Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Pebrero 29, 2008
MASAHOL NA PAGKABULAG : Reflection for the 4th Sunday of Lent Year A - March 2, 2008
May kuwento ng isang babaeng lumapit sa isang pari upang mangumpisal. "Pakiramdam ko po'y nagkasala ako, " ang sabi niya. "Ngayong umagang ito, bago ako magsimba ay lubhang naging mapagmataas ko sa aking sarili. Naupo ako sa harap ng salamin sa loob ng isang oras habang hinahangaan ko ang aking kagandahan." Tiningnan siya ng pari at sumagot: "Hija, hindi ito kapalaluan kundi imahinasyon!" Sinasabing ang ugat ng kasalanan daw ay kapalaluan sapagkat ito ay nagdadala sa isang masahol na uri ng pagkabulag... pagkabulag sa katotohanan. Kapag tayo ay bulag sa katotohanan ay akala nating tama ang ating ginagawa at dahil dito ay nawawalan na tayo ng pagnanais na magsisi sa ating mga kasalanan. Mabubuti na tayong mga tao kaya't di na natin kailangan ang Diyos sa ating buhay! Ang Ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggo ng Kuwaresma ay nag-aanyaya sa ating tingnan ang ating mga sarili at baka may simtomas na tayo ng ganitong uri ng pagkabulag. Baka katulad na rin tayo ng mga pariseo na hindi matanggap ang kapangyarihan ni Jesus nang pagalingin niya ang bulag. Ang ganitong pag-uugali ay malaking sagabal sa isang tunay na pagbabalik-loob at pagbabagong buhay. May mga taong hindi nagkukumpisal sapagkat ang katwiran nila ay "wala naman akong mabigat na kasalanang nagawa! Mabuti naman ang akong tao! Walang bisyo! Sumusunod sa utos ng Diyos! Bakit pa ako magkukumpisal?" Ang pagkakaroon ng kababaang-loob na harapin ang ating mga pagkukulang ang unang hakbang sa isang tunay na pagbabago. Nagbubulag-bulagan pa rin ba ako sa aking pagiging Kristiyano? May pagkakataon pa tayo upang muling makakita. Aminin natin sa Diyos ang ating mga pagkakamali, ihingi natin ng tawad sa Kanya at sabihin natin katulad ng bulag sa Ebanghelyo: "Sumasampalataya po ako, Panginoon!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento