Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Setyembre 28, 2013
PAKIALAMERONG KRISTIYANO: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year C - september 29, 2013 - YEAR OF FAITH
"Wala kang pakialam!" Madalas nating marinig ang mga salitang ito kapag pinupuna natin ang ibang tao. Isa ito sa masama nating pag-uugali bilang mga Pilipino. Ayaw na ayaw nating pinakikialaman ang ating buhay. Sabi nga ng ilang postings sa Facebook na nakita ko: "Alam mo, napapabayaan mo na ang sarili mo. Wala ka kasing ibang inintindi kundi ang PAKIALAMAN ANG BUHAY NG IBANG TAO!" At ito pa ang isa: "Dear PAKIALAMERA, may sarili buhay ka naman di ba? Bakit pati sa buhay ko nakikisawsaw ka?" Kaya nga marahil ay napipigilan tayo sa pakikialam sa iba. Ang pakikialam agad-agad ay nagiging masama! Totoo, dapat nating respetuhin ang "privacy" ng ating kapwa. May mga bagay na hindi natin dapat panghimasukan. Ngunit kung ang nakasalalay ay ang ikasasama nila at naroroon lamang tayong nakatayo na walang ginagawa, ay may malaki tayong pagkukulang at pananagutan. Kalimitan sa kumpisal ang sinasabi natin ay mga nagawang kasalanan o "sins of commission". Ngunit kung ating iisipin, may mga kasalanan din na ang tawag ay "sins of omission", mga kabutihan na dapat ay nagawa natin ngunit hindi natin ginawa. Dito natin makikita ang pagkakamali ng mayaman sa talinhaga ng ating Ebanghelyo. Marahil, mabuti siyang tao: Hindi nagnanakaw. Hindi nangangalunya. Hindi naninira ng kapwa. Pero meron sya'ng nakaligtaan... yung taong nasa labas lang ng kanyang pinto na namamatay sa gutom. Maaari n'yang ibsan ang paghihirap ni Lazaro ngunit mas pinili n'ya ang magwalang bahala... "wag makialam." Sayang! Nakagawa sana s'ya ng mabuti! Sa kahuli-hulihan ay nabaliktad ang kanilang kapalaran pagdating sa kabilang buhay. Nabulid ang mayaman sa "apoy ng kapahamakan." Magsilbi sana itong babala sa ating lahat! Maging pakialemero tayo sa ating kapwa kapag ang nakasalalay ay ang kanilang kabutihan at kapakanan. Sapagkat ang Diyos mismo ay nakialam sa ating kalagayan noong siya ay nagkatawang-tao upang iligtas tayo sa kasalanan. Sa katunayan ay wala namang obligayson ang Diyos na "maging tao at makipamayan sa atin!" Lalo nang wala siyang obligasyong dumanas at mamatay para sa atin. Ngunit, dahil sa kanyang walang kapantay na kabutihan ay niloob niyang pakialaaman ang ating abang kalagayan upang ibalik ang naputol nating kaugnayan sa Diyos. Tayo ay magkakapatid sa pananampalataya. Ang kabutihan ng isa ay kabutihan ng lahat at ang kapahamakan ng isa ay kapahamakan ng lahat. Paano tayo makikialam bilang mga Kristiyano? Una, ay ang ating pakikisa sa mga naghihirap. Ang kahirapan ay bunga ng pagkamakasarili ng ilang tao na tanging kapakanan nila ang inuuna at iniisip. Makiisa tayo sa paghihirap ng iba at limutin ang ating sarili. Ikalawa ay huwag tayong matakot na itama ang pagkakamali ng iba! Ang kasamaan ay lumalaganap sapagkat may mga taong ayaw manindigan sa tama. At pangatlo ay ang pagpapalaganap ng kabutihan. Kapag tayo ay nagpapalaganap ng kabutihan ay siguradong hindi tayo magkakamali. Makialam tayo para kay Kristo! Ang tunay na Kristiyano ay PAKIALAMERO!
Sabado, Setyembre 21, 2013
TALINONG-KRISTIYANO : Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year C - September 22, 2013 - YEAR OF FAITH
Bakit kapag pera ang pinag-usapan, marami sa atin ang tuso? Ang mga bobo ay nagiging matalino. Ang walang pinag-aralan nagiging henyo! Isang lalaki ang pumasok ng simbahan at nagdasal kay Santiago Apostol. "Poong Santiago, bigyan mo ako ng isang malaking kabayo at ipagbibili ko. Ang pagkakakitaan ay paghahatian natin ng pantay. Kalahati sa 'yo at kalahati sa simbahan. Laking pagkagulat niya ng pag-uwi niya sa bahay ay nakakita siya ng malaking kabayo sa harap ng kanyang bahay. Nilapitan niya ito at sinakyan at kataka-takang hindi ito umalma. "Ito na nga ang kabayong kaloob ni poong Santiago!" Kayat dali-dali niya itong dinala sa palengke. Sa daan ay nakakita siya ng isang manok na pilay. Hinuli n'ya ito upang ipagbili. Pagdating sa palengke ay nilagyan niya ng presyo ang kanyang mga paninda. Ang lahat ng nakakita ay tumatawa. Nakasulat: Manok = 100,000 pesos, Kabayo = 20 pesos. Pero may pahabol na ganito ang sinasabi: "Puwede lang bilhin ang kabayo kung bibilhin din ang manok!" Isang mayaman ang nagkainteres sa kabayo kaya't napilitan din itong bilhin ang manok. Dali-daling bumalik sa simbahan ang lalaki. Dumukot sa kanyang wallet ng pera at sabay sabing: "Poong Santiago... eto na ang parte mo!" At naglabas siya ng 10 piso at inilaglag sa collection box! May tawag sa ganitong uri ng tao... SWITIK! Magaling dumiskarte! Matalino! Tuso! Ganito rin ang kuwento ni Hesus sa talinhaga. Ngunit huwag tayong magkakamali. Hindi pandaraya ang itinuturo ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang nais niya lang sabihin ay dapat tayo rin bilang mga Kristiyano ay matalino pag dating sa mga espirituwal na gawain. Na dapat ay kaya nating gamitin ang "kayamanan" ng mundong ito para sa ikaliligtas ng ating kaluluwa at hindi tayo ang ginagamit ng kayaman tungo sa ating ikapapahamak! Malinaw ang sabi ni Hesus:"Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Hindi ninyo mapagliling-kuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.” Kung may pera man tayo o kayamanang taglay, minana man o pinaghirapan, lagi nating pakatandaang ito ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos at dapat gamitin sa tamang paraan. Kung may angkin tayong talino at galing isipin nating ito ay hindi lamang para sa atin kundi para rin sa iba. "Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay..." sabi ni Hesus. Kung kaya nating mag-aksaya ng oras sa gimik at galaan, sa computer at pagtetext o kaya ay magbabad sa harapan ng telebisyon o sinehan, dapat kaya rin nating maglaan ng oras para sa pagdarasal, pagbabasa ng Biblia, pagsisimba... Sana ang pagka-switik natin ay itaas natin sa "next level!" Habang may panahon pa tayo ay umiwas tayo sa mga gawaing masama at pairalin ang paggawa ng mabuti. Gamitin ang ating angking galing at talino upang maging mga tunay na "switik" na tagasunod ni Kristo! Ngayong Taon ng Pananampalataya, ipakita natin ang ating talinong-kristiyano.
Sabado, Setyembre 14, 2013
PABORITO NG DIYOS (Reposted & Revised) : Reflection for 24th Sunday in Ordinary 'Time Year C - September 14, 2013 - YEAR OF FAITH
May paborito ba ang Diyos? Marahil, sa ating mga tao ay natural na ang may itinatangi, may pinapanigan, may espesyal sa paningin... may "apple of the eye" kung tawagin. Ngunit ang Diyos... na lubos na makatarungan at pantay kung magmahal... may paborito rin kaya? Hanapin ang sagot sa kuwentong ito... May isang paring kung magpakumpisal ay may kakaibang 'gimik". May dala-dala s'yang maliit na "bell" na kanyang pinapatunog upang sabihin sa mga taong tapos na ang nagkukumpisal at pinatawad na ang kanyang kasalanan. Eto ang mas nakakaintriga, napansin nila na ang haba ng tunog ng "bell" ay depende sa dami ng kasalanan ng nagkumpisal! Minsan, ay nagkumpisal ang tinuturing nilang "pinakamakasalanan sa parokya!" Isa siyang kilalang babaero, sugarol, lasenggero, at halos taglay na niya ata ang lahat ng "bisyo". Nag-abang ang mga tao kung gaano kahaba ang kanilang maririnig na tunog. Nagtaka sila sapagkat nakakatrenta minutos na ay wala pa silang naririnig. "Baka, hindi na nakayanan ni Father... baka hinimatay na s'ya!" ang sabi nila. Laking pagkagulat nila ng biglang lumabas si Father sa kumpisalan at karipas na tumakbong palabas ng simbahan. Nagtungo siya sa kampanaryo ng simbahan at narinig ang... "Booong! boong! bong! booong!" Ganito kagalak ang Diyos sa mga kasalanang nagsisisi. Kung mayroon mang paborito ang Diyos sila ay walang iba kundi ang mga makasalanan na handang magbalik-loob sa Kanya. Ang pagbabalik-loob ng isang taong makasalanan ay kagalakan para sa ating Diyos at dahilan upang magdiwang Siya ng isang tagumpay! Sa Ebanghelyo ay ikinumpara Siya sa isang pastol na naghanap at nakasumpong sa kanyang nawawalang tupa o kaya naman ay sa isang babaeng nakasumpong sa kanyang nawawalang salaping pilak. Lubos ang kanilang kagalakan sapagkat nagbunga ang kanilang ginawang paghahanap. Ito ang isang katotohanan na dapat nating maunawaan: tayong lahat, sa kabila ng ating pagiging makasalanan ay paborito ng Diyos! At sapagkat paborito Niya tayo ay lagi Niya tayong hinahanap at hinihintay Niya ang araw na tayo ay Kanyang masusumpungan. Kung ikaw man ay nakakaramdam ng pagkahiya o pagkamaliit dahil sa marami mong kasalanan ay lagi mong isipin na ang Diyos ay mapagtimpi. Sapat lamang na tayo ay magpakumbaba at aminin ang ating kakulangan at pagkakamali tulad ng ginawa ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Naunawaan ni San Pablo na "paborito" siya ng Diyos kaya't hindi niya nahiyang aminin ang kanyang pagiging makasalanan: "At ako ang pinakamasama sa lahat. Ngunit kinahabagan ako ng Diyos upang sa nangyari sa akin ay ipakita ni Kristo Hesus kung gaano siya katiyaga..." Sa mga kaguluhang nangyayari ngayon sa ating bansa ay ito lamang ang epektibong solusyon na ibinibigay sa atin ni Jesus. Kung paano siya nagtiyga at naghanap sa atin upang tayo ay ibalik sa Kanya ay dapat mayroong din tayong pagtitiyaga at pagpapatawad sa mga taong nanghahasik ng kaguluhan. HIndi dahas o armas ang kasagutan sa kapayapaan. Magkaroon man tayo nito ay panandalian lamang at hindi magtatagal uusbong na naman ang karahasan. Ang pangmatagalang solusyon sa ating minimithing kapayaan ay ang ating pagtitiyaga na isulong ito at pag-amin sa ating mga sariling pagkukulang at pagkakamali. At kung may pagkakamali man ay dapat magtuloy-tuloy ito sa pagpapatawad. Ito ang ipinakita ni Jesus para sa atmg mga makaalanan. Ito rin ang nais niyang ipakita natin sa mga taong naghahasik ng karahasan at kaguluhan. Maging instrumento tayo ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagtitiyaga at pagpapatawad at siguradong lalo tayong magiging mga PABORITO NG DIYOS.
