Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Pebrero 1, 2008
KRISTIYANONG KILL-JOY! : Reflection for the 14th Sunday in Ordinary Time Year A - February 3, 2008
Nasabihan ka na bang "kill joy" ka? Ipinapatukoy ang katagang ito sa mga taong "naninira ng kaligayahan " o kaya naman ay di nakikiisa sa gusto ng grupo. "Kill joy" ka kapag ayaw mong sumama sa barkada. "Kill joy" ka kapag ang iniisip mo ay iba sa iniisip nila. "Kill joy" ka kapag hadlang ka sa nais nilang mangyari. May kuwento ng tatlong magkakaibigan... sina Tito, Vic & Joey. Napadpad sila sa isang isla na walang katao-tao nang lumubog ang kanilang barkong sinasakyan. Pagkalipas ng ilang araw sa isla ay unti-unti nilang naramdaman ang kalungkutan. Kung mayroon lang sanang makapagpapa-alis sa kanila doon! Laking gulat nila ng may makakita sila ng kakaibang "bote" na lulutang-lutang sa dagat. Nilangoy nila ito at dinala sa isla. Nilinis at pinunasan. Nang kumiskis ito sa basahan ay biglang lumabas ang isang 'genie': "Ako ang inyong alipin, humiling kayo ng tatlong kahilingan at ipagkakaloob ko." Laking tuwa ng tatlo. Ito na ang pagkakataon upang makaalis sila sa isla. Sabi ni Tito: "Genie, gusto kong maging maligaya... dalhin mo ako sa lugar na kung saan ay marami akong kayamanan!" At bigla niyang nakita ang sarili niya sa Ayala Alabang at nakatira sa isang malaking mansion. Sabi naman ni Joey: "Genie, dalhin mo ako sa lugar na kung saan ay maraming kasiyahan at hindi ako malulungkot." At nakita niya ang kanyang sarili sa isang disco pub na walang tigil ang kasiyahan, tugtugan at sayawan. Naiwan si Joey at tinanong siya ng genie: "Ano ang nararamdam mo kamahalan?" Sabi ni Joey: "Masayang-malungkot. Masaya kasi makakaalis na ako sa islang ito. Malungkot kasi iniwan na ako ng mga kasama ko. Sana magkakasama uli kami." "Masusunod kamahalan!" sabi ng genie at biglang lumitaw uli ang kanyang dalawang kaibigan sa kanyang tabi!" May mga tao talagang ipinanganak na "kill joy." At meron din naman na pinili nila ang pagiging "kill joy! Isa na sa kanila si Jesus at tayong kanyang mga tagasunod. "Kill joy" tayo sapagkat iba ang pag-intindi natin sa kaligayahan. Para sa atin, ang maliligayang tao ay ang mga aba, ang mga nagugutom, ang mga inaapi, ang mga inuusig... Hindi ganito ang pag-intindi ng mundo. Para sa mga makamundo ang kaligayahan ay kapangyarihan, kayamanan at pansariling kalayaan. Ngunit tingnan natin ang kanilang kinahihinatnan. Ang kaligayahang inaalok ng mundo ay panandalian, kumukupas, lumilipas. Ang kaligayahang alok ni Jesus... nanatili, hindi nagmamaliw, nagpapatuloy hanggang sa kabilang buhay... Mapalad ka kung naiitindihan mo ang kanilang pagkakaiba. Mas mapalad ka kung kaya mong piliin ang alok ni Hesus. Mapalad ka kung "kill joy" ka para sa Kanya.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento