Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Huwebes, Marso 26, 2009
Reflection: 5th Sunday of Lent Year B - March 29, 2009: PAGPATAY NA NAGBIBIGAY BUHAY
Sabi ng isang text: "Babala sa mga friends ko na di kumakain ng taba, di nagpupuyat, di nagkakape, di umiinom ng alak, di naninigarilyo. Mabubuhay kang malungkot ! Patay na kaming lahat... buhay ka pa!" hehehe... Hindi ito panghihikayat upang tayo ay malulon sa bisyo. Kung sa bagay may mga tao naman kasi na sobra ang pag-iingat sa buhay. May mga iba na napakarami ang pagbabawal sa buhay... bawal ang pork, hipon, karne, itlog...Nag-eenjoy pa kaya sila sa buhay nila? Ang motto nga ng isang kaibigan kong maraming dinadalang sakit sa katawan ay: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die just the same... so why not eat and die!" May pagkapilosopo ang aking kaibigan ngunit kung iisiping mabuti ay may butil ng katotohanan ang nais niyang ipahiwatig. Hindi masama ang magmahal sa buhay at mag-alaga ng ating katawan. Ngunit ang labis na pagmamahal ay hindi na natatama. May babala si Jesus tungkol dito: "Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito..." Markahan ninyo ang salitang... LABIS! Ibig sabihin wala sa lugar, sobra, di na nakakatulong! "Ngunit ang napopoot sa kanyang buhay ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan." Hindi ibig sabihin na dapat nating kamuhian ang ating buhay. Ang pagkapoot na sinasabi dito ay ang "paglimot sa sarili upang magbigay buhay sa iba!" Hinalintulad ni Jesus ang kanyang sarili sa isang butil ng trigo na kinaikailangang mamatay upang magkamit ng bagong buhay. At iyon ay ginawa niya sa pag-aalay ng kanyang buhay sa krus upang tayo ay magkamit ng buhay na walang hanggan. Ang kuwaresma ay naayong panahon upang magpraktis tayo ng "self-dying". Hindi "suicide" o pagkitil ng sariling buhay ang pakahulugan nito. Ang "self-dying" ay may kaugnayan sa "self-denial" na nagtuturo sa ating katawan upang maging disiplinado at mapalakas ang ating "will power". Sa self-denial ay itinatanggi natin sa ating katawan ang maraming bagay na hindi naman talagang masama. Ito ay pagtanggi sa mga bagay na nagbibigay ng kasarapan sa ating buhay. Labis na pagkain, panood ng TV, shopping (para sa mga may pera), computer games, labis na pagtetext, etc... Patayin natin ang masasamang hilig upang mabuhay tayo na disiplinado at makatulong sa iba. Patayin ang labis na pagmamahal sa sarili upang makapaglingkod sa kapwa... Hindi lahat pala ng pagpatay ay masama... may pagpatay na buhay ang ibinibigay.
Huwebes, Marso 19, 2009
Reflection: 4th Sunday of Lent Year B - March 22, 2009: LOVES KA NIYA!
"Bakit ba siya ang gusto mong pakasalan? Tingnan mo naman ang mukha niyang kasintahan mo... di kayo bagay! Ang mata niya parang mata ng kuwago! Ang ilong niya parang hinog na kamatis! Ang buhok niya... HIV (Hair Is Vanishing)! Ang kutis nya parang naagnas na bangkay! Sigurado ka ba?" tanong nila sa babaing ikakasal. "Oo naman... kasi I fell in love with him!" "Fell in love? Na-fell inlove ka sa mukhang yan na tanging nanay lang ang puwedeng magmahal?" At ito ang pamatay na banat ng magandang dalagita: "Yes, i fell in love with him... not with his face but with his heart!" Eh di wala ng kumontra! hehe... Totoo nga naman ang kasabihang "love is blind". Sa isang taong nagmamahal, di mahalaga ang mukha o itsura... walang pinagkaiba sa kanila ang gwapo at pangit! (Kaya huwag mawawalan ng pag-asa ang marami sa inyo!) Ganito rin marahil ang Diyos nang mahalin Niya ang tao. Di niya tiningnan ang ating pagkamakasalanan. Nagmistulang bulag ang Diyos para sa atin. Pinatunayan Niya ang Kanyang pagmamahal na kahit na hindi tayo karapat-dapat ay inialay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang makamit natin ang kaligtasan. Totoo na makatarungan Siya... ngunit Siya rin ay maawain... Nagpaparusa ngunit mapagpatawad! Bago mo pa siya mahalin ay minahal ka na Niya. Ang panahon ng Kuwaresma ay magandang pagkakataon upang pagnilayan ang pagmamahal ng Diyos ng sagayon ay makita natin ang ating pagiging makasalanan! Mas madaling makita ang itim kung itatapat natin sa puti. Mas madaling makita ang ating pagiging makasalanan kung itatapat natin sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos. Doon mo lang makikita kung gaano pa kalaki ang iyong pagkukulang upang suklian ang Kanyang pagmamahal. Kaya nga hindi rin dapat tayo magsawang lumapit sa Diyos at humingi ng tawad para sa ating mga kasalanan. Hindi dahilan ang paulit-ulit na pagkakasala natin upang hindi na tayo lumapit sa Sakramento ng Kumpisal. Mas lalo pa nga nating kinakailangan ang mapagpalayang pag-ibig ng Diyos sa tuwing inaalipin tayo ng kasalanan. Wag kang mangamba kapag ang pakiramdam mo ay makalasanan ka. Isa lang ang ibig sabihin nito... LOVES KA NIYA!
Biyernes, Marso 13, 2009
Reflection: 3rd Sunday of Lent Year B - March 15, 2009: ITABOY ANG MASASAMANG ESPIRITU!
Minsan ako'y naanyayahang mag house-blessing ng aking tita sa Bulacan. Pagkatapos ng blessing ng kanilang bahay ay may lumapit sa aking isang babae, medyo may katandaan na ang edad ngunit bongga ang pananamit at kuntodo sa make-up: "Father, pakidamay n'yo naman ang bahay namin. Gusto ko rin sanang pabasbasan. Kung puwede e ngayon na!" Balak ko sanang tanggihan sa kadahilanang may naghihintay pa akong susunod na lakad ngunit tinanong ko siya upang hindi lumabas na ayaw kong tanggapin. "Bakit naman nagmamadali ka?" tanong ko sa kanya. "Kasi Father nakakaramdam kami ng masamang espiritu sa loob ng aming bahay." Sumunod na lang ako kahit na may pag-aalinlangan at takot ako sa multo at masasamang espiritu. Pagpasok ng bahay ay napansin kong may tatlong magaganda at balingkinitang mga babae sa loob. Pagkatapos ng blessing ay pabiro kong sinabi sa may-ari: "Ang suwerte n'yo naman madam, ang gaganda naman ng mga anak ninyo..." Sabay naghagikhikan ang mga dalaga. "Father, di po namin nanay yan!" "E bakit mama tawag n'yo?" tanong ko. "Eh Father..." nakayuko at nahihiyang sagot nila, "Mamasan po namin s'ya!" Muntik ko nang maihagis ang dala kong holy water sa kanila! Bahay pala ng mga kalapating mababa ang lipad ang binasbasan ko. Kaya naman pala may mga masasamang espiritu sa bahay! Kung minsan masyado nating nabibigyang pansin ang mga "evil spirits" sa ating paligid ngunit nakakaligtaan nating itaboy ang "evil spirits" sa ating mga puso! Kung iisipin ay mas mahirap pa ngang kalaban ito sapagkat hindi mo ito nakikita at namamalayan. Kalimitan ay nag-aanyo pa nga itong maganda, kaakit-akit at kahali-halina. Ang tinutukoy kong evil spirits ay ang kasalanan. Naging templo tayo ng Espiritu Santo noong tayo ay nabinyagan kung kaya't ang ating katawan ay banal o sagrado kaya nga may tungkulin tayong panatilihing malinis ang templong ito sa anumang uri ng kasamaan. Ang kasalanan tulad ng pagmamataas, pagkainggit, katakawan, katamaran, kahalayan, masamang pagnanasa... ay mga masasamang espiritu na sumasapi sa atin at sumisira sa templo ng Diyos. Ipagtabuyan natin ito habang may panahon pa. Ang panawagan ng Kuwaresma ay "kabanalan" ngunit ito ay imposibleng mangyari kung hinahayaan nating masaniban tayo ng masasamang espiritu at pinaghahari ito sa ating buhay. Sa kuwaresmang ito ay ipagtabuyan natin ang masasamang espiritu! Sabihin natin tulad ni Hesus: "Lumayas kayo dito... huwag n'yong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!"
Biyernes, Marso 6, 2009
Reflection: 2nd Sunday of Lent Year B - March 8, 2009: PAGBABAGONG-ANYO SA KUWARESMA
Ang Kuwaresma ay panahon ng pagbabago... bagong buhay... bagong anyo! Isang pari ang naglakad sa isang madalim na eskenita isang gabi. Bigla na lamang naramdaman niya ang matulis na bagay na tumutok sa kanyang likuran: "Holdap ito! Ibigay mo sa akin ang wallet mo." Nagkataong nakasuot siya ng "Roman collar" kaya ng humarap siya ay nagulat at hiyang-hiyang sinabi ng holdaper: "Naku! Pasensiya na po Father. Di ko alam na pari pala kayo." Para mapanatag ang kalooban ng holdaper ay inalok niya ito ng sigarilyo. "Naku Father, pasensiya na kayo. Di na ako naninigarilyo ngayon. Kuwaresma eh! Dapat magbagong-anyo!" "Pagbabagong-anyo"... ito ang Ebanghelyo natin ngayon sa ikalawang Linggo ng Kuwaresma. Ang mga alagad bago umakyat ng bundok ay may pag-aalinlangan pa rin kay Jesus bilang kanilang kinikilalang pinuno at "Mesias". Pagkababa ng bundok, pagkatapos maranasan ang kanyang pagbabagong anyo, ay nabago ang kanilang pagtingin sa kanya. Bagamat hindi nila maunawaan ang paghihirap na daraanan ni Kristo ay isang "bagong anyong" pinuno at panginoon ang kanila ngayong kinikilala. Sa katunayan hindi si Jesus ang nabagong- anyo kundi sila! Tayo rin, katulad ng mga alagad ay nangangailangan ng pagbabago. Marami tayong dapat na baguhin sa ating mga sarili. Walang taong hindi nangangailangan ng pagbabago. Lahat nagkakamali. Lahat may pagkukulang. Masamang pag-uugali, paulit-ulit na kasalanan, bisyo... lahat ay nanawagan ng isang tunay na pagbabago. Ang pagbabagong anyo ni Hesus ay dapat na maging inspirasyon at aspirasyon nating lahat. Inspirasyon upang bigyan tayo ng karagdagang lakas ng loob na mamuhay na mabuti at "tanggalin ang pangit na anyo" ng ating masasamang pag-uugali at nakagawiang masamang gawain. Aspirasyon na dapat ay magbigay sa atin ng pag-asa na may gantimpala at kaluwalhatiang naghihintay sa atin tulad ng natamo ni Hesus pagkatapos N'yang mabuhay na mag-uli. Ngunit ang pagbabagong-anyo na ito ay dapat makatotohanan at bukal sa ating kalooban. Dapat ay tugma ang ating pagnanais sa ating ikinikilos sapagkat kung hindi ay magiging panlabas lang at pakitang tao ang ating ginagawa. Isapuso natin ang isang tunay na pagbabagong-anyo. Magbago tayo para kay Kristo!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)