Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Pebrero 15, 2008
BAGONG ANYO : Reflection for the 2nd Sunday of Lent Year A - February 17, 2008
May isang manang ng simbahan na napag-iwanan na ng panahon sa kanyang anyo. Sa katunayan, maging ang kanyang amoy ay "amoy kandila" na o kung di man ay amoy insenso" na! Minsang pag-uwi galing sa pagsisimba ay nadiskitahan siya ng ilang kabataan: "Wow pare... artifacts naglalakad!" sabay ang nakakaasar na halak-hakan. Pag-uwi ng bahay ay humarap siya sa salamin at masusing tiningnan ang sarili. Kinabukasan ay nagpunta siya sa beauty parlor. Pinabanat ang mukha, pinakulayan ang buhok, pina-pedikyur ang mga kuko... at nagpatato sa likod.Siyempre, bumuli rin sya ng modernong damit. Isang bagong babae ang nakita nung araw na yon. Taas noo s'yang tumawid sa kalsada. Sobrang taas ng noo kaya't di n'ya nakita ang humaharurot na sasakyan. Sa madaling salita ay namatay ang ating bida. Pag-akyat ng kanyang kaluluwa sa itaas ay agad niyang hinarap si San Pedro: "Unfair ito..! Bakit pinutol mo ang kaligayahan ko? Hindi mo ba alam na ako ay araw-araw na nagsisimba, nagnonobena sa mga santo, halos sa simbahan na nga ata ako tumira!" At sinabi niya ang kanyang pangalan kay San Pedro. Dali-dali namang hinanap ni San Pedro ang schedule ng mga pangalan na dapat magrereport ng araw na 'yon sa kabilang buhay. Laking gulat niya ng di niya matagpuan ang pangalan ng manang. Kaya't sinabi na lang n'ya: "Pasensya na po... honest mistake po mam... Kasi naman "nagbago ang anyo ninyo! Napagkamalan ko tuloy kayo sa iba! "Pagbabagong-anyo" ... ito ang Ebanghelyo natin ngayon. ito rin ang panawagan ng panahon ng Kuwaresma. Marami tayong dapat na baguhin sa ating mga sarili. Walang taong ipinanganak na perpekto. Lahat nagkakamali. Lahat may pagkukulang. Ang pagbabagong anyo ni Hesus ay dapat na maging inspirasyon at aspirasyon nating lahat. Inspirasyon upang bigyan tayo ng karagdagang lakas ng loob na mamuhay na mabuti at "tanggalin ang ating pangit na anyo" ng masasamang pag-uugali at nakagawiang masamang gawain. Aspirasyon na dapat ay magbigay sa atin ng pag-asa na may kaluwalhatiang naghihintay sa atin tulad ng natamo ni Hesus pagkatapos N'yang mabuhay na mag-uli. Magbagong anyo tayo sa panahong ito ng Kuwaresma. Wag lang "new look" ang dating... mas ok kung tayo ay magiging "Christ's look!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento