Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Disyembre 26, 2015
PAMILYANG MARANGAL AT BANAL: Reflection for The Feast of the Holy Family Year C - December 27 2015 - JUBILEE OF MERCY & YEAR OF THE EUCHARIST AND FAMILY
"SUSMARYOSEP!" Kalimitan nating naririnig na ginagamit ang mga katagang ito ng mga matatanda kapag sila ay nagugulat. Alam ba ninyong ito ay hango sa tatlong banal na pangalan nina JeSUS MARia at JOSEPH? Kaya nga kung minsan nakakalungkot na nawawalan na ng tamang paggalang ang paggamit ng katagang ito. Ngunit hindi natin masisisi ang mga matatanda sa paggamit ng katagang ito. Sa katunayan, mapapaSUSMARYOSEP ka sa katayuan ngayon ng ating mga pamilya. Minsan sa isang religion class ay nagtuturo ang isang madre: "Mga bata, alam ba ninyong tayong lahat ay nilikha ng Diyos? Galing tayo sa Kanya!" Sagot ang isang batang pangit, "Sister, ang sabi po ng nanay ko ay galing daw tayo sa unggoy!" "Iho", sagot ni sis, "hindi natin pinag-uusapan ang pamilya mo dito!" Papayag ka bang ang pamilya mo ay galing sa unggoy? Pero ito ang nangyayari ngayon... "INUUNGGOY" ang pamilya! Hindi na nabibigyan ng sapat na respeto ang karapatan nito. Sa ngalan ng pagtataguyod ng kalusugan, o pagpaplano ng pamilya ay matalinong naitataguyod ang unti-unting pagsira sa kabanalan ng buhay at pamilya! Kalimitang binubunton ang sisi sa lumolobong populasyon, mga sakit na dulot ng hindi safe na sex, kahirapan ng buhay... ngunit kung atin lamang susuriing malalim ay hindi ito ang ugat ng mga problema. Ito ay mga epekto lamang ng hindi paggalang sa "buhay" na kaloob ng Diyos sa atin. Tandaan natin na ang pamilya ay binubuo ng mga tao na kawangis ng Diyos. Ang paglapastangan sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay paglapastangan sa karangalan at kabanalan ng pamilya! Ang pamilyang Pilipno ay pamilyang MARANGAL AT BANAL. Marangal sapagkat hindi salapi o kayamanan ang nagsasabi kung masaya ba ang isang pamilya o hindi. Ang sabi nga ng isa nating kawikaan: "Aanhin mo ang isang mansiyon kung ang nakatira ay kuwago. Mabuti pa ang kubo kung ang nakatira naman ay TAO." Marangal ang pamilyang Pilipino kung pinapairal ang rispeto at itinataguyod ang pamumuhay moral nito. Tatlong letrang "P" ang dapat na tandaan natin kung ano ba ang dapat na pahalagahan ng isang Pilipinong pamilya. Ang pinakamababa na dapat ihuli ay ang PERA. Mahalaga ang pera para sa ikabubuhay ng pamilya ngunit hindi ito ang pinakamahalaga. Hindi garantiya ang kayamanan upang sabihing maaayos ang isang pamilya. May mas mataas pa dito at ito naman ang PRESENSIYA. Ang presensiya ng bawat miyembro ng pamilya sa isa't isa ay mahalaga. Ang mga magulang ay dapat nakikita ng mga anak at ang mga anak naman ay dapat nararamdaman ang pagmamahal ng mga magulang. Balewala ang PERA kung wala namang PRESENSIYA! At ang pinakamahalaga sa lahat ay PANALANGIN. "The family that prays together, stays together!" Tanging ang pagbubuklod ng Diyos ang garantiya ng katatagan ng isang pamilya. Ito rin ang nagsasabi kung ang isang pamilya ay tunay na BANAL. Ang pamilyang banal ay may takot sa Diyos at tapat na sumusunod sa kanyang mga utos at kalooban. Ipanalangin natin na sana ay mapanatili ang karangalan at kabanalan ng bawat pamilya. Sana ay maitaguyod ng mga mambabatas ang tunay na paggalang sa kanilang karapatan at karangalan. Ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay dapat laging magpaalala sa atin na sa kabila ng kahirapan sa buhay, sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap ang pamilyang Pilipino ay dapat manatili itong nakasentro sa Diyos. Hindi perpekto ang Banal na Pamilya ngunit dahil sa narooon si Jesus, ang Emmanuel... ang DIYOS NA SUMASAATIN ay narating nito ang karangalan at kabanalan! Tanging ang pamilyang pinaghaharian ni Kristo at ng Kanyang pag-ibig ang matatawag nating MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA! Ngayon ay Taon din ng Eukaristiya at Pamilya kasabay ng Yubileo ng Awa. Nagpapaalala ito sa atin na ang kabanalan ng Pamilya ay kung ito ay naka-ugnay sa Eukaristiya. Ang tawag din natin sa Eukaristiya ay "Communion"... Tayo at ang ating mga pamilya ay pinag-iisa ni Jesus sa pamamagitan ng pagtanggap sa Banal na Sakramento ng sama-sama. The family that prays together... love each other... stays together!
Biyernes, Disyembre 25, 2015
ANG SALITANG NAGKATAWANG TAO... MUKHA NG AWA NG DIYOS: Reflection for Christmas Day Year C - December 25, 2015 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Maligayang Pagkakatawang-tao ng "Verbo" sa inyong lahat! Kakaibang pagbati di ba? Nakakasawa na kasi ang pagbating "Maligayang Pasko" o "Merry Christmas!" Kaya't ibahin naman natin "for a change" ika nga! Ngunit kung ating titingnan ay ito naman talaga ang kahulugan ng Pasko. Ang pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos na ang tawag din natin ay "the mystery of Incarnation." Sa Misa ng araw tuwing Pasko ay laging ipinaalala sa atin ng Ebanghelyo ang katotohanang ito. "Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos... Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin." Ito ang pahayag ni San Juan sa pasimula ng kanyang Ebanghelyo. Ang Salita na Diyos ay nagkatawang-tao. Mahirap maunawaan ang katotohanang ito! May kuwento na minsan ay may lalaking nagdasal sa Panginoon sapagkat nagkandamamatay ang kanyang mga alagang baboy. Ito pa naman ang ipinambubuhay niya sa kanyang pamilya kaya't nagsumamo siya sa Diyos na iligtas ang kanyang mga baboy sa kamatayan. Sumagot naman ang Diyos at sinabing: "Sige, bukas na bukas din ay gagaling ang iyong mga alagang baboy ngunit may isang kundisyon, bukas pagkagising mo ay makikita mo ang iyong sarili sa kulungan ng mga baboy. Kasama ka nilang kakain, matutulog at magpapagulong-gulong sa kanilang dumi, sa madaling salita... magiging baboy ka rin!" Napaisip ang lalaki at pagkatapos ng ilang sandali ay nagdasal: "Lord, kunin mo na lang ang mga baboy ko!" hehehe... Ikaw kaya ang malagay sa kanyang sitwasyon, papayag ka ba na maging baboy? Kung ating iisipin ang tao at baboy ay parehong hayop. Mas mataas lang ang tao sapagkat siya ay hayop na nag-iisip! Tanggalin mo ang kanyang kakayahang mag-isip at mag-aasal hayop siya! Kaya nga't hindi ganun ka-imposible ang tao na magiging baboy. Ngunti ang Diyos na maging tao ay hindi saklaw ng tamang pag-iisip. Paanong ang MANLILIKHA ay ibaba ang kanyang sarili at magiging isang nilikha? Tanging Diyos lang ang makapag-isip ng ganyan! Bakit ninais ng Diyos na maging isang nilikha sa kabila ng kanyang kadakilaan? Ang sabi ni San Juan ay ito... "Gayon na lamang ang PAG-IBIG ng DIYOS sa mundo kaya't ibinigay Niya ang kanyang bugtong na Anak." (Jn 3:16) Kung gayon ay ito ang dahilan ng paggiging nilikha ng Diyos: dahil sa laki ng pagmamahal Niya sa ating mga makasalanan! Mga kapatid tuwing Pasko ay ipinaaalala ng Diyos sa atin ang kanyang dakilang regalo: ang kanyang bugtong na anak... si Jesus na nagkatawang-tao! Ano naman ang regalo ko sa kanya? Kung ang Diyos ay nagsakripisyo para sa akin ay nararapat lang siguro na ako rin ay magsakripisyo para Kanya. Ang kanyang katapatan ay dapat ko ring suklian ng katapatan, ang kanyang pagmamahal ng aking pagmamahal. May nagawa na ba akong kabutihan sa aking kapwa ngayong Pasko? Naglaan ba ako ng oras sa aking pamilya upang makapiling sila ngayong Kapaskuhan? Binati ko na ba ang mga taong may sama ako ng loob? Nagpatawad na ba ako sa mga nagkasala sa akin? Ang Salitang nagkatawang-tao ay humahamon sa atin na gawin nating makatotohan ang ating pagmamahal. Ipakita sa gawa ang pagkakatawang-tao ng Salita! At ngayon ngang Taon ng Jubileyo ng Awa ay may pagkakataon tayong gawing "incarnate" ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Kanyang awa. Ang Salitang nagkatawang-tao na nasa katauhan ng Sanggol na isinilang sa Bethlehem ang mukha ng AWA NG DIYOS. Hingin natin na sana tayo rin ay maging "mukha ng Kanyang Awa" sa ating kapwa. "Merciful like the Father" ang tema ng Taon ng Jubileyo ng Awa. Ang bawat isa sa atin ay tinatawagang maging katulad ni Jesus.. ang MUKHA NG AWA NG AMA.
Linggo, Disyembre 20, 2015
AMBASSADORS OF MERCY AND JOY (Revised & Reposted) : Reflection for 4th Sunday of Advent Year C - December 20, 2015
Ano ba ang kaibahan ng MILAGRO sa MISTERYO? Kapag nabuntis ang babaeng kuwarenta anyos (80 years old) ang tawag ay MILAGRO. Pero kapag nabuntis naman ang disiotso anyos (18 years old) na dalaga, ang tawag ay MISTERYO! hehehe... Sa ating Ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggo ng Adbiyento ay narinig natin ang pagtatagpo ng isang milagro at isang misteryo. Ang pagkabuntis ni Elizabeth, sa kabila ng kanyang katadaan ay isang milagro para sa kanyang mga kamag-anak, kapitbahay at kakilala. Ang pagdadalantao ni Maria ay naman ay balot ng misteryo para sa kanyang asawang si Jose. Ano ang nangyari ng magtapo ang milagro at misteryo? Isang kaligayahang hindi maipaliwanag ang naghari kay Elizabeth kaya't kanyang naibulalas: "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan!" Banal na kaligayahan ang dala ni Maria sa pagbisita niya sa kanyang pinsan. Sa katunayan maging ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabeth ay naglulukso sa tuwa ng madama ang presensiya ng Panginoon. Tayong lahat din, bilang mga Kristiyano, tinatawag na maging tagapagdala ng kaligayahan sa ating kapwa. Tayo ay dapat maging "Ambassadors of Joy" sa mga taong ating nakakatagpo araw-araw. Naghahatid ka ba ng kaligayahan sa mga kasama mo sa bahay? O baka naman sa halip na kaligayahan ay dahilan ka pa ng pag-aalitan at hindi pagkakaunawaan sa iyong pamilya? Ano ang dating mo sa mga taong nakakasalimuha mo araw-araw? Napapangiti mo ba sila o napapasimangot sila sa tuwing makakasalubong mo? Ang tagapagdala ng kaligayahan ay dapat lang na maging tagapaghatid din ng pag-asa! Pag-asa sa mga taong nalulumbay, pag-asa sa mga taong nabibigatan sa buhay, pag-asa sa mga taong biktima ng kahirapan at kasalatan! Nitong nakaraaang mga araw ay saksi tayo sa maraming taong naghirap dala ng bagyong Nona. Kung minsan naitatanong ko sa aking sarili ang kahalagahan ng pagbibigay ng relief goods na kung titingnan ay kakarampot lang naman at hindi naman talaga ganoon kalaki ang halaga, simpleng bigas, delata, noodles, tubig, kumot at damit. Ngunit naunawaan ko na hindi lang "relief goods" ang natatanggap nila. Kasama ng mga ito ay ang PAG-ASA na dala-dala ng mga taong nagbabahagi ng kanilang oras at ng kanilang kaunting nakayanan para sa kanilang nangangailangan. Ang dala-dala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan ay ang PAG-ASA ng sanlibutang nasadlak sa kadiliman. Pag-asa na nagbibigay ng tunay na KALIGAYAHAN! Magiging masaya ang ating Pasko kung dadalhin din natin si Kristo sa iba. Ngunit si Maria ay hindi lang Ambassador of Joy sa kanyang pinsang si Isabel, siya rin ay Ambassador of Mercy. Ang AWA na ipinakita ng Diyos kay Isabel ay sapat na upang magpatunay na ang Diyos ay hindi nagpapabaya sa atin. Patuloy ang pagpapakita ng kanyang awa sa ating lahat. At ngayon ngang Jubilee Year of Mercy ay isang magandang pagkakataon upang maibaghagi din natin ang Kanyang Awa sa ating kapwa. "Merciful like the Father" ang tema ng jubileyo. Nawa ay matulad tayo kay Jesus na naging tagapagdala ng BANAL NA AWA ng Diyos Ama. Dalhin rin natin ang AWA NI KRISTO sa iba.
