Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 23, 2008
UHAW? : Reflection for the 3rd Sunday of Lent Year A - February 24, 2008
May joke sa isang text: "A thirsty city girl went to a remote barrio. GIRL: Granny, saan galing your water? LOLA: Sa ilog, iha! GIRL: Ha? Dini-drink n'yo yan? MATANDA: Duhh! Bakit? Sa siyudad ba chinu-chew?" hehehe... Tama nga naman si Granny... ang tubig hindi "chinu-chew!" Pero hindi lahat ng tubig ay "dini-drink!" Naalala ko, ten years ago, nagsimulang lumaganap ang pag-inom ng mineral water. Bakit? Kasi marumi ang tubig na lumalabas sa mga gripo sa Metro Manila, kulay kalawang at mabaho! Kaya nga yung mga "can't afford" nung time na yun ay nakuntento na lang sa pagpapakulo ng kanilang inuming tubig. Mahalaga ang tubig! Hindi natin ito maikakaila. Kabahagi ito ng ating pagkatao. Sa katunayan, malaking porsiyento ng ating katawan ay tubig! Kaya gayun na lamang ang epekto kapag ikaw ay na-dehydrate! Kahit nga ang mga naghuhunger strike... ok lang na di kumain, pero dapat may tubig. Kung wala ay ikamamatay nila 'yon! Ang tubig ay buhay! Narinig natin ang "water crisis" ng mga Israelita sa unang pagbasa. Di magkamayaw ang pag-alipusta nila kay Moises sapagkat dinala sila sa disierto na walang tubig. Ngunit ang pagka-uhaw ay hindi lamang pisikal. Sa Ebanghelyo ay makikita natin na ibang uri ng pagkauhaw ang taglay ng babaeng Samaritana. Ang kanyang masamang pamamumuhay ay pagkauhaw na naramdaman ni Hesus kaya't inalok siya nito ng "tubig na nagbibigay buhay!" Tayo rin, ay patuloy na inaalok ni Hesus na lumapit sa Kanya. Marahil ay iba't ibang uri ang ating "pagkauhaw." May uhaw sa pagmamahal, pagpapatawad, pagkalinga, katarungan, katotohanan, kapayapaan, etc. Ngunit kung susuriing mabuti, ang mga pagkauhaw na ito ay nauuwi sa isa lamang... ang pagkauhaw sa Diyos! Ngayong panahon ng kuwaresma, sana ay maramdaman natin ang pangangailangan sa Diyos. Tanggalin natin ang maskara ng pagkukunwari na hindi natin Siya kailangan sa ating buhay. Hayaan natin Siyang pawiin ang uhaw ng ating puso at kaluluwa. Nawa ang ating maging panalangin ay katulad ng mga panalangin ni San Agustin: "Panginoon... di mapapanatag ang aming mga puso hangga't hindi ito nahihimlay sa 'Yo!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento