Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Huwebes, Marso 26, 2009
Reflection: 5th Sunday of Lent Year B - March 29, 2009: PAGPATAY NA NAGBIBIGAY BUHAY
Sabi ng isang text: "Babala sa mga friends ko na di kumakain ng taba, di nagpupuyat, di nagkakape, di umiinom ng alak, di naninigarilyo. Mabubuhay kang malungkot ! Patay na kaming lahat... buhay ka pa!" hehehe... Hindi ito panghihikayat upang tayo ay malulon sa bisyo. Kung sa bagay may mga tao naman kasi na sobra ang pag-iingat sa buhay. May mga iba na napakarami ang pagbabawal sa buhay... bawal ang pork, hipon, karne, itlog...Nag-eenjoy pa kaya sila sa buhay nila? Ang motto nga ng isang kaibigan kong maraming dinadalang sakit sa katawan ay: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die just the same... so why not eat and die!" May pagkapilosopo ang aking kaibigan ngunit kung iisiping mabuti ay may butil ng katotohanan ang nais niyang ipahiwatig. Hindi masama ang magmahal sa buhay at mag-alaga ng ating katawan. Ngunit ang labis na pagmamahal ay hindi na natatama. May babala si Jesus tungkol dito: "Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito..." Markahan ninyo ang salitang... LABIS! Ibig sabihin wala sa lugar, sobra, di na nakakatulong! "Ngunit ang napopoot sa kanyang buhay ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan." Hindi ibig sabihin na dapat nating kamuhian ang ating buhay. Ang pagkapoot na sinasabi dito ay ang "paglimot sa sarili upang magbigay buhay sa iba!" Hinalintulad ni Jesus ang kanyang sarili sa isang butil ng trigo na kinaikailangang mamatay upang magkamit ng bagong buhay. At iyon ay ginawa niya sa pag-aalay ng kanyang buhay sa krus upang tayo ay magkamit ng buhay na walang hanggan. Ang kuwaresma ay naayong panahon upang magpraktis tayo ng "self-dying". Hindi "suicide" o pagkitil ng sariling buhay ang pakahulugan nito. Ang "self-dying" ay may kaugnayan sa "self-denial" na nagtuturo sa ating katawan upang maging disiplinado at mapalakas ang ating "will power". Sa self-denial ay itinatanggi natin sa ating katawan ang maraming bagay na hindi naman talagang masama. Ito ay pagtanggi sa mga bagay na nagbibigay ng kasarapan sa ating buhay. Labis na pagkain, panood ng TV, shopping (para sa mga may pera), computer games, labis na pagtetext, etc... Patayin natin ang masasamang hilig upang mabuhay tayo na disiplinado at makatulong sa iba. Patayin ang labis na pagmamahal sa sarili upang makapaglingkod sa kapwa... Hindi lahat pala ng pagpatay ay masama... may pagpatay na buhay ang ibinibigay.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento