Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Martes, Enero 22, 2008
BIBLE CHRISTIAN KA BA? : Reflection for the 3rd Sunday in Ordinary Time Year A - January 27, 2008
May isang "Bible Christian" na mahilig gamitin ang Bibliya upang malaman kung ano ang gusto ng Diyos sa kanya lalo na sa paglutas sa kanyang mga prolema. Minsan ay nalugi ang kanyang negosyo at katulad ng kanyang nakaugalian ay sumangguni siya sa Bibliya. Kinuha niya ito at nakapikit na binuksan ang pahina. Laking pagkagulat niya ng bumungad sa kanya ang Mateo 27:5 na nagsasabing: "Lumabas si Hudas at nagbigti!". Natakot siya at sinubukan niyang maghanap uli. Habang nakapikit ay muli niyang binuksan ang Bibliya at ang kanyang hintuturo ay tumapat sa Lukas 10:37 na ang sabi: "Humayo ka't gayon din ang gawin mo." Halos himatayin na siya sa takot nang muli niyang buksan ang Banal na Aklat. Ang bumungad sa kanyang talata: Juan 13:27, "Kung ano ang iyong kailangang gawin, gawin mo na agad!" At alam n'yo na marahil ang kasunod... hehe. Ang ikatlong Linggo ng Karaniwang Panahon ay parating inilalaan sa padiriwang ng National Bible Sunday! Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa National Books Store. Hindi lang ito naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay. Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS! Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan. Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus ng buong sigasig! Ang Bibiliya ay ang pangangaral ni Hesus sa atin sa kasalukuyang panahon. May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung me tiyaga akong tapusin ang volumes ng Harry Potter bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi ko matagalang basahin? Ang sabi nga nila: Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan! Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya at at pagninilay sa Salita ng Diyos. Sa panalangin tayo ang nakikipag-usap sa Kanya. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin. Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento