Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Huwebes, Nobyembre 29, 2007
HAPPY NEW YEAR! : Reflection for the 1st Sunday of Advent Year A - December 2, 2007
"Happy New Year sa inyong lahat!" Pambungad na bati ko sa misa. Nakatulala ang mga tao, hindi alam ang isasagot... "Merry Christmas" ba o "Happy New Year?" Totoo nga naman unang Linggo pa lang ng Disyembre. Inilalatag pa lang ang mga bibingka at puto bungbong sa labas ng simbahan. Isinasabit pa lang ang mga parol sa bintana. Nagpraparaktis pa lang mag-carolling ang mga bata... happy new year na? Oo... NEW YEAR NA! Ang Unang Linggo ng Adbiyento ang BAGONG TAON NG SIMBAHAN! Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay nilalaan nating panahon para "paghandaan" ang paggunita sa pagsilang ng ating Panginoong Jesus. Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party... Siguro kailangan ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ngunit hindi lang ito ang paghahanda para sa isang masaya at makahulugang Pasko. Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin: Si Propeta Isaias ay nag-aanyaya: "Let us walk in the light of the Lord!" Gayun din si San Pablo: "Let us then throw off works of darkness and put on the the armor of light!" Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa loob at wala sa labas: Tanggalin ang masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso! Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Di tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong. Dapat lang... sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan". Masyado ng maingay ang mundo. Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo nating pagninilayan ang paghahanda sa pagsilang ni Jesus. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating tahanan o simbahan bagkus magsilbing paalala na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. Halina Hesus! Manatili ka sa aming piling!
Biyernes, Nobyembre 23, 2007
(Revised) ANG PAGHARIAN NI KRISTO : Reflection for the Solemnity of Christ the King Year C - November 25, 2007
Ano ba ang pamantayan para hirangin ang isang tao na maging hari? Ang nasirang FPJ ay binansagang "The King" dahil sa paghahari niya sa takilya. Ang kasikatan ba o pagkatanyag ay pamatayan para maging hari? Taliwas ata ito sa ating Panginoong Hesus. Iniwang siya ng kanyang mga alagad sa paanan ng krus. Kinukutya siya habang siya ay namamatay. Nasaan ang katanyagan ng pagiging hari? Ngunit tinatawag natin siya ngayong "Hari" sapagkat alam nating sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus ay pinagharian Niya tayo. Nabuksan ang kalangitan. Naligtas tayo sa kapahamakan ng kasalanan. Ano ang ibig sabihin ngayon ng "pagharian ni Kristo?" Isang hari na lubos na iginagalang at minamahal ng kanyang nasasakupan ang malubhang nagkasakit sa puso. Ang tanging solusyon ay ang may isang magmagandang loob na magdonate ng kanyang puso upang ipalit sa mahina nang puso ng hari. Ipinaalam ito sa kaharian at nagkaroon ng isang malaking pagtitipon sa labas ng palasyo. Di magkamayaw ang bilang ng tao sa dami ng gustong magbigay ng kanyang puso sa hari. Ganoon nila siya kamahal. Kaya't nagdesisyon ang ministro na maglabas ng pakpak ng manok at ihagis sa taas ng templo at kung sino man ang babagsakan nito sa ulo ang siyang magkakaloob ng kanyang puso sa hari. Ibinagsak ang pakpak ng manok. Mabagal na naglaro sa hangin at bumagsak ng dahan-dahan. Nang malapit na ito sa mga tao ay narinig ang malalakas na ihip: shhhuuuu..! Shhhuuuu! Shuuuuuu! Bumagsak ang pakpak ng manok sa lupa. Bakit nga ba ganoon? Napakadaling magpahayag ng pagmamahal kapag malayo tayo sa panganib o paghihirap. Ngunit kapag hinihingi na ang ating pagsasakripisyo... kapag nasa harap na tayo ng pagdurusa at kahirapan ay madali tayong mawalan ng pag-asa at kinukutya ang Diyos! Isa sa nakapakong kriminal ang kumutya kay Hesus. Marahil ay talagang naglaho na sa kanya ang pag-asa. Ngunit ang isa naman ay iba ang sinabi: "Hesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian. Hindi lang "pag-alala" ang ipinangako ni Hesus ngunit ang "isama" s'ya mismo sa kaharian ng langit! Ito ang ibig sabihin ng "pagharian ni Kristo": Na sana, kahit na sa gitna ng kasawian at paghihirap ay makita pa rin natin ang paghahari ng Diyos. Ang kapistahan ni Kristong Hari ay nagsasabi sa atin na may pangakong kaharian para sa mga taong nagpupursigi sa kabila ng kabiguan at kahirapan sa buhay! Wag sana tayong mawalan ng pag-asa. Siya ang hari ng sanlibutan... hindi Niya tayo pababayaan! Mabuhay si Kristo na ating Hari!
Biyernes, Nobyembre 16, 2007
THE END OF THE WORLD : Reflection for the 33rd Sunday in Ordinary Time Year C - November 18, 2007
Isang baguhang miyembro ng Lector and Commentators Ministry ang naatasang magbasa ng First Reading sa isang Sunday Mass. Dahil marahil sa "first time" n'yang magbasa ay naunahan s'ya ng kaba at takot. Nanginginig niyang sinumulan ang pagbasa at nang matapos ito ay nakalimutan n'ya ang dapat sabihin. Nag-improvised na lang ang bagitong lector at sinabing: "This is the end of the world (na dapat ay Word)"... sagot naman ang mga tao: "Thanks be to God!" Mukha nga namang katawa-tawa na sabihin mong Thanks be to God kung magugunaw na ang mundo. Sa unang pagbasa na lang ay parang tinatakot na tayo ni Propeta Malachi: "Lo, the day is coming, blazing like an oven..." Super init siguro nun! Para tayong mga litsong manok! Sa Ebanghelyo naman ay nakakatakot na pangitain ang sinasabi: "There will be powerful earthquakes, famines, and plagues...awesome sights and mighty signs from the sky." Paano mo nga naman sasabihing "thanks be to God" yun? Ngunit ito ay isang katotohanan na hindi natin matatakasan. Alam natin na ang buhay natin sa mundo ay may katapusan. Ngunit ang katapusang ito ay simula lamang ng ating magiging tunay na buhay. Ito ang tinatawag nating "Araw ng Paghuhukom", the time of reckoning, the day of justice... na kung saan ay gagantimpalaan ng Panginoon ang mga nanatiling tapat sa Kanya. Kaya wag tayong masiraan ng loob kung nakikita nating parang baliktad ata ang takbo ng mundo: na ang nagpapakabuti ay naghihirap at ang mga nagpapakasama ay gumiginhawa ang buhay! May katapusan ang lahat ng pagpapakasarap sa mundo. Unfair naman sa mga nagpapakabuti kung pareho lang ng mga masasama ang kanilang gantimpala. Ang hinihingi ng Panginoon ay ang ating pagtitiyaga kung paanong pinagtitiyagaan n'ya ang ating pagiging makasalanan. "By your perseverance you will secure your lives!" Wala tayong dapat ikatakot kung mabuti naman tayong namumuhay bilang mga Kristiyano. Kaya kahit na magkamali pa uli ang magbabasa sa susunod mong misa at sabihing: "This is the end of the world..." ay masasabi mo pa rin ng may paninindigan: "Thanks be to God!" At me pahabol pang: "Alelluia!"
Miyerkules, Nobyembre 7, 2007
THE MAGNIFICENT LOVER : Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year C - November 11, 2007
"Death is a magnificent lover!" Ito ang sabi ni Scottpeck sa kanyang sequel book na "Further along the Road Less Travelled." Mukhang mahirap atang tanggapin ang pangungusap na ito. Sino nga ba sa atin ang gustong mamatay? Ni ayaw nga nating pag-isipan ang ating sariling kamatayan! Nasubukan mo na bang mag-canvass at magpasukat ng sarili mong kabaong? O kaya naman ay pumili ng sarili mong bulaklak para sa iyong libing? O maghanap ng sementeryong paglilibingan? Baliw lang siguro ang gagawa nun! hehehe. Minsan may nagkumpisal sa isang pari: "Padre, patawarin mo po ako, marami na po akong napatay na tao. Galit po kasi ako sa kanila dahil naniniwala sila sa Diyos. Ikaw Padre, naniniwala ka ba sa Diyos?" Sagot ang pari: "Naku, anak... hindi... pagtrip-trip lang!" hehehe... Mahirap nga namang lumagay sa kinatatayuan ng pari. Ayaw nating mamatay! Ngunit ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapa-alala sa atin na hindi ang kamatayan ang katapusan ng ating buhay; na may buhay sa kabila na naiiba sa buhay natin ngayon dito sa mundo. Sapagkat ang ating Diyos ay "Diyos ng mga buhay at hindi Diyos ng mga patay." (Lk 20:38) Ito ang dahilan kung bakit, pinagdarasal natin at inaalala ang ating mga namatay tuwing buwan ng Nobyembre. Naniniwala tayo na may "buhay sa kabila". Pinagdarasal natin sila upang madali nilang makamtan ang kaligayahan sa "kabilang-buhay". Kaya't wag tayong matakot sa ating kamatayan. Ito ay parang "pintuan" na kailangan nating pasukan kung nais nating makamit ang gantimpala ng Diyos. Mas maganda na kung ngayon pa lang ay pinaghahandaan na natin ito. Hindi ang pagcanvass ng kabaong, o pagpili ng bulaklak.. ngunit ang paggawa ng maraming kabutihan na siyang magiging susi sa pagpasok natin sa pintuan na ang tawag ay "kamatayan". Let us all embrace our own death. After all... "death is a magnificent lover!"
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)