Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Mayo 27, 2017
KAPAYAPAAN AT HANTUNGAN: Reflection for the Solemnity of the Lord's Ascencion Year A - May 28, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Hindi lingid sa ating kaalaman ang kaguluhang nangyayari ngayon sa Marawi at isama na rin natin ang buong Mindanao na ngayon ay nasa ilalim ng Batas Militar o Martial Law. Marami sa ating mga kapatid doon ay nakararanas ngayon ng pagkatakot at pangamba at sa katunayan ay marami na nga ang lumikas sa kanilang mga tahanan upang maiwasang madamay sa digmaang nagaganap sa panig ng mga puwersa ng ating pamahalaan at ng mga teroristang Maute. Bagamat humigit kumulang na limang porsiyento lamang ang mga Kristiyano sa Marawi, atin pa ring ipinagdarasal ang mga tao roon sapagkat kapag may ganitong digmaan ang lubos na naapektuhan ay ang mga bata at mga matatanda Kristiyano man o Muslim. Ipagdasal natin na sana sa madaling panahon ay manumbalik ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang lugar. Lahat naman tayo, anuman ang ating relihiyong kinabibilangan ay naghahangad ng buhay na maunlad at mapayapa. Ngunit bakit parang mailap ang kapayapaan sa atin? May kuwento na minsan daw ay nagpanggap na propeta ng kapayapaan ang demonyo. Pumasok siya sa isang sinagoga at nagsalita sa mga tao at inalok sa kanila ang "kalapati ng kapayapaan." Sinabi niyang ang sinumang makahuhuli sa ibon ay makararanas ng tunay na kapayapaan sa kanyang buong buhay! Pinakawalan niya ang ibon at nagkagulo ang mga nasa sinagoga. May mga nagkainitan, nagbangayan, nagsuntukan hanggang sila-sila na ang nag-away-away sa loob ng sinagoga para lamang mahuli ang mailap na ibon ng kapayapaan. Hanggang nakalabas ang ibon sa sinagoga. Ang mga tao naman ay nagbuo ng kanilang mga hukbo upang hulihin ang ibon. Nagkaroon ng digmaan ang pamilya laban sa pamilya, angkan laban sa angkan. Lumaki na nga ang kaguluhan sa lungsod at nauwi na nga ang digmaan ng mga bayan. Lahat naglalaban sa ngalan ng kapayapaan. Ngunit hindi nila alam na ang tunay na "ibon ng kapayapaan" ay hindi matatagpuan sa kaguluhan at karahansan. Sapagkat ang tunay na kapayapaan ay naghahari sa katahimikan ng puso ng bawat tao! Kaya nga si Jesus, pagkatapos niyang muling nabuhay at nagpakita sa mga alagad, ang kanyang bati ay "kapayapaan!" Batid ni Jesus na ang tunay na kapayapaan ay mararanasan lamang ng taong pinaghaharian ng Diyos kaya ngat bago ang kanyang pag-akyat sa kaluwalhatian ng langit ay ipinangako niya ang Banal na Espiritu at sinabing siya ay sasakanila hanggang sa wakas ng panahon. Ipinangako rin niya na ipaghahanda sila ng matitirhan sa langit na kung saan ay mararanasan nila ang tunay na kapayapaan at kaligayahan. Ngunit habang wala pa sila rito ang isang misyon muna ang kanyang iniutos sa kanila: "Humayo kayo at gawin ninyong mga alagad ko ang lahat ng bansa. Binyagan... at turuang sumunod sa mga pinag-uutos ko." Kaya ngat tayong mga Kristiyano, habang pinaghahandaan ang pagpunta sa ating dapat na hantungan sa piling ng Ama sa kalangitan, ay dapat magsabuhay at ipalaganap ang pagsunod sa mga utos ni Kristo. Ang kanyang pag-akyat sa langit ay hindi lamang paala-ala na tayo ay may "hantungan sa kabila" kundi ito rin ay pagpapaala-ala sa atin ng ating misyon bilang mga tagasunod ni Kristo na ibahagi ang Kanyang Mabuting Balita. Ibahagi natin ang pagmamahal ng Diyos kung nais nating makamit ang kapayapaang nagmumula kay Kristo.
