Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Setyembre 26, 2008
OPO! : Reflection for the 26th Sunday in Ordinary Time Year A - September 28, 2008
Actions speak louder than voice! Isa ito sa mga kasabihang natutunan ko noong ako ay nasa elementarya pa lamang. Tunay nga naman! Lalo na sa aking ministro bilang pari, ay lagi kong naiisip ang mga katagang ito sa tuwing ako ay nangangaral o nagbibigay ng homiliya sa Misa. Baka naman ang mga sinasabi ko ay hindi tugma sa aking ginagawa... tatawanan lang ako ng mga nakikinig sa akin. Hindi ko sila mapapaniwala! Katulad ng kuwento ng isang negosyanteng nagbebenta ng "ballpen" sa isang paaralan. Kinausap niya ang administrator at masigasig na prinomote ang kanyang produkto. Halos isang oras siyang nagsalita at nagpaliwanag tungkol sa galing at ganda ng kanyang paninda. Buo na ang loob ng administrator ng school na kumuha ng 1,000 pirasong ballpen. Kaya lang nang isinusulat na ng negosyante ang order sa kanyang kuwaderno ay biglang napasigaw ang bumibili: "Teka, wag na lang! Ayaw ko na! Hindi na ako oorder!" Laking pagkagulat ng negosyante at tinanong niya kung bakit. "Alam mo, isang oras mo akong nililigawan para bilhin ang produkto ninyong ballpen. Ang dami mong magagandang sinabi. Napaniwala mo ako. Pero nang isinusulat mo na ang order ko... e nakita kong ibang brand ng ballpen ang ginamit mo! Ang ikinilos mo ay hindi tugma sa iyong panagsasabi! Ang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay isang mensahe ng babala at pag-asa para sa ating lahat. Babala na huwag tayong maging kumpiyansa sa pagsasabing "Ako'y Kristiyano!" Ang kasabihan nga nating mga Plipino ay: "Ang tao ay nakikila sa kanyang gawa hindi sa kanyang salita!" Hindi sapat ang "Amen! Alleluia! o Praise the Lord!" Ang mahalagang tanong ay: Kinakikitaan ba ako ng pag-uugali na tulad ng kay Kristo? Ang isang mensahe rin ay pag-asa... Na may pagkakataon tayong itama ang ating mga pagkakamali dala marahil ng ating kahinaan. Siguro ay katulad tayo ng nakatatandang kapatid na nagsabi ng "ayoko po!" Sa tuwing nilalabag natin ang mga utos ng Diyos ay ito ang ating sinasabi. Ngunit sa ating pagbasa, ipinakita sa atin na maaring baguhin ang pagtangging ito. Sa kahuli-hulihan ay nagawang sumunod ng nakatatandang kapatid. Tayo rin, ay laging may pag-asa na itama ang ating mga maling desisyon sa buhay! Hindi tayo alipin ng kasalanan. Tinubos na tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang dugo. Kaya nga may pag-asa tayong magbagong buhay. Kung bibigyan ako ng kalayaang dugtungan ang Talinhaga ay maglalagay ako ng ikatlong anak. Siya ang magsasabi ng "opo" at pagkatapos ay susunod sa utos ng kanyang ama! Sana ay tayo 'yon. Sinagot na natin siya ng "opo" noong tayo ay nangako sa binyag at kumpil. Ang kulang na lamang ay pagsunod...
Sabado, Setyembre 20, 2008
INGGETERO: Reflection for the 25th Sunday in Ordinary Time, Year A - September 21, 2008
Isipin mong mayroong apat na bahay sa inyong kalye at sa iyo ang isa. Ang bahay mo ay nagkakahalaga ng Php 20 million. Ang isa ay 15 million, ang isa naman ay 10 at ang panghuli ay 5 million. Tinanong ka ng anak mo: "Daddy, kung mayroong mag-aalok na bilhin ang bahay natin ng 50 million, papayag ka ba?" Siyempre ang sagot mo: "Aba anak, hindi lang papayag... tatalon pa ako sa tuwa at doon mismo ibebenta ko ang bahay!" Nang biglang tumunog ang telepono at laking pagkagulat mo na ang tumawag ay inaalok na bilhin ang bahay mo ng Php 50 million. Hindi ka na nagdalawang isip pa. Doon mismo sinarado mo ang deal sa 50 million. Tuwang-tuwa ka... ngunit meron kang nabalitaan kinabukasan. Yung parehong buyer ng bahay mo ay binili ang tatlong katabi mong bahay. At ito ang nakakagalit, ang presyo: binili ang bawat isa ng Php 50 million! Ano ang mararamdaman mo? hehe... Marahil, kapareho ng naramdaman ng mga mangagawa sa talihaga ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon... Nadaya kami! Unfair! Hindi makatarungan! Kung tatawagan mo ang nakabili ng bahay mo, ang sasabihin n'ya lang sa 'yo ay: "Anung pakialam mo? Eh sa mabait ako at gusto kong bayaran ng 5o million ang lahat ng bahay! Inggetero!!!" Isa sa mga ugali nating mga tao na dapat nating bantayan ay ang pagkainggit. Tayo pa namang mga Pilipino ay mga taong ayaw maiisahan! Siguro hindi makatarungan sa ating paghuhusga ang ginawa ng nakabili ng bahay o ng may-ari ng ubasan. Ganito naman talaga ang pag-iisip ng Diyos. Sabi nga sa unang pagbasa: “Ang aking isipa’y di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa’t isip ko’y hindi maaabot ng inyong akala.” Sa halip na mainggit, ang nais ng Diyos sa atin ay maging mapagpasalamat sa lahat na ibinibigay niyang biyaya sa atin. Wag mong isipin na mas mayaman ang kapitbahay mo, mas matalino ang kaklase mo, may guwapo ang kaibigan mo, mas talentado ang kapatid mo... Tingnan mo ang sarili mo at makikita mong may ibinigay din ang Diyos sa iyo na wala sa kanila. Hindi ka lugi. Hindi ka dinaya. Magpasalamat ka. Pagyamanin mo ang regalo niya sa iyo. Higit sa lahat, gamitin mo ito upang makatulong sa kapwa mo... Mahal ka ng Diyos maging... sino ka man!
Sabado, Setyembre 13, 2008
ANG SIMBOLO NG KRUS: Reflection for the Feast of the Triumph of the Cross, Year A - September 14, 2008
Nagkaroon ng isang survey noong 2004 tungkol sa mga famous symbols kung gaano ito kakilala ng mga tao. Ito ang lumabas: 94% ang "Olympic Rings", 92% ang McDo, 88% ang Shell, 54% ang Cross, at 36% ang UN symbol. Marahil hindi ganoon ka-accurate ang survey pero may sinasabi na itong malaki tungkol sa ating pananampalataya. Bakit pang-apat lang ito? Bakit naunahan pa ng Shell, ng McDo, o ng Olympic Rings? Siguro dahil mahina o walang dating ito sa tao... Tingnan mo nga naman kasi kung papaanong ginagamit natin ang simbolong ito: basketball player bago i-shoot ang free throw, boksingero bago suntukin ang kaaway, kapag tayo ay naguguglat, panakot sa multo at maligno, bilang "fashion, item ng mga rockista na alam naman nating marami ang walang kinikilalang Diyos, tatoo ng mga kriminal at mamamatay tao. Magtataka pa ba kayo bakit pang-apat lang? Ang simbolo ng Krus na sa simula ay simbolo ng pagpapahirap at kamatayan ay binago ni Jesus nang siya ay namatay sa Krus. Ang krus ay naging simbolo ng pag-ibig, sakripisyo, pagpapatawad... kaligtasan! Walang kahulugan ang krus kung walang Kristo na namatay sa krus. Kaya nga ang bawat pagtingin ko sa krus ay dapat magdala sa akin sa pagsamba at pagsampalataya kay Jesus. At ang pagsampalataya ay alam nating nangangahulugan ng pagsunod. Dapat maging katulad din ako ni Kristo na mapagpatawad, mapagtiis... mapagmahal. "May kwento ng isang batang bagsakan ang grade sa Math. Inilipat siya ng kanyang magulang sa isang Catholic School. Laking pagkagulat nila ng makitang tumaas ang grades niya pagkatapos ng isang quarter. Tinanong siya: "Dahilan ba yan sa mga madre? Sa mga teachers? Sa mga kaklase mo?" Ang sagot ng bata: "Hindi! dati kasi hindi ko siniseryoso ang Math. Nang makita ko sa chapel yung taong nakapako sa "plus sign" naisip ko... sa school na ito, seryoso sila dito... they meant bussiness!" Totoo, dapat kapag nakita natin ang krus maisip natin na "it meant bussiness!" Ibig sabihin: Whether I am for Christ or against Christ! Whether I am a good Christian or bad one. Saan ba ako lulugar bilang Kristiyano? Wag lang sana nating dalhin ang krus sa ating mga bulsa o pitaka. Sikapin nating maiukit ito sa ating mga puso ng sa ganon tayo ay maging mga katulad ni Kristo...
Sabado, Setyembre 6, 2008
SALESIAN BLASPHEMY: Reflection for the 23rd Sunday in Ordinary Time Year A - September 7, 2008
Isa sa maraming natutunan ko sa seminaryo habang kami ay hinahanda upang maging Salesiano ay ang tinatawag naming "Salesian blasphemy". Laking pagkagulat ko ng marinig ko na meron pala kaming sariling blasphemy. Ang akala ko ay katulad ito ng paglait o pagkutya sa ngalan ng Diyos o kaya naman ay kawalan ng paggalang sa Kanya. Ang sabi ng aming Novice Master, na ngayon ay isa ng obispo, ay hindi dapat ito maririnig sa aming bibig. Hindi kami mabuting Salesiano kapag binabanggit namin ito. Ano ba ang "blasphemy" na ito? Simple lang. Ito ay ang katagang: "It's none of my bussiness!" Sa orihinal na lingguwahe.. "Non tocca a me!" Sa Filipino, mas nakakasapul: "Wala akong pakialam!" Ang akala natin ang mabuting pamumuhay ay ang pag-iwas sa kasalanan. Tama naman ngunit hindi lang iyon. Hindi sapagkat hindi ka gumagawa ng masama ay mabuting Kristiyano ka na. Ang kasalanan ay hindi lang "commission". Ito rin ay "omission". Ano ito? Nagkakasala din tayo kapag hindi natin nagawa ang isang kabutihan kapag nabigyan tayo ng pagkakataon. Halimbawa, nakita mong nandaraya ang kasama mo sa trabaho, dinedma mo lang... nagkakasala ka rin. Nakita mo ang kaklase mong nangongopya sa exam, hindi mo pinagsabihan... nagkakasala ka rin. Nagpupunta ang barkada mo sa isang masamang lugar, napipilitan ka lang na sumama pero wala kang ginagawang pagwawasto... kasalanan mo rin! Ibig sabihin... may pananagutan tayo sa maling ginagawa ng kapwa natin! Ito ang sinasabi ni Jesus sa kanyang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Ito rin ang pahiwatig ng Panginoon sa unang pagbasa sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel: "Kapag sinabi ko sa taong masama na siya’y mamamatay at di mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan." May pananagutan tayo sa ating kapwa. Hindi madali ang pagiging Kristiyano. Kinakailangan nating maging totoo sa harap ng kamalian. Marahil, marami tayong masasaktan at masasagasaan ngunit kinakailangan. Hindi tayo sisikat. Mawawala ang "bango" ng ating pangalan sa iba. Ngunit hindi rin tayo dapat magbulag-bulagan at magbingi-bingihan. Ang sabi nga ni Edmund Burke: "All that is needed for evil to prosper is for good people to remain silent."
Biyernes, Setyembre 5, 2008
NINE MONTHS : Reflection for the Feast of the Birth of Mary: September 8, 2008
Naitanong mo na ba sa sarili mo kung bakit September 8 ang birthday ni Mama Mary? Bakit hindi May 13? (birthday ko kaya yon! hehe) Wala pa namang kalendaryo noon. Paano nalamang Sept. 8 ang kanyang kaarawan? Simple lang. Daanin ko sa isang kuwento ang sagot: "May isang turistang Amerikano ang sumakay ng bus papuntang Macabebe, Pampanga. Medyo nainip siya sa haba ng biyahe kaya tinanong ang kundoktor: "Hey Joe, how long to Makabaybe?" Ang pagkaintindi ng kundoktor ay "how long to make a baby", kaya tinawanan niya ang Amerikano. Natural, napikon ang Kano at sinigawan ang kundoktor: "Hey! Don't laugh at me! I'm asking you a serious question: "how long to Makabaybe?" Pagalit na sumagot ang kundoktor: "Ahhhh... don't you shouting at me ha? I'm no ignorant. Ok, I will tell you... it's nine months to "make a baby!" Napatalon sa kinauupuan ang kano, "Nine months??? Gosh... it's too far!" hehehe... Ang sagot sa tanong ko kanina kung bakit Sept. 8 natin ipinagdiriwang ang birthday ni Mama Mary ay ito... wala sa historical o theological explanation ang kasagutan. Ang sagot ko lang ay katulad ng sagot ng kundoktor: "Nine months to make a baby." Bilangin mo mula Dec. 8, ang araw ng kalinislinisang paglilihi kay Maria (Immaculate Conception) hanggang Sept. 8, ang kanyang kapanganakan, at makikita mong siyam na buwan ang haba noon! Hindi naman mahalaga ang eksaktong petsa ng kapanganakan ng Mahal ng Birhen. Ang mahalaga ay isinilang siya bilang tao dito sa lupa upang mabigyang daan ang katuparan ang plano ng Diyos. Ang Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birhen ay dapat magpaalala sa atin ng kagandahang loob at katapatan ng Diyos. Sa simula palang na nagkasala ang tao ay ninais na ng Diyos na sagipin ang tao sa pagkakasala. Napakahabang paghahanda ang nangyari. Kasing haba ng tala-angkanan na nakasulat sa Ebanghelyo ni Mateo. Mahabang panahon ang hinintay ng sangkatauhan, ngunit sa gayunpaman ay hindi tinalikuran ng Diyos ang kanyang pangako. Pinili niya ang isang babaeng taga-Nazaret upang maging ina ng Kanyang Anak. Lubos ang kabutihan at katapatan ng Diyos. Ang Diyos ay laging tapat sa atin. Sa kabila ng ating araw-araw na pagtalikod at paglimot sa kanya ay tuloy pa rin ang alok Niyang kaligtasan sa atin. Pinahahalagahan ko ba ito? O baka naman, binabale wala ko ang Kanyang kabutihan sa patuloy na paggawa ng kasalanan at masamang pag-uugali? O Maria... tulungan mo kaming maging tapat na katulad mo... Maligayang kaarawan sa iyo aming Ina!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)