Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Lunes, Disyembre 30, 2019
LABAS MALAS, PASOK BUENAS SA 2020: Reflection for the Solemnity of Mary Mother of God and New Years Day. Year A - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE
Isang mapayapa at mapagpalang bagong taon sa inyong lahat! Ang pagpasok ng taong 2020 ay dapat magdulot sa atin ng pag-asa sa kabila ng marami nating alalahanin sa buhay. Ano sa palagay mo? Susuwertehin ka ba sa taong ito? Kaya siguro marami sa atin ang ginagawa ang lahat ng paraan para magpapasok ng suwerte. Nariyan na ang pagbuo ng 12 prutas na bilog. Sigurado akong marami nyan sa inyong lamesa kagabi sa pagpalit ng taon. Pero dapat nating tandaan, Hindi mga prutas ang mag-aakyat ng blessings sa buhay mo. Ang makapagbibigay ng blessings sa buhay mo ay si Jesus lamang at wala ng iba! Nariyan na ang pagbili ng tikoy! Para daw mas malagkit ang kapit ng swerte! Nariyan na ang pagsusuot ng damit na kulay pula at siyempre ng polka-dots na sumisimbolo sa pera. Mas maraming polka-dots mas maraming pera ang makukuha. Nariyan na ang pagpapaputok upang itaboy ang malas at masasamang maaring mangyari sa bagong taon. Bagamat alam natin na hindi ang ingay ng mga paputok ang magpapalayas sa “mga demonyo” ng ating buhay kundi ang taimtim na pananalangin sa Diyos at madalas na pagtanggap ng mga sakramento lalo na ang Eukaristiya at pagkukupisal at pag-iwas sa kasalanan maliit man o malaki. Pero may payo si "Manang" sa isang text na aking natanggap tungkol sa paghahanda para di malasin ang taon: “Para di malasin ang New Year, huwag mong isali sa handa ang bilog na prutas na may itim na buto tulad ng pakwan, chico, papaya at iba pa. Huwag ka rin maghanda ng ice cream para di matunaw ang swerte at higit sa lahat huwag maghanda ng ulam na galing sa hayop na may apat na paa gaya ng baboy, baka, kambing at baka tumakbo ang swerte. Huwag din maghanda ng isda at laman dagat at baka malunod ang swerte. Huwag din maghanda ng may pakpak tulad ng manok o pabo at baka lumipad ang swerte. Huwag ka na kayang maghanda at matulog ka na lang! Happy New Year!” Masama bang sumunod sa mga pamahiing ito? Hindi naman siguro basta't hindi namin kalilimutan na ang kapalaran ng tao ay hindi nakasalalay sa anumang pamahiin kundi sa matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos. At dito ay ibinibigay sa atin ang Mahal na Birheng Maria upang ating maging huwaran. Kaya marahil ang unang araw ng taon ay laging nakatuon sa pagdiriwang kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos. Tinamaan ng suwerte ang Mahal na Birheng Maria sapagkat napili siya sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng anak ng kataas-taasang Diyos! Walang ng suwerteng hihigit pa dito! Ngunit hindi ito ang talagang kadakilaan ni Maria. Nang may nagsabi kay Jesus habang siya ay nagtuturo: "Mapalad ang sinapupunang nagluwal sa iyo!" Ngunit agad niya itong itinama at sinabi "Mas mapalad ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos!" At sino ba sa lahat ng nilikha ang naging masunurin sa kalooban ng Diyos maliban sa Mahal na Birheng Maria? Mga kapatid, ang kapalaran natin sa bagong taong ito ay nakasalalay sa ating pagsunod sa kalooban ng Diyos kaya't nararapat lamang na katulad ni Maria ay maging masunirin tayo sa Kanya. Lagi naman natin itong dinarasal "... sundin ang loob Mo, dito sa lupa para ng sa langit..." Sapat lamang na isabuhay natin ito ng may pananalig. At ano ang kalooban ng Diyos para sa atin? Simple lang, ang maging mabuti ayon sa ating katayuan sa buhay... mga tatay na mabuti sa kanilang asawa at mga anak, mga anak na mabuti sa kanilang magulang, mga kapatid na mabuti sa kanilang kapatid, mga kaibigan na mabuti sa kanilang barkada! At sa Taong ito ng Ekumenismo at Pakikipag-usap sa iba’t ibang Pananampalataya at Mamamayang katutubo ay pairalin natin ang kabutihan ng puso. Ang mensahe nga ng ating Santo Papang si Pope Francis ay “Do good even if others are not!” Ibig sabihin ay maging mabuti tayo sa lahat at walang itinatangi ang ating paggawa ng mabuti kahit na sa ma taong gumagawa ng masama sa atin. Sa paggawa ng kabutihan ay maiging maligaya tayo at laging magiging “good vibes” ang ating buhay na siyang nagpapasok ng tunay na suwerte! Kaya't huwag nating ipagsapalaran sa mga pamahiin ang ating bukas. Kung tutularan lamang natin ang Mahal na Birhen at sasabihin din nating "mangyari nawa sa aking ayon sa wika mo..." sigurado akog LALABAS ANG MALAS AT PAPASOK ANG BUWENAS!
Sabado, Disyembre 28, 2019
SUSMARYOSEP (reposted): Reflection for the Feast of Holy Family Year A - December 29, 2019 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE
Lahat tayo ay tumanggap ng isang mahalagang regalo noong araw ng Pasko. Siya ay ang "Emmanuel", ang Diyos na sumasaatin Pinili ng Diyos na isilang sa isang pamilya at ang pamilyang ito ay tinawag nating BANAL NA PAMILYA nina Jesus, Maria at Jose. Alam n'yo bang parating nating nababanggit ang Banal na Mag-anak sa hindi makabulahan at walang kapararakang bagay. "SUSMARYOSEP!" Kalimitan nating naririnig at ginagamit ang mga katagang ito kapag tayo ay nagugulat. Alam ba ninyong ito ay hango sa tatlong banal na pangalan nina JeSUS MARia at JOSEPH? Kaya nga kung minsan nakakalungkot na nawawalan na ng tamang paggalang ang paggamit ng salitang ito. Minsan sa isang religion class ay nagtuturo ang isang madre: "Mga bata, alam ba ninyong tayong lahat ay nilikha ng Diyos? Galing tayo sa Kanya!" Sagot ang isang bata, "Sister, ang sabi po ng nanay ko ay galing daw tayo sa unggoy!" "Iho", sagot ni sister, "hindi natin pinag-uusapan ang pamilya mo dito!" Papayag ka bang ang pamilya mo ay galing sa unggoy? Pero ito ang nangyayari ngayon... "INUUNGGOY" ang pamilya! Hindi na nabibigyan ng sapat na respeto ang karapatan at dignidad nito. Sa ngalan ng pagtataguyod ng kalusugan, o pagpaplano ng pamilya ay matalinong naitataguyod ang unti-unting pagsira sa kabanalan ng buhay at pamilya! Kalimitang binubunton ang sisi sa lumolobong populasyon, mga sakit na dulot ng hindi safe na sex, kahirapan ng buhay kaya napayagan ang RH Bill. Ngunit kung atin lamang susuriing malalim ay hindi ito ang ugat ng mga problema. Ito ay mga epekto lamang ng hindi paggalang sa "buhay" na kaloob ng Diyos sa atin. Nariyan na rin ang pisikal at emosyonal na pang-aabuso sa mga miyembro ng pamilya. At higit sa lahat napipinto na ang pagpapawalang bisa sa kasal ng mag-asawa sa pamamagitan ng DIVORCE. Tandaan natin na ang pamilya ay binubuo ng mga tao na kawangis ng Diyos. Ang paglapastangan sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay paglapastangan sa karangalan at kabanalan ng pamilya! Ang pamilyang Pilipno ay pamilyang MARANGAL AT BANAL. Marangal sapagkat hindi salapi o kayamanan ang nagsasabi kung masaya ba ang isang pamilya o hindi. Ang sabi nga ng isa nating kawikaan: "Aanhin mo ang isang mansiyon kung ang nakatira ay kuwago. Mabuti pa ang kubo kung ang nakatira naman ay TAO." Marangal ang pamilyang Pilipino kung pinapairal ang rispeto at itinataguyod ang pamumuhay moral nito. Tatlong letrang "P" ang dapat na tandaan natin kung ano ba ang dapat na pahalagahan ng isang Pilipinong pamilya. Ang pinakamababa na dapat ihuli ay ang PERA. Mahalaga ang pera para sa ikabubuhay ng pamilya ngunit hindi ito ang pinakamahalaga. Hindi garantiya ang kayamanan upang sabihing maaayos ang isang pamilya. May mas mataas pa dito at ito naman ang PRESENSIYA. Ang presensiya ng bawat miyembro ng pamilya sa isa't isa ay mahalaga. Ang mga magulang ay dapat nakikita ng mga anak at ang mga anak naman ay dapat nararamdaman ang pagmamahal ng mga magulang. Balewala ang PERA kung wala namang PRESENSIYA! At ang pinakamahalaga sa lahat ay PANALANGIN. "The family that prays together, stays together!" Tanging ang pagbubuklod ng Diyos ang garantiya ng katatagan ng isang pamilya. Ito rin ang nagsasabi kung ang isang pamilya ay tunay na BANAL. Ang pamilyang banal ay may takot sa Diyos at tapat na sumusunod sa kanyang mga utos at kalooban. Ipanalangin natin na sana ay mapanatili ang karangalan at kabanalan ng bawat pamilya. Sana ay maitaguyod ng mga mambabatas ang tunay na paggalang sa kanilang karapatan at karangalan. Ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay dapat laging magpaalala sa atin na sa kabila ng kahirapan sa buhay, sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap ang pamilyang Pilipino ay dapat manatili itong nakasentro sa Diyos. Hindi perpekto ang Banal na Pamilya ngunit dahil sa narooon si Jesus, ang Emmanuel... ang DIYOS NA SUMASAATIN ay narating nito ang karangalan at kabanalan! Tanging ang pamilyang pinaghaharian ni Kristo at ng Kanyang pag-ibig ang matatawag nating MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA!
ANG SORPRESA NG DIYOS (Reposted) : Christmas Day - December 25, 2019 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE
Nakatangap ka na ba ng regalo ngayong Pasko? Binuksan mo na ba? Ako, mamaya pa magbubukas ng mga regalo ko bago mag-alas dose kasi gusto ko ng may "element of surprise" sa pagbubukas ng aking mga Christmas gifts! Hindi ba nakakasurpresa ang magbukas ka ng gift na pagkaganda-ganda ng pagkakabalot at pagkatapos ang tatambad sa 'yo ay isang dosenang "Good Morning Towel?" Hindi mo alam kung matutuwa ka o maiinis ka sa nagbigay! Yan ang napapala ng mahilig sa "surprise". Ngunit kahit ano pa man, gusto pa rin natin ang nasosorpresa tayo sa ating ginagawa at ito ay walang pinipiling katayuan sa buhay May kuwento ng isang tatay na may sakit na kanser ang tinanong ng kanyang anak: "Ita'y anong gusto mong gawin sa 'yo pag namatay ka na? Gusto mo bang ilibing sa lupa o i-cremate ka na lang?" sumagot ang matanda, "Bahala ka na anak? I-surprise mo na na lang ako!" hehehe... Ang lupet di ba? Mamamatay na lang "surprise" pa rin ang gusto! Minsa na rin tayong sinurpresa ng Diyos. Mahigit dalawang libong taon na ang nakararaan n,g surpresahin Niya tayo sa pagsusugo ng Kanyang bugtong na Anak. "For God so love the world that He gave His only begotten Son..." At ang dahilan ay sapagkat minahal Niya ang mundo. Minahal Niya tayong lahat. Isa itong malaking surpresa sapagkat sinong mag-aakalang ang Diyos mismo ang gagawa ng paraan upang muling itali ang napatid Niyang relasyon sa tao. Ang Pasko ay ang pagbibigay ng malaking surpresa ng Diyos sa tao! At ito nga ang ipinahayag ni San Juan sa pasimula ng kanyang Ebanghelyo: "Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos... Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin." Ang Salita na Diyos ay nagkatawang-tao. Mahirap maunawaan ang katotohanang ito! Mahirap matarok ng ating karaniwang pag-iisip ang ginawang ito ng Diyos. May kuwento na minsan ay may lalaking nagdasal sa Panginoon sapagkat nagkandamamatay ang kanyang mga alagang baboy. Ito pa naman ang ipinambubuhay niya sa kanyang pamilya kaya't nagsumamo siya sa Diyos na iligtas ang kanyang mga baboy sa kamatayan. Sumagot naman ang Diyos at sinabing: "Sige, bukas na bukas din ay gagaling ang iyong mga alagang baboy ngunit may isang kundisyon, bukas pagkagising mo ay makikita mo ang iyong sarili sa kulungan ng mga baboy. Kasama ka nilang kakain, matutulog at magpapagulong-gulong sa kanilang dumi, sa madaling salita... magiging baboy ka rin!" Napaisip ang lalaki at pagkatapos ng ilang sandali ay nagdasal: "Lord, kunin mo na lang ang mga baboy ko!" hehehe... Ikaw kaya ang malagay sa kanyang sitwasyon, papayag ka ba na maging baboy? Kung ating iisipin ang tao at baboy ay parehong hayop. Mas mataas lang ang tao sapagkat siya ay hayop na nag-iisip! Tanggalin mo ang kanyang kakayahang mag-isip at mag-aasal hayop siya! Kaya nga't hindi ganun ka-imposible ang tao na "magkatawang-baboy. Ngunit ang Diyos na maging tao ay hindi saklaw ng tamang pag-iisip. Paanong ang MANLILIKHA ay ibaba ang kanyang sarili at magiging isang nilikha? Tanging Diyos lang ang may kakayahang gumawa ng ganyan. Tayo rin ay ninanais ng Diyos na maging "surpresa" sa ating kapwa ngayong panahon ng Kapaskuhan. Bakit hindi mo subukang kausapin ang mga miyembro ng iyong pamilya na matagal mo ng hindi kinikibo? Sorpresa yan! Bakit hindi mo subukang magpatawad kahit na hindi ikaw ang mali. Masusurpresa ang kagalit mo! Bakit hindi mo tanggalin ang pag-iinom, pagsusugal, o ang anumang bisyong taglay mo? Sigurado ako, masusurpresa ang pamilya mo sa iyo! Nawa ang Paskong ito ang maging daan upang matularan natin ang surpresang ibinigay ng Diyos sa atin. Gawin nating makatotohanan ang pagsasabuhay ng ating pagiging Kristiyano at magugulat na lang tayo na wala tayong kamalay-malay na nasurpresa na pala tayo ni Kristo!
Sabado, Disyembre 21, 2019
KATAPATAN SA DIYOS: Reflection for the 4th Sunday of Advent Year A - December 22, 2019: YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE
Naniniwala ka ba sa panaginip? May mga nagsasabing totoo ang panaginip at maaring mangyari sa ating buhay. Sa iba naman ito ay kabaliktaran ng mangyayari. Totoo nga kaya ang panaginip? Dapat ba nating paniwalaan ito? May kuwento ng isang batang laging nananaginip at nagkakatotoo ang kanyang mga panaginip sa loob lamang ng dalawampu't apat na oras pagkatapos niyang magising. Alam ito ng kanyang mga magulang at sa kanilang palagay ay isa itong "extraordinary gift" sa kanilang anak. Minsan nanaginip ang bata at sumisigaw ng "Lolo... lolo...." Narinig ito ng kanyang ama kaya't natakot sya sa maaring mangyari. Kinabukasan ay nakatanggap sila ng tawag sa telepono... patay na si Lolo. Pagkatapos ng isang linggo ay muling nanaginip ang bata at sumigaw uli: "Lola... lola!" Kinabukasan ay muli silang nakatanggap ng tawag na pumanaw na ang kanilang lola. Wala pang isang linggo ay muling nanaginip ang bata: "Daddy! Daddy!" Kinilabutan ang tatay! Kinabukasan ay kabadong-kabado siya sa puwedeng mangyari sa kanya. Ngunit lumipas ang dalawampu't apat na oras ay wala namang nangyari sa kanya kaya't masaya niya itong ibinalita sa kanyang misis! "Dear, magsaya tayo! Wag kang malungkot! Buhay pa ako!" Ngunti malungkot na sinabi ng babae na: "Mahal, namatay ang driver natin kagabi! Wala na tayong driver!" O di ba? Kung minsan ay totoo ang panaginip. Ito ang nangyari kay Jose ng managinip siya isang gabi pagkatapos niyang magdesisyon na hiwalayan ng tahimik si Maria sapagkat nagdadalantao na ito ng kanyang naratnan. Ano ang kanyang gagawin? Sapagkat isa s'yang taong matuwid ay ayaw niyang ipahiya at ipahamak si Maria kayat nagdesisyon na lang na iwanan niya ito ng tahimik. Ang parusa kasi sa babeng nahuling nakikiapid ay kamatayan! Katulad ng sino mang lalaki, si Jose ay may pangarap sa buhay. Pangarap niya marahil ang magtayo ng pamilya. Isa siyang taong matuwid at alam ang kanyang gusto sa buhay. Nakita ng Diyos ang kabutihan ng puso ni Jose kaya't binigyan niya ito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus at tagapag-alaga ng mag-ina! Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyayari ang gusto ko? May plano ang Diyos sa atin na kung minsan ay taliwas sa ating gustong mangyari. Maraming pagsubok tayo sa buhay na hinaharap at kalimitan ay hindi ito naayon sa ating plano. Bumagsak ka sa board exam, nawalan ka ng trabaho, nasunugan ka ng bahay, namatayan ka ng mahal sa buhay ay mga halimbawa ng kakaibang plano ng Diyos na totoong mahirap unawain at tanggapin. Mas madali ang magduda at mag-alinlangan... Pero katulad ni San Jose ay tinatawagan tayong manalig sa Diyos at sumunod. Ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya. Tandaan mo, ang Diyos ay lubos na nagtitiwala sa iyo tulad ng pagtitiwalang ipinamalas Niya kay Jose. "Believe in God who believes in you!" Tatlong tulog na lang at Pasko na! Sa katunayan ay nasindihan na ang pang-apat na kandila sa ating Korona ng Adbiyento. Tunay ngang malapit na ang Pasko at nararapat lang na maging "Merry" ang ating "Christmas!" May dahilan upang tayo ay magsaya sapagkat una ay tinanggap natin noong unang Pasko ang pinakamahalagang "regalo" na walang iba kundi si Jesus mismo, ang Diyos na sumasaatin. Pangalawa, ang dala ni Jesus sa kanyang muling pagdating sa wakas ng panahon ay "kaligtasan" para sa mga nanatiling tapat sa kanya! Habang hinihintay natin ang pagdating na ito "sa wakas ng panahon" ay tinatawagan tayong tanggapin siya sa araw-araw na pagdating niya sa ating puso. Kung paanong naging tapat ang Diyos sa tao ay gayundin naman, inaasahan niya ang ating matiyagang katapatan laong-lalo na sa mga pagkakataong hindi nasusunod ang mga plano natin. Gayahin natin si San Jose na nanatiling tapat sa Diyos sa kabila ng maraming katanungan sa mga mahiwagang pangyayari ng kanyang buhay. Tunay nga na ang Pasko ay pagdiriwang ng katapatan ng Diyos sa tao at ang sagot na katapatan ng tao sa Diyos.
Sabado, Disyembre 14, 2019
ANG SORBETERO NG PASKO: Reflection for 3rd Sunday of Advent Year A - December 15, 2019 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE
Sa lahat ng Simbahan ngayong Linggo ay sisindihan ang kandilang kulay "pink" ng Korona ng Adbiyento. Sumasagisag sa kaligayahang ating nadarama dahil papalapit na ang pagdiriwang ng Pasko. Ang tawag sa pagdiriwang natin ngayon ay "Gaudete Sunday". Ibig sabihin ay "Magsaya!" Ano nga ba ang nagbibigay sa atin ng kaligayahan tuwing Pasko? May isang sorbetero na lubos na kinagigigiliwan ng mga bata dahil sa kanyang masarap na ice cream. Ngunit higit sa ice cream ay ang kanyang pagkamasayahin, magaling siyang mag-entertain sa mga batang kanyang suki! Minsan sinabi n'ya sa kanila: "Alam n'yo bang ako'y magikero? Kayang kong gawin ang lahat ng nais n'yo! " Sabi ng mga bata: "Sige nga po... bigyan n'yo nga kami ng maraming-maraming ice cream na hindi nauubos?" Nalungkot ang sorbetero. Sa isang iglap ay naglaho s'ya at nakita ng mga bata ang napakaraming supply ng ice cream sa kanilang harapan. Masayang-masaya sila! Nakalimutan ang sorbetero. Ngunit pagkatapos ng ilang araw ay nalungkot muli sila... parang may kulang! Hanggang isang araw ay may nakita silang matandang lalaki na malungkot na nakaupo sa daan. "Bakit po kayo malungkot? Sino po kayo?" Biglang may nilabas sa kanyang bulsa ang lalaki, isang maliit na "bell" at pinatunog ito. Laking pagkatuwa ng mga bata. Nagbalik sa kanila ang sorbetero! At doon nila naunawaan na ang nagpapasaya sa kanila ay hindi ang ice cream kundi ang sorbetero! Si Jesus ang sorbetero ng Pasko! Akala natin ang mga ice cream ang nagpapasaya sa Pasko! Masarap na Noche Buena, bagong sapatos at damit, regalo, Christmas party, dekorasyon... Pero lahat ng ito ay parang ice cream na matutunaw! Ang tunay na nagbibigay ng kaligayahan sa Pasko ay ang sorbetero... si Hesus! Siya ang "reason of the season!" May Pasko sapagkat may Diyos na nagmahal sa atin ng lubos at ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo'y iligtas sa pagkakaalipin sa kasalanan! Nakakalungkot sapagkat marami sa atin ang nakakalimot sa pagtanggap sa Kanya. Naiiwan tayo sa mga "ice cream" na natutunaw! Tandaan natin na ang Adbiyento ay ang agarang paghahanda natin sa pagdating ng Panginoon sa ating piling. At dahil diyan tayo ay naghihintay. Ngunit ito ay paghihintay na hindi tulad ng isang taong bibitayin na nasa death row. Nakakatakot na paghihintay iyon! Hindi rin ito paghihintay na tulad ng isang taong tumaya sa lotto na walang kasiguruhan kung siya ba ay mananalo o hindi. Ang Adbiyento ay hindi nakakatakot at walang kasiguruhang paghihintay. Bagkus ito ay masayang paghihintay sapagkat ang darating ay ang Panginoon at ang kanyang dala-dala ay kaligtasan! Kaya nga't may kasamang saya at galak ang ating paghihintay sa Panginoong darating at ito ang isinasagisag ng kulay pink o rosas na kandila na ating sinidihan sa ating Korona ng Adbiyento. Ang kaligtasang dala ng Panginoon ang siyang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kagalakan. Katulad ng mga unang Kristiyano, ang dinarasal natin ay "MARANATHA!" Halina Jesus sa aming piling! May galak nating kinasasabikan ang muling pagdating ng Panginoon. Ang kagalakang ito ay ang ipinahayag ni Propeta Isaias: "Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi... paghaharian sila ng kalgayahan. Lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman." Ito rin ang tandang ibinigay ni Jesus sa mga alagad ni Juan Bautista ng suguin sila upang itanong kung sya na nga ba ang hinihintay nilang Mesiyas. Si Jesus ang "sorbetero' ng Pasko na siyang dahilan ng ating pagiging masaya sa panahon ng Kapaskuhan. Huwag natin Siyang isantabi sa araw ng Kapaskuhan at palitan Siya ng mga makamundong kasiyahan. Ngayong "Gaudete Sunday", hinihikayat tayong pag-isipan kung ano ba ang tunay na nagpapaligaya sa atin sa Pasko. Siyam na araw na lang at Pasko na... baka nasa pagkain "ice cream" pa lang nakatuon ang iyong paghahanda. Panahon na upang bigyan mo naman ng ng pansin ang "sorbetero ng Pasko" sa iyong buhay!
Biyernes, Disyembre 6, 2019
ANG PAGKATOK NG DIYOS SA ATING PUSO: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year A - December 8, 2019 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE
Ang literal na ibig sabihin ng Adbiyento ay "pagdating". Dahil may darating nararapat lang na tayo ay maghintay at maghanda. Kaya nga ito rin ay nangangahukugan ng "paghahanda". Sino ang pinaghahandaan natin sa panahon ng Adbiyento? Walang iba kundi si Jesus. Si Jesus ay matagal ng dumating. Ito ay ginugunita natin taon-taon sa pagdiriwan ng kapaskuhan na kung saan ay binibigayan nating parangal ang kanyang pagkakatawang-tao. Dahil dito ang Adbiyento ay paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko. Ngunit si Jesus ay nangako rin ng kanyang muling pagbabalik na kung saan ay dadalhin niya tayo sa buhay na walang hanggan at ito rin ay dapat nating paghandaan. Kaya nga't ang Adbiyento rin ay paghahanda sa kanyang muling pagbabalik. Sa gitna ng kanyang unang pagdating at huling pagdating ay may tinatawag tayong MAHIWAGANG PAGDATING. Kailan at saan ito nangyayari? May kuwento ng isang sikat na pintor na gumawa ng isang obra. Ang kanyang painting ay hango sa Aklat ng Pahayag na kung saan ay makikita si Jesus na kumakatok sa isang pintuan. Napakagaling ng kanyang pagkakaguhit. Nakakamangha sapagkat parang naririnig mo ang dahan-dahang pagkatok ni Jesus sa pinto. Ngunit may isang batang pumuna sa kanyang obra. "Mamang pintor.... bakit walang door knob ang pintuan? " Napangiti ang pintor at sinabing "Sinadya ko yan! Sapagkat, kakaiba ang pintuang ito. Ang door knob ay wala sa labas kundi nasa loob!" "Meganun?" laking pagtataka ng bata. "Ano ang tawag sa pintuan iyan?" Sumagot ang pintor: "Ang tawag diyan iho ay ang pintuan ng puso ng tao! Ang Diyos patuloy na kumakatok sa puso natin ngunit tayo lang ang puwedeng magbukas at magpatuloy sa kanya. Ang door knob ng puso natin ay nabubuksan lamang sa loob kung gugustuhin natin." Ito rin ang ginagawa ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral. Kinakatok niya ang puso ng mga Hudyo na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan at ihanda nila ng tuwid na daraanan ang Panginoon. Ito ang isinisigaw ni Juan Baustista sa ilang: "Magpanibagong-buhay kayo. Malapit ng dumating ang kaharian ng Diyos... Ngayon pa'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punongkahoy." Wag sana tayong padala sa malaking kasinungalingang ibinubulong sa atin ng demonyo na mahaba pa ang ating buhay... na marami pa tayong oras! Mas mabuti na lagi tayong handa. Baka bukas hindi na tayo magising. Baka yung kinain natin ay huling hapunan na. Walang makapagsasabi. Ngunit 'wag sanang takot ang mgtulak sa atin sa pagbabalik- loob. Tandaan natin, ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... ang nais Niya ay atin Siyang mahalin! Tatalikuran ko ang aking masamang pag-uugali dahil mahal ko ang Diyos. Mabubuhay ako ng mabuti dahil mahal ko Siya! Ito ang pagbabagong-loob na kinalulugdan N'ya. Ito ang pagkatok ng Diyos sa ating mga puso. Kaya ang Adbiyento ngayon ay nagkaroo ng pangatlong pakahulugan: Ito ay ang agarang pagtugon sa pagtawag ng Diyos na magbalik-loob at magbagong buhay. Ang pagbabagong ito ay isang METANOIA. Ibig sabihin, ito ay tuloy-tuloy na pagbabago ng isip, ng puso at ng uri ng ating pamumuhay! Ang pagtuwid ng landas ay nangangahulugan ng pagsasaayos ng ating luma at magulong pamumuhay. Ito ay pagtanggal ng ating masamang pag-uugali at pagpupuno ng ating pagkukulang sa ating kapwa. Ang metanoia ay nangangahulugan ng bagong pag-uugali! Si Jesus ay araw-araw na kumakatok sa ating puso. Ang "pagkatok"ng Diyos ay dumarating sa mga sandaling hindi natin inaasahan at sa mga taong hindi natin inaakala kaya't lagi dapat tayong handa. Maaari Siyang dumating sa pagkatao ng isang kaibigan o kaaway. Maari siyang dumating sa mga mahihirap at nangangailangan. Maari siyang dumating sa tinig ng mga taong kulang sa pag-aaruga at napapabayaan. Ngayon ay ang "Taon ng Ekumenismo, Pakikipag-usap sa Iba't ibang Pananampalataya at Mamamayang Katutubo". Ito ay bahagi ng ating paghahanda para sa ika-500 daang taong anibersaryo ng ating Pananampalatayang Katoliko. Inaanyayahan tayo ng Simbahan na buksan ang ating puso sa pakikipag-usap at pagtanggap sa ating mga kapatid na nasa ibang pananampalataya at ibang paniniwala. Ito ay sapagkat and Diyos ay maari ring manahan sa kanila. Sa halip na pagkakaiba ay tingnan natin ang ating pagkakatulad upang ating silang tanggapin at mahalin. Si Jesus ay kumakatok ngayon sa ating puso... pagbubuksan mo ba siya? Ito ang panawagan ng ikalawang Linggo ng Adbiyento:
Paghandaan natin ang daraanan ng Panginon! Pagbuksan natin siya at huwag saraduhan ang pintuan ng ating puso.
Paghandaan natin ang daraanan ng Panginon! Pagbuksan natin siya at huwag saraduhan ang pintuan ng ating puso.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)