Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Nobyembre 28, 2015
UNANG PANAHON, TAMANG PANAHON AT WAKAS NG PANAHON: Reflection for 1st Sunday of Advent - Year C - November 29, 2015 - Year of the Eucharist
Ang Unang Linggo ng Adbiyento ang BAGONG TAON NG SIMBAHAN! Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay inilalaan nating panahon para "paghandaan" ang pagdating ni Jesus. Tatlong uri ang pagdating na ito na na nag-aanyaya sa ating maghanda: Una ay ang kanyang unang pagdating noong UNANG PANAHON na Siya ay nagkatawang tao na ginugunita natin tuwing araw ng Pasko. Ikalawa ay ang kanyang patuloy na pagdating sa ating piling sa misteryosong paraan katulad ng pagtanggap natin ng mga Sakramento at paggawa ng kabutihan sa kapwa na kung saan ay nagbibigay Siya sa atin ng TAMANG PANAHON upang atin siyang makatagpo. At ikatlo ay ang kanyang muling pagdating sa WAKAS NG PANAHON na hindi natin alam kung kailan ang araw at oras at sa pagdating na ito ay huhusgahan Niya tayo ayon sa kabutihan o kasamaang ating ipinakita noong tayo ay nabubuhay pa. Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas" labang bilang paggunita sa "unang panahon": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party. Marahil ay kailangan din naman ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan ngunit hindi lang ito ang dapat na paghahanda para sa isang masaya at makahulugang pagdating ng Panginoon. Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin. Si San Pablo ay nagpapaalala sa atin: "Kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus."Sa Ebanghelyo naman ay pinapaalalahanan tayo ni Hesus: "Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa TAMANG PANAHON na kung saan ay hindi tayo nagpapabaya at walang ginagawa. Kaya nga sa paghahandang ito ay hinihimok tayong tanggalin ang ating masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso! Ang Taon ng Eukaristiya at Jubilee Year of Mercy ay nag-aanyaya sa 'tin ng tatlong uri ng paghahanda ayon sa Kanyang tatlong uri ng pagdating; Una, ay ang "muling pagtanggap" kay Jesus na una na nating tinanggap noong tayo ay bininyagan. Ikawala ay ang "bukas-pusong pagtanggap" sa kanyang araw-araw na pagdating sa ating piling. At pangatlo ay ang ating "handang pagtanggap" na kung saan ay susulitin Niya tayo sa ating mga ginawang kabutihan o kasamaan. Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Hindi tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong. Nararapat lang sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan". Masyado ng maingay ang mundo. Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo nating pagninilayan ang katangi-tanging presensiya ni Jesus sa ating buhay. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating simbahan bagkus magsilbing paalala sa atin na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. Ang pagbubukas ng Taon ng Eukaristiya ay nagpapaalala sa atin ng tahimik ngunit araw-araw na pagdating ni Jesus sa ating piling. Tanggapin natin Siya ng may pagpapakumbaba at pagpapasalamat at nawa ay makita't pahalagahan rin natin Siya sa Kanyang presensiya sa Kanyang katawan, ang SIMBAHAN, na kung saan ay nabibigyan tayo ng pagkakataong tumanggap sa Kanya sa pamamagitan ng pagpapakita ng awa at malasakit sa ating mga kapatid na kapus-palad at mahihirap. Gunitain natin at ipagdiwang ang UNANG PANAHON, tanggapin ang ibinibigay Niya sa ating TAMANG PANAHON, at salubungin natin Siya ng may pag-asa sa WAKAS NG PANAHON. Halina Jesus, manatili ka sa aming piling!
Sabado, Nobyembre 21, 2015
ANG HARING-LINGKOD: Reflection for the Solemnity of Christ the King Year B - November 22, 2015 - END OF YEAR OF THE POOR
Natapos na rin ang apat na araw ng APEC na ang sabi nga ng marami ay talaga namang nakaAPECto ng malaki sa buhay nating mga Pilipino. Kilala tayo sa ating katangiang mapagpasensiya o mapagtimpi. Subok na tayo sa maraming hirap dala man ito ng kalikasan o kagagawan na rin nating mga tao. Ngunit ang lahat ng pagtitimpi ay may hangganan. Ang pagtitiis ng hirap ay mayroon ding katapusan. At iyan ang ating nasaksihan sa ilan nating mga kababayan na hindi naitago ang kanilang saloobin sa apat na araw na kalbaryo na kanilang pilit na pinasan. Kaya naman di natin masisisi ang ilan nating kababayan na ginawa na namang katatawanan ang ilang karakter sa makasaysayang pagpupulong. Nariyan na ang mala-BAE na pagsikat ng dalawang kinatawan na mula sa bansang Mexico at Canada. Sa katunayan hinalintulad pa sila sa dalawang animae character na mala-prinsipe ang pagmumukha. Samantalang ang ating Pangulo, dala marahil ng pagkainis ng marami sa matinding hirap na kanilang dinanas dahil sa trapik at paglalakad ng halos 10 kilometro dahil sa mga isinarang daan, ay hinalintulad sa sikat ng MINION character! Ngunti sa kabila nito, hindi pa rin natin maikakaila na mahahalagang tao ang bumisita sa ating bansa at marahil kaya siguro ganun na lamang kalaki ang paghahandang ginawa ng ating pamahalaan. Ikaw nga naman ang bisitahin ng ilang presidente ng mga ilang naglalakihan at kilalang bansa. Hanggang ngayon ay naroroon pa rin ang makaharing pagtrato sa mga taong ito na handa nating isakripisyo ang lahat para lamang maibigay ang maharlikang pagtrato sa kanila. Noong panahon pa naman ni Jesus ang hari ay hinahangaan, iginagalang, sinusunod, pinagpipitagan ng kanyang mga nasasakupan. Ngunit hindi ito ang nais na iparating ni Jesus tungkol sa kanyang pagiging hari. Sa Ebanghelyo, nang si Hesus ay kinausap ni Pilato, ang itinanong sa kanya ay: "Ikaw ba ang hari ng mga Judio?" Hindi nagpatumpik-tumpik si Hesus at nilinaw pa niya ang kanyang uri ng pagiging hari: “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” Malinaw na hindi ang makamundong uri ang paghahari ni Hesus. Kung susuriin pa nga nating mabuti ay masasabi nating ang paghahari ni Hesus ay paghahari ng isang pinunong-lingkod O "servant-leader" sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Sa mundo ang hari ay pinaglilingkuran. Si Hesus bilang hari ay naglilingkod! Sa mundo ang hari ay iginagalang at pinagpipitagan. Si Hesus bilang hari ay nilapastangan at pinahirapan. Sa mundo ang hari ay sinusunod. Si Hesus bilang hari ay winalang bahala ng kanyang mga kababayan. Kapag pinararangalan natin si Hesus bilang Kristong Hari ay sinasabi nating tayo rin bilang kanyang nasasakupan ay dapat maging "servant-leader" na kung saan ang kadikalaan ay wala sa bigat ng ating posisyon o pag-aari ngunit nasa kadakilaan ng isang tunay na paglilingkod. Ito'y isang magandang paala-ala sa ating lahat lalong lalo na sa mga taong nagnanais na namang mamuno sa ating lipunan sa darating na eleksiyon. Ang tunay na pinuno ay naglilingkod sa kanyang nasasakupan. Siya dapat ay isang SERVANT muna bago hiranging LEADER. Hindi ang hiranging leader muna at saka pa lang maglilingkod. Si Jesus ang ating huwaran na dumating sa mundo hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod. Ang respeto ay naibibigay natin sa ating mga pinuno kung kinakikitaan natin sila ng saloobing maglingkod at maging alipin ng lahat. Ito rin ay totoo sa ating buhay pamilya. Ang mga magulang na tunay na naglilingkod sa kanilang mga anak ay ang tunay na nakatatanggap ng paggalang mula sa mga anak nila. Hindi nila kinakailangang ipagdiinan ang kanilang awtoridad bilang magulang sa kanilang mga anak upang pasunurin sila sapagkat sa kanilang paglilingkod ay kinakikitaan sila ng tunay na paghahandog ng sarili. Ipanalangin natin ang isa't isa na sa ating pang-araw-araw na buhay ay maisapuso natin ang paglilingkod ni Jesus, ang ating SERVANT KING. Sa pagtatapos ng Taon ng mga Dukha ay maipagpatuloy nawa natin ang ating paglilingkod sa mga mahihirap. Si Jesus, ang ating HARI ay muling darating upang tayo'y sulitin kung may nagawa ba tayong pagtulong at paglilingkod sa ating mga dukhang kapatid. Mabuhay si KRISTONG HARI!
ta
ta
Sabado, Nobyembre 14, 2015
WAKAS NG PANAHON at TAMANG PANAHON: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year B - November 25, 2015 - YEAR OF THE POOR
Kailan nga ba ang pagdating ng "wakas ng panahon?" Katulad din ba ito ng "sa tamang panahon" na walang makapagsasabi kung kailan? Marami sa atin ay natatakot sa pagdating ng "wakas ng panahon." Bakit nga ba natin ito kinatatakutan? Tunay nga bang nakakatakot ang "katapusan?" Sa isang malaking mall na kung saan ay dagsa ang mga tao dahil sa papalapit na Pasko ay bigla na lamang may sumigaw. Isang taong nakadamit na kakaiba at may karatulang hawak-hawak na nakalagay na "The end of the world is near!" Sumisigaw siya ng malakas na "KATAPUSAN NA! KATAPUSAN NA!" Nang bigla na lamang may sumagot ng: "TANGA! KINSENAS PA LANG!" Kita na ninyo... hindi lahat ng KATAPUSAN ay kinatatakutan. May KATAPUSAN na kinapapanabikan! Hindi ang "katapusan" dahil sa hinihintay na suweldo ang tinutukoy ko. Sa ating mga kristiyano ang katapusan o wakas ng panahon ay hindi dapat katakutan kundi bagkus ay dapat pa nga nating kapanabikan. Sa katunayan ang mga unang Kristiyano ay atat na atat na sa pagsapit ng katapusan ng panahon. Ang kanilang parating sinasambit ay "MARANATHA!" na ang ibig sabihin ay "Halina, Hesus! Halina!" Ang kanilang akala ay agaran ang kanyang pagdating kaya marami sa kanila ang nagbenta ng kanilang ari-arian at hindi na nagtrabaho. Ngunit itinama ni San Pablo ang ganitong pag-iisip. Hindi ganito ang inaasahan ng ating Panginoon na uri ng paghahanda. Nakakatakot ang wakas ng panahon kung mali ang ating paghahanda at lalo na siguro kung hindi tayo naghahanda. Ano ba ang tamang paghahanda sa "wakas ng panahon?" Una, tanggalin natin ang masamang pag-uugali at kung kinakailang dumulog sa kumpisal ay gawin natin ito. Walang hihigit pang mainam na paghahanda sa pagkakaroon ng isang malinis na puso. Ikalawa, gawin nating makatotohanan ang ating mga panalangin at pagsisimba sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan at pagtulong sa mga nangangailangan lalong-lalo na sa mga mahihirap. Magtatapos na ang "Taon ng mga Mahihirap" o "Year of the Poor", may nagawa na ba akong pagtulong sa kanila? Wag nating idahilang mahirap din tayo. Para kay St. Theresa of Calcutta, hindi kinakailangang malaki ang pagtulong ang sabi niya: "Kung hindi mo kayang magpakain sa isangdaang katao, kaya mo naman siguro ang isa!" Kaya nga't tama ang sinabi ng Simbahan na walang taong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba. Hindi naman natatapos sa Year of the Poor ang ating pagtulong sa kapwa. Araw-araw ay may pagkakataon tayong gumawa ng maliit na kabutihan para sa ating mga kapatid na mahihirap. Sa ating Ebanghelyo ay nagbabala ang Paningoon sa darating na "katapusan", hindi upang takutin tayo, kundi bagkus ay upang tulungan tayong maghanda sa pagdating ng araw na ito. Totoo, walang nakakaalam ng araw, oras at lugar kung saan ito mangyayari. Hindi na mahalaga kung kailan at saan. Sa ating pananampalataya ay ipinahahayag natin ang WAKAS NG PANAHON. Sa katunayan ay lagi nating sinasabi sa Misa na "Si Kristo'y namatay! Si Kristo'y nabuhay! SI KRISTO'Y BABALIK SA WAKAS NG PANAHON! Ibig sabihin, naniniwala tayo na may tinatawag na katapusan ng mundo at naniniwala rin tayo na may Diyos na makatarungan at mapagmahal na hindi tayo pababayaan sa araw na ito. Ang WAKAS NG PANAHON ay parating pa lang... Ang TAMANG PANAHON ay ngayon na! Kumilos tayo ngayon at paghandaan ang kanyang pagdating!
