Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Marso 30, 2008
MAPAGDUDA KA BA? : Reflection for the 2nd Sunday of Easter Year A - March 30, 2008
Isang matandang pari ang kinaiinisan ng kanyang mga kasama sa isang religious community. Lagi siyang naninigaw, nagagalit, namumumuna at aburido. Samakatuwid, isa siyang "pain in the ass" para sa kanila. Minsan, ang paring ito ay dumalo sa isang Retreat at doon ay naunawaan niya na kailangan niyang baguihin ang kanyang masamang pag-uugali. Pagkauwi niya sa kanyang community ay agad siyang naglagay ng isang karatula sa labas ng pintuan ng kanyang kuwarto. Ito ang nakasulat: "The old man who once resided here is no longer alive! He is dead and was buried!" Hindi makapaniwala ang mga nakabasa nito. Ngunit totooo nga, isang "bagong" pari ang nakita sa matandang iyon. Hindi na naninigaw. Hindi na aburido. Hindi na nagagalit. Ok na sana ang mga unang araw ngunit pagkatapos ng ikatlong araw ay laking pagkadismaya nila sapagkat unti-unti ay muling bumalik ang masamang pag-uugali ng matandang pari. Kayat sa inis ng isang niyang kasamang pari ay kumuha ito ng marking pen at may isinulat sa karatulang nakasabit sa kanyang pinto. Ganito na ngayon ang nakasulat: "The old man who once resided here is no longer alive. He was dead and was buried..." pero may karugtong "... and on the third day he rose again!" May katwiran ngang magduda ang kanyang kasamang kung ganoon ang asal ng taong iyon. Natural lang ang magduda! Maging ang mga alagad ay napuno ng pagdududa sa muling pagkabuhay ni Hesus. Lalo na si Tomas na wala noong si Hesus ay unang nagpakita sa kanila. Ngunit pinawi ni Hesus ang pagdududang ito at pinalitan ng isang malalim na pananampalataya: "Doubt no longer but believe!" Ito dapat ang bunga ng Muling Pagkabuhay ni Hesus sa atin: Isang malalim na pananampalataya! Kapag nahaharap tayo sa matinding krisis sa ating buhay tulad ng kapag may namatay sa pamilya o may malubahang karamdaman ang ating mahal sa buhay, nawalan ng trabaho o bumagsak sa examination, iniwan ng mahal sa buhay o bigo sa pag-ibig... kapag nagdududa tayo sa pag-ibig ng Diyos sa atin ay alalahanin natin ang mga kataga ni Hesus: "Blessed are those who do not see and yet believe..." Ito ang sukatan ng isang tunay na pananampalataya.
Sabado, Marso 22, 2008
LIWANAG SA DILIM (Reposted & Revised) : Reflections for Easter - March 23, 2008
Araw ngayon ng kaliwanagan... napawi na ang dilim ng kamatayan! May dalawang magkaibigan, si haring liwanag at si haring dilim. Lungkot na lungkot si dilim sa kanyang kaharian kaya isang araw ay tinext nya si liwanag: "Hi!" Sagot si liwanag: "Hu u?" Sagot ni dilim: "4get me na alredy? I'm ur fren... darky!" at me sumunod pang text, "me lonely hir. wanna visit me?" Sagot ni liwanag:" "sure! Ktatkits!" At bumisita si haring liwanag kay haring dilim. Ngunit pagdating sa kaharian ni haring dilim ay wala syang makita. "Wer u na? D2 na me!" Sagot si dilim: "Her me na sa harap mo... can't u see me?" Sa totoo lang walang makikitang dilim si liwanag sapagkat nabalot na ng kanyang kaliwanagan ang kadiliman... Ganito rin ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan! Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila nila ay ninakaw ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli... magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? Walang saysay ang ating pagiging Kristiyano kung hindi tayo maniniwala sa muling pagkabuhay ni Hesus. At ang tunay na pagsampalataya sa Kanyang muling pagkabuhay ay hindi lamang sa isip o salita kundi sa gawa. Ipakita natin na tayo ay mga mga anak ng kaliwanagan... magmahal sa ating kapwa, magpatawad sa ating mga kaaway, tumulong sa mga mahihirap, tigilan na ang panlalamang, tigilan ang pang-aapi, tigilan na ang panlilinlang... Tayo na sa liwanag!
Huwebes, Marso 20, 2008
WHY GOOD FRIDAY ? (Reposted & Revised) Reflection for Good Friday - March 21, 2008
Bakit "Good Friday" ang tawag sa araw na ito? Bakit sa ibang araw ng Holy Week ang tawag ay "Holy"? (Holy Monday, Holy Tuesday, etc...) What is so good today? Today is really "good" Friday for three reasons: First, today we see the ultimate goodness of God. Sa tuwing sumasapit ang Biyernes Santo, hindi ko pinalalagpas ang panoorin ang sikat na pelikulang "The Passion of the Christ". Napakaganda kasi ng pagkakagawa... makatotohanan. Parang nakikita ko ang aking sariling kasama sa bawat tagpo ng pelikula. Parang ramdam ko ang bawat pasakit at sugat ni Jesus... sugat na tanda ng kanyang pagmamahal sa 'kin! I felt my unworthiness in front of God because of my sinfulness... Second, today is "good" because today, good triumphed over evil... Sa pagkamatay ni Hesus ay tinalo Niya ang kasamaan at kasalanan! Kaya pala sa isang tagpo sa pelikula ay humiyaw ng malakas ang demonyo pagkatapos maisakatuparan ni Jesus ang pagkamatay sa Krus. Sinunod Niya ang kalooban ng Ama at dahil dito ay nailigtas tayo sa kasalanan. At ito na marahil ang pinakamabuting nangyari sa atin... na muli tayong maibalik sa ating malapit na pakikipag-ugnayan sa Ama. Muling naidugtong ni Hesus ang naputol nating relasyon sa Diyos. Third reason is because we are commissioned to be good people and to do good deeds to others... Sa simula pa lang ay "mabuti" na tayo sapagkat ginawa tayo ng Diyos na Kanyang kawangis. Mas lalo pa tayong pinabuti sapagkat buhay ni Jesus, ang Anak ng Diyos, ang Kanyang ginamit upang tayo ay maligtas. Nais din N'yang ibahagi natin ang kabutihang ito sa iba. At ito nga ang ibig sabihin ng salitang "Good news" Tayo ang tagapagdala ng "Mabuting Balita" na dapat ay makita ng lahat! Sa ating pananalita, sa ating pag-iisip, sa ating pag-iisip... let us be bearers of this Good News! So.. we have all the reason to call this day... GOOD... AND LET US TRY TO BE GOOD STARTING TODAY...
Lunes, Marso 17, 2008
EUKARISTIYA AT PAGPAPARI: Reflection for Holy Thursday - March 20, 2011
Bata pa lang ako ay tinuruan na akong maghugas ng kamay ng aking magulang bago kumain. Tinuruan akong sabunin ang aking mga kamay, sa palad, sa pagitan ng mga daliri, paikut-ikutin pa... (parang commercial ng Safeguard eh! hehe) Pero di ata ako tinuruan na maghugas ng paa bago kumain! Parang weird yun! ... Bago ganapin ni Hesus ang "huling hapunan" ay iniutos ito ni Hesus sa kanyang mga alagad! Ang mas weirdo... si Jesus mismo ang naghugas sa paa ng kanyang mga alagad. Haller...! Si Jesus ang bigboss nila no? Bakit siya ang naghugas? May nais paratingin sa atin ang Panginoon... nais mong maging lider?... matuto kang maglingkod! Nais mong maging dakila?... Matuto kang magpakumbaba! Napakaganda na ibinigay ito ni Hesus sa kontexto ng Eukaristiya... Ano ba ang Eukaristiya...? Simple lang, tinapay na walang halaga na inialay, binasbasan, pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad... Ngunit tinapay din na naging katawan ni Kristo, pagkain ng ating kaluluwa, at dahilan ng ating kaligtasan! Ang Huwebes Santo ay ang paggunita sa pagtatatag ng Sakramento ng Eukaristiya. Dito inialay at patuloy na iniaalay ni Hesus ang kanyang katawan at dugo upang maging pagkain natin tungo sa ating kaligtasan. Bukas, Biyernes Santo ay gugunitain din natin ang pag-aalay ni Jesus ng kanyang buhay ngunit sa "madugong paraan." Bagamat sa huling hapunan ay walang dugong dumanak sa pag-aalay ni Jesus ng kanyang sarili, kakakikitaan naman natin ito ng magandang aral tungkol sa paglilingkod. Ang tunay na lider ay handang mag-alay ng kanyang buhay sa paglilingkod... tulad ni Hesus! Sa paghuhugas ng paa ng mga alagad at pag-aanyaya sa kanila na gawin din nila ito, "ang maghugasan ng paa", ay sinasabi ni Jesus na ang tunay na pinuno ay nag-aalay ng sarili sa pamamagitan ng paglilingkod. Sa pagtatatag ng Eukaristiya ay itinatag din ni Jesus ang Sakramento ng Pagpapari. Walang Eukaristiya kung walang Kristo. Walang pag-aalay kung wala ang nag-aalay. Ang mga pari ay ang kinatawan ni Kristo. Katulad niya, sila ay mga pinunong lingkod, na nag-aalay ng kanilang buhay sa isang sakripisyong hindi madugo ngunit ganap na pag-aalay sapagkat kinatawan sila ni Jesus. Ipagdasal din natin ang ating kaparian na sana ay mahubog sila sa larawan ni Jesus na pinunong-lingkod!
Biyernes, Marso 14, 2008
MAHAL O BANAL NA ARAW? : Reflection for Passion Sunday Year A - March 16, 2008
Mga Mahal na Araw na naman! Bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin? Di ba Holy Week ang tawag natin sa ingles? Bagama't mas tama ang translation na "Banal", mas naangkop naman sa aking palagay ang salitang "Mahal". Kapag sinabi mong "mahal" maari mong ipakahulugang "of great value" o "precious". Para sa ating mga Kristiyano, precious ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi... sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo! Ang "Mahal" din ay nangangahulugang "close to our hearts, dear..." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas... Sa Ebanghelyong ating narinig ay pinagnilayan natin ang paghihirap at pagkamatay ni Hesus. Kasabay ng kanyang "makaharing pagpasok" sa Jerusalem ay ang katotohanang ipagkakanulo siya ng mga taong "mainit" na tumanggap sa Kanya. Ang mga masasayang "hosanna" ay mapapalitan ng mapapait na "ipako siya sa krus!". Ang makapal na bilang ng taong sumalubong sa kanya ay isa-isang mag-aalisan at iiwanan siya sa paanan ng krus! Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos... Iniligtas Niya tayo sa pagkakaalipin ng kasalanan. Tunay ngang MAHAL at BANAL ang mga araw na ito! Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang cheap ang mga araw na ito! Imbis na "magbisita Iglesya" ay beach resorts at mga lugar na pahingahan ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw. Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine... ang precious... nagiging cheap... ang mahal nagiging... mumurahin! Sana ay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito... baka naman cheap ka rin sa darating na linggong ito?
Linggo, Marso 9, 2008
TO LIVE... NOT ONLY TO EXIST! : Reflection for the 5th Sunday of Lent Year A - March 9, 2008
Tatlong magkakaibigan na may magkakaibang paniniwala ang minsang namasyal sa tabing dagat. Napakalakas at napakataas ng mga alon at sa di kalayuan ay may nakita silang tao na tila nalulunod. Nagkatinginan ang tatlo at ang sabi ng isa: "Hindi ko puwedeng tulungan yan, ako'y isang "Hindu" at naniniwala kami sa re-incarnation. Masama akong tao, baka maging mababang uri ako ng hayop sa kabilang buhay." Sambit naman ng isa: "Ako'y atheist, hindi ako naniniwala sa Diyos at na may kaluluwa ako. Pag ako'y nalunod... katapusan ko na!" Walang pasabi-sabi ay biglang lumusong ang isa sa tubig. S'ya'y Katoliko! Nagawa n'yang iligtas ang nalulunod. Tinanong siya ng dalawa n'yang kaibigan: "Dahil ba sa niniwala ka sa "resurrection of the dead" kaya malakas ang loob mong iligtas s'ya?" Sagot n'ya: "Ano'ng resurrection ang pinagsasabi n'yo? Kilala ko yung lalaking nalulunod... malaking halaga ang pagkakautang sa akin nun!" Totoo nga naman, marami sa ating mga Kristiyano ang tila di na naniniwala sa katotohanan ng "muling pagkabuhay;" sapagkat marami sa atin ang nabubuhay na tila wala silang kaluluwang dapat iligtas o kaya naman ay katawan na muling bubuhayin ng Panginoon. Nakakalungkot isipin na marami ang nabubuhay na tila patay. "They exist but they are not alive!" Mga taong materyalismo, lulon sa masasamang bisyo, mapanlamang sa kapwa, kumikitil sa buhay ng iba, nagpapalaganap sa "kultura ng kamatayan..." Ang ikalimang linggo ng Kuwaresma ay nagsasabi sa ating ang Panginoon ay may kapangyarihan upang buhayin tayo sa mga uri ng kamatayang ito. Kasalanan ang ugat ng ganitong uri ng kamatayan kung kaya't ang pagbabalik-loob sa Diyos at pagsampalataya sa Kanya ang kasagutan upang mapagtagumpayan natin ito. Choose life... not death! Remember... "we are called to live, not only to exist!"
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)