Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Huwebes, Oktubre 31, 2019
TODOS LOS SANTOS: Reflection for the Solemnity of All Saints Year C - November 1, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ngayon ay ang pagdiriwang ng ALL SAINTS DAY! Pinararangalan natin ang lahat ng mga BANAL sa kalangitan. kilala man natin sila o hindi natin kilala. Ang araw ding ito ay ARAW NG MGA BANAL at hindi ARAW NG MGA PATAY. Bukas pa ang pag-alala natin sa kaluluwa ng ating mga mahal na yumao! Kaya mamyang gabi ay hindi "gabi ng lagim" o GABI NG KATATAKUTAN kundi GABI NG KABANALAN! Ilan ba ang mga banal na ating ipinagdiriwang. Hindi lang isa, dalawa, sampu o kahit isang daan pa man! Pakinggan n'yo ang kuwentong ito: Isang araw si Pedro ay umuwi ng bahay na umiiyak at hawak-hawak ang kanyang ulong wala nang buhok. "Anung nangyari sa ulo mo? Bakit nagpakalbo ka? tanong ng kanyang nanay. "Paano po kasi naglaro kami ng bunutan ng buhok ng kaibigan kong si Juan. Kada banggit ng pangalan ng isang Santo ay bubunutan ng buhok! Halimbawa po, San Juan Bosco, isang buhok po yun! Banal na mag-anak na Jesus Maria at Jose... tatlo po yun! Labindalawang apostol... labindalawang buhok po yun!" sagot ni Pedro. "O eh bakit naman buong buhok mo ang naubos?" tanong ng nanay. "Kasi po ng naubusan na siya ng maibibigay na pangalan ng santo bigla ba namang sinigaw niya ang TODOS LOS SANTOS! Ayun sa barbero ang tuloy ko! Tama nga naman, dahil ang todos delos santos ay nangangahulugan ng "lahat ng mga banal." Sa katunayan nga ay kulang pa ang lahat ng buhok natin upang mabilang ang lahat ng mga banal sa langit. Mas marami kasi sa kanilang mga "nasa itaas" ang wala sa opisyal na listahan ng Simbahan na tinatawag natin ngayon sa titulong Santo o Santa. Bagama't hindi natin kilala ang marami sa kanila, nakaukit naman sa ating ala-ala ang kabanalan na kanilang ipinakita noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupa. Ano nga ba ang kanilang nagawa at itinuturing natin silang " MGA BANAL?" Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na hindi kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na marahil marami sa kanila ay hindi natin kilalaa. Sila ang mga "unsung heroes" ng ating Simbahan na naging tapat at nag-alay ng kanilang buhay para kay Kristo. Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Sila ang mga "mapapalad" na tinukoy ni Jesus sa Ebanghelyo. Marahil sa mata ng mundo sila ang mga aba, nagugutom, tumatangis, inuusig, inaapi. Ngunit sa mata ng Diyos, sila ang tinuturing Niyang "mapapalad" sapagkat noong sila ay nabubuhay pa ay lubos ang kanilang pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos. Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang maging banal! Kaya nga't ang kapistahang ito ay hindi lamang para sa kanila. Sa katunayan, ito ay para sa atin. Tayo ang nangangailangan ng kanilang panalangin. Tayo ang nangangailangan ng kanilang inspirasyon upang matulad tayo sa kanila at isang araw ay mapabilang din sa hanay ng mga banal. Sikapin nating magpakabuti habang tayo ay naririto pa sa lupa. Ang kasalanan ang hadlang sa ating pagiging banal. Sa tuwing tayo ay gumagawa ng kasalanan ay nalilihis tayo sa pagtawag ng Diyos na maging banal. Ang kabanalan ay pagtawag para sa lahat. Akuin natin ang pagiging banal. Isabuhay natin ang mga aral ni Kristo. Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti at balang araw ay makakamit din natin ang gantimpala ng kalangitan. Balang araw ay makakasama rin tayo sa kalipunan ng mga Banal o TODOS LOS SANTOS!
Sabado, Oktubre 26, 2019
DASAL-EPAL (Reposted): Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time - Year C - October 27, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Lahat ba ng panalangin ay kinalulugdan ng Diyos? Ang sagot ay hindi! Ayaw Niya ng dasal ng mayayabang. Ayaw Niya sa mga taong ma-epal! Hindi Niya lubos na kinalulugdan ang DASAL-EPAL! Minsan may taong nagdarasal na palaging ibinibida ang kanyang sarili. Ganito parati ang laman ng kanyang panalangin: "Panginoon, maraming salamat po at ginawa mo akong mabuting Kristiyano hindi katulad ng iba d'yan na maraming bisyo at hindi nagsisimba, tapat ako sa asawa ko at hindi ako katulad ng kapitbahay namin na maraming kabit, nag-aabuloy ako sa Simbahan, tumutulong ako sa kawang-gawa di tulad ng iba d'yan na madamot at walang pakialam sa iba at higit sa lahat nagkukumpisal ako ng isang beses sa isang buwan di tulad ng ibang mahigit isang taon ng hindi nagkukumpisal..." Laking gulat n'ya ng sumagot ang Diyos: "Mapalad ka anak... mapalad ka!" " Tuwang-tuwa siyang tumingala sa malaking krusipihiyo na kung saan ay pinanggalingan ng mahiwagang tinig. "Talaga po Panginoon? Pero anung ibig mong sabihin Panginoon na mapalad ako?" Sagot ng mahiwagang tinig: "Mapalad ka at nakapako ang mga paa ko, kung hindi ay tinadyakan na kita!"hehehe... Kuwento lang naman ngunit may sinasabing malaki sa ating paraan ng pananalangin. Hindi naman nananadyak ang Diyos! Ayaw Niya lang talga sa panalangin ng mga palalo at mayayabang. Bakit? Sapagkat ang panalangin ng mga palalo ay hindi kumikilala sa kapangyarihan at kabutihan ng Diyos. Hindi bida ang Diyos sa kanilang panalangin bagkus ang sarili ang itinataas! Ang pagpapakumbaba ay mahalagang kundisyon sa tunay na pagdarasal. Tanging ang mga taong katulad ng publikano sa talinhaga, na handang umamin ng kanyang pagkakamali ang kinalulugdan ng Diyos sa kanilang panalangin. Kaya nga ang pagpapakumbaba ay isang mahalagang kundisyon sa tuwing tayo ay lumalapit sa Diyos. Pansinin ninyo ang gawi ng publikano: "Samantala, ang publikano’y nakatayo sa malayo, hindi man lamang makatingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalan!" Ang mapagkumbabang panalangin ay nagpapakita ng ating pangangailangan sa awa ng Diyos at nagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Sino ba ang bida sa panalangin mo? Baka naman puro "Ako" ang laman ng ating panalangin at nakakalimutan natin "Siya" (ang Diyos) at "sila" (ang ating kapwa). Ang panalanging kinalulugdan ng Diyos ay ang panalanging nagbubunga ng paggalang at pagmamahal sa ating kapwa. Habang nalalapit ang pagtatapos ng Taon ng Pananampalataya ay isapuso natin ang tunay na diwa ng panalangin. Maging mapagkumbaba sa pagdarasal. Tandaan natin na ang kahinaan ng Diyos ay ang panalangin ng taong mapagkumbaba. Kaya't wag maging epal sa pagdarasal!
Sabado, Oktubre 19, 2019
PANGUNGULIT SA PANALANGIN: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year C - October 20, 2019 - YEAR OF THE YOUTH / MONTH OF THE HOLY ROSARY / WORLD MISSION SUNDAY
May isang estudyante namin ang nagtanong sa akin tungkol sa pagdarasal ng Santo Rosaryo. Nagkataong dinarasal namin ito sa kalagitnaan ng tanghali na naka-broadcast sa apat na sulok ng aming paaralan. Isa ito sa aming nakagawian kapag buwan ng Oktubre. "Fadz, bakit paulit-ulit ang dasal natin ng Rosaryo? Hindi ba bawal yun sa Bibliya?" Obviously, hindi siya isang Katoliko ngunit nakita ko naman ang katapatan niya sa kanyang pagtatanong at hindi naman siya palaban na parang naghahanap ng away. Kaya sinagot ko siya sa pamamagitan ng isang kuwento. May kuwento ng isang batang nagdarasal na sana ay bigyan s'ya ng bisikleta ng Diyos para sa kanyang birthday. Halos araw-araw ay dumaraan siya sa Simbahan at sa isang sulok na kung saan ay may nakaluklok na maliit na estatwa ng Mahal na Birhen at lagi siyang nagdarsal ng rosaryo upang ipagdasal ang kanyang kahilingan. Papalapit na ang araw ng kanyang kaarawan ngunit tila baga ayaw ibigay ng Diyos ang kanyang kahilingan. Wala pa rin ni anino ng kanyang bisekleta. Isang umaga ay nagkagulo sa loob ng Simbahan. Nawawala ang maliit na estatwa ng Mahal na Birhen! Tinawag nila ang kura-paroko at napansin ng pari ang isang maliit na papel na nakaipit sa patungan ng estatwa. Ganito ang nasulat: "Dear Papa Jesus, mukha atang ayaw mong ibigay ang hinihingi kong bike. Bahala ka! Kapag hindi mo ibinigay bukas ang hinihingi ko para sa aking birthday alam mo na na ang mangyayari... hindi ko ibabalik ang nanay mo?" Nakakapressure nga naman ang ganung panalangin hindi ba? Wais na bata! Mautak! Bata pa lang kidnaper na! Sigurado akong bukas ay ibibigay na ng Diyos ang kanyang hiling na bisekleta! hehehe... Ngunit kung titingnan natin ay ito naman talaga ang nais ng Diyos kapag tayo ay nagdarasal. Nais niyang kulitin natin Siya. Nais niyang tayo ay magpumilit. Nais niyang huwag tayong manghinawa sa ating paghingi. Ito mensaheng nilalaman ng kanyang talinghaga: may naghihintay sa mga taong nagtitiyaga at nagpupuimilit na ipagkaloob ang kanilang kahilingan. Bagama't sa ating talinhaga ay parang hindi mabuti ang hukom sa pagbibigay ng kahilingan ng babaing balo, ngunit sa kabila ng kanyang pagmamatigas ay ibinigay niya pa rin ang ipinapakiusap nito. Bakit? Dahil sa kanyang walang sawang pangungulit! "Bagamat hindi ako natatakot
sa Diyos, ni gumagalang kaninuman,
igagawad ko na ang katarungang
hinihingi ng babaing ito sapagkat
lagi niya akong ginagambala ă baka
pa ako mainis sa kapaparito niya." At inihambing ni Jesus ang kabutihan ng Diyos sa masamang hukom na kung nakayang pagbigyan ng hukom ang babaeng balo sa kanyang kahilingan ay paano pa kaya ang Diyos kapag kinukulit natin Siya sa pagdarasal sa ating mga kahilingan. Totoong ayaw ng Diyos ng mga panalanging walang kabuluhan na inuulit-ulit. Ngunit ang hindi ito ang ipinupunto ng talinhaga! Ang mensahe ng talinhaga ay ang kahalagahan ng pangungulit sa Diyos kung nais nating makamit ang ating nais. Ang pag-uulit ng ating paghingi sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal ay dahil may kaakibat itong paniniwala at pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos. Ibig sabihin ay isa itong panalangin na may malalim na pananampalataya! Hindi ba't ganito ang pagdarasal dapat ng rosaryo? Pinipilit at kinukulit natin ang Diyos sa pamamagitan ng pag-uulit ng Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati. Huwag nating kalimutan ang pagninilay sa mga Misteryo na ating dinarasal at pag-uugnay nito sa ating buhay. Ngayong buwan ng Oktubre, ang buwan ng Santo Rosaryo, ay nagpapa-alala sa atin ang Simbahang dasalin ang makapangyarihang panalanging ito sa paraang nararapat. Magdasal tayo ng may pagkumbaba sapagkat kinalulugan ng Diyos ang mga may mababang kalooban at manalangin din tayo na taglay ang pusong mapagpasalamat sapagkat nagpapakita ito na tayo ay katiwala lamang ng Diyos sa lahat ng pagpapalang ibinigay niya sa ating buhay. Ang sabi nga ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo: "Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi, bagamat tila nagtatagal iyon." Kayat huwag tayong manghinawa sa pagdarasal. Kung minsan ay nagtatagal ang Diyos sa pagsagot sa ating mga kahilingan. Kung minsan ay iba ang sagot Niya sa ating mga kahilingan. Kung minsan nga ay hindi Niya ipinagkakaloob ang ating ipiangdarasal. Ngunit hindi ito dahilan upang panghinaan tayo sa ating paghingi. Mas madaling tanggapin ang kasagutan ng Diyos kung ito ay hinihingi ng isang puso na marunong magpasalamat. Kapag kaya nating pasalamatan ang Diyos sa mabuti at masamang kaganapan sa ating buhay ay mas madaling matanggap anuman ang ibibigay Niya sa atin. Kaya nga bago humingi ay dapat marunong muna tayong magpasalamat sa Kanya! Ngayon din ang pagdiriwang ng World Mission Sunday na kung saan ay ipinagdarasal natin at sinusuportahan ang Misyong Pandaigdig ng ating Simbahan. Dalawa ang Patron ng misyon, naririyan si St. Francis Xavier na talagang naging masigasig sa pagpunta sa maraming lugar at nakapagbinyag ng maraming mananampalataya. Ngunit naririyan rin si St. Therese of the Child Jesus na hindi man lang nakalabas ng kumbento at naroroon lang sa apat na sulok nito. Ngunit tinanghal siyang patron ng misyon dahil sa walang humpay niyang pagdarasal para sa mga misyonero at gawaing misyon ng Simbahan. Tinanghal siyang patron ng misyon upang ipaalala sa atin na tayong lahat din ay misyonero at may magagawa para sa misyon sa pamamagitan ng ating panalangin at pinansiyal na pagtulong. Huwag tayong maging madamot! Mag-alay tayo ng rosaryo para sa kanila. At kung mayroon tayong maaaring ibahaging tulong ay wag tayong mag-atubili. Sa ganitong paraan ay malaki ang ating maitutulong sa gawaing misyon ng ating Inang Simbahan. Dahil ikaw at ako ay misyonero!
Sabado, Oktubre 12, 2019
PUSONG MAPAGPASALAMAT: Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year C - October 13, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
May puso ka bang marunong magpasalamat? Nakakalungkot na kung minsan ay magaling tayong manghingi, pero ang tamad nating magpasalamat! Kalimitan, hindi natin napapansin na marami pala dapat tayong ipagpasalamat sa ating buhay. Si Juan ay isang batang masipag at maasahan sa gawaing bahay. May roon lang nga siyang masamang ugaling maningil sa lahat ng kanyang ginagawa. Minsan ay may pinuntahan ang kanyang nanay at iniwan sa kanya ang gawaing bahay. Katulad ng inaasahan ay malugod namang tinanggap ni Juan. Pag-uwi ng kanyang ina ay may nakita itong papel na nakapatong sa lamesa. Nakasulat: Naglinis ng bahay - sampung piso, naglaba ng damit - sampung piso, nagdilig ng mga halaman - sampung piso, nag-alaga kay junior - sampung piso... kabuuan: singkuwenta pesos. Ps. Yung sampung pisong karagdagan ay VAT. Ang masipag mong anak, Juan. Napangiti ang nanay, kumuha ng papel at nagsulat din: siyam na buwan kitang inalagaan sa aking tiyan - libre! Ipinanganak kita - libre! Pinakain at pinag-aral - libre! At ngayon mahal kong anak may lakas ng loob kang singilin ako? Patawarin mo ako anak, walang pera ang nanay, wala akong maibibigay sa iyo. Ang nagmamahal mong ina - Juana. Kinabukasan ay nagising si Juan at nakita ang sulat sa kanyang kama. Binuksan iyon at ng nabasa niya ay natulala siya. Kumuha ng isang papel at muling nagsulat. Dear inay... pinapatawad ko na po kayo! hehehe... Hindi ba't nakasasama ng loob kapag may mga taong katulad ni Juan na hindi nakikitang may mga tao pala tayong dapat pasalamatan sa ating buhay? Katulad ng kuwento sa Ebanghelyo, nakakalungkot na hindi naisip ng siyam na ketonging bumalik kay Jesus at pasalamatan siya sa pagpapagaling na ginawa niya para sa kanila. Mula sa sampung ketonging pinagaling ni Hesus, ay iisa lamang ang naglakas-loob na magpalasalamat! At ang higit na nakalulungkot ay isang Samaritano, na mortal na kaaway ng mga Hudyo, ang tanging nakaalalang magbigay ng pasasalamat. Bakit kaya ganyang tayong mga tao? Kay bilis nating makalimot! Ang Diyos, kung magpadala sa atin ng biyaya ay "siksik, liglig, at nag-uumapaw," ngunit bakit kung minsan ay nakakalimot tayong magpasalamat? Tingnan natin ang laman ng ating mga panalangin, magugulat tayo na ang karaniwang uri ng ating pagdarasal ay "paghingi". Kadalasan ang lagi nating sinasambit ay "PENGINOON... PENGINOON!" sa halip na PANGINOON, PANGINOON!" Ang lakas nating humingi sa Diyos, ang hina naman nating magpasalamat. Hindi ako naniniwalang wala tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos. Sapagkat lahat ay biyaya na nagmumula sa Kanya! "Everything is grace!" ayon kay San Pablo. Kahit nga ang masasamang nangyayari sa atin ay maari nating tawaging "blessing in disguise" sapagkat ang "Diyos ay nakapagsusulat ng diretso sa baku-bakong linya." Ibig sabihin ay laging may mabuting dahilan ang Diyos sa masasamang pangyayari sa ating buhay. "Gratitude is the language of the heart" sabi nga sa Ingles. Kung bukas ang ating palad sa pagtanggap sa Kanyang maraming biyaya, ay dapat bukas din ang ating puso sa pagbibigay pasasalamat sa Kanya! Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng kalikasan at ng mundong ating itinuturing na "common home" o iisang tahanan sa kabila ng unti-unting pagsira at pang-aabuso ng iilan sa ngalan ng salapi at "kaunlaran". Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng "pamilya"; na sa kabila ng maraming pagsubok ay pinapanatili N'ya pa ring matatag ang pamilyang Pilipino. Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng "buhay" na kahit na may mga ilang nagtatangkang yumurak at lumapastangan dito ay patuloy pa rin ang marami sa pagpapahalaga dito bilang regalo mula sa Kanya. Sanayin mong magkaroon ng isang PUSONG MAPAGPASALAMAT. Mamayang gabi, bago ka matulog, bilangin mo ang mga biyaya mo, isulat mo sa isang papel at magpasalamat ka sa Kanya. Kapag araw ng Linggo magsimba ka sapagkat ang Santa Misa ang pinakamataas na pasasalamat na maari nating ibigay sa Kanya. Kapag may pagpapala ka ay ibahagi mo. Isang paraan yan ng pagsasabing ang iyong biyayang natanggap ay hindi sa iyo kundi ito ay kaloob ng Diyos. Magpasalamat ka tuwina! Walang mawawala sa 'yo, bagkus ay magkakamit ka pa nga ng biyaya sapagkat kinalulugdan ng Diyos ang taong marunong magpasalamat!
Sabado, Oktubre 5, 2019
ANG MALAKAS SA DIYOS: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year C - October 6, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Malakas ka ba sa Diyos? May mga taong ang nakagawiang gawain ay maghanap ng mga magdarasal para sa kanila lalo na kapag lumalapit na ang Undas. Naniniwala sila na mas mapapadali ang paglapit ng kanilang kahilingan sa Diyos kapag ipinadaan ito sa mga "mandarasal." Para sa kanila, sila ay "mga taong mas malakas sa Diyos." Hindi tumatanggap ang "mandarasal" ng pera bilang kabayaran sa kanilang pagdarasal. Mawawala daw ang lakas ng panalangin kapag nagpapabayad sila ngunit maaari silang tumanggap ng "donasyon" sa abot ng makakayanan ng taong nagpadarasal. Kung minsan, kaming mga pari ay paborito ring lapitan ng mga nanghihingi ng panalangin. May nagpapabless ng lapis kapag malapit na ang board exam. May nagpapapray-over kapag magbibiyahe o kapag may iniindang sakit sa katawan. Paborito rin kaming gawing "prayer leader" kapag may pagtitipon. Kapag tinanong mo kung bakit ang sagot ay: "dahil mas malakas ka sa Diyos padre!" Ganun ba yun? May mga tao bang mas "malakas" sa Diyos? May kuwento ng isang muslim, buddhist monk, at isang pastor na "Born Again" na nagpaligsahan kung sino sa kanila ang mas malakas na Diyos. Umakyat sila sa isang mataas na tore at nagkasundong magpatihulog at tumawag sa kanyang Diyos na pinagdarasalan. Ang Diyos na dirinig sa kanilang pagtawag ang tatanghaling "malakas sa Diyos". Naunang tumalon ang Muslim. Habang nahuhulog ay sumigaw siya ng "Allah... tulungan mo ako!" Lumagpak siya na parang sako ng bigas sa sahig! Ang milagro, hindi siya namatay ngunit nabalian lang ng ilang buto. Sumunod namang tumalon ang Buddhist at sumigaw "Buddha... tulungan mo ako!" Laking pagkagulat niya nang bigla siyang lumutang sa hangin at bumagsak na parang bulak sa lupa. Walang sugat, walang galos! Ngayon naman ay ang pastor. Tumalon siya at puno ng kumpiyansang sinabing: "Panginoong Hesus, aking Diyos at personal na tagapagligtas tulungan mo ako!" Walang nangyayari! Bumilis ng bumilis ang kanyang pagbulusok paibaba. Nang malapit na siya sa lupa ay bigla siyang sumigaw ng: "Buddha... ikaw na lang... iligtas mo ako!" May tawag sa ganitong uri ng tao: balimbing! Marami sa atin ang "balimbing sa pananampalataya." Panay "praise the Lord" kapag lubos-lubos ang pagpapala, ngunit kapag nakakaranas na ng kahirapan ay "goodbye Lord" na! Marami siguro sa atin ay may kahinaan sa ating panalangin. Kaya nga ang panalangin ng mga alagad ay atin ding panalangin: "Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!" Malimit nating naririnig ang salitang "pananampalataya". Sa katunayan ay malimit nating ginagamit ito sa ating pang-araw-araw na buhay na marahil ay hindi natin namamalayan. Halimbawa, sa tuwing tayo ay kumakain sa isang fastfood restaurant o kaya naman sumasakay ng pampublikong sasakyan ay ipinagkakatiwala natin ang ating buhay sa mga taong hindi naman natin kilala. Paano tayo nakasisigurong malinis ang ating pagkaing kinakain o kaya naman ay ligtas magmaneho ang driver na ating sinakyan? Pero naniniwala tayo at nagtitiwala sa kanila. Kung minsan ay maririnig din natin sa mga estudyante na: "Malapit na exams... bahala na!" O kaya naman kapag hindi handa at hindi nakapag-aral: "Sige na nga... bahala na si Batman!" Ang ganitong uri ng pag-uugali ay maari nating maiugnay sa ating pananampalatayang espirituwal. Sa katunayan ang salitang "bahala na" ay nanggaling sa salitang "Bathala na!" Kung kaya't masasabi natin na ang ating "tadhana" ay nakaugnay sa ating pagkilala kay "Bathala", na ang salitang "fate" ay hindi natin mahihiwalay sa ating "faith". Itinanim sa atin ang butil ng pananampalataya noong tayo a bininyagan ngunit nakakalungkot na ang pananampalatayang ito ay marami sa atin ang hindi inalagaan at dahil dito ay napabayaan. Ipagpasa-Diyos natin ang hinaharap ngunit kumilos din tayo sa kasalukuyan. Sabi nga ng ating kasabihang gasgas na sa pandinig: "Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!" Hindi masamang umasa sa awa ng Diyos. Ngunit mahalaga rin na sa ating pagpapasa-Diyos ng ating hinaharap ay kumilos naman tayo sa kasalukuyan! Ang ating unang pagbasa sa Aklat ni Habakuk ay paglalarawan sa mga nangyayari sa atin ngayon sa kasalukuyan: " Bakit ang ipinakikita mo sa akin ay pawang kasamaan at kahirapan? Sa magkabi-kabila’y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan; laganap ang hidwaan at pagtatalo." Dito ay talagang nangangailangan tayo ng malalim na pananampalataya. Hindi sagot ang panghuhusga at karahasan upang malutas natin ang suliranin ng ating lipunan. Bilang isang Kristiyano ang kasagutan natin ay ang pagbabahagi ng pag-ibig, pag-asa at habag ng Diyos sa ating kapwa. Totoong kung minsan ay mahirap tanggapin ang kalooban ng Diyos lalo na't ito ay taliwas sa ating kagustuhan. Dito natin kinakailangan ang pagpapakumbaba bilang mga tapat na alipin ng ating Panginoon. Ang tapat na alipin ay handang maglingkod kahit na ito ay nangangahulugan ng kahirapan sa pagsunod. Walang siyang maipagmamalaki sa kanyang sarili! Ginagawa lamang niya ang dapat niyang gawin. Sa kahuli-hulihan ito lamang ang kanyang masasabi pagkatapos niyang sundin ang kalooban at utos ng kanyang panginoon: "Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin." Ito ang pananampalatayang mapagkumbaba na tulad ng butil ng mustasa, maliit ngunit kayang gumawa ng malaking himala. Kailangan natin ng mas malakas na pananampalataya upang sabihing "kung wala ang Grasya ng Diyos... wala rin tayo!" Ang pananampalataya ang ating pagtugon sa Diyos na lumalapit sa atin at nag-aalok ng Kanyang pagmamahal. Ito ay ang ating pagtanggap sa Kanya. Malakas ka ba pananampalataya mo? Malakas ka ba sa Diyos?
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)