Sabado, Mayo 20, 2017
MAHAL KO ANG DIYOS: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year A - May 21, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Paano mo malalaman kung tunay ang iyong pagsunod sa mga utos ng Diyos? Tanungin mo ang iyong sarili... Bakit ka nagsisimba tuwing Linggo? Marahil sasabihin ng iba ay sapagkat takot silang malabag ang ikatlong utos ng Diyos. Ang iba naman marahil ay sapagkat may karampatang kapalit ang pagpapakabuti; may langit na naghihintay sa mga sumusunod ng kanyang utos. Tama ba o mali ang ganitong mga dahilan? Mayroong isang kuwento na minsan daw ay may isang taong nakakita sa isang anghel na may dalang sulo sa isang kamay at isang timbang tubig naman sa isa. Tinanong niya ang anghel kung para saan ito. Ito ang sagot ng anghel: "Sa pamamagitan ng sulo ay susunugin ko ang mga "mansiyon" sa langit at sa pamamagitan naman ng tubig ay bubuhusan at pupuksain ko ang apoy ng impiyerno. At makikita natin kung sino talaga ang taong nagmamahal sa Diyos!" Ito ang mensaheng nais ipahiwatig ng anghel: Marami sa ating mga Kristiyano ang sumusunod lang sa utos ng Diyos sapagkat takot sila sa "apoy" o parusa ng impiyerno o kaya naman ay sapagkat nais nilang manirahan sa "mansiyon ng langit." Kakaunti ang nakapagsasabing "sumusunod ako sa utos dahil mahal ko ang Diyos!" Sa Ebanghelyo ay malinaw ang mga salitang binitiwan ni Hesus: "Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos!" Mali ang pagsunod ng dahil sa takot at mali rin ang pagsunod dahil may hinihintay na kapalit. Ang tunay na pagsunod sa utos ng Diyos ay sapagkat mahal natin Siya. Walang takot. Walang hinihintay na kapalit. Ibig sabihin, nagsisimba ka hindi sapagkat takot kang magkaroon ng kasalanang mortal. Matulungin ka sa mahihirap hindi sapagkat may hinihintay kang gantimpala sa langit. Umiiwas ka sa masamang gawain hindi sapakat takot kang mapa-impiyerno! Nagpapakabuti ka sapagkat MAHAL MO ANG DIYOS! Hindi madali ang magkaroon ng ganitong pananaw at pag-iisip. Kaya nga ipinangako ni Hesus ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo, ang Patnubay na ipinangako ni Hesus, ang s'yang tutulong sa atin upang masunod natin ng may pagmamahal ang Kanyang mga utos. Ang Banal na Espiritu ang Syang dadalisay sa ating mga adhikain at pagnanais na maging mabuti. Hingin natin ang Kanyang pamamagitan upang paglinawin ang ating mga isipan kung bakit ba tayo nagpapakabuti at umiiwas sa paggawa ng masama. Tandaan natin na ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... mas nais Niyang Siya'y ating mahalin.
Sabado, Mayo 6, 2017
MGA MISTERYOSONG PARI: Reflection for 4th Sunday in Ordinary Time Year A - May 7, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Ang ika-4 na Linggo ng Muling Pagkabuhay ay tinatawag na Linggo ng Mabuting Pastol. Araw din ito ng pagdiriwang ng 54th World Day of Prayer for Vocations na kung saan ay ipinagdarasal natin ang bokasyon o pagtawag sa mga nais na magpari o maging relihiyoso. Bakit natin kinakailangang ipagdasal ang mga pari? Simple lang, sapagkat kung walang pari... walang misa at kung walang misa... walang Eukaristiya! Si Jesus ang Mabuting Pastol at tayo ang kanyang kawan. Sa ating Ebanghelyo ay makikita natin kung papaano siya nakikilala ng kanyang mga tupa at paano niya pinagmamalasikatan ang mga ito. Handa siyang magsakripisyo sa kanyang tupa at maging "pintuan" sa pamamagitan ng paglagi sa bukana ng kulungan upang mapangalagaan sila mula sa mga magnanakaw at tulisan. Ganoon na lamang ng kanyang malasakit para sa kanyang kawan! Ngunit upang maipagpatuloy niya ang pagpapastol sa kanyang kawan ay nagtalaga siya ng mga alagad, ang mga apostol upang pamunuan ang kanyang itinatag na Simbahan. At gayundin naman, itong mga apostol ay nagtalaga ng kanilang mga kahalili - ang mga obispo at ang mga pari, Sino nga ba itong mga "Misteryosong Pari" sa ating piling? Pakinggan ninyo ang kuwento ng isang pari. May isang pari na naisipang magpunta sa Boracay para naman makapagrelax sa dami ng kanyang trabaho sa