Sabado, Disyembre 12, 2015
MAGALAK : Reflection for 3rd Sunday of Advent Year C - December 13, 2015 - JUBILEE YEAR OF MERCY & YEAR OF THE EUCHARIST and FAMILY
Ang kulay ng Adbiyento ay lila o violet na makikita natin sa mga kandila ng Korona ng Adbiyento. Ngunit kapansin-pansin ang nag-iisang rosas na kandila na ating sinindihan ngayong ikatlong Linggo ng Adbiyento. Ang tawag sa Linggong ito ay "Gaudete Sunday" na ibig sabihin ay "Rejoice!" o magsaya! Ang kulay ng Kuwaresma ay violet rin ngunit iba ito sa kulay ng Adbiyento. Totoong tulad ng Kuwaresma, ang kulay lila ng Adbiyento ay nangangahulugan ng pagbabalik-loob ngunit ang kandilang kulay rosas ay nagsasabi sa ating may kagalakang taglay ang panahong ito. Masaya tayo sapagkat papalapit na ang paggunita sa pagsilang ng ating Panginoon. Masaya tayo sapagkat si Siya ay darating muli tulad ng Kanyang ipinangako. Ngunit paano bang maging masaya ang isang Kristiyano? Minsan, sa isang klase ng "homiletics" (kung saan ay pinag-aaralan naming mga pari kung paano magbigay ng homily o sermon sa misa) ay sinabi ng isang propesor. "Kapag kayo'y nagtuturo tungkol sa langit, hayaan ninyong magliwanag ang inyong mga mukha! Ipakita ninyong kayo ay masaya! Kung kayo naman ay nagtuturo tungkol sa impiyerno... ay sapat na ang pagmumukha ninyo ngayon! hehehe... Ano ba ang pagmumukha mo ngayon? Langit ba o impiyerno? May ilang nagsasabing ang relihiyon daw natin ay isang "malungkot na relihiyon." Kapag naging seryosong Kristiyano ka raw ay marami na ang bawal na dapat mong iwasan. Bawal na ang alak, babae, sugal at iba pang masasamang bisyo! Totoo nga naman! Kung seryoso ka sa pagiging Kristiyano mo ay dapat mong iwanan at iwasan ang mga ito. Pero hindi ibig sabihin na dapat kang maging malungkot! Ang sinasabing kasiyahan na dulot ng mga bisyo at makamundong bagay ay panandalian lamang. Kaya nga't kung tunay na kaligayahan ang hanap mo ay hindi mo matatagpuan sa mga inaalok sa iyo ng mundo. Ang tunay na kaligayahan ay sa Diyos lamang matatagpuan. Kaya nga't ang panawagan sa ikatlong Linggo ng ating paghahanda sa Pasko ng Pagsilang ay: "Magalak kayong lagi sa Panginoon!" Ang kasiyahan ng Pasko ay wala sa magagarang dekorasyon, masarap na noche buena o maingay na pagdiriwang. Ang kasiyahan ng Pasko ay matatagpuan lamang kay Kristo! Kaya't wag kang mangamba kung labindalawang araw na lang ay wala pang laman ang iyong bulsa. 'Wag kang matakot kung wala ka pa ring regalong naihahanda. Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: "Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay!" Ano ba dapat ang dahilan ng hindi natin pagkabalisa? Sinagot ito ni Propera Zofonias sa unang pagbasa: “Huwag kang matakot, Sion; huwag manghina ang iyong loob. Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos..." At ano ang dapat nating gawin upang maipakitang ang Diyos nga ay nasa ating piliing? Maipapapakita natin ito sa paggawa ng kabutihan at pamumuhay na makatarungan. Mamuhay tayo bilang mga tunay na Kristiyano. Pangatawanan natin ang pagtataglay ng pangalan ni Kristo. Praktikal ang mga salitang binitawan ni Hesus sa Ebanghelyo: “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin... Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di totoo!" Dito nakasasalalay ang tunay na kasiyahan ng Pasko. May isang text akong natanggap: "Sa mga friends ko na hindi umiinom, nagyoyosi, nagbibisyo. Mabubuhay kang malungkot. Patay na kaming lahat... buhay ka pa! " Hindi naman ganoon kasaklap ang mabuhay ng mabuti . Ang masayang pamumuhay ay wala sa gawaing masasama. Ang masayang pamumuhay ay pamumuhay kasama ni Kristo! Kaya nga ang panawagan sa atin: "Magalak kayong lagi sa Panginoon, inuulit ko, MAGALAK KAYO!"
