Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Abril 2, 2010
LIWANAG SA DILIM (Reposted & Revised): Reflection for Easter Sunday - April 4, 2010
Araw ngayon ng kaliwanagan... napawi na ang dilim ng kamatayan! At kailanman ay hindi mananaig ang kadiliman sa kaliwanagan! May kuwento ng dalawang magtextmate. Si "Haring Dilim" at si "Reyna Liwanag". Nagtext si Dilim kay Liwanag "Hi!" Sagot si liwanag: "Hu u?" Sagot ni dilim: "4get me na alredy? I'm ur fren... darky!" at me sumunod pang text, "me lonely hir. wanna visit me?" Sagot ni liwanag:" "sure! Ktakits!" At bumisita si reyna liwanag kay haring dilim. Ngunit pagdating sa kaharian ni haring dilim ay wala syang makita. "Wer r u na? D2 na me!" Sagot si dilim: "Her me na sa harap mo noh?... can't u c me?" Sagot uli si Liwanag: "Wer r u na nga? Kanina pa me dito!" Sagot naman ni Dilim: "Hir na nga! Katabi na nga kita eh!" Sagot ni Liwanag: "U joke me ha? Wala ka naman eh! Makaalis na nga! Me lakad pa me!" Sa totoo lang walang makikitang Dilim si Liwanag. Hindi sila magtatagpo sapagkat nabalot na ng kanyang kaliwanagan ang kadiliman... Ganito rin ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kamatayan at kasalanan! Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila nila ay ninakaw ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan.Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli... magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ngayon. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakaalipin sa kasalanan kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin sa Ehipto. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Huwag tayong matakot! Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan at hindi alipin ng kadiliman. TAYO NA SA LIWANAG! MABUHAY TAYONG MULI KASAMA NI KRISTO! ALELUYA! ALELUYA!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento