Sabado, Hunyo 27, 2009

Reflection: Ika-13 Linggo sa Karaninwang Panahon Taon B - June 28, 2009: MABUHAY NA BUHAY!

Gusto mo na bang mamatay? Meganun??? hehe... Walang taong nasa matinong pag-iisip ang magsasabing gusto niyang mamatay! Sa katunayan lahat tayo ay takot sa kamatayan. May isang paring nagpakumpisal. "Padre, patawarin mo po ako sapagkat ako'y nagkasala." "Anung nagawa mong kasalanan anak?" tanong ng pari. "Padre, ako po ay nakapatay ng tao. Marami na po akong napatay." Sagot ng lalaki. "Bakit mo nagagawa ito anak?" muling tanong ng pari. "Kasi Father, galit po ako sa mga taong naniniwala sa Diyos. Lahat po sila ay naniniwala sa Diyos. Ikaw, Father... naniniwala ka rin ba sa Diyos?" Pasigaw na tanong ng kriminal. "Naku iho... hindi... minsan lang, pero trip-trip lang yun!" nangangatog na sagot ng pari. hehehe... Wala talagang may gustong mamatay. Ang normal na kalagayan ng tao ay ang maghangad na mabuhay! Kahit ang Diyos mismo ay ninanais na tayo ay mabuhay. "Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay." Kung gayon ay bakit tayo nakakaranas ng kamatayan? Ang kamatayan ay nanggaling sa kasamaan, sa kasalanan. Ito rin ang binigyang diin sa aklat ng Karunungan: "Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya." Bagamat tinubos tayo ni Hesus sa kasalanan ay hindi niya tinanggal ang kamatayan. Sa halip siya ay nagbigay sa atin ng pag-asa sa harap ng kamatayan! Pag-asa ang ibinigay niya kay Jairo ng ang anak nito ay mamatay. Para sa mga taong may pananalig ay hindi dapat katakutan ang kamatayan. Tayo ay may pananalig kung tayo ay nagtitiwala na may magagawa si Hesus sa ating buhay. Kaya nga ang pagsunod kay Hesus ay bahagi ng ating pananalig sa Kanya. At papaano ko ipinapakita ang pagsunod sa kanya? Una ay ang pag-iwas sa kasalanan na dala ng ating masasamang hilig at pag-uugali at pangalawa ay ang paggawa ng kabutihan sa ating kapwa lalong-lalo na sa mga nangangailangan at kapus-palad. Sa dalawang gawaing ito nakasalalay ang ating kaligayahan. Ito ang magbibigay ng kahulugan sa ating buhay. Tandaan natin ang kasabihang ito: "Our life is a gift from God. How we live our life will be our gift to God!"

Sabado, Hunyo 20, 2009

Reflection: Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon Taon B - June 21, 2009: GOD IS IN-CHARGE!

Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father's Day: Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan. Nalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto ng biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, may kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... magbeer muna tayo!" Sabay labas ng bote ng San Mig Light... Mapagdisiplina ngunit may puso... May prinsipyo ngunit maunawain... Makatarungan ngunit may awa! Saksi ang kasaysayan sa kapangyarihan ng ating Diyos. Siya ang may likha at nagpapairal ng mundo. Siya ang "in-charge" sa lahat ng kanyang ginawa! Kahit ang kalikasan ay sumusunod sa kanyang utos. Nakita natin sa Ebanghelyo kung papaano Niya pahintuin ang malakas na hangin at alon. Sa kabila nito ang Diyos ay may pusong mapagmahal. Nakakaunawa Siya sa ating mga kakulangan at pag-aalinlangan. May mga sandaling nagdududa tayo sa Kanyang kakayahan. May mga sandaling ang akala natin ay "tinutulugan" Niya tayo dahil sa dami ng suliranin at paghihirap nating nararanasan. Ngunit huwag tayong mag-panic... God is in-charge! Nandiyan lamang Siya. Handa Niya tayong samahan. May pakialam Siya sa ating buhay! Sa pagdiriwang ngayon ng "Fathers' Day", sana ay makita at maramdaman din natin ang Diyos bilang tatay na dapat nating pagtiwalaan at mahalin. Totoo na dapat ay may takot din tayo sa Kanya, ngunit pagkatakot na dala ng pagmamahal. Sapagkat ang Diyos ay Ama na may malasakit sa ating kapakanan at kinabukasan. Happy Fathers' Day sa inyong lahat!

Sabado, Hunyo 13, 2009

Reflection: KAPISTAHAN NG KABANAL-BANALANG KATAWAN AT DUGO NG PANGINOON - June 14, 2009 - YOU ARE WHAT YOU EAT! (Revised)

Ang sarap talagang kumain! Lalo na kapag "eat all you can!" Pero ang ipinagtataka ko ay bakit hindi ako makuntento sa aking kinakain? Parang kulang pa... parang laging bitin! Kaya nga marami sa atin ay kain ng kain hanggang wala tayong kamalay-malay na dumodoble na ang ating leeg, lumalapad na ang ating braso, kumakapal na ang ating bilbil! hehehe... May pilisopiyang pinanghahawakan ang ganitong mga tao: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die just the same. So why not eat and die!" Pansinin mo ang iyong pagkain. May nangyayari bang kakaiba bukod sa pinabibigat nito ang iyong timbang? Baka naman nguya ka lang ng nguya at lunok ng lunok na wala kang pakialam sa ginagawa ng pagkain sa 'yo? Merong nangyayari na hindi natin namamalayan... nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain. We become what we eat...! Kaya nga ingat...! Kapag puro baboy ang kinakain mo e magmumukha ka ring baboy! Kapag kambing naman ay malamang maging amoy kambing ka! Kapag puro junk foods naman ay magiging junk din ang katawan mo... You become what you eat! Ngayon ko naintindihan kung bakit inalay ni Hesus ang kanyang sarili sa atin upang ating maging pagkain... gusto niyang maging katulad Niya tayo! In the Eucharist... we become like Christ!... Nagiging katulad natin S'ya! Ganito ba talaga ang nangyayari pagkatapos nating magkomunyon? Nagiging katulad ba ni Kristo ang ating pag-iisip? Ang ating pananalita? Ang ating pagkilos? Kaya naman pala kahit "eat all you can" ang ating pagtanggap ng Komunyon ay parang no effect sa atin ay sapagkat hindi natin ipinapakitang nagiging katulad Niya tayo. Sana pagtinanggap natin Siya sa Banal na Komunyon ay maging mas maunawain tayo. Maging mas mapagpatawad, mapag-aruga, magpagpakumbaba... Become what you eat... become like Christ!

Biyernes, Hunyo 5, 2009

Reflection: KAPISTAHAN NG BANAL NA SANTATLO (Holy Trinity) Taon B - June 7, 2009: ANG AKING DIYOS NA 3 IN 1

Alam n'yo bang ang kape palang may gatas ay mas lalong nakapagpapalakas ng kaba? Totoo!!! Ang kape, walang duda ay nakapagbibigay ng kaba (nakagpapabilis ng palpitation ng puso!). Ang gatas naman ay pampalakas. Resulta: ang kapeng may gatas ay pampalakas ng kaba! hehe... Ganun pa man, ako ay isang certified coffe addict! Grabe! Hindi ako makakatulog sa gabi kapag hindi ako umiinom ng kape. Marami na rin akong kapeng natikman... from brewed o barakong kape ng batanggas to fraps o fancy cofee ng starbucks. Natikman ko pa nga ang exotic na "kape alamid". Special daw ang kapeng ito na ang beans ay galing sa "shit ng Alamid" hehehe! Talagang mapapa... (sorry for the word) SHIT ka pag nainom mo ito! PhP 170 ba naman sa isang maliit na expresso cofee! hehehe... sabi ko sa sarili ko... doon na lang ako sa aking 3 in 1 na Nescafe! Tubig lang na mainit ang kelangan mo... enjoy ka na! Kalimitan ay ginagawa nating kumplikado ang ating buhay. Kung iisipin ay simple lang naman ito tulad ng kape. Parang Diyos... ginagawa natin Siyang kumplikado sa ating isipan. Pilit nating siyang "pinagkakasya" sa ating isipan ngunit hindi naman maari. Pilit natin inuunawa ang kanyang "misteryo" upang sa kahuli-hulihan ay maunawaan nating "puso" at hindi "utak" ang ginagamit upang maintindihan ang Diyos. Ibig sabihin,ang mga taong marunong lang magmahal ang nakakaunawa sa Diyos! Minsan daw ay naglalakad si San Agustin sa tabing dagat. Pilit niyang iniisip kung papaanong nagkaroon ng "Isang Diyos ngunit may tatlong Persona". Habang siya ay nagmumuni-muni ay nakita niya ang isang batang pabalik-balik na sumasalok ng tubig sa dagat at pilit na pinupuno ang maliit na hukay na kanyang ginawa. "Anong ginagawa mo?" tanong niya sa bata. "Gusto ko pong ilipat ang tubig ng dagat sa butas na ito." sagot ng bata. "Hindi mo maaring gawin yan, napakalawak ng dagat!" tugon niya. "Ganyan din ang ginagawa mo ngayon. Pilit mong pinagkakasya ang Diyos sa maliit mong isipan!" At biglang naglaho ang bata. Noong si Mother Theresa, ay buhay pa, siya ay naimbitahang magsalita sa harap ng maraming "Theologians". Isa lang ang sinabi niya sa matatalinong taong iyon na nakikinig sa kanya: "Love Jesus..." "Mahalin ninyo si Jesus!" Tama nga naman sapagkat ang Diyos ay pag-ibig at mauunawan lamang Siya ng mga taong marunong magmahal. Kaya nga ako... kuntento na sa aking Diyos na 3 in 1. Ang Diyos Ama na sapagkat labis na nagmahal sa akin ay nagbigay ng Kanyang bugtong na Anak at patuloy na gumagabay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Hindi ko man S'ya lubos na maintindihan, kung bakit 3 in 1, ay alam ko namang mahal N'ya ako at nais Niyang mahalin ko rin Siya. Nais Niyang Siya'y aking mahalin sa halip na unawain. Ang tanong: "Masasabi ko ba na sa aking buhay ay minahal ko kahit na isang sandali ang Diyos?" Baka naman malimit ko Siyang ipinagpapalit sa mga makamundong bagay tulad ng barkada, trabaho, pera, kagamitan at nagiging "optional" na lamang Siya sa aking buhay! Sa tuwing sisipsip ka ng kape... kape ng starbucks man, alamid cofee, o simpleng Nescafe, dapat ay lagi mong maalaa ang Diyos na 3 in 1 na nagmahal sa iyo ng lubos. Coffee... anybody???