Sabado, Disyembre 5, 2015
ANG MAHIWAGANG PAGDATING: Reflection for the 2nd Sunday of Advent Year C - December 6, 2015 - Year of the Eucharist & Family - Jubilee Year of Mercy
Ang Adbiyento na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay nangangahulugan din ng "paghihintay." Hinihintay natin si Jesus darating sa ating piling. Si Jesus ay dumating na noong "unang Pasko". Si Jesus ay darating muli sa "wakas ng panahon" upang husgahan ang ating naging buhay. Ngunit sa gitna ng unang pagdating at muling pagdating ni Jesus ay ang kanyang "mahiwagang pagdating" araw-araw na nangangailangan ng ating palagiang pagtanggap. Pagtanggap sapagkat ang Adbiyento ay hindi lamang ang ating paghihintay kay Kristong darating. Ito rin ay ang paghihintay ng Diyos sa atin. Hinihintay ng Diyos ang ating pagbabalik-loob. Kaya nga ito ang panawagan ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral: "Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong kasalanan..." Ngunit anong uring pagsisisi ang nais niyang gawin natin? Sa mga pananalita ni Propeta Isaias ito ay "tambakan ang bawat lambak.. tibagin ang bawat burol at bundok." Ano ba ang ibig sabihin ng tambakan ang bawat lambak? Sa ating buhay ay ito ang maraming pagkukulang na dapat nating punuin. Maaaring ito ay pagkukulang natin sa Diyos tulad ng hindi natin pagdarasal o hindi pagbibigay halaga sa ating buhay espirituwal. Maaring ito ay ang ating kakulangan sa ating pagmamahal sa ating pamilya at mga mahal sa buhay. Maaring ito rin ay ang ating kakulangan sa ating pagpapahalaga sa ating sarili tulad ng pagkakalulon sa bisyo o kaya naman ay pagpapabaya sa ating kalusugan. Ano naman ang pagtitibag ng bundok at burol ng ating buhay? Kung ang lambak ay ang ating mga kakulangan, ang bundok at burol naman ay ang ating mga kalabisan sa buhay. Unang-una ito ay tumutukoy sa ating "kayabangan" na dapat nating supilin at tanggalin. At isang tanda ng kayabangan ay ang "pagmumura". Ang taong "palamura" ay taong mayabang sapagkat kapag minumura natin ang isang tao ay ipinapakita nating mas mataas tayo sa kanya at kayang-kaya natin siyang kutyain. Kaya nga ang pagmumura ay wala dapat sa bokabularyo nating mga Kristiyano sapagkat ito ay hindi kinakikitaan ng kababang-loob bagkus ito ay nagpapakita ng pagmamataas sa sarili. Nakakalungkot na may mga taong kinasanayan na ang mga maling pag-uugali at hindi na nakikita ang kamalian ng mga ito tulad ng pagmumura, pambabastos, pambababae, pananakit sa kapwa at pagpatay. Alam nilang mali ngunit pinapanigan pa nila. Nakakalungkot sapagkat ibinababa nito ang antas ng ating pagkatao! Marami pang kalabisan sa buhay na dapat nating tanggalin. Kaya nga ang panawagan ng tinig na sumisigaw sa ilang ay "Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon... tuwirin ang daang liko-liko at patagain ang daang bako-bako." Ibig lamang sabihin sa atin nito na ayusin natin ang ating buhay. Ito ang pinakamagandang paghahandang magagawa natin para sa "mahiwagang pagdating" ni Jesus sa ating piling. Handa na ba tayong tanggapin siya?
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)