parokya. Para hindi siya makilala ay naisipan niyang magdisguise. Nagsuot siya ng summer outfit para hindi siya makilalang pari. Laking pagkagulat niya ng may bumati sa kanya habang siya ay naglalakad sa malapulburong buhangin ng Boracay. "Good morning Father!" Bati ng dalawang balangkinitang babae na nakangiti. Bigla syang napayuko at nagtaka kung papaano siya nakilala. Kinabukasn, nagsuot na siya ng shades at malapad na sumbrero. Habang naglalakad siya sa beach ay nasalubong na naman niya ang dalawang babae na ngayon ay naka-two piece bathing suit at pangiti uli siyang binati. "Good morning Father!" Namula na naman ang pari at sapagkat labis na ang pagtataka kung paano siya nakilala ng dalawa kaya't nilapitan n'ya ito at tinanong: "Mga miss, paano ninyo ako nakilalang pari sa suot kong ito?" Sagot ng isa: "Hihihi... ikaw naman Fadz parang di tayo magkakilala. Ako si Sister Maricor at ito naman si Sister Cely, nagmimisa ka kaya sa aming kumbento!" Ngek! hehehe... Ang mga pari, isama na rin natin ang mga madre, ay tao rin naman. Kaya't wag kayong magtataka kung makakakita kayo ng paring nanonood ng sine, kumakain sa restaurant, namamasyal sa malls at nagsiswimming sa Boracay! Mga tao din naman sila! May karapatan din namang mag-enjoy! Kaya nga siguro dahil sa kanilang pagiging tunay na tao ay lagi tayong pinapaalalahanang ipagdasal natin sila. Ang ika-apat na Linggo ng Mulling Pagkabuhay ay laging inilalaan upang ipanalangin ang ating mga kaparian at ang mga may bokasyon sa pagpapari at pagiging relihiyoso o relihiyosa. Aminin natin na unti-unti ay nagiging extinct na ang kanilang lahi. Kakaunti na lamang ang sumusunod sa yapak ni Jesus. Kakaunti na lamang ang handang maglaan ng buhay para sa paglilingkod sa Sambayanan ng Diyos. Si Jesus ang Mabuting Pastol ngunit ang pag-aalaga kanyang kawan ay iniwan niya sa kanyang mga alagad at sa kanilang mga kahalili. Ito ay isang pagtawag na nangangailangan ng katapatan at sakripisyo. Ipagdasal natin silang mga sumunod sa pagtawag ni Kristo sa halip na siraan natin at gawing paksa ng tsismisan ang kanilang buhay. Suportahan natin sila kahit na simpleng pagpapakita ng pasasalamat sa pamamagitan ng pagbati kapag nasasalubong natin sila. Higit sa lahat, huwag sana tayong maging hadlang kapag may mga anak tayo na nais magpari o magmadre. Hindi tayo ninanakawan ng Diyos ng Anak bagkus mas pinagpapala pa nga ang pamilya kapag nabiyayaan ito ng bokasyon ng pagpapari. Sabi ni San Juan Bosco: "The greatest gift that God can give to a family is a son-priest!" Naalala ko noong ako ay nasa second year high school at nadama ang pagtawag sa pagpapari ang unang sumagi sa isip ko ay paano na ang pamilya ko? Paano na ang "career" na pinpangarap ko? Very promising pa naman ang pag-aaral ko mula elementary hanggang pumasok ako ng highschool? Paano na ang mga friendships ko? Paano na ang crush ko? "Haaay ang daming dapat isangtabi! Ang daming dapat i-let go!" Pero naisip ko na bigay ito lahat ng Diyos sa akin at hindi naman Niya kukuning muli ang Kanyang ibinigay. At wala akong dahilang maging maramot sapagkat lahat ay biyaya na bigay Niya sa akin. Kaya nasabi ko "Let go... let God!" Bahala na S'ya kung ano ang nais Niyang gawin sa akin. At ang sumunod nito ay naging bahagi na ng isang kasaysayan na Siya ang nagsulat! Kayat sa Linggong ito ng "Mabuting Pastol" ay alalahanin natin ang matinding pangangailangan ng mundo ng mga kabataang nais ilaan ang sarili sa paglilingkod bilang mga alagad ng Panginoon sa pagpapari at pagiging relihiyoso o relihiyosa. Isama na rin natin ang ating mga Obispo, pari at madreng matagal ng naglilingkod sa Panginoon na biyayaan pa sila ng katatagan at kasiyahan sa pag-aalay ng kanilang buhay para sa iba. Ang mga pari ay tao rin na nagkakamali, nalulungkot, pinanghihinaan ng loob. Ipagdasal natin sila. Tandaan natin na sila'y hinirang ng Diyos... na sila ay PARI NIYA. Ngunit sila rin ay ibinigay Niya para sa mga tao kaya't sila rin ay PARI NATIN.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)