Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Hunyo 5, 2009
Reflection: KAPISTAHAN NG BANAL NA SANTATLO (Holy Trinity) Taon B - June 7, 2009: ANG AKING DIYOS NA 3 IN 1
Alam n'yo bang ang kape palang may gatas ay mas lalong nakapagpapalakas ng kaba? Totoo!!! Ang kape, walang duda ay nakapagbibigay ng kaba (nakagpapabilis ng palpitation ng puso!). Ang gatas naman ay pampalakas. Resulta: ang kapeng may gatas ay pampalakas ng kaba! hehe... Ganun pa man, ako ay isang certified coffe addict! Grabe! Hindi ako makakatulog sa gabi kapag hindi ako umiinom ng kape. Marami na rin akong kapeng natikman... from brewed o barakong kape ng batanggas to fraps o fancy cofee ng starbucks. Natikman ko pa nga ang exotic na "kape alamid". Special daw ang kapeng ito na ang beans ay galing sa "shit ng Alamid" hehehe! Talagang mapapa... (sorry for the word) SHIT ka pag nainom mo ito! PhP 170 ba naman sa isang maliit na expresso cofee! hehehe... sabi ko sa sarili ko... doon na lang ako sa aking 3 in 1 na Nescafe! Tubig lang na mainit ang kelangan mo... enjoy ka na! Kalimitan ay ginagawa nating kumplikado ang ating buhay. Kung iisipin ay simple lang naman ito tulad ng kape. Parang Diyos... ginagawa natin Siyang kumplikado sa ating isipan. Pilit nating siyang "pinagkakasya" sa ating isipan ngunit hindi naman maari. Pilit natin inuunawa ang kanyang "misteryo" upang sa kahuli-hulihan ay maunawaan nating "puso" at hindi "utak" ang ginagamit upang maintindihan ang Diyos. Ibig sabihin,ang mga taong marunong lang magmahal ang nakakaunawa sa Diyos! Minsan daw ay naglalakad si San Agustin sa tabing dagat. Pilit niyang iniisip kung papaanong nagkaroon ng "Isang Diyos ngunit may tatlong Persona". Habang siya ay nagmumuni-muni ay nakita niya ang isang batang pabalik-balik na sumasalok ng tubig sa dagat at pilit na pinupuno ang maliit na hukay na kanyang ginawa. "Anong ginagawa mo?" tanong niya sa bata. "Gusto ko pong ilipat ang tubig ng dagat sa butas na ito." sagot ng bata. "Hindi mo maaring gawin yan, napakalawak ng dagat!" tugon niya. "Ganyan din ang ginagawa mo ngayon. Pilit mong pinagkakasya ang Diyos sa maliit mong isipan!" At biglang naglaho ang bata. Noong si Mother Theresa, ay buhay pa, siya ay naimbitahang magsalita sa harap ng maraming "Theologians". Isa lang ang sinabi niya sa matatalinong taong iyon na nakikinig sa kanya: "Love Jesus..." "Mahalin ninyo si Jesus!" Tama nga naman sapagkat ang Diyos ay pag-ibig at mauunawan lamang Siya ng mga taong marunong magmahal. Kaya nga ako... kuntento na sa aking Diyos na 3 in 1. Ang Diyos Ama na sapagkat labis na nagmahal sa akin ay nagbigay ng Kanyang bugtong na Anak at patuloy na gumagabay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Hindi ko man S'ya lubos na maintindihan, kung bakit 3 in 1, ay alam ko namang mahal N'ya ako at nais Niyang mahalin ko rin Siya. Nais Niyang Siya'y aking mahalin sa halip na unawain. Ang tanong: "Masasabi ko ba na sa aking buhay ay minahal ko kahit na isang sandali ang Diyos?" Baka naman malimit ko Siyang ipinagpapalit sa mga makamundong bagay tulad ng barkada, trabaho, pera, kagamitan at nagiging "optional" na lamang Siya sa aking buhay! Sa tuwing sisipsip ka ng kape... kape ng starbucks man, alamid cofee, o simpleng Nescafe, dapat ay lagi mong maalaa ang Diyos na 3 in 1 na nagmahal sa iyo ng lubos. Coffee... anybody???
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento