Sabado, Hulyo 29, 2017

ANG MISYON NG PAGHAHARI NG DIYOS: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year A - July 30, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Kasalukuyan ngayong idinaraos ang PCNE 4 (Philippine Conference on New Evangelization) na may temang "Of One Heart and Soul" na hango sa Gawa ng mga apostol (Acts 4:32).  Ipinagdririwang din ng ngayong araw ang Linggo ng Misyong Pilipino na kung saan ay ating ipinagdarasal ang gawing misyon ng ating mga Pilipinong misyonero.  Ang dalawang pagdiriwang na ito ay nagpapaalala sa ating ng kahalagahan ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon sa kasalukuyang panahon.  Isa sa mga nakakaantig ng damdaming programa ng PCNE ay ang  "Heart to Heart with the Cardinal"  sa unang araw, hindi sapagkat naging pannauhin niya sina Alden Richard at si Dingdong Dantes kundi sa pagbabahagi ng isang miyembro ng Couple for Christ sa Zamboanga.  Isinalaysay nito ang kuwento ng kanyang buhay na punung-puno ng trahedya at karahasan, poot at galit, pagpapatawad at pagmamahal.  Nasaksihan niya ang pagpatay sa kanyang tatay noong siya ay siyam na tagong gulang.  Tinaga ng itak sa kanyang harapan ang kanyang tatay at dahil dito ay naghari ang poot at galit sa kanyang puso na makaganti.  Kinalaunan ay nakapag-asawa siya at nagkaroon ng anak na naging biktima naman ng hazing, na naging sanhi ng kanyang kamatayan, sa paaralang kanyang pinapasukan. Lalong nadagdagan ang galit at poot sa kanyang puso sa pagnanais na makapaghiganti.  Sa mga trahedyang ito ay nakialam ang Diyos sa kanyang buhay.  May nag-imbita sa kanilang mag-asawa na sumali sa CLP ng Couples for Christ.  Sa mga pagbabahagi at paguturo na kanyang narinig, lalong -lalo na tungkol sa kahalagahan ng pagpapatawad at pagmamahal sa kapwa, ay parang may liwanag na pumukaw sa kanyang pagkabulag na dala ng poot at galit sa kanyang puso.  Nagpatuloy siya sa pagiging Couples for Christ, naitalagang leader ng isang "household"  at laking pagkagulat niya ng malamang ang isa sa magiging miyembro ng kanyang grupo ay ang pumatay sa kanyang ama.  Sa maniwala kayo't sa hindi, ang naghaharing poot at galit sa kanyang puso ay napalitan ng pagpapatawad at pagmamahal! Nagpakilala siya sa taong iyon at nagpatawad! At ganoon din ang ginawa niya sa mga nakapatay sa kanyang anak.  Ibinahagi niya ang pagpapatawad sa kanila.  Dahil dito ay naranasan niya ang tunay na kapayapaan at tunay na naghari ang Diyos sa kanyang puso.  Ang Ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa talinhaga ng Kaharian ng Diyos o Paghahari ng Diyos. Inihalintulad ito ni Jesus sa isang taong nakatagpo ng kayaman sa bukid at mamahaling perlas.  Kapuwa nila isinakripisyo ang kanilang mga pag-aari upang mabili lamang ang mga kayamanang iyon.  Ang Kaharian ng Diyos ay hindi isang lugar.  Ang kaharian ng Diyos ay ang plano ng Diyos sa sangkatauhan at ang kanyang paghahari ay ang ating pakikiisa sa palanong ito. Ang plano ng Diyos sa atin ay mabuhay tayo ng masayang kasama siya dito sa mundong ito at sa kabilang buhay na kung saan ay makakapiling natin Siya magpakailanman sa kaluwalhatian.   Ang pagpapatawad at pagmamahal ay pakikiisa sa plano ng Diyos para sa atin.  Mahirap mauwaan at ipaliwanag ng isang taong nabubuhay sa batas ng "mata sa mata" at "ngipin sa ngipin".  Tanging mga tao lamang na may karunungang tulad ng kay Solomon ang makakaunawa nito.  Sa unang pagbasa ito ang hiniling ni Solomon kay Yahweh sa halip na kayamanan at kapangyarihan: "isang pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at magaling."  Hingin din natin sa Panginoon ng ganitong puso upang tayo ay pagharian niya.  Ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita ay pananagutan nating lahat, hindi lamang ng mga misyonerong pari, brother o madre.  Lahat tayo ay misyonero na tinatawag na magmahal.  Lahat tayo ay mga misyonero sa makabagong panahon.  

Sabado, Hulyo 22, 2017

GOD'S PATIENCE: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year A - July 23, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNTIES

Nakatanggap ka na ba ng imbitasyon sa isang pagdiriwang na may nakalagay na RSVP?  Ang RSVP ay mga salitang Pranses na "repondez s'il vous plait" na ang ibig sabihin sa ingles ay "respond as you please",  upang malaman kung ikaw ba ay makakadalo o hindi. Kinakailangan mong sumagot sapagkat sayang ang inilaang lugar para sa iyo! Papaano kung ang Diyos mismo ang magbigay sa iyo ng RSVP?  Sasagutin mo ba?  May isang kuwento na minsan daw ay inutusan ng Diyos ang isang anghel upang pumunta sa lupa at bilangin kung ilan ang mga taong masasama. Agad itong sumunod upang gampanan ang kanyang misyon ngunit pagkatapos lang ng ilang araw ay agaran din itong bumalik. Nang tanungin siya ng Diyos Ama ay sinabi n'ya: "Panginoon, masyado pong marami ang taong masasama sa lupa. Isang lugar pa lang ang napuntahan ko, sa Tundo ata iyon at nahirapan na akong magbilang. Ang daming halang ang kaluluwa! Puwede bang yung mabubuti na lang ang bilangin ko?" Sagot ng Diyos sa kanya: "Sige, mas mabuti pa nga para , mas mapabilis ang trabaho mo at agad din nating mabigyan ng imbitasyon ang mga iyon!" Muli siyang nagbalik at tulad ng inaasahan ay maaga niyang natapos ang pagbibilang. "Ngayon", sabi ng Diyos Ama,"papadalhan natin ng sulat ang mga taong mabubuti. May surpresa akong ihahanda para sa kanila.. Bibigyan mo ng sulat ang bawat taong mabuti! Ang masasama ay huwag mong bigyan. Hindi sila kasali sa gagawin kong piging!" At gayon nga ang ginawa ng anghel, binigyan ng sulat ang lahat ng taong mabuti sa lupa RSVP! Alam n'yo ba kung ano ang nakalagay sa sulat? Hindi? Hindi n'yo alam kung ano ang nakasulat? hahaha! Kung gayon ay hindi kayo nabigyan! hehehe...Marahil isang kuwento lamang ngunit nagsasabi ito sa atin ng katotohanan. Tunay ngang may mga taong masasama sa ating mundo! Hindi natin ito maipagkakaila. Ang mas masaklap na katotohanan ay ito. Tila ang mga tao pang ito ang "nag-eenjoy" at nanagana sa kanilang pamumuhay samantalang ang mga mabubuti ay naghihirap! Ano ba ito? Bakit ang masasamang damo ang matagal mamatay? Bakit pinababayaan ng Diyos mangyari ito? Ang talinhaga sa ating Ebanghelyo ay may kasagutan.  Una, hindi ang Diyos ang pinagmumulan ng kasamaan.  Ang Diyos ay lubos na mabuti.  God is good all the time! And all the time God is good!  Sa ating talinhaga ay "mabuti" ang mga binhing inihasik ng may ari ng triguhan.  Ang kanilang "kaaway" (ang demonyo) ang siyang pinagmulan nito.  Pangalawa, ang Diyos ay mapagtimpi. Hindi niya ninanais ang kamatayan ng mga taong makasalanan ngunit ang kanilang pagbabalik-loob. "Life is so unfair!" maari nating sabihin. Ngunit tandaan natin na iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Iba ang kanyang pamantayan sa ating pamantayan. Iba Siyang magmahal sa atin!  Pangatlo, ang tao rin ay maaring maging sanhi ng kasamaan sa mundo.  Sa katunayan, hindi tinanggal ng pagiging "anak ng Diyos" ang pagnanais ng taong gumawa ng masama.  Naglalaban pa rin sa ating katauhan ang mabuti at masama.  Ang mabuting balita para sa atin ay sa kabila ng ating kahinaan at kasamaan ang Diyos ay mapagtimpi sa atin.  Magising sana tayong mga makasalanan! Huwag nating balewalain o pagsamantalahan ang malaking pag-ibig ng Diyos. Bawat hininga natin ay dapat magpaalala sa atin na ang Diyos ay nagbibigay ng pagkakataong mahalin natin Siya, pagkakataong magbago at magbalik-loob, pagkakataon upang suklian natin ang kanyang pagmamahal... Kung alam mo ito ay parang nakatanggap ka na rin ng Kanyang sulat. Mapalad ka. Isa ka sa mga minamahal ng Diyos! Sagutin mo agad sapagkat RSVP 'yun!

Sabado, Hulyo 15, 2017

PAKIKINIG AT PAGIGING MABUTING LUPA: Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year A - July 16, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Ayaw man nating aminin, isang kapansanan nating mga tao ay ang pagiging KSP.  Hindi "Kulang Sa Pansin" kundi "KULANG SA PAKIKINIG" ang tinutukoy ko.  Karamihan kasi sa atin ay mas gusto ang magsalita kaysa makinig.   Ang problema nang kakulangan sa pakikinig ay kapag sabay-sabay lahat na nagsasalita. Sa mga taong ito ang pakikipagtalastasan ay "more talking... less listening"  Pero kung iisipin mo, tayo ay biniyayaan ng Diyos ng isang bibig at dalawang tenga upang mas makinig kaysa magsalita, kaya nga ang dapat ay "less talking more lsitening!"  Mahalaga ang pakikinig sapagkat makapangyarihan ang salita.  Bagamat natural na sa atin ang magsalita ngunit hindi natin napagtatanto ang epekto nito sa taong ating kinakausap.  Kung minsan ay nakapagpapasaya tayo ng mga tao kapag ang lumalabas sa ating bibig ay pagpupuri o pasasalamat sa kanila.  Kung minsan naman ay nakapagbibigay tayo ng loob dahil sa ating pangungutya at paggamit ng mga nakapipinsalang salita sa ating kapwa.  Kung ito ay totoo sa mga salitang lumalabas sa ating bibig ay mas malaki ang inaasahan sa atin kapag ang ipinapahayag sa atin ay ang SALITA NG DIYOS.  Sa unang pagbasa, sa Akalat ni Propeta Isaias ay inilalarawan ang Salita ng Diyos na parang ulan at niyebe na bumaba sa lupa upang ito ay pagyamanin at nagpapakita ito ng kapangyarihan ng Salita na nagbibigay ng buhay sa lahat ng mga nilikha ng Diyos.  Sa ebanghelyo naman ay ikinumpara ang Salita ng Diyos sa binhi na inihasik sa iba't urin ng lupa.  Wala ang problema sa binhi o maging sa manhahasik ng binhi.  Hindi nanghihinayang ang manghahasik sa mga binhing bumagsak sa hindi magandang lupa sapagkat alam naman niyang may mga mabubuting lupang tatanggap sa binhi at dahil dito ay magbibigay ng masaganang bunga.  Ang talinhaga ng maghahasik ay nagsasabi sa ating  maging "mabubuting lupa" na nagbibigay ng pagkakataon sa "binhi" (Salita ng Diyos) upang tumubo, lumago at mamunga ng marami sa ating buhay!  Ang pagiging mabuting lupa ay nasa "pakikinig" natin at pagtupad sa kalooban ng Diyos.  Sa ating pakikinig sa Salita ng Diyos ay hindi lamang tenga ang ating ginagamit.  Pansinin ninyo na sa salitang hEARt ay napapaloob ang salitang EAR.  Upang lubos na mamunga ang binhi ng Salita ng Diyos, dapat ay handa nating buksan ang ating puso sa kanyang pagmamahal.  Naglalaan ba ako ng sandali upang itahimik ang aking sarili at hayaang pagharian ng Diyos ang aking buhay? Sa pagdiriwang ng mga sakramento, lalo na sa Santa Misa, ay direktang nakikipag-usap ang Diyos  sa atin.  Sa mahiwgang paraan ay nakikipag-usap din siya sa atin sa pamamagitan ng ating mga mahal sa buhay, sa ating pamilya, kamag-anak, kaibigan at maging sa ating mga kaaway.  Ginagamit ko ba ang mga pagkakataong ito upang mapakinggan ang Salita ng Diyos na ipinahahayag sa akin?  Sana ay matuto tayong makinig gamit ang ating puso.  Sana ay matuto tayong tumahimik . Sana ay hayaan nating maghari ang kalooban ng Diyos sa ating ginagawa araw-araw at mamunga ito ng maraming biyaya upang maibhagi natin sa ating kapwa.  Tama ang sabi ni Jesus sa katapusan ng talinhaga: "Ang may pandinig ay makinig!"  

Sabado, Hulyo 8, 2017

PASALORD: Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year A - July 9, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Nasubukan mo na bang mag "PASALORD?"  "Father, share-a-load po ang ginagamit ko. Pero ang alam ko ay ganito ang pag-pasaload. Tanggalin mo ang  0  sa unahan ng padadalhan mong mobile phone number at palitan mo ng 2 at magsend ka ng load sa kanya. Presto... nagpasaload ka na!"  Pero hindi ito ang  pagpapasa na tinutukoy ko.  Marami ka bang dinadalang pasanin sa buhay?  Nabibigatan ka na ba sa mga suliranain at problemang hinaharap mo ngayon?  Paano mo ba hinaharap ang maraming paghihirap na dumarating sa iyo araw-araw?  Bakit di mo subukang magPASALORD?  Kahapon,  ay sinimulan ang  PASALORD PRAYER.  Ito ay ang sama-samang pagdarasal tuwing alas-dose ng tanghali para sa kapayapaan ng ating bansa.  Maganda ang nais ipahiwatig ng salitang "PASALORD".  Sinasabi nito na may mga bagay na hindi natin kayang gawin, may mga prolemang hindi natin kayang lutasin at may mga pasaning di natin kayang buhatin.  Kaya ang Panginoon ay nag-aanyaya sa ating "ipasa" sa Kanya ang mga nagpapahirap sa ating buhay.  "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat ng napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingahin ko.  Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako'y maamo mababang-loob, at makakasumpong kayo ng kapahingaan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaaan ang pasaning ibibigayko sa inyo."  Pansinin ninyo na hindi nangako si Jesus na tatanggalin niya ang ating paghihirap at siya na lang ang magpapasan nito para sa atin.  Bagkus ibibigay niya sa atin ang kanyang "pamatok" upang ating gamitin upang mapagaan ang ating pasanin.  Ang pamatok ay ang kahoy na inilalagay sa batok ng hayop upang mapagaan ang kanyang paghila ng mga bagay. Kung tama ang pamatok hindi mnahihirapan ang hayop. At ano ang pamatok na ito? Walang iba kundi ang Kanyang tapat at walang sawang pag-ibig! Ang nais ng Panginoon ay dalhin natin ng may "pag-ibig" ang ating mga pasanin sa buhay. Kung lalagyan lang natin ng pagmamahal ang ating mga ginagawa araw-araw ay mapapagaan natin ito. Kaunting pagngiti, pagbati, pagkamusta ay sapat na upang makapawi ng pagod, sakit, at kalungkutan. Tandaan natin na hindi nagbibigay ang Diyos ng pasanin na hindi natin kayang buhatin. Ang Diyos ay kasama natin sa ating paghihirap at mga suliranin natin sa buhay. Ganito dapat ang panalangin ng isang tagasunod ni Kristo kapag siya ay nahaharap sa mga pagsubok sa buhay:  "Panginoon, wag mong tanggalin ang mga pasanin ko ngayon, bagkus bigyan mo ako ng lakas na mabuhat ito sa pamamagitan ng iyong pagmamahal."  Sa pagdarasal natin ng PASALORD PRAYER para sa ating bansa ay ipinapasa natin kay Jesus ang mithiiin nating magkaroon ng kapayapaan sa ating bansa.  Siya lang naman talaga ang maaring bumago sa puso ng bawat tao.  Kung paanong "walang matigas na tinapay sa mainit na kape"  ay masasabi rin nating "walang matigas na puso sa init ng kanyang pagmamahal.  Ipagdasal natin na maghari ang pag-ibig sa puso ng bawat tao upang malabanan ang karahasan at mapawi ang galit at poot sa puso ng bawat tao. Sa pagPASALORD naman natin ng ating mga suliranin, kahirapan at pagsubok sa buhay,  hingin natin sa Panginoon na punuin niya ng pag-ibig ang ating mga puso upang ang lahat ng ating iisipin, wiwikain at gagawin ay bunga ng kanyang pagmamahal at siguradong mapapagaaan nito ang ating mga pasanin.  Ano pang hinihintay mo? MagPASALORD ka na!

