Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Mayo 29, 2010
ALL IS GIVEN! : Kapistahan ng Banal na Santatlo Taon C - May 30, 2010
Linggo, Mayo 9, 2010
MAG-IBIGAN SA HALALAN: Reflection for 6th Sunday of Easter - Year C : May 9, 2010
Isang ngo-ngo ang despiradong nagdasal sa loob ng Simbahan. Lagi na lang siyang niloloko ng kanyang mga kasama dahil sa kanyang kapansanan kaya't naisip niyang tanungin ang Diyos kung talagang mahal pa siya nito. Sabi niya: "Mainoon, maal mo ma ao? Mait ao niloloko ng mga tao? Umaot ka kun indi, magpapaamatay ao!" May nakarinig pala sa kanya... isang ngo-ngo rin na nakasimpatya sa kanyang abang kalagayan kaya't sumagot siya na patago. "Ngo-ngo... maal na maal ita. Iniiip nilay indi maalaa. Maal ita maing ino a man..." Sagot si ngo-ngo: "Mainoon... ngo-ngo a rin?" May tama si ngo-ngo! Sobrang mahal siya ng Diyos. Sa sobrang pagmamahal na ito ay nakiramay siya sa ating abang kalagayan. Kinuha niya ang ating pagka"ngo-ngo"... ang ating kahinaan bilang tao. Kaya nga't tama si San Pablo ng ipinaliwanag niya kung ano ang pag-ibig: "Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak..." Isa lang ang hangarin ng Diyos para sa atin: ang manatili tayo sa Kanyang pag-ibig. Ano ang kanyang kundisyon? "Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig." At ano ang kanyang utos? Para ng sirang plaka na lagi nating naririnig: "....mag-ibigan kayo!" Nangyayari ba ito sa ating kapaligiran ngayon? Patuloy pa rin ang bangayan sa pulitika. Patuloy pa rin ang pandaraya at panlalamang sa kapwa. Patuloy pa rin ang paggamit at pagsasamantala sa mga mahihirap. Patuloy pa rin ang pagkamakasarili ng mga tao... Natapos na kagabi ang pangangampanya para sa halalan. Sana ay natapos na rin ang paninira, pag-alipusta sa kapwa, pag-aakusa, pagsasamantala sa mga mahihina. Sana ang mga maihahalal na pinuno ay magpakita ng tunay na malasakit at pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng mapagkumbabang paglilingkod at ang mga hindi papalarin naman ay magpakita ng makataong pagtanggap ng kagustuhan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagkamaginoo sa kabila ng pagkatalo. Siguro nga, dapat pang ulit-ulitin ang utos ni Jesus. Ulit-ulitin hanggang ang mundo ay mabalot ng kanyang pag-ibig!