Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Marso 9, 2008
TO LIVE... NOT ONLY TO EXIST! : Reflection for the 5th Sunday of Lent Year A - March 9, 2008
Tatlong magkakaibigan na may magkakaibang paniniwala ang minsang namasyal sa tabing dagat. Napakalakas at napakataas ng mga alon at sa di kalayuan ay may nakita silang tao na tila nalulunod. Nagkatinginan ang tatlo at ang sabi ng isa: "Hindi ko puwedeng tulungan yan, ako'y isang "Hindu" at naniniwala kami sa re-incarnation. Masama akong tao, baka maging mababang uri ako ng hayop sa kabilang buhay." Sambit naman ng isa: "Ako'y atheist, hindi ako naniniwala sa Diyos at na may kaluluwa ako. Pag ako'y nalunod... katapusan ko na!" Walang pasabi-sabi ay biglang lumusong ang isa sa tubig. S'ya'y Katoliko! Nagawa n'yang iligtas ang nalulunod. Tinanong siya ng dalawa n'yang kaibigan: "Dahil ba sa niniwala ka sa "resurrection of the dead" kaya malakas ang loob mong iligtas s'ya?" Sagot n'ya: "Ano'ng resurrection ang pinagsasabi n'yo? Kilala ko yung lalaking nalulunod... malaking halaga ang pagkakautang sa akin nun!" Totoo nga naman, marami sa ating mga Kristiyano ang tila di na naniniwala sa katotohanan ng "muling pagkabuhay;" sapagkat marami sa atin ang nabubuhay na tila wala silang kaluluwang dapat iligtas o kaya naman ay katawan na muling bubuhayin ng Panginoon. Nakakalungkot isipin na marami ang nabubuhay na tila patay. "They exist but they are not alive!" Mga taong materyalismo, lulon sa masasamang bisyo, mapanlamang sa kapwa, kumikitil sa buhay ng iba, nagpapalaganap sa "kultura ng kamatayan..." Ang ikalimang linggo ng Kuwaresma ay nagsasabi sa ating ang Panginoon ay may kapangyarihan upang buhayin tayo sa mga uri ng kamatayang ito. Kasalanan ang ugat ng ganitong uri ng kamatayan kung kaya't ang pagbabalik-loob sa Diyos at pagsampalataya sa Kanya ang kasagutan upang mapagtagumpayan natin ito. Choose life... not death! Remember... "we are called to live, not only to exist!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento