Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Nobyembre 28, 2009
BAGONG TAON: Reflection for 1st Sunday of Advent Year C - November 29, 2009
"Happy New Year sa inyong lahat!" Pambungad na bati ko sa misa. Napansin kong nakatulala ang mga tao at mukhang lito kung ano ang isasagot... "Merry Christmas" ba o "Happy New Year?" Totoo nga naman papasok pa lang ang buwan ng Disyembre. Inilalatag pa lang ang mga bibingka at puto bungbong sa labas ng simbahan. Isinasabit pa lang ang mga parol sa bintana. Nagpraparaktis pa lang mag-carolling ang mga bata... happy new year na? Oo... NEW YEAR NA! Ang Unang Linggo ng Adbiyento ang BAGONG TAON NG SIMBAHAN! Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay nilalaan nating panahon para "paghandaan" ang paggunita sa pagsilang ng ating Panginoong Jesus. Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party... Siguro kailangan ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ngunit hindi lang ito ang paghahanda para sa isang masaya at makahulugang Pasko. Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin. Si San Pablo ay nagpapaalala sa atin: "Kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus." Sa Ebanghelyo naman ay pinapaalalahanan tayo ni Hesus: "Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa loo b at wala sa labas: Tanggalin ang masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso! Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Hindi tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong. Dapat lang... sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan". Masyado ng maingay ang mundo. Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo nating pagninilayan ang paghahanda sa pagsilang ni Jesus. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating tahanan o simbahan bagkus magsilbing paalala na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. Halina Hesus! Manatili ka sa aming piling!
Sabado, Nobyembre 21, 2009
THE RETURN OF THE KING: Reflection for Christ the King Year B - November 22, 2009
Masyado ng sikat ang ating pambansang kamao... Manny Pacquiao! Sa katunayan sa kanyang muling pagbalik bilang kampeon ay pinarangalan pa siyang "Datu" in the Order of Sikatuna ng ating Pangulo. Ito'y isang parangal na iginagawad sa mga taong nagbigay ng kakaibang karangalan sa ating bansa. Sa kanyang muling pagbabalik ay akmang-akma ang isang poster na aking nakita sa internet: Manny Pacquaio as "Lord of the Rings: The Return of the King!" (tingnan ang imahe). Totoo nga naman siya ang Lord of the Rings (boxing ring nga lang!) at sa kanyang pagbabalik ay siya ang itinanghal na hari!(ng boxing) Ang hari ay hinahangaan, iginagalang, sinusunod, pinagpipitagan ng kanyang mga nasasakupan. Sa Ebanghelyo, nang si Hesus ay kinausap ni Pilato, ang itinanong sa kanya ay: "Ikaw ba ang hari ng mga Judio?" Hindi nagpatumpik-tumpik si Hesus at nilinaw pa niya ang kanyang uri ng pagiging hari: “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” Malinaw na hindi ang makamundong uri ang paghahari ni Hesus. Kung susuriin pa nga nating mabuti ay masasabi nating ang paghahari ni Hesus ay paghahari ng isang pinunong-lingkod O "servant-leader" sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Sa mundo ang hari ay pinaglilingkuran. Si Hesus bilang hari ay naglilingkod! Sa mundo ang hari ay iginagalang at pinagpipitagan. Si Hesus bilang hari ay nilapastangan at pinahirapan. Sa mundo ang hari ay sinusunod. Si Hesus bilang hari ay winalang bahala ng kanyang mga kababayan. Kapag pinararangalan natin si Hesus bilang Kristong Hari ay sinasabi nating tayo rin bilang kanyang nasasakupan ay dapat maging "servant-leader na kung saan ang kadikalaan ay wala sa bigat ng ating posisyon o pag-aari ngunit nasa kadakilaan ng isang tunay na paglilingkod. Huwag tayong masiraan ng loob kung ang ating pagpapakabuti ay hindi umaani ng papuri o "recognition". Huwang ring sasama ang ating loob kung palaging tayo na lamang ang naglilingkod samantalang ang karamihan ay nagpapakarasap sa kanilang buhay! Huwag tayong magagalit kung ang ating mga nasasakupan ay ayaw sumunod sa atin. Sapat lang na ipagpatuloy natin ang pagiging mabuting Kristiyano sa pagbibigay ng mabuting halimbawa at paggawa ng kabutihan sa lahat. At sa pagbabalik ng tunay na Hari sa katapusan ng sanlibutan, (the return of the King) ay mabibigyan tayo ng gantimpala dahil sa ating katapatan sa Haring ating pinaglilingkuran. Mabuhay si Kristong Hari!
Sabado, Nobyembre 14, 2009
DOOMSDAY: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year B - November 15, 2009
Isang baguhang miyembro ng Lector and Commentators Ministry ang naatasang magbasa ng First Reading sa isang Sunday English Mass. Dahil marahil sa "first time" n'yang magbasa ay naunahan s'ya ng kaba at takot. Nanginginig niyang sinumulan ang pagbasa at nang matapos ito ay nakalimutan n'ya ang dapat sabihin. Nag-improvised na lang ang bagitong lector at sinabing: "This is the end of the world (na dapat ay Word)"... sagot naman ang mga tao: "Thanks be to God!" Mukha nga namang katawa-tawa na sabihin mong "Thanks be to God!" kung magugunaw na ang mundo. Sa ating Ebanghelyong narinig para sa Linggong ito ay parang tinatakot tayo ni Hesus: “Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng mga napakalaking kapighatian, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. At makikita ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na panig ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang ng Diyos, mula sa lahat ng dako." Paano mo nga naman sasabihing "thanks be to God" yun? Ngunit ito ay isang katotohanan na hindi natin matatakasan. Ang tawag ng iba dito ay DOOMSDAY. Nakakatakot na araw! Ang araw ng paggunaw ng mundo! Ang katapusan ng sanlibutan! Sa katunayan ay may hula pa nga na ito ay mangyayari sa December 21, 2012. Ngunit iba dapat ang pag-intindi dito ng isang Kristiyano. Alam natin na ang buhay natin sa mundo ay may katapusan. Ngunit ang katapusang ito ay simula lamang ng ating magiging tunay na buhay. Ito ang tinatawag nating "Araw ng Paghuhukom", the time of reckoning, the day of justice... na kung saan ay gagantimpalaan ng Panginoon ang mga taong nanatiling tapat sa Kanya at paparusahan ang mga namuhay na masama. Kaya wag tayong masiraan ng loob kung nakikita nating parang baliktad ata ang takbo ng mundo: na ang nagpapakabuti ay naghihirap at ang mga nagpapakasama ay gumiginhawa ang buhay! May katapusan ang lahat ng pagpapakasarap sa mundo. Hindi naman ata makaratarungan sa mga nagpapakabuti kung pareho lang ng mga masasama ang kanilang gantimpalang tatanggapin sa "huling araw". Ang hinihingi ng Panginoon ay ang ating pagtitiyaga kung paanong pinagtitiyagaan n'ya ang ating pagiging makasalanan. Wala tayong dapat ikatakot kung mabuti naman tayong namumuhay bilang mga Kristiyano. May isang batang naglalaro ng basketball at ng tanungin siya kung ano ang kanyang gagawin kung sa mga sandaling yaon ay magugunawa na ang mundo, ang kanyan sagot ay ito: "Ipagpapatuloy ko po ang paglalaro ko ng Basketball!" Nais lang sabihin ng bata na wala siyang dapat ikatakot sapagkat handa siya anumang oras siyang matagpuan ng oras ng paghuhukom. Kaya nga't wala tayong dapat katakutan sa araw at oras na iyon na kung saan ay susulitin ng Diyos ang ating buhay. Hindi Niya gawain ang manakot bagkus ang lagi niyang ginagawa ay magpaalala sa atin sa mga bagay na dapat nating pinaghahandaan at pinahahalagahan. Mahalaga ang ating buhay sa mundo. Mahalaga rin ang ating buhay na naghihintay sa kabila. Pareho natin silang bigyan ng pagpapahalaga sa pamamagitan ng pamumuhay ng mabuti. Kung magsimba ka man at marinig mong magkamali ang tagabasa ng Salita ng Diyos at sabihing: "This is the end of the world..." ay masasabi mo pa rin ng walang pagkatakot: "Thanks be to God!" At me pahabol pang: "Alelluia!" sapagkat handang-handa ka!
Sabado, Nobyembre 7, 2009
ANG TUNAY NA DIWA NG PAGBIBIGAY: Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year B - November 8, 2009
Minsan daw ay nag-usap-usap ang mga pera sa bangko sentral. Pinagkukuwentuhan nila ang mga lugar na kanilang narating. Sabi ng isang libo: "Ako, parating nasa malls, nasa mamahaling mga botique at tindahan sa Greenbelt 5!" Sabi ng limang daan at isang daan: "Kami, parating nasa supermarket at department stores. Papalit-palit kami sa kamay ng mga tao! Napansin nilang malungkot ang mga baryang piso at limang piso sa isang tabi. "Ba't kayo malungkot? Saan naman kayo nakakarating?" Sagot nila: "Yun nga eh! nakakaboring ang buhay namin. Lagi na lang kaming nasa simbahan... simbahan... simbahaaan!" Bakit nga ba ganoon? Ang daling maglabas ng pera kapag pinagagastusan ay ang sarili. Pero kapag para sa iba na ang pinaggagastusan ay parang ang hirap-hirap dumukot sa bulsa ng kahit isang kusing! Itong nagdaang kalamidad ay may sinasabi rin tungkol sa ating pag-uugali sa pagbibigay. Maraming tao ang nasalanta ng mga bagyong nagdaan at marami rin ang lumabas sa kanilang sarili upang tumulong. May mga taong lubos at bukal sa kalooban ang pagtulong sa kapwa. May mga iba rin naman na mababaw ang motibo sa pagtulong. Ano nga ba diwa ng tunay na pagbibigay? May kasagutan ang Ebanghelyo ngayong Linggo. Pinuri ni Hesus ang babaeng balo sa pagbibigay niya ng abuloy. Hindi sapagkat malaki ang halaga ng kanyang ibinigay, ngunit dahil sa ibinigay niya ang lahat! “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.” Ang tunay na pagbibigay ay may kasamang sakripisyo, may paghihirap kang dapat na mararamdaman kapag tunay kang nagbigay! Nakakatawang isipin na parang hirap na hirap pakawalan ang isang "LV bag", bracelet, sapatos... para sa mga kababayan nating naghihirap. Gaano ba kahalaga ang mga ito sa laki ng kanilang kinikita? Mumo lang 'yon ng kanilang kayamanan! Kung nais nating matutunan ang tunay na pagbibigay ay sapat lamang na tumingin tayo sa krus. Doon ay makikita natin ang tunay na diwa ng pagbibigay. Pagbibigay na walang hinihintay na kapalit. Pagbibigay na katumbas ay buhay. Pagbibigay na tanda ng pagmamahal. Kailan ka huling nagbigay na nasaktan ka dahil may ibinahagi ka na nagmumula sa iyong sarili? Magandang pag-isipan natin ito. Baka mababaw pa rin ang ating motibo sa pagtulong. Baka kailangan pa ring salain ang ating motibasyon at intensiyon kapag tayo'y nagbibigay. Ang sabi nga ni Mother Teresa ng Calcutta: "We love and love until it hurts... until we realize and feel that there is no more hurt but love..."
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)