Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Mayo 29, 2009
Reflection: Solemnity of Pentecost Year B - May 31, 2009: KULASISI
Isang paring misyonero na galing Ireland na nakapag-aral ng kaunting tagalog ang naupo sa kumpisalan. Sapagkat kapos ang kanyang bokabularyong nalalaman sa Tagalog ay nagdala siya ng maliit na Tagalog-English Dictionary saka-sakali mang meron siyang salitang hundi maintindihan. Maayos namang naidaos ang unang oras ng kumpisal. Naintindihan niya ang mga kasalanan at nakapagbigay pa siya ng payo. Bigla na lamang may nagkumpisal ng ganito: "Father, patawarin po ninyo ako; ako'y nagkasala. Nagnakaw po ako... yung biyenan ko minura ko... At Father, mayroon po akong ipagtatapat: may dalawa po akong "kulasisi." Biglang napaisip ang pari, "What is "kulasisi?" Binuksan niya ang kanyang pocket dictionary at tiningnan: "Kulasisi: noun, a little bird, good for pet." Sabi ng pari: "Magaling, magaling... dalawa pala ang kulasisi mo. Ibigay mo sa akin ang isa ha?" hehe... Ang hirap nga naman pag di malinaw ang pag-intindi mo sa isang salita. Ang resulta: hindi pagkakaintindihan, maling pagkaunawa, pagkakagulo, pagkakawatak-watak! Ang unang biyayang dulot ng Espiritu Santo ay pagkakaisa. Ito ang narinig natin sa unang pagbasa: "At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu." Bagamat iba't ibang wika ang ipinagkaloob sa kanila ay naiintindihan sila ng mga nakarinig sa kanila. Bakit nagkaganoon? Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: "Iba’t iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito." Ibig sabihin, ang Espiritu Santo ang nag-uugnay at dahilan ng pagkakaisa. Nakakalungkot tingnan ang mga Kristiyanong nagbabangayan at nagsisiraan sa isa't isa. Ang mas nakakalungkot ay may mga taong gumagamit pa ng Salita ng Diyos upang tuligsain ang kanyang kapwa. Ang dapat na epekto ng biyayang kaloob ng Espiritu ay kapayapaan at hindi kaguluhan. Ito ang pambungad na bati ni Jesus pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay. Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo." Tingnan natin ang ating buhay. May kapayapaan ba sa loob ng aking pamilya? May kapayapaan ba sa aking sarili? May kapayapaan ba sa aking kapaligiran? Kung hindi pa natin ito nararanasan ay marahil hindi pa natin hinahayaang maghari ang Espiritu sa ating buhay. Ang Espiritu Santo ay hindi "kulasisi". Ang "kulasisi" ay sumisira, nagwawatak-watak, naghihiwalay sa ugnayan ng pamilya. Ang Espiritu ay nag-uugnay, nagtitipon, nagbubuklod... ang dulot Niya ay kapayapaan at pagkakaisa...
Sabado, Mayo 23, 2009
Reflection: Feast of the Lord's Ascension - May 24, 2009: MGA BUHAY NA SAKSI! (Reposted)
Joke sa isang text: Katutubo 1: Mag-ingat ka s 'yong babaybayin na daan dahil ito'y mapanganib. Kunin mo itong gamot para sa kagat ng ahas baka sakaling ika'y makagat. Kunin mo itong iang bote ng hamog dahil ito'y nakakatanggal ng uhaw at gutom. Dalhin mo ang balaraw na ito ng ating mga ninuno upang maprotektahan ka laban sa mga mababangis na hayop. Natatandaan mo pa ba ang mga sinabi ko? Katutubo 2: Opo ama... basta, txt2 na lang if ever! Katutubo 1: Ok basta miscol me pag feel mo na lost ka. huh?" Iba na nga talaga ang nagagawa ng makabagong teknolohiya lalo na sa aspeto ng komunikasyon. Kahit, mga tao sa liblib na lugar ay nabibiyayaan na nito. Karaniwan nang makakita ka ng "cell phones" at "computers" kahit sa mga bundok at malalayong isla. Tunay na pinaliliit ng makabagong komunikasyon ang ating mundong ginagalawan. Ang Kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa langit ang siya ring pinili ng Simbahan upang ipagdiwang ang "Linggo ng Komunikasyong Pandaigdig". Naaakma sapagkat ng si Hesus ay umakyat sa langit, ay iniwang niya sa mga alagad ang utos na: "Humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa." Isinagawa ito noong una sa pamamagitan ng pagpapasa-pasa ng aral ni Hesus (tinatawag ding tradisyon) sa pamamagitan ng pangangaral at pagsusulat. Sa kasalukuyan ay ipinagpapatuloy pa rin ang mga ito sa mga makabagong pamamaraan ng pakikipagtalastasan: internet, video broadcast, tv & cable, tele conferencing, etc... Bagama't makabago, mawawalan ng saysay ang mga ito kung hindi kapani-paniwala ang mga nagpapahayag. Kaya nga't kasama ng utos ni Hesus ay ang pagiging kanyang mga buhay na saksi! Ang pinaka-epektibo pa ring pamamaraan ng komunikasyon ay ang "pagiging mga totoong saksi ni Kristo!" Sabi sa turo ng Simbahan: "Ang mga tao ngayon ay higit na naniniwala sa mga saksi kaysa mga guro. At kung sakali mang maniwala sila sa mga guro ay sapagkat sila ay mga saksi!" Ang pagiging saksi ay naipapakita sa ating pananalita at pagkilos. Pagpili sa tama at pagtalikod sa masasamang gawain, pagsasabi ng totoo at pag-iwas sa kasinungalingan, pagbibigay ng mabuting halimbawa sa iba sa halip na manirang puri... Marami tayong maaring gawin upang maipahayag ng makatotohanan ang utos ni Jesus. Gamitin natin ng tama ang mga makabagong paraaan ng komunikasyon upang ikalat ang Mabuting Balita ni Hesus! Kahit simpleng text o maikling e-mail message ay makakatulong upang maipalaganap ang Kaharian ng Diyos... Tayo ngayon ang mga buhay na saksi ni Kristo!
KAPISTAHAN NI MARIA MAPAG-AMPON NG MGA KRISTIYANO May 24, 2009 (para sa mga parokya, oratorio, sentro at mga establisyamento na
pinaparangalan siya bilang Patron)
Mayroong isang kuwento na minsan daw sa langit ay naglalakad ang Panginoong Hesus at nakakita siya ng mga di kilalang kaluluwa na gumagala sa Kanyang kaharian. Agad niyang tinawag si San Pedro upang tanungin kung sino ang mga bagong "migrants" na iyon. Walang masabi si San Pedro kaya't katakot-takot na sermon ang inabot niya sa Panginoon. "HIndi ba sabi ko na sa iyong isarado mong mabuti ang pinto upang walang makakapasok dito na hindi natin nalalaman?" Sabi ni Hesus. Tugon ni San Pedro: "Sinasarado ko naman po... kaya lang ang nanay ninyo binubuksan naman ang bintana at doon ipinupuslit ang mga migranteng ito!" hehehe... Marahil isang kuwento lamang ngunit kapupulutan natin ng aral tungkol sa ating Mahal na Birhen. Tunay ngang siya ay "tulong ng mga Kristiyano" o "Help of Christians". Ang kasaysayan ang ating patunay na si Maria ay laging tumutugon sa pangangailanan ng Simbahan. October 7, 1571 ng magapi ng mga mandirigmang Kristiyano ang mga turko sa malamilagrong "Battle of Lepanto. May 24, 1814 ng nakalaya si Pope Pius VII sa pagkakabihag ni Napoleon at nawala ang pagtatangkang sirain ang Simbahan. Noong panahon ni Don Bosco (1815-1888) ay talamak at hayagan ang pagbatikos sa Simbahan ng mga "Anti-clericals". Lahat ng pagsubok na yan ay nalagpasan ng Simbahan sa pamamagitan ng pamimintuho at debosyon sa kanya. Kaya nga't hindi nagdalawang isip si Don Bosco upang kunin siyang patron ng kanyang gawain. Hanggang ngayon ay patuloy ang paggawa ni Maria ng himala at namamagitan siya sa pangangailangan ng Simbahan. Marami pa rin ang sumisira at tumutuligsa sa ating pananampalataya. Hingin natin ang makapangyarihang pamamagitan (intercession) ni Maria... ang Tulong ng mga Kristiyano!
Sabado, Mayo 16, 2009
Reflection: 6th Sunday of Easter Year B - May 17, 2009 - MAG-IBIGAN KAYO!
Ano ba ang pakiramdam ng isang taong walang nagmamahal? Sabi ng isang text na nareceived ko: "ubod ng lungkot... parang aso na walang amo, parang adik na walang damo, parang dinuguan na walang puto, parang zesto na walang straw, parang tinola na walang sabaw, parang babae na walang dalaw, parang bahay na walang ilaw, parang ako na walang ikaw..." hehehe... Kaya siguro bago lisanin ni Jesus ang mundong ito ang kanyang huling habilin ay tungkol sa pag-ibig: "Ito ang iniuutos ko sa inyo: magibigan kayo.” Nakakalungkot lang isipin na mula sa mensaheng ito ay lumitaw ang mahigit 22,000 na magkakaibang relihiyon at sekta na namumuhi at nasusuklam sa isa't isa! Bakit nagkaganoon? Nagkamali ba si Jesus sa pagpapaliwanag kung ano ang dapat na katangian ng pag-ibig? Malinaw ang mga katagang binitiwan ngayon ni Jesus sa Ebanghelyo. Ang unang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magsakripisyo alang-alang sa kapakanan ng iba. "Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan." Ang tunay na nagmamahal ay inuuna ang kapakanan ng iba bago ang sarili. Sulat ng isang binata sa kanyang kasintahan: "handa kong suungin ang mapanganib na gubat para lamang sa iyo. Handa kong lakbayin ang pitong bundok at dagat, makamit lamang ang pag-ibig mo. Handa kong sungkitin ang mga bituin sa kalangitan makamit ko lamang ang matamis mong "Oo"... PS. dadalaw ako sa inyo sa Sabado kung hindi uulan!" Ang tunay na sukatan ng pag-ibig ay sakripisyo! Nangangahulugan ito ng pagbibigay ng sariling oras, kakayahan, karunungan, at kahit kayamanan sa mga taong nangangailangan. Wala sa diksiyonaryo ng taong nagmamahal ang katagang: "Wala akong pakialam!" Ang ikalawang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magmahal sa lahat na walang itinatangi. Ang kaligtasang ibinigay sa atin ni Jesus sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang buhay ay para sa lahat ng tao: ano man ang relihiyon, lahi, kultura, kasarian, pag-uugali niyang taglay. Dapat ang ating pagmamahal ay gayun din. Kalimitan, kinasusuklaman natin ang ating kaaway at malambing lamang tayo sa ating mga kaibigan. Ngunit hindi ito ang gawi ng Panginoon. Ang Panginoon ay nagpakita ng habag at pagmamahal sa mga taong hindi kaibig-ibig, sa mga taong makasalanan. Ang sabi nga ni Andrew E: "Kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay humanap ka ng pangit at ibigin mong tunay!" Ito ang ginawa ng Diyos, hinanap niya tayo! Tayo na pangit dahil sa ating mga kasalanan. Sana tayo rin kayang maghanap sa mga taong hindi nabibigyang pansin, sa mga kapus-palad, sa mga naliligaw ng landas, sa mga kapos sa pagmamahal. Kung susundi lamang natin ng tama ang sinabi ni Jesus mahigit 2,000 taon na ang nakakaraan, ay siguradong mababawasan ang pagkasuklam at pagkagalit sa isa't isa. Ito pa rin ang mensaheng nais niyang iparating sa atin: "Mag-ibigan kayo!"
Sabado, Mayo 9, 2009
Reflection: 5th Sunday of Easter Year B - May 10, 2009 - ANG IKA-APAT NA GABI...
Isang kuwento para sa Mother’s Day: May isang nanay na lubos ang pagmamahal sa kanyang anak na dalaga. Isang gabi, nakita ng nanay ang kanyang anak na subsob ang ulo sa pag-aaral. Halos alas dos na ng madaling araw ay bukas pa rin ang ilaw ng kwarto ng anak sapagkat aninag ito sa ilalim ng pintuan. Kaya’t nagdesisyon siyang kumatok at pangaralan ang anak: “Anak, matulog ka na. Madaling araw na.” Tiningnan siya ng masama ng anak at sinabi: “Nanay, sino ang nag-aaral, ikaw o ako?” “Ikaw...” tulalang sagot ng magulang. “Ako naman pala e! Matulog na kayo!” Paaburidong sagot ng anak. Napahiya ang nanay na bumalik sa kanyang silid. Iyon ang UNANG GABI... Kinabukasan, ginabi ng uwi ang anak. Nagparty sila ng kanyang barkada pagkatapos ng exam. Labis na namang nag-alala ang nanay. Hindi natulog. Hinintay ang anak. Naglabas ng maraming plantsahin at hinarang sa may pintuan ng bahay. Alas dos ng umaga, dumating ang anak. Nagulat siya ng makita ang nanay na nagplaplantsa pa ng damit sa ganung oras. Tinanong ito: “Nanay, ba’t di ka pa natutulog? Umaga na.” Nakasimangot na sagot ng nanay: “Bakit? Sino ba ang namamalantsa ikaw o ako?” “Kayo po” sagot ng anak. “Ganun naman pala eh! Matulog ka na!” Sagot ng nanay na may pagmamalaking nakaganti rin siya. ‘Yon ang IKALAWANG GABI... Kinabukasan, nang ika-apat na gabi... uuups! Alam kong iniisip ninyo? IKATLO PA LANG! Pero sino ba ang nagkukuwento? Ikaw o ako? Kaya making ka na lang! Hehe... Ang mga natatanging ina nga naman... hindi mawawala sa kanila ang “ malapit na pagkakaugnay” sa kanilang mga anak. Nariyan na ang pag-aalala, pagkatakot, pagkainis, pagkagalit kapag nawalay sa kanila ng matagal ang kanilang mga anak. Siguro sapagkat noong bago pa tayo ipanganak ay iisang “umbilical cord” ang nag-uugnay sa atin sa kanila. Kaya nga mayroon din tayong tinatawag na “maternal instinct” na kung saan ay may kakaibang pakiramdam ang nanay kapag nalalagay sa kapahamakan ang kanyang anak. Kung paanong parang hindi mapaghihiwalay ang isang ina sa kanyang anak ay ganito rin ang nais na relasyon ng Diyos sa atin. Sa katunayan ay gumamit pa si Hesus ng mas makahulugang paghahambing, ang ubas at ang kanyang mga sanga. Katulad ng mga sanga ay dapat lagi tayong naka-ugnay kay Hesus, ang puno ng ubas, kung nais nating mamunga. Ang sangang nahihiwalay sa puno ay siguradong mamamatay. Gayun din dapat ang ating mararamdaman kapag nawalay tayo kay Hesus. Gaano ba kahalaga ang Diyos sa aking buhay? Hinahayaan ko bang mahiwalay ang aking sarili sa Diyos sa patuloy kong pamumuhay sa kasalanan? Mabuting pagnilayan natin ito.
Sabado, Mayo 2, 2009
Reflection: 4th Sunday of Easter Year B - May 3, 2009 - BOKASYON... BUKAS YON!
Ang ika-apat na Linggo ng Muling Pagkabuhay ay laging inilalaan ng Simbahan upang ipagdasal ang pagpapalaganap sa bokasyon ng pagpapari at pagiging relihiyoso (madre at lay brother). Ang ebanghelyo ay parating tungkol sa Mabuting Pastol upang paalalahanan tayo ng pangangailangan ng Simbahan ng mabubuting pastol na naayon sa halimbawa ni Jesus.Siya ang Mabuting Pastol na talagang may malasakit para sa kanyang mga tupa na kahit na sariling buhay ay handa niyang ialay para sa kapakanan nila. Ngunit, ang pagiging mabuting pastol ng Panginoon ay ibinahagi niya sa kanyang mga alagad. Mayroon tayong tinatawag na mga "nakababatang mabuting pastol". Ito ang mga hinirang ng Panginoon na mangalaga sa kanyang mga "tupa" sa kabila ng kanilang kakulangan at kahinaan. Sila rin ay ating pinararangalan, pinasasalamatan at ipanagdarasal natin sa araw na ito. Mahirap ipalaganap ang paanyaya sa pagiging "nakababatang mabuting pastol" kung hindi muna natin naiintindihan ang ibig sabihin ng "bokasyon". Ano ba ang ibig sabihin ng bokasyon? Sagot sa aking ng isang bata: "Father ang pinto pag hindi nakasara... bukas yon!" hehehe... Marahil ay nagpapatawa siya ngunit tama ang kanyang sagot. Ang isang pintong bukas ay naghihintay... nag-aanyaya! Ang bokasyon ay ang paghihintay ng Diyos sa kanyang paanyaya sa atin. May pagtawag Siya na dapat nating sagutin. Ang unang pagtawag ng Diyos ay ang tayo ay mabuhay bilang tao (human vocation). Sinasagot natin ito kung nabubuhay tayo ng mabuti at kapag pinagyayaman natin ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos. Ang ikalawang pagtawag ay ang ating pagiging Kristiyano (Christian vocation). Sinasagot natin ito kapag tayo ay nabubuhay na katulad ni Kristo (Christ-like). Ang resulta ay ang pinakamataas na pagtawag ng Diyos sa atin... ang pagiging banal (Call to Holiness!). Isinasagawa natin ang mga ito sa iba't ibang estado ng ating buhay bilang may asawa, single o walang asawa, at bilang pari o relihiyoso. Lahat ay daan tungo sa kabanalan. Kapag tinawag ka ng Diyos sa pagpapari o pagmamadre ay huwag kang mag-dalawang isip sapagkat "Masagana ang ani, ngunit kakaunti ang mag-aani. " Ipagdasal natin na sana ay magpadala ang Panginoon ng maraming magtratrabaho sa bukid. Ang pagiging nakababatang mabuting pastol ay pagtawag din sa ating lahat sapagkat marami sa atin ay mga "tupa" ring pinapastulan... ang magulang sa kanilang mga anak, ang mga anak sa kanilang nakababatang kapatid, ang mga pinuno sa kanilang nasasakupan, ang kabataang lider sa kanyang kapwa kabataan,at marami pang iba. Ipagdasal natin na sana ay maulad tayo sa Mabuting Pastol na laging may malasakit sa kanyang kawan. Sana ang ating bokasyon (pagtawag) ay isang taos-pusong "bukas-yun!"(pagtanggap)...
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)