang mensahe ng babala at pag-asa para sa ating lahat. Babala na huwag tayong maging kumpiyansa sa pagsasabing "Ako'y Kristiyano!"Ang kasabihan nga nating mga Plipino ay: "Ang tao ay nakikila sa kanyang gawa hindi sa kanyang salita!" Hindi sapat ang "Amen! Alleluia! o Praise the Lord!" Ang mahalagang tanong ay: Kinakikitaan ba ako ng pag-uugali na tulad ng kay Kristo?Ang isang mensahe rin ay pag-asa... Na may pagkakataon tayong itama ang ating mga pagkakamali dala marahil ng ating kahinaan. Siguro ay katulad tayo ng nakatatandang kapatid na nagsabi ng "ayoko po!" Sa tuwing nilalabag natin ang mga utos ng Diyos ay ito ang ating sinasabi. Ngunit sa ating pagbasa, ipinakita sa atin na maaring baguhin ang pagtangging ito. Sa kahuli-hulihan ay nagawang sumunod ng nakatatandang kapatid. Tayo rin, ay laging may pag-asa na itama ang ating mga maling desisyon sa buhay! Hindi tayo alipin ng kasalanan. Tinubos na tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo. Kaya nga may pag-asa tayong magbagong buhay. Kung bibigyan ako ng kalayaang dugtungan ang Talinhaga ay maglalagay ako ng ikatlong anak. Siya ang nagsabi ng "opo" at pagkatapos ay sumunod sa utos ng kanyang ama! At sino ang anak na ito? Walang iba kundi si Jesus. Siya ang pangatlong anak sa talinhaga. At gusto N'ya na sana ay tayo rin! Sumagot na tayo ng "opo" noong tayo ay nangako sa binyag at kumpil. Nangako na tayong tatalikuran ang kasalanan at sasampalataya sa Diyos. Ang kinakailangan na lamang ay ang pagsunod. Saan mo nakikita ang iyong sarili sa talinhaga? Baka naman Kristiyanong laban o bawi tayo? Baka naman mahilig tayong magsabi ng OPO ngunit ito naman ay madalas napapako? Mabuti pa ang UMAAYAW ngunit pagkatapos naman ay GUMAGALAW! Kapag inilaban mo na ang iyong OPO ay wag mo ng bawiin. Ang tunay na Kristiyano ay may isang salita. 'Pag nangako kang magpapakabait, gawin mo! 'Pag nagkamali ka uli, ituwid mo! Ang Diyos naman ay laging handang umunawa sa kahinaan mo. Get's mo? JUST DO IT!
Sabado, Setyembre 17, 2011
PAGKAINGGIT: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year A - September 18, 2011
Isipin mong mayroong apat na bahay sa inyong kalye at sa iyo ang isa. Ang bahay mo ay nagkakahalaga ng Php 20 million. Ang isa ay 15 million, ang isa naman ay 10 at ang panghuli ay 5 million. Tinanong ka ng anak mo: "Daddy, kung mayroong mag-aalok na bilhin ang bahay natin ng 50 million, papayag ka ba?" Siyempre ang sagot mo: "Aba anak, hindi lang papayag... tatalon pa ako sa tuwa at doon mismo ibebenta ko ang bahay!" Nang biglang tumunog ang telepono at laking pagkagulat mo na ang tumawag ay inaalok na bilhin ang bahay mo ng Php 50 million. Hindi ka na nagdalawang isip pa. Doon mismo sinarado mo ang deal sa 50 million. Tuwang-tuwa ka... ngunit meron kang nabalitaan kinabukasan. Yung parehong buyer ng bahay mo ay binili ang tatlong katabi mong bahay. At ito ang nakakagalit, ang presyo: binili ang bawat isa ng Php 50 million! Ano ang mararamdaman mo? hehe... Marahil, kapareho ng naramdaman ng mga mangagawa sa talihaga ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon... Nadaya kami! Unfair! Hindi makatarungan! Kung tatawagan mo ang nakabili ng bahay mo, ang sasabihin n'ya lang sa 'yo ay: "Anung pakialam mo? Eh sa mabait ako at gusto kong bayaran ng 5o million ang lahat ng bahay! Inggetero!!!" Isa sa mga ugali nating mga tao na dapat nating bantayan ay ang pagkainggit. Tayo pa namang mga Pilipino ay mga taong ayaw maiisahan! Siguro hindi makatarungan sa ating paghuhusga ang ginawa ng nakabili ng bahay o ng may-ari ng ubasan. Ganito naman talaga ang pag-iisip ng Diyos. Sabi nga sa unang pagbasa: “Ang aking isipa’y di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa’t isip ko’y hindi maaabot ng inyong akala.” Sa halip na mainggit, ang nais ng Diyos sa atin ay maging mapagpasalamat sa lahat na ibinibigay niyang biyaya sa atin. Wag mong isipin na mas mayaman ang kapitbahay mo, mas matalino ang kaklase mo, may guwapo ang kaibigan mo, mas talentado ang kapatid mo... Tingnan mo ang sarili mo at makikita mong may ibinigay din ang Diyos sa iyo na wala sa kanila. Hindi ka lugi. Hindi ka dinaya. Magpasalamat ka. Pagyamanin mo ang regalo niya sa iyo. Higit sa lahat, gamitin mo ito upang makatulong sa kapwa mo... Mahal ka ng Diyos maging... sino ka man!
Biyernes, Setyembre 9, 2011
FORGIVE AND BE FORGIVEN: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year A - September 11, 2011
Forgive and forget. Gaano ba ito katotoo? Sa pelikula lang ata nangyayari ito. Ngunit ako mismo ay nakasaksi na posible pala ang magpatawad kahit sa kasukdulan ng galit at sama ng loob. Madami na akong narinig na sermon tungkol sa pagpapatawad ngunit ang pangyayaring ito ang talagang hindi ko malilimutan. Isang balita ang aming natanggap na may nangyaring "freak accident" sa aming seminaryo. Isang high school seminarian ang aksidenteng tinamaan ng " air gun" na naging sanhi ng kanyang agarang pagpanaw. Katatapos lamang noon ng isang malakas na ulan at ang mga seminarista, kasama ang kanilang paring tagabantay ay nagdesisyong mamaril ng mga palaka o bubuwit sa aming football field. Sa di inaasahang pagkakataon ay nadulas ang paring may hawak ng baril. Natumba at nakalabit ang gatilyo na nakatutok ang baril sa isang seminarista. Tinamaan ito at bumulagta at hindi na nakayaang umabaot pa sa ospital. Punong-puno ng tensyon ang mga sumunod na tagpo lalo na sa lamay ng namatay. Nakakapanliit lalo na kapag humarahap sa amin ang kaanak ng mga namatay. Ang ama ng bata ay hindi nagsalita ng buong lamay. Tahimik. Malalim na nag-iisip. Bakas mo ang galit at sama ng loob sa kanyang mga mata. Ngunit ng idinaos na ang funeral mass ay pinutol niya rin ang kanyang katahimikan. Sa katapusan ng misa ay nagsalita siya at hindi ko malilimutan ang kanyang mga binitiwang salita. "Alam ng Diyos na ako ay isang taong mainipin. Ayaw ko ng naghihintay. Gusto ko agad makuha ang nais ko! Masyadong matagal ang pagpapari. Labing apat na taon pa ang hihintayin ko upang maging pari ang aking anak. Kaya siguro, ngayon pa lang ay ibinigay na ng Diyos ang aking gusto. Binigyan na Niya ako ng isang anak na pari." At sabay tawag doon sa pari na nakabaril sa kanyang anak. Sa harap ng mga tao ay niyakap niya iyon at tinawag niya ang kanyang pamilya at doon ay nasaksihan namin ang makabagbag-damdaming tagpo ng pagpapatawad. Mahabang palakpakan ang sumunod. Napakahaba. Palakpalakan na nagsasabing POSIBLE PALA ANG MAGPATAWAD! May kasabihan na "to err is human, to forgive is divine!" Hindi siya ganon katotoo sapagkat kaya rin pala ng taong magpatawad. Totoo na ang Diyos ang nagpakita ng dakilang habag nang pinatawad Niya tayo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagsusugo ng Kanyang bugtong na Anak. At ang Anak Niyang ito ay nag-alay ng Kanyang buhay sa krus upang matubos tayo sa ating pagkakasala. Dahil tayo ay napatawad na, dapat din naman tayong magpatawad sa ating kapwa. Sa unang pagbasa ay pinaalalahanan tayo sa Aklat ni Sirach: "Patawarin mo ang kapwa sa kanyang pagkukulang, at pag ikaw ay dumalangin sa Diyos, patatawarin ka rin naman." At ito nga ang ipinakita rin sa talinhaga ng ating Ebanghelyo. Hindi madali ang magpatawad sapagkat ang magpatawad ay wala sa damdamin kundi nasa kalooban o kagustuhan. Nagpapatawad ka sapagkat ginusto mo at hindi sapagkat "feel" mo. Ibig sabihin ay nangangahulugan ito ng lakas ng loob at pagpapakumbaba. Isang paraan upang maibsan ang ating sama ng loob ay ang ipagdasal ang gumawa ng masama sa atin. Kapag nagawa natin ito ay nasimulan mo na ang unang hakbang ng pagpapatawad. Darating din ang paghilom, marahil hindi agad-agad ngunit dapat mo itong simulan. Forgive and be forgiven!
Sabado, Setyembre 3, 2011
KRISTIYANONG PAKIALAMERO: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year A - September 4, 2011
Isa sa maraming natutunan ko sa seminaryo habang kami ay hinahanda upang maging isang relihiyosong Salesiano ay ang salitang tinatawag naming "Salesian blasphemy". Laking pagkagulat ko nang marinig ko na meron pala kaming sariling blasphemy. Ang akala ko ay katulad ito ng paglait o pagkutya sa ngalan ng Diyos o kaya naman ay kawalan ng paggalang sa Kanya. Ang sabi ng aming Novice Master, ang paring nangangalaga sa aming paghubog bilang mga seminaristang nobisyano, na ngayon ay isa ng obispo, ay hindi dapat ito kailanman marinig na lumalabas sa aming bibig. Hindi kami mabuting Salesiano kapag binabanggit namin ito. Ano ba ang "blasphemy" na ito? Simple lang. Ito ay ang katagang: "It's none of my bussiness!" Sa orihinal na lingguwaheng Itaiano ay "Non tocca a me!" Sa Filipino, mas malakas ang dating: "Wala akong pakialam!" Ang akala natin ang mabuting pamumuhay ay ang pag-iwas lamang sa kasalanan o paggawa ng masama. Tama naman ngunit hindi lang iyon. Hindi sapagkat hindi ka gumagawa ng masama ay mabuting Kristiyano ka na. Ang kasalanan ay hindi lang "commission". Ito rin ay "omission". Anong ibig sabihin nito? Nagkakasala din tayo kapag hindi natin nagawa ang isang kabutihan kapag nabigyan tayo ng pagkakataon. Halimbawa, nakita mong nandaraya ang kasama mo sa trabaho, at pinabayaan mo lang dahilan sa kaibigan mo siya ay nagkakasala ka rin. Nakita mo ang kaklase mong nangongopya sa exam at hindi mo pinagsabihan... nagkakasala ka rin. Nagpupunta ang barkada mo sa isang masamang lugar, napipilitan ka lang na sumama pero wala kang ginagawang pagwawasto... kasalanan mo rin! Ibig sabihin may pananagutan tayo sa maling ginagawa ng ating kapwa! Ito ang sinasabi ni Jesus sa kanyang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Ito rin ang pahiwatig ng Panginoon sa unang pagbasa sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel: "Kapag sinabi ko sa taong masama na siya’y mamamatay at di mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan." May pananagutan tayo sa ating kapwa. Hindi madali ang pagiging Kristiyano. Kinakailangan nating maging totoo sa harap ng kamalian. Marahil, marami tayong masasaktan at masasagasaan ngunit kinakailangan. Hindi tayo sisikat. Mawawala ang "bango" ng ating pangalan sa iba. Kalimitan tayo pa ang magiging mali. Ngunit hindi ito dahilan upang magwalang kibo na lamang tayo habang ang masamang gawain ay nangyayari sa ating harapan. Ang isang Kristiyano ay "pakialamero." Ngunit ang ating pakikialam ay hindi upang ibaba ang dignidad ng iba o upang ipahamak sila. Ang ating pakikialam ay katulad ng pakikiaalam ng Diyos sa atin. Pakikialam na may masuyong pagmamahal. Ibig sabihin ang layunin natin ay upang ituwid ang ating kapwa at tulungan silang mauwaan ang kanilang maling ginagawa. Hindi tayo dapat magbulag-bulagan at magbingi-bingihan. Ang sabi nga ni Edmund Burke:"All that is needed for evil to prosper is for good people to remain silent."
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)