Biyernes, Nobyembre 23, 2007

(Revised) ANG PAGHARIAN NI KRISTO : Reflection for the Solemnity of Christ the King Year C - November 25, 2007

Ano ba ang pamantayan para hirangin ang isang tao na maging hari? Ang nasirang FPJ ay binansagang "The King" dahil sa paghahari niya sa takilya. Ang kasikatan ba o pagkatanyag ay pamatayan para maging hari? Taliwas ata ito sa ating Panginoong Hesus. Iniwang siya ng kanyang mga alagad sa paanan ng krus. Kinukutya siya habang siya ay namamatay. Nasaan ang katanyagan ng pagiging hari? Ngunit tinatawag natin siya ngayong "Hari" sapagkat alam nating sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus ay pinagharian Niya tayo. Nabuksan ang kalangitan. Naligtas tayo sa kapahamakan ng kasalanan. Ano ang ibig sabihin ngayon ng "pagharian ni Kristo?" Isang hari na lubos na iginagalang at minamahal ng kanyang nasasakupan ang malubhang nagkasakit sa puso. Ang tanging solusyon ay ang may isang magmagandang loob na magdonate ng kanyang puso upang ipalit sa mahina nang puso ng hari. Ipinaalam ito sa kaharian at nagkaroon ng isang malaking pagtitipon sa labas ng palasyo. Di magkamayaw ang bilang ng tao sa dami ng gustong magbigay ng kanyang puso sa hari. Ganoon nila siya kamahal. Kaya't nagdesisyon ang ministro na maglabas ng pakpak ng manok at ihagis sa taas ng templo at kung sino man ang babagsakan nito sa ulo ang siyang magkakaloob ng kanyang puso sa hari. Ibinagsak ang pakpak ng manok. Mabagal na naglaro sa hangin at bumagsak ng dahan-dahan. Nang malapit na ito sa mga tao ay narinig ang malalakas na ihip: shhhuuuu..! Shhhuuuu! Shuuuuuu! Bumagsak ang pakpak ng manok sa lupa. Bakit nga ba ganoon? Napakadaling magpahayag ng pagmamahal kapag malayo tayo sa panganib o paghihirap. Ngunit kapag hinihingi na ang ating pagsasakripisyo... kapag nasa harap na tayo ng pagdurusa at kahirapan ay madali tayong mawalan ng pag-asa at kinukutya ang Diyos! Isa sa nakapakong kriminal ang kumutya kay Hesus. Marahil ay talagang naglaho na sa kanya ang pag-asa. Ngunit ang isa naman ay iba ang sinabi: "Hesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian. Hindi lang "pag-alala" ang ipinangako ni Hesus ngunit ang "isama" s'ya mismo sa kaharian ng langit! Ito ang ibig sabihin ng "pagharian ni Kristo": Na sana, kahit na sa gitna ng kasawian at paghihirap ay makita pa rin natin ang paghahari ng Diyos. Ang kapistahan ni Kristong Hari ay nagsasabi sa atin na may pangakong kaharian para sa mga taong nagpupursigi sa kabila ng kabiguan at kahirapan sa buhay! Wag sana tayong mawalan ng pag-asa. Siya ang hari ng sanlibutan... hindi Niya tayo pababayaan! Mabuhay si Kristo na ating Hari!

Walang komento: