Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Abril 17, 2010
Believe in A God BELIEVE IN A GOD WHO BELIEVES IN YOU! : Reflection for 3rd Sunday of Easter Year C - April 18, 2010
Usong-uso ngayon ang mga "cheezy text" kung tawagin! Sa katunayan sa dami ng ganitong uri ng texts ay nakagawa at napasikat ang isang kanta na pinamagatang "Mahal kita... kasi!" Ganito ang ilang banat ng kanta: "Bangin ka ba kasi... nahuhulog na ang puso ko sa 'yo kasi! Unggoy ka ba kasi sumasabit na ang puso ko naman kasi! Pustiso ka ba... You know I can't smile without you..." May nagtext pa nga sa akin: "Alam mu feeling ko d ako magaling pag target... lagi kasi kitang NAMIMISS!" Namiss din ba kaya ng mga alagad si Jesus? Ayon sa Ebanghelyo, pagkatapos mamatay ni Jesus ay hindi naman agad sila naniwala na siya ay muling nabuhay. Sa katunayan ay nagdesisyon silang ituloy ang kanilang normal na buhay... ang pangingisda. Dito nagpakita si Hesus sa kanila at muling pinukaw ang kanilang natutulog na pananampalataya! Nang maibulalas ni Juan na "Ang Panginoon iyon!" ay agad-agad na lumusong si Pedro ay nilapitan si Jesus. Namiss ni Pedro ang kanyang bossing! Namiss niya ang kanyang kaibigan. Namiss niya ang kanyang Panginoon! At dito nga naganap, pagkatapos nilang kumain ang "cheezing" pag-uusap ng Panginoon at alagad! “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Tatlong beses tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal siya nito. Lubhang nasaktan si Pedro sa ikatlong pagtatanong ni Jesus sapagkat marahil ay bumalik sa kanyang ala-ala kung paano niyang maikatlong ulit na itinatwa ang kanyang Panginoon! Ngunit sa kabila ng karupukan ni Pedro ay nakita ni Jesus ang isang "bato"... matatag, di matitinag, lubos ang katapatan! Kaya nga ibinigay sa kanya ni Jesus ang pamamahala sa kanyang mga "tupa". May Pedro rin sa bawat isa sa atin. Madaling magkamali, mahina at kung minsan pa nga ay paulit-ulit sa ating kamalian. Ngunit ang Diyos ay naniniwala na mayroon din tayong katatagan, na kaya rin nating maging tapat at umahon sa ating pagkakadapa! Naniniwala siya na kaya rin nating bumalik at itama ang ating pagkakamali. Sabi ng isang librong aking nabasa: "Believe in a God who believes in you!" May tiwala ang Diyos sa atin kaya dapat lang na hindi mawala ang ating pagtitiwala sa Kanya!
Biyernes, Abril 2, 2010
LIWANAG SA DILIM (Reposted & Revised): Reflection for Easter Sunday - April 4, 2010
Araw ngayon ng kaliwanagan... napawi na ang dilim ng kamatayan! At kailanman ay hindi mananaig ang kadiliman sa kaliwanagan! May kuwento ng dalawang magtextmate. Si "Haring Dilim" at si "Reyna Liwanag". Nagtext si Dilim kay Liwanag "Hi!" Sagot si liwanag: "Hu u?" Sagot ni dilim: "4get me na alredy? I'm ur fren... darky!" at me sumunod pang text, "me lonely hir. wanna visit me?" Sagot ni liwanag:" "sure! Ktakits!" At bumisita si reyna liwanag kay haring dilim. Ngunit pagdating sa kaharian ni haring dilim ay wala syang makita. "Wer r u na? D2 na me!" Sagot si dilim: "Her me na sa harap mo noh?... can't u c me?" Sagot uli si Liwanag: "Wer r u na nga? Kanina pa me dito!" Sagot naman ni Dilim: "Hir na nga! Katabi na nga kita eh!" Sagot ni Liwanag: "U joke me ha? Wala ka naman eh! Makaalis na nga! Me lakad pa me!" Sa totoo lang walang makikitang Dilim si Liwanag. Hindi sila magtatagpo sapagkat nabalot na ng kanyang kaliwanagan ang kadiliman... Ganito rin ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kamatayan at kasalanan! Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila nila ay ninakaw ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan.Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli... magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ngayon. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakaalipin sa kasalanan kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin sa Ehipto. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Huwag tayong matakot! Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan at hindi alipin ng kadiliman. TAYO NA SA LIWANAG! MABUHAY TAYONG MULI KASAMA NI KRISTO! ALELUYA! ALELUYA!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)