Biyernes, Setyembre 6, 2013
KAARAWAN NG INA... KATAPATAN NG AMA: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year C - September 8, 2013 - YEAR OF FAITH
Bagamat araw ng Linggo ay inaalala pa rin natin ang kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria. Bilang isang "bayang sumisinta kay Maria" ay hindi natin maisasantabi ang pagdiriwang na ito. Nakababatid na ang tunay na debosyon kay Maria ay dapat maghatid sa atin kay Jesus, naglalaan pa rin tayo ng pagkakataon upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan. Paano nga ba naging Sept. 8 ang kanyang kaarawan? Simple lang. Daanin ko sa isang kuwento ang sagot: "May isang turistang Amerikano ang sumakay ng bus papuntang Macabebe, Pampanga. Medyo nainip siya sa haba ng biyahe kaya tinanong ang kundoktor: "Hey Joe, how long to Makabaybe?" Ang pagkaintindi ng kundoktor ay "how long to make a baby", kaya tinawanan niya ang Amerikano. Natural, napikon ang Kano at sinigawan ang kundoktor: "Hey! Don't laugh at me! I'm asking you a serious question: "how long to Makabaybe?" Pagalit na sumagot ang kundoktor: "Ahhhh... don't you shouting at me ha? I'm no ignorant. Ok, I will tell you... it's nine months to "make a baby!" Napatalon sa kinauupuan ang kano, "Nine months??? Gosh... it's too far!" hehehe... Ang sagot sa tanong ko kanina kung bakit Sept. 8 natin ipinagdiriwang ang birthday ni Mama Mary ay ito... wala sa historical o theological explanation ang kasagutan. Ang sagot ko lang ay katulad ng sagot ng kundoktor: "Nine months to make a baby." Bilangin mo mula Dec. 8, ang araw ng kalinislinisang paglilihi kay Maria (Immaculate Conception) hanggang Sept. 8, ang kanyang kapanganakan, at makikita mong siyam na buwan ang haba noon! Hindi naman mahalaga ang eksaktong petsa ng kapanganakan ng Mahal ng Birhen. Ang mahalaga ay isinilang siya bilang tao dito sa lupa upang mabigyang daan ang katuparan ang plano ng Diyos.Ang Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birhen ay dapat magpaalala sa atin ng kagandahang loob at katapatan ng Diyos. Sa simula palang na nagkasala ang tao ay ninais na ng Diyos na sagipin ang tao sa pagkakasala. Napakahabang paghahanda ang nangyari. Kasing haba ng tala-angkanan na nakasulat sa Ebanghelyo ni Mateo. Mahabang panahon ang hinintay ng sangkatauhan, ngunit sa gayunpaman ay hindi tinalikuran ng Diyos ang kanyang pangako. Pinili niya ang isang babaeng taga-Nazaret upang maging ina ng Kanyang Anak. Lubos ang kabutihan at katapatan ng Diyos. Ang Diyos ay laging tapat sa atin. Sa kabila ng ating araw-araw na pagtalikod at paglimot sa kanya ay tuloy pa rin ang alok Niyang kaligtasan. Pinahahalagahan ko ba ito? O baka naman, binabalewala ko lang ang Kanyang kabutihan sa patuloy na paggawa ng kasalanan at pagpapairal ng masamang pag-uugali. Ang Ebanghelyo ngayong Linggo ay nagpapaalala sa atin na seryosohin ang ating pagsunod kay Kristo. Dapat ay may masusi rin tayong pagpaplano ng ating mga dapat gawin upang maging ganap ang ating pagiging Kristiyano. Ang talihaga ng pagtatayo ng tore at haring makikipagdigma ay babala sa atin na huwag magpakakampante sa ating buhay espirituwal. Kung ang Diyos nga ay pinaghandaang mabuti ang Kanyang planong kaligtasan ay dapat tayo rin, may mga hakbangin at layunin upang ipakita ng seryoso tayo sa kahulugan ating bautismo. Ang kapanganakan ng Mahal na Birhen ay hindi lang dapat magpaalala sa atin ng katapan ng Diyos. Dapat ito rin ay magtulak sa ating maging tapat at radikal sa ating pagsunod kay Kristo. "Hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.” O Maria... tulungan mo kaming maging tapat na katulad mo... Maligayang kaarawan sa iyo aming Ina!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)