Sabado, Hulyo 1, 2017

MAKA-TAO... MAKA-KRISTO: Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year A - July 1, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Isang tatak ng ating pagiging Pilipino ang pagiging MAKA-TAO.  Karaniwan nating naririnig kapag may kumakataok sa ating pintuan ang ang mga katagang: "Tao po... may tao po ba?"  Hindi ko alam kung may nakarinig na sa inyo ng "Hayop po..."  o kaya naman, "Multo po..."  Nais kasi natin na iparating sa kanila na dapat ay maayos at bukas-palad ang kanilang pagtanggap dahil "tao" ang nakatayo sa kanilang harapan.  Kaya nga't kung tao kang tinanggap sa isang bahay ay dapat asal tao rin ang isusukli mo sa kanila.  Sa Lumang Tipan ay may mas malalim pang dahilan ang kanilang pagtanggap bukod sa pagiging maka-tao.  Ang kanilang paniniwala ay may mga pagkakataong ang mga sugo o alagad ng Diyos, tulad ng mga anghel, ay nag-aanyong tao kaya dapat ay laging malugod at bukas-palad ang kanilang pagtanggap kung may dumarating na bisita sa kanilang tahanan.  Tulad na lamang ng panahon ni Abraham na s'ya sy bisitahin ng mga anghel upang iparating sa kanya na gugunawin na ang mga lungsod ng Sodom at Gomorra.  Sa ating Unang Pagbasa, ay malugod na tinaggap si propeta Eliseo ng mag-asawang taga-Sunem sapagkat naniniwala silang siya ay lingkod ng Diyos.  Dahil dito sila ay pinangakuaan ni Eliseo ng anak sa kabila ng kanilang katandaan.  Ngunti para sa ating mga Kristiyano, may mas malalim na dahilan kung bakit dapat ay bukas-loob ang ating pagtanggap sa mga taong kumakatok sa ating puso.  Hindi lang sapagkat maka-tao tayo.  Hindi lang sapagkat naniniwala tayong lingkod ng Diyos ang nasa pintuan ng ating tahanan.  Bukas-palad ang ating pagtanggap sa ating kapwa sapagkat nakikita natin si Jesus sa mukha ng bawat isa sa kanila.  Ang pagiging Kristiyano ay MAKA-KRISTO!  Nung si St. Mother Theresa ng Calcutta ay tinanong ng isang reporter kung paano niya nagagawang yakapin at halikan ang mga taong may sakit at namamatay sa lansangan ay isa lang ang kanyang tugon: "Sapagkat nakikita ko ang mukha ni Jesus sa kanila!"  Sa ating Ebanghelyo ay ito ang ipinapaalala sa atin ni Jesus: "Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay  tumatanggap sa nagsugo sa akin... At sinumang magbigay ng kahit isang baosng tubig na malamig sa isa sa maliit na ito dahil sa ito'y alagad ko - tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala."  Isa lang sinasabi sa atin ng mga pahayag na ito, na buhay si Kristo sa ating kapwa!  Sa panahon ngayon na tila baga naghahari ang karahasan sa ating paligid, na kung minsan ay hindi nabibigyang halaga ang paggalang sa karapatan at dignidad ng tao dahil sa pang-aabuso at pagkitil ng buhay ng iba, ay mas kinakailangan nating isabuhay ang turo ni Kristo.  May kaabihan tayong mga Pilipino na "kapag binato ka ng bato ay batuhin mo naman siya ng tinapay!"  May mga iba na ang tinapaty na pambato ay nakalagay pa sa loob ng garapon.  Sapagkat hindi naman talaga madaling suklian ng kabutihan ang kasamaan.  Kapag minura ka, ang natural na reaksyon ay murahin mo rin ang ang nagmura sa sa iyo.  Hindi ko alam kong mayroong sa inyong pagkatapos siyang murahin ay nakangiti pa at nagsasabi ng "thank you!" Ngunit ito ang aral ni Kristo.  Suklian mo ng kabutihan ang anumang kasamaang ibinayad sa iyo.  Ang sukatan ng ating pagiging Kristiyano ay si Kristo na nagmahal at nagpatawad sa ating mga pagkkukulang at pagkakasala.  Kaya't nararapat lang na sikapin nating makita ang mukha ni Kristo sa ating kapwa lalong -lalo na sa ating mga kaaway at mga taong may kaamaan tayo ng loob.  Ito ang susi kung nais nating magkaroon ng kapayapaan sa ating bansa.  Hindi armas ang makapagtatahimik sa mga terorista o mga rebelde.  Ang sandata ng isang Kristiyano ay paggalang at pagpapatawad.  Ito ay magagawa lamang ng isang taong nakikita ang mukha ni Jesus sa iba.  Tayo ay hindi lamang dapat maging maka-tao,  Tayo ay dapat maging MAKA-KRISTO!