Sabado, Disyembre 31, 2011

ALIS MALAS... PASOK BUWENAS! : Reflection for Solemnity of the Mary, Mother of God - NEW YEAR 2012


Nahaharap na naman tayo sa pagpasok ng isang bagong taon! Paalis na ang taong 2011 at eto na ngang dumarating ang taong 2012. Ano sa palagay mo? Susuwertehin ka ba sa taong ito na paparating? Kaya siguro marami sa atin ang ginagawa ang lahat ng paraan para magpapasok ng suwerte. Nariyan na ang pagbuo ng 12 prutas na bilog. Sigurado akong marami nyan sa inyong lamesa ngayon. Nariyan na ang pagbili ng tikoy! Para daw mas malagkit ang kapit ng swerte! Nariyan na ang pagsusuot ng damit na kulay pula at siyempre ng polka-dots na sumisimbolo sa pera. Mas maraming polka-dots mas maraming pera ang makukuha. Nariyan na ang pagpapaputok upang itaboy ang malas at masasamang maaring mangyari sa bagong taon. Pero may payo si "Manang" sa isang text na aking natanggap tungkol sa paghahanda para di malasin ang taon: “Para di malasin ang New Year, huwag mong isali sa handa ang bilog na prutas na may itim na buto tulad ng pakwan, chico, papaya at iba pa. Huwag ka rin maghanda ng ice cream para di matunaw ang swerte at higit sa lahat huwag maghanda ng ulam na galing sa hayop na may apat na paa gaya ng baboy, baka, kambing at baka tumakbo ang swerte. Huwag din maghanda ng isda at laman dagat at baka malunod ang swerte. Huwag din maghanda ng may pakpak tulad ng manok o pabo at baka lumipad ang swerte. Huwag ka na kayang maghanda at matulog ka na lang! Happy New Year!” Masama bang sumunod sa mga pamahiing ito? Hindi naman siguro basta't hindi namin kalilimutan na ang kapalaran ng tao ay hindi nakasalalay sa anumang pamahiin kundi sa matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos. At dito ay ibinibigay sa ating ang Mahal na Birheng Maria upang ating maging huwaran. Kaya marahil ang unang araw ng taon ay laging nakatuon sa pagdiriwang kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos. Tinamaan ng suwerte ang Mahal na Birheng Maria sapagkat napili siya sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng anak ng kataas-taasang Diyos! Walang ng suwerteng hihigit pa dito! Ngunit hindi ito ang talagang kadakilaan ni Maria. Nang may nagsabi kay Jesus habang siya ay nagtuturo: "Mapalad ang sinapupunang nagluwal sa iyo!" Ngunit agad niya itong itinama at sinabi "Mas mapalad ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos!" At sino ba sa lahat ng nilikha ang naging masunurin sa kalooban ng Diyos maliban sa Mahal na Birheng Maria? Mga kapatid, ang kapalaran natin sa bagong taong ito ay nakasalalay sa kalooban ng Diyos kaya't nararapat lamang na katulad ni Maria ay maging masunirin tayo sa Kanya. Lagi naman natin itong dinarasal "... sundin ang loob Mo, dito sa lupa para ng sa langit..." Sapat lamang na isabuhay natin ito ng may pananalig. Kahit hindi natin alam ang naghihintay sa atin sa bagong taong hinaharap, ang isang taong tumutupad sa kalooban ng Diyos ay walang dapat ikatakot. Kaya't huwag nating ipagsapalaran sa mga pamahiin ang ating bukas. Kung tutularan lamang natin ang Mahal na Birhen at sasabihin din nating "mangyari nawa sa aking ayon sa wika mo..." sigurado akog LALABAS ANG MALAS AT PAPASOK ANG BUWENAS!

Sabado, Disyembre 24, 2011

ANG AMOY NG PASKO: Reflection for Christmas Day: December 25, 2011


Amoy Pasko na! Ilang oras na lang at atin ng ipagdiriwang ang kaarawan ng Panginoon. Naligo ka na ba? Baka iba ang amoy mo sa amoy ng Pasko? Ito ang ilang pamantayan sa amoy ng tao. Sabi ng isang text na aking natanggap: "The essence of smell in life: lotion for the babies, cologne for the twenties, Eau d Toilet for the thirties, perfume for the fourties, Efficacent Oil for the fifties, bawang at Luya for the sixties, insenso for the seventies and above! Nasaan ka dito? Anuman ang amoy mo, iisa lang ang masasabi nating amoy ng Pasko at iyan ay walang iba kundi KALIGAYAHAN! Tayo ay maligaya sapagkat mayroong Diyos na kumalinga sa atin. Tayo lamang ang may Diyos na sa sobra niyang pagmamahal sa atin ay nagsugo ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas. Kaya nga't maligaya tayo sa tuwing sasapit ang Kapaskuhan. Ano nga ba ang nagbibigay sa atin ng kaligayahan tuwing Pasko? May isang sorbetero na lubos na kinagigigiliwan ng mga bata dahil sa kanyang masarap na ice cream. Ngunit higit sa ice cream ay ang kanyang pagkamasayahin, magaling siyang mag-entertain sa mga batang kanyang suki! Minsan sinabi n'ya sa kanila: "Alam n'yo bang ako'y magikero? Kayang kong gawin ang lahat ng nais n'yo! " Sabi ng mga bata: "Sige nga po... bigyan n'yo nga kami ng maraming-maraming ice cream na hindi nauubos?" Nalungkot ang sorbetero. Sa isang iglap ay naglaho s'ya at nakita ng mga bata ang napakaraming supply ng ice cream sa kanilang harapan. Masayang-masaya sila! Nakalimutan ang sorbetero. Ngunit pagkatapos ng ilang araw ay nalungkot muli sila... parang may kulang! Hanggang isang araw ay may nakita silang matandang lalaki na malungkot na nakaupo sa daan. "Bakit po kayo malungkot? Sino po kayo?" Biglang may nilabas sa kanyang bulsa ang lalaki, isang maliit na "bell" at pinatunog ito. Laking pagkatuwa ng mga bata. Nagbalik sa kanila ang sorbetero! At doon nila naunawaan na ang nagpapasaya sa kanila ay hindi ang ice cream kundi ang sorbetero! Si Jesus ang sorbetero ng Pasko. Hindi ang ice cream kundi ang sorbetero ang magpapaligaya sa iyo. Ang ice cream ay natutunaw. Ang sorbetero nananatili. Baka naman sng Pasko mo ay regalo lamang? Baka naman ang Pasko mo ay bagong damit, sapatos, pantalon? Baka naman ang Pasko mo ay jowa o iniirog? Lahat yan ay "matutunaw"... mawawala! Bakit hindi mo subukang ibahin ang iyong Pasko? Ang masayang Pasko ay kung kasama mo si Kristo! Patuluyin mo Siya sa iyong puso at magiging maligaya ang iyong Pasko! KEEP CHRIST IN CHRISTMAS!

Linggo, Disyembre 18, 2011

PLANO NG DIYOS... PLANO KO! : Reflection for 4th Sunday of Advent Year B - December 18, 2011


Isang linggo na lang at Pasko na! Bakit nga ba December 25 ang Pasko? Nasusulat ba ito sa Banal na Kasulatan? Hindi mahalaga ang eksaktong petsa ng Pasko. Ang mahalaga ay naniniwala tayo na sa kasaysayan ay naging tao ang Anak ng Diyos at nakipamayan sa atin. Na dahil sa pagtugon ng isang babaeng taga-Nazareth ay nabigyang katuparan ang plano ng Diyos para sa tao. Ito ang nilalahad ng ating Ebanghelyo sa ikaapat na Linggo ng Adbiyento. Kung ating babasahin sa kasalukuyang panahon ay para lamang tayong nagbabasa ng nobela na nakahanda na ang script ng mga tauhan sa kuwento. Ngunit hindi ganoon kasimle ang nangyari. Para sa kay Maria ang lahat ay malaking pagguho ng kanyang personal na plano para sa kanyang buhay. Ang pagbati ng Anghel ay siguradong nagbigay sa kanya ng pagdududa! "Nagulumihanan si Maria" sa mga sinabi ng Anghel Gabriel. Naguluhan siya sapagkat wala ito sa kanyang orihinal na plano. Ngunit ng naipaliwanag lahat ng anghel sa kanya ang nais ng Diyos ay buong puso niyang nasabing: "Ako ang alipin ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ayon sa iyong salita." Katulad ni Maria tayo rin ay nakakaranas na magduda sa ating buhay. May kuwento ng isang mister ang malapit na sa bingit ng kamatayan. Ipinatawag niya ang kanyang asawa at sinabi: "Alam mong bilang na ang mga sandali ko. Nais ko sanang mapayapa ang aking sarili bago ako mamatay. Tapatin mo nga ako, ako ba ang ama ng ating bunso? Napansin kong magkamukha ang panganay at kasunod ngunit napakalayo ang itsura ng ating bunso." Sumagot ang babae: "Ano ka ba naman? Pinagdududahan mo ba ako? Tunay na anak mo yan no? Pero sigurado ako...yung dalawa, kay kumpare 'yun!" hehehe... Ang hirap nga naman kapag nasa ganun kang sitwasyon. Marami tayong katanungan sa ating buhay. May mga pangyayari sa atin na mahirap bigyan ng paliwanag. May mga plano tayo na hindi nasusunod at kung minsan pa nga ay bumabagsak. Kalimitan ay hirap tayong magdesiyon sa ganitong mga sitwasyon. Hinahamon tayo ng Ebanghelyong tumulad kay Maria. Bigyan natin ng puwang ang Diyos sa ating buhay. Isama natin siya sa paglutas ng ating mga problema. Mas magandang tanungin kung ano ba ang nais ng Diyos para sa atin sa halip na kung ano lang ang gusto nating mangyari. Sa ganitong paraan ay matutulad din tayo kay Maria na tinawag ng Anghel na "puspos ng biyaya" sapagkat sinangayunan niya ang plano ng Diyos para sa kanya.

Sabado, Disyembre 10, 2011

S.B.P. sa PASKO: Reflection for 3rd Sunday of Advent Year B - Dec. 11, 2011


Labing apat na tulog na lamang at Pasko na! Nasaan ka na sa iyong paghahanda sa Pasko? Noong nakaraang taon ay nauso ang mga S.M.P., ang Samahan ng mga Malalamig ang Pasko. Ngayon naman ay may isang grupo uli na dapat nating iwasan. Iwasan natin ang mapabilang sa S.B.P. - ang Samahan ng mga Badtrip ang Pasko! Bakit ba tayo madaling ma-badtrip? Nakakabadrip kapag hindi nasunod ang gusto nating mangyari at kapag pumalpak ang ating plano. Nakakabadtrip kapag may mga taong parati na lamang sumasalungat sa gusto nating mangyari. Nakakabadtrip kapag walang koneksyon ang mga nangyayari sa ating buhay at tila walang patutunguhan ito. Tayo ba ang may gawa nito? Hindi natin pinipili ang malagay sa ganitong sitwasyon sa buhay. Sa katunayan ay dalawa lang naman ang pagpili na lagi nating ginagawa. Pinipili natin ang MAGMAHAL o kaya naman ay ang MATAKOT. Ang bunga ng pagmamahal ay kapayapaan, kapanatagan ng kalooban, at kagalakan sa sarili. Ang bunga ng pagkatakot ay sama ng loob, galit, kaguluhan ng pag-iisip... pagkabadtrip! Ngayong ikatlong Linggo ng Adbiyento ay hinihikayat tayo na magsaya at magalak. Ang kagalakang ito ay hindi natin pinipili. Ito ay bunga lamang kung pinili natin ang magmahal kaysa matakot. Ang dahilan ng ating kagalakan ay sapagkat may Diyos na nagmahal sa atin; at sa laki ng kanyang pagamamahal ay isinugo niya ang kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas. Kaya nga't ang taong pinili ang magmahal ay mga taong tunay na maligaya! Maligaya sapagkat sumasakanila ang pag-ibig ng Diyos. Kahit na anong mangyari ang Diyos ay alam nilang kasama nilang lagi. Siya ang Emmanuel o ang "Diyos na nananahan sa atin." Kaya nga't nasabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Tesalonika: "Magalak kayong lagi, maging matiyaga sa pananalangin at ipagpasalamat ang lahat ng pangyayari." Ang tunay na kagalakan ay nanggagaling sa isang pusong nagpapasalamat. Pasalamatan mo ang Diyos sa mga bagay na mayroon ka. Ang pagkabadtrip ay nangyayari kapag hindi natin makuha ang ating gusto. Matuto tayong makuntento sa mga ibinigay niya sa atin at pahalagahan natin ito. "May isang batang umiiyak sapagkat wala siyang bagong sapatos sa Pasko. Hindi siya maawat sa pag-iyak at paglumpasay sa sahig. Ngunit ang kanyang pag-iyak ay sinabayan naman ng isang malakas na halakhak na nanggagaling sa labas ng bahay. Dumungaw siya sa bintana at nakita niya ang isang batang kasing edad niya na masayang-masayang naglalaro. Napatigil ang bata sa pag-iyak ng makita niya na ang batang napakasaya ay putol ang isang paa!" Kadalasan, ang nakikita natin ay ang "sapatos" na hindi maibigay sa atin. Nakakaligtaan natin na ang kasiyahan sa buhay ay hindi nakasalalay sa sapatos kundi sa "paa" ng nagsusuot nito. Nasaan ka na sa paghahanda mo sa Pasko? Baka sapatos lang ang hinahangad mo. Makuntento ka sa mga pagpapalang ibinigay ng Diyos sa iyo. Magsaya ka sapagkat ito ay pinagkaloob ng Diyos na nagmamahal sa iyo ng lubos!

Biyernes, Disyembre 2, 2011

TOURNAMENT SA LANGIT: Reflection for Second Sunday of Advent Year B - December 4, 2011

Gusto mo bang pumunta sa langit? Ngayon na? Siguro ang sagot mo: "As in ngayon na?" Nakakatakot nga naman kung "ngayon na" dahil marami sa atin ang magsasabing "hindi pa ako handa!" May dalawang magkaibigan na fanatic sa badminton. Halos lahat ng tournament ng badminton ay sinasalihan nila at walang pinapatawad. Sa sobrang pagkafanatic nila sa badminton ay nangako silang kung sino man sa kanila ang unang mamamatay ay dapat ibalita kung may badminton din sa langit. Nagkataong paglipas lamang ng ilang linggo ay binawian ng buhay ang isa sa kanila. At tinupad naman nito ang kanyang pangako. Kinagabihan ay dinalaw niya ang kanyang kaibigan. "Pare, si Budoy ito , may good news at bad news ako para sa iyo..." Laking gulat at takot ng kanyang kaibigan ng marinig ang tinig ni Budoy. "Ang good news ay... may badminton tournament sa langit. Ang bad news... ikaw ang makakalaro ko bukas!" hehehe... O di ba kahit ikaw man ang masabihan ng ganun ay matatakot ka rin? Hindi lang sa kadahilanang hindi tayo handa. Marahil ang pinakadahilan ay sapagkat hindi natin sukat na batid ang laki ng awa at habag ng Diyos. Ang panahon ng Adbiyento ay ang ating paghahanda hindi lamang para sa pagdiriwang ng Pasko ngunit sa pagharap natin sa muling pagdating ni Jesus sa ating piling. Haharap tayo hindi sa isang Diyos na mabagsik at mapanghusga ngunit sa isang Diyos na mapagpatawad at mahabagin. Kaya nga't ang panawagan ni San Juan Bautista sa ilang ay pagbabalik-loob: “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan!" Huwag sana tayong madaig ng ating sariling mga kakulangan. Totoo, walang sinuman sa atin ang karapat-dapat sa kanyang harapan, ngunit sa pagkakatawang-tao ng Kanyang Anak ay ginawa Niya tayong karapat-dapat! Ang pinakamagandang paghahanda sa pagdating ng Panginoon ay ang tuwirin ang "ang ating liko-likong landas!" Ayusin natin ang dapat ayusin sa ating buhay. Gawin natin sanang makahulugan ang Panahon ng Adbiyentong ito sa pamamagitan ng isang taos-pusong pagbabalik-loob at pagdulog sa Sakramento ng Kumpisal. Lagi tayong umasa na laki ng habag at sa walang kundisyong pagpapatawad ng Diyos sa ating mga kasalanan. Nasindihan na ang ikalawang kandila ng ating Korona ng Adiyento. Nasa ikalawang linggo na tayo ng ating paghahanda. Marahil ay panahon na upang ituon naman natin ang ating paghahanda sa paglilinis ng ating puso. Ikaw rin... baka may tournament ka na ng "badminton" bukas sa langit!