Noong nakaraang Linggo ng Pagkabuhay ay may lumapit sa akin na nagrerequest ng Misa. "Para saan?" tanong ko sa kanya. "Ah. para po sa Poong Nazareno. Ililipat na po namin si Ingkong." Pabiro ko siyang sinabihan: "Hala, tapos na ang paghihirap ni Jesus. Sa katunayan, sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang Kanyang muling pagkabuhay... bakit pinahihirapan na naman ninyo siya na magbuhat ng krus?" Hindi ko alam kung nakuha niya ang nais kong ipahiwatig. Hindi naman sa minamaliit ko ang debosyon sa Poong Nazareno. Sa katunayan ay natutuwa nga akong magmisa dito at hinahangan ko ang simpleng pananampalataya ng mga deboto. Ang nais ko lang ay ang isalugar ang pagpapakita nila ng debosyong ito. Kapistahan noon ng Muling Pagkabuhay at nararapat naman sigurong ang pagnilayan natin at bigyan ng parangal ay ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli! Si Jesus ay hindi nanatiling nagbubuhat ng krus. Hindi rin siya nanatiling nakapako sa krus. At lalong hindi siya nanatili sa loob ng libingan. Si Jesus ay muling nabuhay! Ito ang pagkakamali ng dalawang alagad na pauwing Emmaus. Ang akala nila ay natapos na ang lahat sa pagkamatay ng kanilang kinikilalang dakilang propeta at panginoon. Kaya nga sila ay malungkot at nalulumbay na naglakbay pabalik sa kanilang kinasanayang buhay. Ngunit si Jesus ay nakisabay sa kanila at ipinaliwanag sa kanila ang katuparan ng Kasulatan na ang Mesiyas ay dapat magbata ng hirap at mamatay bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan. Hindi nila nakilala si Jesus bagamat nag-aalab ang kanilang damdamin habang ipinapaliwanag sa kanila ang Banal na Kasulatan. Nabuksan lamang ang kanilang pag-iisip ng kunin ni Jesus at paghati-hatiin ang tinapay. Si Jesus nga ang nakasama nila sa paglalakbay! Si Jesus nga ay tunay na muling nabuhay! Sa ating buhay, tayong lahat din ay naglalakbay. May mga sandaling tila baga pinanghihinaan tayo ng loob at parang ayaw na nating magpatuloy sapagkat ang pakiramdam natin ay binigo tayo ng Diyos. Kapag nahaharap tayo sa ating mga "Jerusalem", ang ating mga krisis sa buhay tulad ng mga pagsubok at mga mabibigat na suliranin, ay napakadali nating pagdudahan ang Kanyang pananatili at tinatahak agad natin ang ating mga "Emaus", lugar ng kawalan ng pag-asa. Isa lang ang nais ipahiwatig sa atin ni Jesus... hindi Niya tayo binigo! Siya ay nanatili pa rin kapiling natin! Patuloy pa rin ang kanyang pagpaparamdam at pagpapakita ng pagmamahal. Sa tuwing pinakikinggan natin ang Salita ng Diyos at nagsasalo sa paghahati ng tinapay sa Banal na Misa ay naroon Siya sa ating piling. Binibigyan Niya tayo ng lakas at pag-asa! Matiyaga Siyang umuunawa sa ating kahinaan. Isang magandang paalala sa ating lahat na may Diyos na matiyagang nakikilakbay sa atin. Kaya't huwang tayong panghinaan ng loob kung may masasama tayong pag-uugali na hindi natin matanggal. Kung may Diyos na nagtitiyaga sa ating kahinaan ay dapat pagtiyagaan din natn ang ating sariling pagsisikap na magpakabuti. Kung may Diyos na umuunawa sa kakulangan nating mga tao ay dapat handa rin nating unawain ang kakulangan ng ating kapwa. Kung may Diyos na nagpapanatili sa pag-iral ng mundo sa kabila ng masamang pamamahala ng tao ay dapat din sigurong tanggapin, harapin at itama ang maling pamamalakad nito. Magtiyaga tayo sapagkat may Diyos na nagtitiyaga sa atin. Sa tuwing nagsasabi tayo ng "Amen!" sa pagtanggap natin sa Kanya sa Komunyon ay nanatilli siya sa ating pagkatao at dahil dito ay unti-unti dapat tayong nahuhubog sa pagkatao ni Kristo. Hingin natin sa Panginoon ang biyayang makita natin Siya at madama ang Kanyang pag-ibig. Lisanin natin ang ating "Emaus" at harapin natin ang ating "Jerusalem" upang makasama tayo sa kaluwalhatian ng Kanyang muling pagkabuhay!
Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Abril 29, 2017
Sabado, Abril 22, 2017
AMBASSADORS OF GOD'S MERCY AND LOVE: Reflection for 2nd Sunday of Easter - Divine Mercy Sunday - Year A - April 23, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Ang ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Jesus ay ang itinakda ring Kapistahan ni Kristo, Hari ng Banal na Awa o mas kilala sa ingles na "Divine Mercy". Ang Kapistahang ito ay itinalaga ni St. Pope John Paul II noong taong 2000 sa okasyon ng pagiging santa ni St. Faustina Kowalska, isang madre na pinagkalooban ng natatanging biyayang pagpahayagan ni Jesus bilang Hari ng Banal na Awa. Sa araw na ito ay maaaring makatanggap ng biyaya ang mga deboto sa pamamagitan ng pagdarasal ng "Chaplet and Novena of the Divine Mercy", pakukumpisal at pagtanggap ng Banal na Komunyon sa araw ng kanyang kapistahan. Kung isa ka sa mga nagdarasal ng 3 o' clock Habit ay isa ka rin sa mga nagpapalaganap ng debosyong ito sapagkat ang pinakalayunin naman ng debosyon ay upang ipahayag sa buong mundo ang isang mensahe: na ang Diyos ay maawain at mahal niya ang sangkatauhan. Siya ang Diyos na may malasakit at nagmamahal sa ating lahat! Mahirap talagang magmahal kung walang malasakit. Sa loob ng isang LRT ay may isang binatang nakaupo at harap n'ya lang ay may isang matandang aleng nakatayo. Nang makita niya ito ay sabay pikit ng mata at nagkunwaring umidlip. Nang tinanong sya kung bakit siya umidlip ay sinabi n'yang: "Pumikit ako sapagkat sa tuwing nakikita ko ang matanda ay nadudurog ang aking puso! Kaawa-awa naman ang matanda. Parang nakikita ko ang lola ko sa kanya!" Ito ba ang ibig sabihin ng pagkaawa? Ang tunay na pagkaawa ay dapat may kasamang gawa! Ang tunay na malasakit ay pagdamay sa paghihirap ng iba at dahil diyan ay gagawa ka ng paraan para maibsan ang paghihirap ng iyong kapwa. Sa unang pagbasa, ito ay ipinakita ng mga unang komunidad ng mga Kristiyano na handang maglaan ng tulong sa kanyang kapwa: "Ipinagbibili nila ito (ang kanilang ari-arian) at ang pinagbilhan ay ipinamamahagi
sa lahat ayon sa pangangailangan
ng bawat isa." Sa ating Ebanghelyo ay ipinadama naman ito ni Jesus sa kanyang mga alagad sa pamamagitan ng kanyang pang-unawa at pagpapatawad sa kanila dahil sa kawalan ng kanilang pananampalataya lalo na kay Tomas na nag-alinlangan sa muling Niyang pagkabuhay." Ang bati ni Jesus ay "Sumainyo ang kapayapaan!" Nais paiwin ni Jesus ang kanilang pagkabalisa at pagkatakot na dala ng kanilang kawalan ng pananampalataya. Nais niyang ipadama ang kanyang pagmamahal sa kabila ng kanilang pagtatakwil at pag-iwan sa kanya noong siya ay maghirap at mamatay sa krus. Ito rin ang nais ni Jesus na madama at ipahayag natin lalo na sa panahon ngayon na tila marami na ang nakalilimot at hindi kumikilala sa Diyos! Marahil marami pa rin tayong mga Kristiyano kung bilang lamang ang pag-uusapan ngunit ilan kaya ang masasabing mga tunay silang Kristiyano na tagapagdala ng awa at pagmamahal ng Diyos. Sa maraming karahasang nangyayari ngayon at kawalan ng paggalang sa buhay at para bagang ipinahahayag natin na wala ng Diyos sa ating buhay! Ang ating paghuhusga sa ating kapwa na "sila'y mga taong masassama" ay nagpapakita ng kawalang malasakit at pagmamahal. Ano ang magagawa natin? Lagi natin sambitin ang mga katagang "Jesus, I trust in You!" Ang ating sagot sa mga kaguluhang nangyayari ngayon ay ang ating pagtitiwala sa Panginoon. Siya ang ang Panginong Muling Nabuhay at nagtagumpay sa kasamaan at kasalanan at dahil dito ay hindi Niya tayo pababayaan! Huwag lang nating ipikit ang ating mga mata sa maraming kaguluhan at kasamaang nangyayari sa ating lipunan. Huwag nating sang-ayunan ang pag-iisip ng mga taong walang takot sa Diyos at baluktot na ang pamantayan sa mabuting pamumuhay. Huwag tayong matakot magsalita at magpahayag ng ating pananampalataya. Ngunit gawin natin ito ng may malasakit at pagmamahal. Tayong lahat ay tagapagdala ng kanyang awa at malasakit sa iba. We are ambassadors of God's love and mercy!
Sabado, Abril 15, 2017
LIWANAG NG SAMBAYANAN: Reflection for Easter Vigil Year A - April 15, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan! Ito ang ipinahayag natin sa unang yugto ng ating pagdiriwang: ang Pagpaparangal sa Ilaw. Mula sa kadiliman ay sinindihan natin ang kandila Paskuwa at pagkatapos ay ang ating mga kandila. Sinasabi nitong hindi kailanman nagapi ng dilim ang liwanag! Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus. S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila nila ay ninakaw ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli. May kuwento ng isang bata na gumawa ng isang laruang bangka. Mahal na mahal niya ito ngunit dahil isa itong bangka ay nilaro niya ito sa isang kanal. Inanod ng agos ng tubig ang bangka at nalayo sa mata ng bata hanggang sa ito ay umabot sa isang ilog. Sinundan ito ng bata ngunit hindi na makita. Kinabukasan ay muli niyang binalikan ang tabing ilog at laking gulat niya ng makita niya ang kanyang bangka sa kamay ng isang lalaki na nagbebenta ng sari-saring kalakal. Pinilit niya itong kunin ngunit ayaw ibigay ng lalaki. Napulot nya raw ito at ito ay kanya na. Kung nais niya itong makuha ay dapat tubusin niya ito at bilhin sa kanya. Labis na nalungkot ang bata. Umuwi siya at sinimulan niyang mag-ipon at nang makarami na sya ng naipon ay muli niyang binalikan ang lalaki, binili niya ang bangka at tuwang-tuwa itong niyakap sa kanyan dibdib. "Akin ka na muli! Ginawa kita, minahal, nalayo ka ngunit tinubos kitang muli! Hindi ka na muling mawawalay sa aking piling!" Mga kapatid, tayo ang bangka at ang Diyos ang nagmay-ari sa atin. Ginawa niya tayo at tinubos mula sa pagkakaalipin sa kamatayan sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay. Hindi pa rin ba natin nauunawaan ang malaking pag-ibig sa ng Diyos sa atin? Kaya nga ito ang ipinahayag sa atin sa ikalawang yugto ng ating pagdiriwang: Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Ito ay pagpapaala-ala sa atin ng kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos mula ng likhain niya tayo. Ito ay kuwento ng pag-ibig, pag-asa, awa at kapangyarihan na ipinamalas ng Diyos sa atin. Lumayo tayo sa Kanya ngunit tayo ay kanyang tinubos! Kaya ano ang tugon sa Kanyang dakilang pagmamahal sa atin? Ito naman ang ipinahayag ng ikatlong yugto ng ating pagdiriwang. Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng ating pagdiriwang ngayon. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakasala kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang mga anak tayo ng kaliwanagan. Ang mundo ngayon ay kasalukuyang binabalot ng kadiliman na tinatawag nating "kultura ng kamatayan" - ang unti-unting pagkawala ng pagkilala ng tao sa Diyos. Ngunit walang dapat ipangamba tayong mga "anak ng kaliwanagan." Kinakailangan lamang nating magliwanag, maging tapat kay Kristo at sa ating paninindigan bilang mga Kristiyano. Ang kamalian ay hindi kailanman magagapi ng katotohanan. Ang kasamaan ay hindi magtatagumpay sa kabutihan. Ang kadiliman ay hindi mangingibabaw sa kaliwanagan. Si Kristo ang liwananag ng sambayanan na tatanglaw sa mundong binulag na ng kadiliman. Si Jesukristo'y muling nabuhay... SIYA'Y ATING KALIWANAGAN!
Linggo, Abril 9, 2017
REMEMBERING GOOD FRIDAY (Reposted & Revised) : Reflection for GOOD FRIDAY Year A - April 14, 2017 - YEAR OF THE PARISH: COMMUNION OF COMMUNITIES
EUKARISTIYA AT PAGPAPARI (Reposted & Revised): Reflection for EVENING MASS OF THE LORD'S SUPPER Year A - April 13, 2017 - YEAR OF THE PARISH: COMMUNION OF COMMUNITIES
Bata pa lang ako ay tinuruan na akong maghugas ng kamay ng aking magulang bago kumain. Tinuruan akong sabunin ang aking mga kamay, sa palad, sa pagitan ng mga daliri, paikut-ikutin pa... Pero hindi ata ako tinuruan na maghugas ng paa bago kumain! Parang weird yun! ... Bago ganapin ni Hesus ang "huling hapunan" ay iniutos ito ni Hesus sa kanyang mga alagad! Pero heto pa ang mas weirdo... si Jesus na kinikilala nilang Panginoon at Guro ang naghugas sa paa ng kanyang mga alagad. Haller...! Si Jesus ang bigboss nila no? Bakit siya ang naghugas? May nais paratingin sa atin ang Panginoon... nais mong maging lider?... matuto kang maglingkod! Nais mong maging dakila?... Matuto kang magpakumbaba! Napakaganda na ibinigay ito ni Hesus sa kontexto ng Eukaristiya... Ano ba ang Eukaristiya...? Simple lang, tinapay na walang halaga na inialay, binasbasan, pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad... Ngunit tinapay din na naging katawan ni Kristo, pagkain ng ating kaluluwa, at siyang naging dahilan ng ating kaligtasan! Ang Huwebes Santo ay ang paggunita sa pagtatatag ng Sakramento ng Eukaristiya. Dito inialay at patuloy na iniaalay ni Hesus ang kanyang katawan at dugo upang maging pagkain natin tungo sa ating kaligtasan. Bukas, Biyernes Santo ay gugunitain din natin ang pag-aalay ni Jesus ng kanyang buhay ngunit sa "madugong paraan." Bagamat sa huling hapunan ay walang dugong dumanak sa pag-aalay ni Jesus ng kanyang sarili, kakakitaan naman natin ito ng magandang aral tungkol sa paglilingkod. Ang tunay na lider ay handang mag-alay ng kanyang buhay sa paglilingkod... tulad ni Hesus! Sa paghuhugas ng paa ng mga alagad at pag-aanyaya sa kanila na gawin din nila ito, "ang maghugasan ng paa", ay sinasabi ni Jesus na ang tunay na pinuno ay nag-aalay ng sarili sa pamamagitan ng paglilingkod. Ako ba ay may pusong marunong maglingkod? Ang panahon ng Kuwaresma ay dapat nagturo sa atin ng pag-aalay ng ating buhay sa paglilingkod. Ang "Alay-Kapwa" tuwing Kuwaresma ay hindi lamang pagbibigay sa "second collection" ng Simbahan. Kasama ang maliit nating tulong ay ang malaking puso na handang magbigay ng ating buhay para sa mga mahihirap at nangangailangan. Mas makahulugan kung ang ating ibinigay ay bunga ng ating mga pagsasakripisyo sa panahong ito ng Kuwaresma. Sa pagtatatag ng Eukaristiya ay itinatag din ni Jesus ang Sakramento ng Pagpapari. Tandaan nating na walang Eukaristiya kung walang Kristo. Walang pag-aalay kung wala ang nag-aalay. Ang mga pari ay ang kinatawan ni Kristo. Katulad niya, sila ay mga pinunong lingkod, na nag-aalay ng kanilang buhay sa isang sakripisyong hindi madugo ngunit ganap na pag-aalay sapagkat kinatawan sila ni Jesus. Ipagdasal din natin ang ating kaparian na sana ay mahubog sila sa larawan ni Jesus na pinunong-lingkod!
MGA MAHAL NA ARAW AT BANA NA ARAW (Reposted) : Reflection for PALM SUNDAY OF THE LORD'S PASSION Year A - April 9, 2017 - YEAR OF THE PARISH: COMMUNION OF COMMUNITIES
Mga Mahal na Araw na naman! Pagkatapos ng Linggo ng Palaspas ang magiging tawag natin sa mga araw na darating ay Lunes Santo, Martes Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo, Biyernes Santo... Teka lang... e bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin? Dapat BANAL hindi ba? Di ba Holy Week ang tawag natin sa ingles? May kuwento na minsan daw ay may isang magnanakaw na pinasok ang bilihan ng mga alahas ng madaling araw. Nagawa niyang makapasok ngunit sa halip na nakawin ang mga alahas ay pinagpalit-palit niya ang mga presyo nito. Ang mga mamahaling alahas ay naging mura ang halaga at ang mga pekeng alahas naman ang naging mahal ang presyo. Kinaumagahan ay bumalik ang magnanakaw at binili ang ang mga mamahaling alahas sa murang halaga... ang mahal naging mura... ang mura naging mahal! Kung ating titingnan ay ganito rin ang nangyayari sa pagdiriwang natin ng Semana Santa, ang mga Mahal na araw ay nagiging "mumurahin". Hindi na nabibigyang halaga. Marahil ay mas mauunawaan natin ito kung titingnan natin kung bakit Mahal na Araw ang tawag natin sa Semana Santa sa halip na Mga Banal na Araw. Bagama't mas tama ang pagsasalin na "Banal", ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang "Mahal" at sa aking pakiwari ay mas makahulugan pa nga ang ito. Kapag sinabi mong "mahal" maari mong ipakahulugang "something of great value" o "precious". Ang tunay na alahas ay MAHAL... PRECIOUS! Ang mga branded na t-shirt o sapatos ay gayundin... MAMAHALIN! Para sa ating mga Kristiyano ay MAHAL ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi... sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo! Ang "Mahal" din ay nangangahulugang "close to our hearts, dear..." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas... Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang "cheap" o mumurahin ang mga araw na ito! Imbis na magbisita Iglesya ay beach resort ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw . Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine... ang precious... nagiging cheap... ang mahal nagiging... mumurahin! Sana ay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito. Simula ngayon ang mga araw na darating ay ituring sana nating TUNAY na BANAL... dapat lang sapagkat "Banal" ang mga araw na ito. Banal sapagkat "mahal" ang pinuhunan ng Diyos... walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. Ngayong Taon ng Mga Layko ay sikapin nating ibalik ang salitang "MAHAL" sa mga Mahal na Araw at gawing "Banal" ang mga ito. Baka matapos ang mga Mahal na Araw na hindi natin ito nabigyan ng sapat na pagpapahalaga. Sayang!!!
Sabado, Abril 1, 2017
MAGANDANG BUHAY! Reflection for 5th Sunday of Lent Year A - April 2, 2017 - YEAR OF THE PARISH: COMMUNION OF COMMUNITIES
"Magandang buhay!" Ito ang pagbating lagi kong binibitawan bago magsimula sa aking homiliya. Bakit ba "magandang buhay?" Ano ba ang maganda sa buhay? May mga tao kasing hindi makita ang kagandahan ng buhay! May mga taong mas pipiliin pa nila ang kamatayan kaysa mabuhay. Mayroong kuwento na sa India ay may isang Hindu na may kakaibang kakayahang manggamot. Kaya n'yang pagalingin ang lahat ng uri at sa maniwala kayo sa hindi ay kaya n;yang bumuhay ng patay! Para patunayan ito ay nagpunta siya sa mataong lugar ng siyudad. May nakita s'yang patay na nakaburol sa kalsada sa harap ng isang bahay. Maramaing tao ang naglalamay. Nilapitan niya ang patay na nasa loob ng kabaong at sinabi niya sa mga tao na huwag silang matakot at mamighati sapagkat kaya nyang buhayin muli ang patay. Pagkatapos ay bumulong siya ng ritwal na panalangin. Hinawakan ang patay at sinabing: "Tumayo ka!" Laking gulat ng mga tao ng makitang tumayo ang patay sa kanyang pagkakahiga. Ngunit mas lalo silang natakot ng magsalita ang patay: "Sino ang bumuhay sa akin!" Itunoro nila ang hindu at laking gulat nila ng makitang binugbog ng patay ang Hiindu at sabay sabing: "Bakit mo ako muling binuhay! Payapa na ang buhay ko sa kabila! Ngayon, makikita ko na naman ang labing dalawang anak na palalamunin ko! Maririnig ko na naman ang boses ng asawa kong bungangera! Hahabulin na naman ako ng mga inutangan ko! Gugulo na naman ang buhay ko!" Ibalik mo ako uli sa kabaong kung hindi ay ikaw ang ilalagay ko d'yan!" Kung minsan nga naman ay parang bagang mas maganda pang manatili sa kabilang buhay na tahimik at mapayapa kaysa mabuhay dito sa ating mundo na puno ng paghihirap at kaguluhan, Pansinin mo ang mga nangyayari ngayon sa ating paligid at makikita mo ang katotohanan ng aking sinasabi. Palasak ang kahirapan. Halos araw-araw ang patayang nangyayari. Nawawala na ang paggalang sa buhay at nagiging normal na ang masasamang pag-uugali tulad ng pagmumura, pagsisinungaling, pandaraya, pagnanakaw, pagpatay... at ngayon nga ay laman ng mga balita ang isyu na pambabae ng ilan nating mga tinitingalang pinuno. Hindi tama ang sabihing dahil ito ay ginagawa ng nakararami ay puwede na itong gawin ng lahat! Hindi sapagkat abugado ka, o kongresista ka o kahit presidante ka pa ng Pilipinas kaya mo ng gawing tama ang mali. Ang tawag ko dito ay ang unti-unting pagtanggap natin sa "kultura ng kamatayan!" Ang kultura ng kamatayan ay ang uri ng pamumuhay na wala nang kinikilalang Diyos ang isang tao at dahil diyan ay sinasantabi na niya ang katotohanan at tamang pamumuhay. Katulad ni Marta sa ating Ebanghelyo marahil ay masasabi rin nating "Panginoon, kung naririto ka lamang ay hindi lalaganap itong kultura ng kamatayan sa aming paligid." Sana ay hindi natin sinusukuan ang ganitong mga pangyayari sapagkat alam natin na ang ating Diyos ay ang "Diyos ng mga buhay at hindi Diyos ng mga patay!" Siya ang daan, ang katotohana at buhay! Kaya N'yang buhayin muli ang ating mundong nalugmok sa kultura ng kamatayan. Sapat lamang na tayo ay magtiwala sa kanyan at patuloy na manindigan sa katotohanan. Huwag nating isusuko ang tama! Huwag nating sang-ayunan ang mali at sabihing ito ay tama! Kailanman ay hinid magiging tama ang pagmumura, pandaraya, pagpatay... Kailanman ay hindi nagiging tama ang mali. Sikapin nating maging mapanuri sa ating mga naririnig. Salain natin ang mga maling halimbawa ng ating mga "pinuno" o mga taong nasa kapangyaraihan at 'wag gawing idolo ang mga taong alam naman natin ay baluktot ang pamumuhay at paniniwala sa buhay. Huwag nating piliin ang malugmok sa kultura ng kamatayan bagkus ay hilingin natin kay Jesus na tayo ay muling buhayin mula sa ating mga masasamang pag-uugali. Yakapin natin ang handog niyang buhay at gamitin ito upang mabuhay din ang iba. Magandang buhay sa inyong lahat!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)