Madalas tayong makakita ng sign boards sa mga daanan. Kalimitan, makikita natin sa mga malalaking kalsada ang karatulang: "BAWAL TUMAWID! NAKAMAMATAY!" Ngunit kakaiba itong nakita ko minsang ako ay tumawid sa isang kalsada. Ganito ang nakasulat: BAWAL ANG "MAKIALAM, NAKAMAMATAY!" Ayaw natin sa mga pakialamero at pakialamera di ba? Ayaw nating may nanghihimasok sa ating buhay! May kuwento ng isang pari na masyadong passionate sa kanyang pagbibigay ng homiliya. Minsan ay ipinapaliwanag niya ang sampung utos. Ang sabi niya: "Mga kapatid, sinasabi sa ika-limang utos, "huwag kang papatay!" Kaya't masama ang pumatay!" Biglang sigaw ang isa sa mga nagsisimba? "Amen! Father! Amen!" Itinuloy ng pari: "Sinasabi ng ika-pitong utos, huwag kang magnanakaw! Masama ang kumuha ng pag-aari ng iba!" "Amen! Father! Amen!" sigaw muli ng lalaki. Ginanahan tuloy ang pari at sinabing: "Huwag kang makikiapid! Kaya bawal, ang magkaroon ng relasyon sa hindi mo asawa! Bawal ang may-kabit!" Biglang sigaw ang lalaki: "Aba, padre! Hini ata tama yan! 'Wag mong panghimasukan ang buhay ko! Wag mo kong pakiaalaman!" Para mga mahilig makialam sa buhay ng iba eto ang masasabi ko inyo: "Dear PAKIALAMERA, May sarili kang buhay di ba? Bakit pati sa buhay ko nakikisawsaw ka? - Nagtataka, ME!" Eto pang isa; "Alam mo, napapabayaan mo na ang sarili mo. Wala ka kasing ibang inintindi kung ang PAKIALAMAN ANG BUHAY NG IBANG TAO!" Kung ganun, masama ba ang pakikialam? Hindi lahat ng pakikialam ay masama o kaya naman hindi lahat ng hindi nakikialam ay mabuti! Sa katunayan ay ito ang kasalanan ng mayaman sa talinhagang isinalaysay ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Walang sinabi sa Ebanghelyo na masamang tao ang mayaman. Ang kanyang kasalanan ay ang kanyang pagwawalang-bahala kay Lazaro na nasa labas lamang ng kanyang bahay at namamatay sa gutom samantalang siya ay sagana sa damit at pagkain sa hapag kainan. Walang pakialam ang mayaman sa kalunos-lunos na kalagayan ni Lazaro. Wala siyang ginawa upang maibsan, kahit kaunti lamang, ang paghihirap ng isang tao. Kaya nga't hindi lahat ng hindi pakikialam ay mabuti. Tayong mga Kristiyano ay tinawag ni Jesus na makialam sapagkat ang Diyos mismo ang unang nakialam sa atin. Ipinamalas niya ang kanyang malasakit sa atin sa pamamagitan ng kanyang pagliligtas sa pagbibigay sa atin ng kanyang bugtong na Anak. Nakialam Siya sa ating abang kalagayan sapagkat mahal Niya tayo at ayaw Niya tayong mapahamak. Ang sabi ni San Juan: "Gayon na lamang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak..." (Jn 3:16) Ngunit ang ganitong pakikialam ay posible lamang kung mayroong kasamang PAGKABAGABAG! Nagpakita ng habag ng Diyos sa atin sapagkat nabagabag siya sa ating abang kalagayan. Ang tawag natin sa ganitong uri ng panghihimasok ay MABUTING PAKIKIALAM! Ano ang hinihingi nito sa atin? Una, ito ay nangangahulugan ng pagtatama sa mali! Ang mabuting pakikialam ay may lakas ng loob upang ituwid ang kanyang kapatid na napapariwara. Ang kanyang layunin ay kabutihan at hindi kasiraan ng kanyang kapwa. Ang tawag din dito ay fraternal correction. Ang isang Kristiyano ay dapat nababagabag kapag nakikita niya ang kanyang kapatid na nagkakasala o hindi gumagawa ng tama. Ngayon marahil ay maiintindihan natin kung bakit ang Simbahan ay kailangang makialam kapag may nakikita siyang mali sa ating lipunan. Hindi siya maaring manahimik kapag may paglabag sa kalooban ng Diyos at paglapastangan sa Kanyang mga utos. Hindi siya maaaring manahimik kapag nayuyurakan ang karapatang pantao o ang dignidad ng isang tao lalo na ang mga walang kalaban-laban at mahihirap. Naniniwala ang Simbahan na sapat lamang na isang mabuting Kristiyano ang manahimik sa harap ng maraming pagkakamali, at ito ay sapat na upang lumaganap ang kasamaan sa mundo. Ikalawa, ang mabuting pakikialam ay ang atin ding pakikiisa sa mga mahihirap. Hindi kinakailangang gumawa ng malalaking bagay para sa kanila. Ang sabi nga ni St. Theresa ng Calcutta: "Not all of us can do great things. But we can do small things with great love." Kung minsan ay sinisisi natin ang Diyos sa mga kahirapang nangyayari sa ating paligid, ngunit sino ba ang may kagagawan nito? Ang sabi niya uli: "Poverty is not made by God, it is created by you and me when we don't share what we have." Huwag sanang maging manhid ang ating budhi sa pangangailangan ng iba. Huwag tayong maramot sapagkat kung ano man ang mayroon tayo ay galing naman ang mga ito sa Panginoon. Sa katunayan ay katiwala lamang tayo ng Kanyang walang hanggang pagpapala. Ikatlo, makialam din tayo para sa kapakanan ng ating kapaligiran, ng ating mundo, na siyang ating nag-iisang tahanan, "our common home!" Nakakabagabag ng damdamin, ang ginawa ng isang batang babaeng nagngangalang Greta Thunberg, labing anim na taong gulang, sa United Nations Climate Summit nitong nakaraang mga araw lamang sapagkat sinabi niya sa mga kinatawan ng iba't ibang bansa ang kanilang kawalang aksiyon upang mapangalaagaan ang kalikasan! Ilang beses niya silang tinawag na "makakapal ang mukha" sapagkat wala silang pakialam sa patuloy na pagsira ng kalikasan at kinabukasan ng mga bata ng mga susunod na henerasyon! Sa pagtatapos ng Season of Creation o Panahon ng Paglikha, magkaroon tayo sana tayo ng mabuting pakikialam upang pangalagaan ang kalikasang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. . Magkaroon tayo ng MABUTING PAKIKIALAM sa ating kapwa! Isang pakikialam na dala ng ating pagkabagabag sa mga kamaliang nakikita natin sa ating paligid. Isang pakikialam na may malasakit sa kapakanan ng mga mahihirap.
Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Setyembre 28, 2019
Sabado, Setyembre 21, 2019
MATALINONG KRISTIYANO: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time - Year C - September 22, 2019 - YEAR OF THE YOUTH AND SEASON OF CREATION
Sabado, Setyembre 14, 2019
ANG PABORITO NG DIYOS: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year C - September 15, 2019 - SEASON OF CREATION and YEAR OF THE YOUTH
May paborito ba ang Diyos? Marahil, sa ating mga tao ay natural na ang may itinatangi, may pinapanigan, may espesyal sa paningin... may "apple of the eye" kung tawagin. Ngunit ang Diyos... na lubos na makatarungan at pantay kung magmahal... may paborito rin kaya S'ya? Hanapin ang sagot sa kuwentong ito... May isang pari sa isang parokya na binansagang "Padre Kuliling". Hindi dahil sa may pagkakulang-kulang s'ya kundi dahil sa kanyang kakaibang 'gimik" kapag siya ay nagpapakumpisal. May dala-dala s'yang maliit na "bell" na kanyang pinapatunog upang sabihin sa mga taong tapos na ang nagkukumpisal at pinatawad na ang kanyang kasalanan. Eto ang mas nakakaintriga, napansin nila na ang haba ng tunog ng "bell" ay depende sa dami ng kasalanan ng nagkumpisal! Minsan, ay nagkumpisal ang tinuturing nilang "pinakamakasalanan sa parokya!" Isa siyang kilalang babaero, sugarol, lasenggero, at halos taglay na niya ata ang lahat ng "bisyo". Nag-abang ang mga tao kung gaano kahaba ang kanilang maririnig na tunog ng bell. Nagtaka sila sapagkat nakakatrenta minutos na ay wala pa silang naririnig. "Baka, hindi na nakayanan ni Father... baka hinimatay na s'ya!" ang sabi nila. Laking pagkagulat nila ng biglang lumabas si Father sa kumpisalan at karipas na tumakbong palabas ng simbahan. Nagtungo siya sa kampanaryo ng simbahan at narinig ang sunod-sunod na tunog ng kampana... "Booong! boong! bong! booong!"
Kung mayroon mang paborito ang Diyos sila ay walang iba kundi ang mga makasalanan na handang magbalik-loob sa Kanya. Ang pagbabalik-loob ng isang taong makasalanan ay kagalakan para sa ating Diyos at dahilan upang magdiwang Siya ng isang tagumpay! Sa Ebanghelyo ay ikinumpara Siya sa isang pastol na naghanap at nakasumpong sa kanyang nawawalang tupa o kaya naman ay sa isang babaeng nakasumpong sa kanyang nawawalang salaping pilak. Lubos ang kanilang kagalakan sapagkat nagbunga ang kanilang ginawang paghahanap. Pansinin natin ang sinabi sa talinhaga na ang ang pastol ang naghanap sa kanyang nawawalang tupa. Gayundin ang ang babae ang masusing naghanap sa kanyang nawawalang salaping pilak. Ito ang isang katotohanan na dapat nating maunawaan: tayong lahat, sa kabila ng ating pagiging makasalanan ay paborito ng Diyos! At sapagkat paborito Niya tayo ay lagi Niya tayong hinahanap at hinihintay Niya ang araw na tayo ay Kanyang masusumpungan. Ang Banal na Kasulatan, mapaluma o bagong tipan ay punong-puno ng mga paglalarawan ng pagkamahabagin ng Diyos sa mga makasalanan. Sa Ebanghelyo ay may mga tagpo na kung saan ay ipinapakita ang pagkiling ng Diyos sa mga kasalanan. Naririyan ang pagpasok ni Jesus sa bahay ni Zakeo at pakikisalo sa kanila sa hapag kainan. Naririyan din ang tagpo ng babaeng makasalanang lumapit sa kanyang paanan upang hugasan ang kanyang paa ng luha bilang tanda ng kanyang pagsisisi at marami pang kaparehong tagpo. Lahat sila ay nagpapakitang may pagkiling ang Diyos sa mga makasalang handang magsisi at magbalik-loob sa kanya. Sa tuwing lumalapit tayo sa Sakramento ng Kumpisal, ito ay hindi sapagkat ginusto natin. Ito ay sapagkat may Diyos na naghihintay sa atin at Siya ang nagtutulak sa ating magbago at magbalik-loob. Kailan na ba ang huling kumpisal mo? Baka naman napakatagal na at "long over-due" na ito? Ano ang pumipigil sa iyo para magsisi at lumapit sa kumpisalan? Kung ikaw man ay nakakaramdam ng pagkahiya o pagkamaliit dahil sa marami mong kasalanan ay lagi mong isipin na ang Diyos ay mapagtimpi at alam Niya ang iyong kahinaan at kakulangan. Sapat lamang na tayo ay magpakumbaba at aminin ang ating kakulangan at pagkakamali tulad ng ginawa ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Naunawaan ni San Pablo na "paborito" siya ng Diyos kaya't hindi niya nahiyang aminin ang kanyang pagiging makasalanan: "At ako ang pinakamasama sa lahat. Ngunit kinahabagan ako ng Diyos upang sa nangyari sa akin ay ipakita ni Kristo Hesus kung gaano siya katiyaga..." Ikaw...? Tinuturing mo ba ang sarili mong PABORITO NG DIYOS?
Kung mayroon mang paborito ang Diyos sila ay walang iba kundi ang mga makasalanan na handang magbalik-loob sa Kanya. Ang pagbabalik-loob ng isang taong makasalanan ay kagalakan para sa ating Diyos at dahilan upang magdiwang Siya ng isang tagumpay! Sa Ebanghelyo ay ikinumpara Siya sa isang pastol na naghanap at nakasumpong sa kanyang nawawalang tupa o kaya naman ay sa isang babaeng nakasumpong sa kanyang nawawalang salaping pilak. Lubos ang kanilang kagalakan sapagkat nagbunga ang kanilang ginawang paghahanap. Pansinin natin ang sinabi sa talinhaga na ang ang pastol ang naghanap sa kanyang nawawalang tupa. Gayundin ang ang babae ang masusing naghanap sa kanyang nawawalang salaping pilak. Ito ang isang katotohanan na dapat nating maunawaan: tayong lahat, sa kabila ng ating pagiging makasalanan ay paborito ng Diyos! At sapagkat paborito Niya tayo ay lagi Niya tayong hinahanap at hinihintay Niya ang araw na tayo ay Kanyang masusumpungan. Ang Banal na Kasulatan, mapaluma o bagong tipan ay punong-puno ng mga paglalarawan ng pagkamahabagin ng Diyos sa mga makasalanan. Sa Ebanghelyo ay may mga tagpo na kung saan ay ipinapakita ang pagkiling ng Diyos sa mga kasalanan. Naririyan ang pagpasok ni Jesus sa bahay ni Zakeo at pakikisalo sa kanila sa hapag kainan. Naririyan din ang tagpo ng babaeng makasalanang lumapit sa kanyang paanan upang hugasan ang kanyang paa ng luha bilang tanda ng kanyang pagsisisi at marami pang kaparehong tagpo. Lahat sila ay nagpapakitang may pagkiling ang Diyos sa mga makasalang handang magsisi at magbalik-loob sa kanya. Sa tuwing lumalapit tayo sa Sakramento ng Kumpisal, ito ay hindi sapagkat ginusto natin. Ito ay sapagkat may Diyos na naghihintay sa atin at Siya ang nagtutulak sa ating magbago at magbalik-loob. Kailan na ba ang huling kumpisal mo? Baka naman napakatagal na at "long over-due" na ito? Ano ang pumipigil sa iyo para magsisi at lumapit sa kumpisalan? Kung ikaw man ay nakakaramdam ng pagkahiya o pagkamaliit dahil sa marami mong kasalanan ay lagi mong isipin na ang Diyos ay mapagtimpi at alam Niya ang iyong kahinaan at kakulangan. Sapat lamang na tayo ay magpakumbaba at aminin ang ating kakulangan at pagkakamali tulad ng ginawa ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Naunawaan ni San Pablo na "paborito" siya ng Diyos kaya't hindi niya nahiyang aminin ang kanyang pagiging makasalanan: "At ako ang pinakamasama sa lahat. Ngunit kinahabagan ako ng Diyos upang sa nangyari sa akin ay ipakita ni Kristo Hesus kung gaano siya katiyaga..." Ikaw...? Tinuturing mo ba ang sarili mong PABORITO NG DIYOS?
Linggo, Setyembre 8, 2019
THE "BER" MONTHS and SELF-GIVING: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year C - YEAR OF THE YOUTH AND SEASON OF CREATION
Pumasok na tayo sa tinagurian nating BER months. Bakit nga ba BER MONTHS ang tawag sa mga buwang darating. Ito raw ang dahilan: Sa September daw kasi ay pinagdiriwang natin ang BERtday ni Mama Mary, Ang October naman daw ay ang buwan ng BERhen ng Santo Rosaryo. Sa November naman daw ay we rememBER the faithful departed. At sa December ang ang BERtday ng Panginoong Jesus! Astig di ba? Ngunit marahil, marami sa atin ang iniisip na kapag pumasok na ang BER MONTHS ay malapit na ang Pasko. Ngayong araw ding ito ang kapistahan ng kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria. Bagamat hindi natin maipagdiriwang sa liturhiya ng Linggo ang kapistahan ito, sa kadahilanang hindi maaring palitan ng anumang kapistahan ng sinumang mga banal na tao ang "Araw ng Panginoon", maliban na lamang kung ito ay "solemnity" o dakilang kapistahan, ay atin pa ring dapat alalahanin at ipagdiwang ito sapagkat malapit ang ating puso sa Mahal na Birheng Maria. Ngayon din ay ang araw ng mga lolo at lola natin. Inaalala at ipinagdarasal natin sila ngayong "Grandparents' Day". Sila man ay buhay pa o pumanaw na ay gayun na lamang ang ating pagpupugay sa kanila sa maraming sakripisyong kanilang binata na nagpapakita ng kanilang malaking pagmamahal sa atin. Ang buwan ng Setyembre ay ang itinalaga rin ng Simbahan na "Panahon ng Paglikha" o Season of Creation. Ang Panahon ng Paglikha o Season of Creation ay ang paglalaan ng Simbahan ng panahon sa ating Liturgical Calendar upang parangalan ang ating Diyos na Manlilikha at upang paalalahanan din tayo ng ating kaugnayan sa mga nilikha ng Diyos bilang kanyang mga anak. Tatagal ang pagdiriwang na ito hanggang sa ika-apat ng Oktubre, na kapistahan ni San Francisco ng Asisi. Ito ang ating kasagutan bilang mga Kristiyano sa mga suliranin na ating kinakaharap sa ating kapaligiran at kalikasan. Ano ba Panahon ng Paglikha? Una sa lahat, ang Panahon ng Paglikha ay pagbibigay pugay at parangal sa Diyos na Manlilikha na patuloy na nangangalaga sa atin. Ito ang unang pinapahayag natin sa ating Pananampalataya sa tuwing tayo ay nagsisimba pagkatapos ng homiliya ng pari. Nararapat lang na ibalik natin sa Diyos ang lahat ng pasasalamat at papuri sapagkat nilikha Niya ang lahat ng "mabuti". Ikalawa, ang Panahon ng Paglikha ay nagbibigay sa atin ng pagninilay na dapat tayong maging mapagkumbaba. Tayo ay ginawa lamang ng Diyos na kanyang mga katiwala o "stewards" kaya wala dapat tayong ipagmalaki o ipagyabang. Kayabangan ang dahilan kung bakit dumaranas tayo ngayon ng pagkasira ng kalikasan at ang masidhing epekto nito sa ating pamumuhay. Isang "kayabangan" na ating ipinapakita ay ang "throw-away culture!" Ito ay ang walang hambas na pagtatapon ng basura kung saan-saan. Huwag nating isisi sa Diyos ang pagbaha sa tuwing bumubuhos ang malakas ng ulan. Hindi ang Diyos ang nagtatapon ng mga basurang bumabara sa ating mga estero at mga tubig daluyan kundi tayong "mayayabang na tao!" Isama na natin sa ating kayabangan ang pagdura o pagdumi kung saan-saan! Tandaan natin na hindi tayo ang may-ari ng kalsada o ng daanan kung kaya wala tayong karapatang dumihan ang mga ito! Panatilhin nating malinis ang ating paligid bilang pagpaparangal sa ating Diyos na Manlilikha. Ito ang konkretong katibayan ng pagiging tunay na mga anak ng Diyos at alagad ni Kristo, ang pagiging STEWARDS of the "mysteries of God". Isa pang katangian ng tunay na alagad ni Jesus ay ang pagiging tapat na lingkod na handang magsakripisyo o "magbuhat ng kanyang krus" para kay Kristo. Ang ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay tumutukoy sa pagiging alagad ni Jesus, na handa niyang iwan ang lahat sa kanyang buhay upang sumunod sa Kanya. Ito ang paalala sa atin ni Jesus ngayon sa Ebanghelyo: "Ang sinumang hindi magpasan
ng sariling krus at sumunod sa akin
ay hindi maaaring maging alagad ko." Ibig sabihin ang pagiging alagad ni Jesus ay hindi madali, walang "short cut"... pinaghihirapan! Isang tatay ang umuwi ng bahat at bigla niyang binuhat ang kanyang asawang nagluluto. Nagulat si misis at sinabi sa asawa:"Ano ba ang nakain mo at binubuhat mo ako? Kung natatandaan ko ay huling ginawa mo yan ay pagkatapos ng tayo ay ikinasal ten years ago!" Ang sagot ni mister: "Wala lang, napagdaan kasi ako sa Simbahan at narinig ko sa paring nagmimisa na dapat daw nating "buhatin ang ating mga krus" kung nais nating sumunod kay Kristo!" Yun naman pala! Ano ba o sino ba ang mga itinuturing kung krus sa aking buhay? Maari itong mga tao, o mga sitwasyon sa buhay tulad ng mga problema sa trabaho, pamilya, pag-aaral. At bakit hindi? Maari ring ito ang mga obligasyon at responibilidad natin na sa pag-aalaga ng ating kapaligiran! Ang mga krus na ito ay mabubuhat natin kung lalagyan natin ng pagmamahal ang ating ginagawa. Ang sabi muli ni St. Mother Theresa ng Calcutta: Not of all us can do great things, but we can do small things with great LOVE!" Maglingkod tayo sa Diyos bilang kanyang mga tapat na alagad na may pagmamahal. Tandaan natin na ang tunay na pagmamahal ay may kasamang sakripisyo. "This is the meaning of truelove, " ang sabi ni St. Theresa, "to give until it hurts!" May kasamang paghihirap ang pagbibigay sapagkat may nawawala dapat sa ating sarili kapag nagbabahagi ng tayo. Ibig sabihin ay masasaktan tayo kapag tayo ay nagbigay bilang mga alagad ni Kristo! True love hurts!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)