Sabado, Nobyembre 7, 2015
PAGBIBIGAY: Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year B - November 8, 2015 - YEAR OF THE POOR
Lahat ba ng pagbibigay ay pagakakawang-gawa? Minsan may isang pulubi na nagdarasal sa likod ng simbahan. Siya ay umiiyak at humihingi ng tulong sa Diyos. "Panginoon, sana naman po ay bigyan mo ako ng limandaang piso upang ipambili ng gamot sa aking amang may sakit. Mahal na mahal ko po siya. Huwang Mo sana kaming pabayaan!" Narinig siya ng isang pulis na nagkataong nagdarasal din sa likod. Naawa ang pulis sa kanya at dumukot ng pera sa kanyang wallet. Nagkataong dalawang daan lang ang kanyang cash sa wallet ngunit minabuti niyang ibigay na rin ito sa pag-iisip na kahit papaano ay makakatulong din sa kaawa-awang bata. Laking gulat ng bata ng iniabot sa kanya ng pulis ang dalawang daang piso. Tiningnan niya ang pulis mula ulo hanggang paa at muling nagdasal: "Panginoon, maraming salamat po. Ang bilis niyo namang sumagot, parang 'Express-padala!' Pero sana next time, 'wag n'yo sanang ipaabot kay mamang pulis. Ayun, nagkulang tuloy ng tatlong daan!" hehehe... Bakit nga ba kapag may nagbigay sa atin ay agad-agad nating tinitingnan kung sino ang nagbigay? Kasi nga naman hindi lahat ng pagbibigay ay tunay na pagkakawang-gawa! Tandaan natin na hindi nasusukat ng laki ng halagang ibinigay ang kabutihan ng taong nag-abot nito. Tingnan ninyo ang ibang pulitiko, malapit na naman ang eleksiyon, siguradong marami ang magpapamudmod ng pera. Ang intensiyon nila ay hindi para makatulong kundi upang makabili ng boto ng mga taong mahihirap. At saan ba nanggaling ang perang ipinamimigay nila? Hindi ba sa buwis din ng mga mahihirap? O kaya naman, dahil malapit na naman ang Pasko, marami na naman ang magpapakain sa mga bata, mamimigay ng nga laruan at ibang kagamitan, mamimigay ng pera. Ang tanong ano ba ang kanilang ibinibigay? Baka naman "mumo" lang ng kanilang kayamanan. Baka naman mga damit, gamit o damit na pinaglumaan na halos hindi na magamit ng taong tatanggap. Ibig sabihin, hindi lahat ng pagtulong ay pagkakawang-gawa! Ano ba ang tunay na pagbibigay? May sagot si Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Bakit kinalugdan ni Jesus ang babaeng dukhang balo sa talinhaga? “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.” Ang tunay na pagbibigay ay nanggagaling hindi sa kamay kundi sa puso! Hindi ang laki ng halaga kundi ang laki ng puso ang sukatan ng tunay na pagbibigay! Ito ay ipinakita mismo ni Jesus ng ibinigay Niya ang kanyang sarili sa krus upang mailigtas tayong mga makasalanan. Ito ay patuloy niyang ipinapakita sa bawat pagdiriwang ng Eukaristiya na kung saan sa anyong tinapay at alak ay ibinibigay ni Jesus ang Kanyang sarili sa atin bilang pagkain ng ating kaluluwa. Ito'y patuloy niyang ipinadarama sa atin sa pamamagitan ng maraming taong taos sa puso ang pagtulong sa mga mahihirap. Taos sa puso ba ang aking pagbibigay? Mararamdaman natin ito kung may kahalong sakit ang ating ginawang pagtulong sapagkat ang tunay na pagbibigay ay may kasamang sakripisyo. Masasaktan ka kung tunay kang nagbibigay sapagkat may nawawala sa iyo sa bawat pagbibigay mo. At dahil ang pagbibigay ay isang sakripisyo, ito ay nagpapaging-banal sa mga taong naghahandog nito. Bakit hndi mo subukang taos-pusong magbigay? Pagbibigay ng oras sa iyong asawa at mga anak, paglalaan ng oras ng mga anak para sa kanilang magulang, pagtulong sa isang kaibigang may problema, ay ilan lamang sa pagbibigay na hindi nangangailangan ng salapi. At bakit hindi, kung mayroon kang kakayahan, tumulong ka sa mga mahihirap o nasalanta ng kalamidad, makibahagi sa mga proyekto ng Simbahan para sa mahihirap. Mag-abuloy sa simbahan. Napakaraming paraan para makatulong sa kapwang nangangailangan. Kailan ka huling nagbigay na nasaktan ka dahil may ibinahagi ka na nagmumula sa iyong sarili? Magandang pagnilayan natin ito. Baka mababaw pa rin ang ating motibo sa pagtulong. Baka kailangan pa ring salain ang ating motibasyon at intensiyon kapag tayo'y nagbibigay. Ang sabi nga ni Mother Teresa ng Calcutta na tinaguriang "living saint" noong siya ay nabubuhay pa, "We love and love until it hurts... until we realize and feel that there is no more hurt but love..." Malapit na nating tapusin ang Taon ng mga Dukha. Marahil isang magandang tanong sa ating pagninilay ay; "May naibigay na ba ako na nagmula sa aking sarili para sa mga mahihirap?" Walang masama kung isusulat mo ang kanilang pangalan at ialay mo sa Panginoon ang listahan ng mga taong natulungan mo ngayong Taon ng mga Dukha. Sa pagtatapos ng Taon ng mga Dukha ay bubuksan naman natin ang Jubilee Year of Mercy na kung saan ay hahamunin tayong maging instrumento ng habag at awa ng Diyos para sa lahat. Nawa ay mapukaw ang ating damdamin sa isang tunay at taos pusong pagbibigay. Pagbibigay na hindi naghihintay ng kapalit. Pagbibigay na walang panunumbat at panghuhusga. Pagbibigay na nagpapahayag ng awa at pagmamahal ng Diyos sa ating lahat.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)