Isang baguhang miyembro ng Lector and Commentators Ministry ang naatasang magbasa ng First Reading sa isang Sunday English Mass. Dahil marahil sa "first time" n'yang magbasa ay naunahan s'ya ng kaba at takot. Nanginginig niyang sinumulan ang pagbasa at nang matapos ito ay nakalimutan n'ya ang dapat sabihin. Nag-improvised na lang ang bagitong lector at sinabing: "This is the end of the world (na dapat ay Word)"... sagot naman ang mga tao: "Thanks be to God!" Mukha nga namang katawa-tawa na sabihin mong "Thanks be to God!" kung magugunaw na ang mundo. Sa ating Ebanghelyong narinig para sa Linggong ito ay parang tinatakot tayo ni Hesus: “Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng mga napakalaking kapighatian, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. At makikita ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na panig ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang ng Diyos, mula sa lahat ng dako." Paano mo nga naman sasabihing "thanks be to God" yun? Ngunit ito ay isang katotohanan na hindi natin matatakasan. Ang tawag ng iba dito ay DOOMSDAY. Nakakatakot na araw! Ang araw ng paggunaw ng mundo! Ang katapusan ng sanlibutan! Sa katunayan ay may hula pa nga na ito ay mangyayari sa December 21, 2012. Ngunit iba dapat ang pag-intindi dito ng isang Kristiyano. Alam natin na ang buhay natin sa mundo ay may katapusan. Ngunit ang katapusang ito ay simula lamang ng ating magiging tunay na buhay. Ito ang tinatawag nating "Araw ng Paghuhukom", the time of reckoning, the day of justice... na kung saan ay gagantimpalaan ng Panginoon ang mga taong nanatiling tapat sa Kanya at paparusahan ang mga namuhay na masama. Kaya wag tayong masiraan ng loob kung nakikita nating parang baliktad ata ang takbo ng mundo: na ang nagpapakabuti ay naghihirap at ang mga nagpapakasama ay gumiginhawa ang buhay! May katapusan ang lahat ng pagpapakasarap sa mundo. Hindi naman ata makaratarungan sa mga nagpapakabuti kung pareho lang ng mga masasama ang kanilang gantimpalang tatanggapin sa "huling araw". Ang hinihingi ng Panginoon ay ang ating pagtitiyaga kung paanong pinagtitiyagaan n'ya ang ating pagiging makasalanan. Wala tayong dapat ikatakot kung mabuti naman tayong namumuhay bilang mga Kristiyano. May isang batang naglalaro ng basketball at ng tanungin siya kung ano ang kanyang gagawin kung sa mga sandaling yaon ay magugunawa na ang mundo, ang kanyan sagot ay ito: "Ipagpapatuloy ko po ang paglalaro ko ng Basketball!" Nais lang sabihin ng bata na wala siyang dapat ikatakot sapagkat handa siya anumang oras siyang matagpuan ng oras ng paghuhukom. Kaya nga't wala tayong dapat katakutan sa araw at oras na iyon na kung saan ay susulitin ng Diyos ang ating buhay. Hindi Niya gawain ang manakot bagkus ang lagi niyang ginagawa ay magpaalala sa atin sa mga bagay na dapat nating pinaghahandaan at pinahahalagahan. Mahalaga ang ating buhay sa mundo. Mahalaga rin ang ating buhay na naghihintay sa kabila. Pareho natin silang bigyan ng pagpapahalaga sa pamamagitan ng pamumuhay ng mabuti. Kung magsimba ka man at marinig mong magkamali ang tagabasa ng Salita ng Diyos at sabihing: "This is the end of the world..." ay masasabi mo pa rin ng walang pagkatakot: "Thanks be to God!" At me pahabol pang: "Alelluia!" sapagkat handang-handa ka!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento