Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hulyo 27, 2013
AMA NAMING NASA LANGIT: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year C - July 28, 2013 - YEAR OF FAITH
Sa araw na ito ay idinaraos ang pagtatapos ng World Youth Day sa Rio, Brazil na kung saan ay milyon-milyong kabataan ang nagkakatipon upang ipahayag sa buong munmdo ang pagkakapatiran sa kabila ng iba't ibang lahi at kultura ng bansang kanilang pinanggalingan. Iisang Diyos Ama ang nagbubuklod sa Kanyang mga anak. Ano ba ang ibig sabihin na tayo ay pinagbubuklod ng iisang Ama? Sa isang ospital, hindi mapalagay na nag-uusap apat na lalaki sa labas ng maternity ward. Biglang lumabas ang nurse at sinabi: "Mr. Reyes, kambal ang anak n'yo! Congrtulations!" Sagot si Mr. Reyes, "Wow! Ang galing naman! Dalawa ang anak ko! Parang lugar ng pinagtratrabahuhan ko... Kapamilya ABS-CBN 2!" After five minutes, lumabas uli ang nurse: "Mr. dela Cruz! Congratulations po! Triplet ang anak n'yo!" Napasigaw si Mister: "Ha? It's a miracle! Sa Triple-V ako nagtratrabaho at tatlo ang anak ko! Amazing!" Napanganga ang pangatlo sa magkakabigan ng lumabas muli ang nurse at sinabing: Mr. De Leon, congratulation! Quadruplet ang anak mo! Apat na malulusog na lalaki!" "Sabi na nga ba eh, kaya ayaw ko ng magtrbaho sa PTV 4! Napansin ng tatlo na namumutla ang pang-pat nilang kaibigan. "Pare anung nangyari at putlang-putla ka?" Sagot ng lalaki... "Mga pare, pano'ng di ako mamumutla... ang trabaho ko sa 168 Mall!" Talaga nga namang nakakatakot ang maging ama kung ganun karaming anak ang palalakihin mo. May trabahador kami sa Don Bosco Pampanga na may labindalawang anak at nung rumagasa ang lahar ay litong-lito siya kung sino ang uunahin niyang iligtas! May isa pa nga akong kilala na sa dami ng kanyang anak ay litong-lito na siya sa kanilang mga pangalan! Ngunit iba ang ating Diyos Ama! Kilala at mahal N'ya tayong lubos. Tayong lahat ay tinuring n'yang anak kahit na marami sa atin ay pariwara at walang utang na loob sa Kanyang ipinapakitang kagandahang loob sa atin. Kaya nga sa ating pagdarasal nais ni Jesus na tawagin natin Siya sa pangalang nararapat sa Kanya... "Ama namin..." Nararapat lang sapagkat ito ang unang biyayang tinanggap natin noong tayo ay biniyangan, naging "anak tayo ng Diyos!" At dahil dito ay nagkakaroon tayo ng karapatang tawagin siyang "Abba"... Papa... Daddy. Nais ni Jesus na tawagin natin ang ating Ama sa ganitong kataga lalong-lalo na sa ating pagdarasal. Nais Niyang kulitin natin ang ating "tatay" sa ating mga pangangailangan sapagkat hindi Niya mapaghihindian ang pngungulit ng kanyang mga anak tulad ng lalaking nanghihingi sa Ebanghelyo. Bilang mapagmahal na Ama ay alam Niya ang ating mga pangangailangan bago pa natin ito hingiin sa Kanya. "Humingi ka at ikaw ay bibigyan. Humanap ka at ikaw ay makatatagpo." Huwag tayong panghinaan ng loob kung hindi minsan natutugunan ang ating mga panalangin. Kung matagal man niyang ibigay ang ating mga kahilingan ay marahil nais Niya tayong maging matiyaga sa paghingi. Kung hindi man Niya ibigay ito ay marahil may ibang plano Siya sa atin at ibang paraan ang Kanyang pagsagot. Ang Diyos laging sumasagot ngunit sa Kanyang sariling pamamaraan. Tayong lahat ay Kanyang mga anak... sana matanim natin ito ng malalim sa ating isipan. At ngayong Taon ng Pananampalataya, ang hamon sa atin ay magkaroon ng matibay na pagtitiwala sa ating Diyos. Siya ay Amang mapagmahal, mapag-aruga at mapagpatawad! Tawagin natin Siya sa paraang nais ni Jesus na itawag natin sa Kanya... AMA NAMIN!
Linggo, Hulyo 21, 2013
PAKIKINIG AY PAGTANGGAP: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year C - July 21, 2013 - YEAR OF FAITH
Tayong mga Pilipino ay may isang natatangi at maipagmamalaking katangian. Tayo raw ay mga taong naturally hospitable o likas na mainit tumanggap ng mga panauhin. Dito man sa ating bayan o sa ibang bansa ay likas ang ating pagiging 'hospitable". Personal ko itong naranasan noong ako ay nakasama sa World Youth Day na ginanap sa Canada. Sa pagdating pa lamang namin doon at nalaman ng mga Pilipinong naninirahan sa Vancouver na may mga delegates na galing sa Pilipinas ay bumaha ng pagkain sa aming tinutuluyang parokya at parang may pistang naganap. Noong ako naman ay naitalagang Asst. Parish Priest ng parokya ng Mayapa sa Laguna ay naranasan ko ang di mapapantayang hospitality ng mga taong taga-barrio. Kapag may pista sa isang barrio ay dapat mo ng ihanda ang iyong sarili sa buong araw na kainan. May sampung bahay akong binasbasan noon at lahat ay nagpakain. Nakakainis sapagkat bawal ang tumanggi sapagkat sasama ang kanilang loob at ang mas nakakagalit ay pare-pareho ang luto ng kanilang ulam! Gayunpaman ay nakakatuwa ang kanilang "hospitality". Hindi lang naman sa ating mga Pilipino ang ganitong katangian. Ang mga Hudio ay mas higit pa nga kaysa sa atin. Sa unang pagbasa ay narinig natin ang pagtanggap ni Abraham sa tatlong anghel na nag-anyong tao at bumisita sa kanya. Ipinagghanda sila ni Abraham ng makakain at lugar na mapaghihingahan at nagantimpalaan naman ang kabutihang ito sapagkat ibinigay ng Diyos sa kanya si Isaac bilang kanyang anak sa kabila ng katandaan nilang mag-asawa. Sa Ebanghelyo ay nakita rin natin ang mainit na pagtanggap kay Jesus ng magkapatid na Marta at Maria. May pagkakabiba lang nga sa kanilang ginawang pagtanggap. Si Marta, na mas nakatatandang kapatid, ay abalang-abala sa mga gawaing bahay samantalang si Maria ay piniling makinig sa tabi ni Jesus. Sa kahuli-hulihan ay naging mas kalugod-lugod si Maria sa paningin ni Jesus sapagkat pinili niya ang higit na "mas mahalaga!" Tayo rin ay tinatawagang tanggapin si Jesus sa ating buhay. Sa pagtanggap na ito ay dapat marunong tayong makinig sapgkat ito ang pagtanggap na kinalulugdan ng Panginoon. Ang karaninwang sakit nating mga Kristiyano ay KSP: Kulang Sa Pakikinig. Kalimitan sa ating pagdarasal ay tayo lang ang nagsasalita. Bakit di natin ang bigyan ng puwang ang tinig ng Diyos sa ating buhay? Ang Diyos din ay nagsasalita sa ating kapwa kaya dapat ay marunong din tayong makinig sa kanila. Kailan ka huling nakinig sa payo ng iyong mga magulang? Mga magulang, nabigyan n'yo na rin ng pagkakataong magsalita at pakinggan ang inyong anak? Ang tunay na pakikinig ay pagtanggap kay Jesus. At ang pagtanggap sa Kanya ay nagbibigay ng kaligayahang walang hanggan.
Sabado, Hulyo 13, 2013
KAPWA KO MAHAL KO: Reflection for 15th Sunday in Ordinary time Year C - July 14, 2013 - YEAR OF FAITH
Sa tuwing ako ay nagpapakilala sa aking sarili ay maingat ako sa pagsagot kapag ang tanong ay ang lugar ng aking bahay. Kapag sinabi kong "Tundo" agad-agad ang sasabihin ng iba, naku KRIMINAL yan! Me ganun? Sapagkat Tundo ba, kriminal agad? Di ba puwedeng "holdaper" o "snatcher" muna? hehehe... Kung minsan madali tayong ma-bias sa isang tao dahil sa kanyang anyo, estado sa buhay o lugar na pinanggalingan. Pakinggan n'yo ang kwentong ito: Isang pulubi ang nagdarasal sa likod ng Simbahan: "Panginoon, tulungan mo naman po ako. May sakit ang aking anak. Wala kaming kakainin mamya. Kung maari bigyan mo naman ako kahit na limandaang piso." Lingid sa kanyang kaalaman ay may isang pulis na nakarinig sa kanyang panalangin. Nahabag ito at dumukot sa kanyang wallet. Binilang niya ang laman at umabot lamang ito ng apat na daang piso. Gayun pa man, iniabot niya ito sa pulubi. Tuwang-tuwa ang pulubi at binilang ito. Muli siyang lumuhod at nagdasal: "Panginoon, maraming salamat po! Pero sana sa susunod, wag mo nang padaanin sa pulis... nagkulang tuloy ng isang daan!" Kalimitan ay hirap tayong makita ang kabutihan ng iba sapagkat nakakahon na ang kanilang pagkatao sa ating isipan. Kapag nakakita ng pulis, kotong cop yan! Kapag nakakita ng politician, trapo yan! Kapag nakakita ng artista, maraming asawa yan! Ganito rin ang pagtingin ng mga Hudyo sa mga Samaritano nang panahon ni Jesus. Kapag Samaritano... kaaway yan! Nang tinanong si Jesus ng dalubhasa sa batas kung ano ang pinakamahalaga sa mga utos ay sinagot niya ito sa huli ng isa ring tanong: "Sino ang nagpakita ng pakikipagkapwa sa taong hinarang ng tulisan?" Hindi masagot ng eskriba si Jesus ng diresto sapagkat kaaway nila ang mga Samaritano. Kung minsan ay ganito rin ang ating pag-uugali. Hirap tayong magpakita ng pagmamahal sa ating mga kaaway. Hirap tayong magpatawad sa ating mga kasamaang-loob. Hindi natin matanggap na sila rin ay ang ating "kapwa". Malinaw ang mensaheng nais paratingin ni Jesus sa atin: Ang ating kapwa ay ang mga taong nangangailangan, nangangailangan ng tulong, ng awa, ng pag-aaruga at higit sa lahat...ng pagpapatawad. Ang utos ng Panginoon na mahalin natin ang Diyos ng higit sa lahat at ang ating kapwa gaya ng pagmamahal sa ating sarili ay hindi lamang utos na nakalimbag sa Bibliya o sa ating Katesismo. Ito ay nakalimbag hindi sa papel kundi sa ating mga puso. Ibig sabihin ay napakalapit sa atin sapagkat ito ay nasa ating kalooban, kabahagi ng ating pagiging tao at ng pagiging anak ng Diyos natin. Kaya't wala tayong maidadahilan upang hindi natin maisakakatuparan ang mga utos na ito. Sabi nga nating mga Pilipino: "Kung gusto mo, may paraan, kung ayaw mo may dahilan!" Ngayong Taon ng Pananampalataya, sikapin nating tingnan ng naiiba ang ating kapwa. Subukan nating aninagin ang mukha ni Jesus sa bawat isa sa kanila lalong lalo na sa ating mga kaaway o sa mga taong ating kinaiinisan. Sana masabi natin palagi... KAPWA KO, MAHAL KO! KAPWA KO, SI KRISTO!
Linggo, Hulyo 7, 2013
KRISTIYANONG PANIKI: Reflection for 14th Sunday in Ordinary time Year C - July 7, 2013 - YEAR OF FAITH
Tatlong pari ang nag-uusap tungkol sa isang malaking problema sa kanilang mga parokya: na ang kisame ng kanilang mga simbahan ay pinananahanan ng mga paniki. Ang sabi ng isa: "Ah, ang ginawa ko ay bumuli ako ng air-gun at pinagbabaril ko ang mga paniki para mabulabog sila. Nag-alisan naman, kaya lang bumalik uli at nagsama pa ng kanilang mga tropa!" Ang sabi namang pari, "Ako naman, bumili ng pang chemical spray. ginamit ko ito at simula ay effective naman. Marami ang namatay ngunit may mga naiwan. Ang masaklap ay na-immune ang mga ito at maging ang kanilang mga naging anak at apo ay di na tinatablan ng chemical." Pagyayabang na sabi ng pangatlong pari: "Ako simple lang. Di ako ganong gumastos! Kumuha lang ako ng tubig. Binasbasan ko ito. Bininyagan ko ang mga paniki at pagkatapos ay nagliparan palabas ang mga paniki at hindi na muling bumalik sa simbahan!" Marami sa ating mga Katoliko ay walang pinagkaiba sa mga paniking bininyagan! Pagkatapos mabinyagan ay palipad-lipad na lamang sa labas ng simbahan at ayaw ng pumasok! Nakalulungkot ngunit ito ang katotohanan: maraming Katoliko ang kristiyano lamang sa "baptismal certificate", nabinyagan ngunit hanggang doon na lamang. "Sacramentalized but not evangelized!" Ngayong Taon ng Pananampalataya" ay idinaos din ang "New Evangelization". Sa katunayan ay nagkaroon pa ng pagtitipon ang mga obispo sa buong mundo upang pag-usapan ang pangangailangang ito ng Simbahan na maglunsad muli ng makabagong paraan ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita ni Kristo. Ngunit hindi lamang ito gawaing iniatas sa mga obispo, pari o mga relihiyoso. Sa ating Ebanghelyo ay narinig natin ang pagsusugo sa pitumpu't dalawang alagad. Isinugo sila ni Jesus upang tulungan Siya sa pagpapalagananp ng Mabuting Balita. Tayong lahat din, sa bisa ng ating Binyag ay isinusugo rin ni Jesus. Hindi natin kinakailangang lumayo sapagkat sa ating mga tahanan ay maari na nating siumulan ang gawaing ito. Isinusugo tayo ni Jesus na ilapit sa Kanya ang ating mga magulang, anak, kapartid, kapitbahay at ang ating mga kaibigan. Ibahagi natin si Jesus sa paraang kakaiba. Ipakilala natin si Jesus sa paraang naangkop sa makabagong takbo ng panahon. Mula sa paggamit ng cellphone hanggang sa internet, social networking sites at iba pang hi-tech na pamamaraan ay maaari nating ipalaganap ang Mabuting Balita ni Kristo. Tingnan mo ang nilalaman ng mga pakikipagtalakayan ninyo. Pasok ba si Kristo sa mga pinag-uusapan ninyo? May lakas ng loob ka bang magbanggit ng mga espirituwal na bagay sa mga kasama mo sa bahay o sa iyong mga kaibaigan? O baka naman ikinahihiya mo ang iyong pagiging Kristiyano? Ngayong Taon ng Pananampalataya ay mangako tayo na pagsisikapan nating ipahayag si Kristo sa iba. Mangako tayo na magdadala tayo ng kaibigan kay Kristo lalo na ang mga "kristiyanong-paniki" na patuloy pa rin sa paglipad-lipad sa labas ng simbahan.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)