Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Enero 11, 2008
MGA KRISTIYANONG-PANIKI : Reflection for the Feast of the Lord's Baptism Year A - January 13, 2008
May tatlong paring pinag-uusapan ang problema ng mga paniki na namamahay sa kisame ng kanilang mga simbahan. Ang sabi ng isa: "Alam n'yo sa galit ko ay bumili ako ng shotgun at pinagbabaril ko yung mga paniki sa kisame. Nabutas lang ang kisame ng simbahan ko pero di nawala ang mga paniki." Sabi naman ng isa: "Ako naman, bumili ako ng pesticide spray. Madami ang namatay pero may mga natira at yung mga naging anak nila ay na-iimune na sa pesticide kaya lalo lang dumami." Sumingit ang pangatlong pari: "Ay wala akong problema d'yan sa mga paniking yan!" "Bakit? Anung ginawa mo?" tanong ng dalawa. "Kumuha lang ako ng Holy Water, at bininyagan ko sila. Mula noon, wala ng pumapasok sa simbahan!" Marami sa ating mga Kristiyano ay parang mga paniki. Pagkatapos mabinyagan, di mo na makikita ang anino sa Simbahan. O kung nasa Simbhan man, aali-aligid sa labas... ayaw pumasok! Kung minsan ay naitatanong ko ang bisa ng Binyag. May problema ba ang Sakramento? Wala sa sakramento ang problema. Nasa mga taong tumanggap nito! Ang daling maging Kristiyano... ang hirap magpakakristiyano! Kung bakit parang walang epekto ang binyag ay sapagkat nagdesisyon na tayong wag sumunod kay Hesus. Ayaw nang magsimba. Ayaw nang magdasal. Manhid na sa paggawa ng kasalanan. May kalyo na ang konsiyensiya! Ang tawag natin sa kanila: "Nominal Christians", Kristiyano lang sa pangalan, sa baptismal certificate! Sa kapistahang ito ng Pagbibinyag kay Jesus ay sariwain natin ang ating mga binyag. Bagamat naiiba nag binyag ni Jesus sa atin ay iisa lang ang sinasabi ng Diyos sa oras ng ating binyag: "Ito ang aking anak... na lubos kong kinalulugdan..." Kalugod-lugod pa rin ba ako sa Diyos hanggang sa ngayon?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento