Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Setyembre 6, 2008
SALESIAN BLASPHEMY: Reflection for the 23rd Sunday in Ordinary Time Year A - September 7, 2008
Isa sa maraming natutunan ko sa seminaryo habang kami ay hinahanda upang maging Salesiano ay ang tinatawag naming "Salesian blasphemy". Laking pagkagulat ko ng marinig ko na meron pala kaming sariling blasphemy. Ang akala ko ay katulad ito ng paglait o pagkutya sa ngalan ng Diyos o kaya naman ay kawalan ng paggalang sa Kanya. Ang sabi ng aming Novice Master, na ngayon ay isa ng obispo, ay hindi dapat ito maririnig sa aming bibig. Hindi kami mabuting Salesiano kapag binabanggit namin ito. Ano ba ang "blasphemy" na ito? Simple lang. Ito ay ang katagang: "It's none of my bussiness!" Sa orihinal na lingguwahe.. "Non tocca a me!" Sa Filipino, mas nakakasapul: "Wala akong pakialam!" Ang akala natin ang mabuting pamumuhay ay ang pag-iwas sa kasalanan. Tama naman ngunit hindi lang iyon. Hindi sapagkat hindi ka gumagawa ng masama ay mabuting Kristiyano ka na. Ang kasalanan ay hindi lang "commission". Ito rin ay "omission". Ano ito? Nagkakasala din tayo kapag hindi natin nagawa ang isang kabutihan kapag nabigyan tayo ng pagkakataon. Halimbawa, nakita mong nandaraya ang kasama mo sa trabaho, dinedma mo lang... nagkakasala ka rin. Nakita mo ang kaklase mong nangongopya sa exam, hindi mo pinagsabihan... nagkakasala ka rin. Nagpupunta ang barkada mo sa isang masamang lugar, napipilitan ka lang na sumama pero wala kang ginagawang pagwawasto... kasalanan mo rin! Ibig sabihin... may pananagutan tayo sa maling ginagawa ng kapwa natin! Ito ang sinasabi ni Jesus sa kanyang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Ito rin ang pahiwatig ng Panginoon sa unang pagbasa sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel: "Kapag sinabi ko sa taong masama na siya’y mamamatay at di mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan." May pananagutan tayo sa ating kapwa. Hindi madali ang pagiging Kristiyano. Kinakailangan nating maging totoo sa harap ng kamalian. Marahil, marami tayong masasaktan at masasagasaan ngunit kinakailangan. Hindi tayo sisikat. Mawawala ang "bango" ng ating pangalan sa iba. Ngunit hindi rin tayo dapat magbulag-bulagan at magbingi-bingihan. Ang sabi nga ni Edmund Burke: "All that is needed for evil to prosper is for good people to remain silent."
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento