Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Mayo 29, 2010
ALL IS GIVEN! : Kapistahan ng Banal na Santatlo Taon C - May 30, 2010
May kasabihan tayo sa ingles na "All good things come in three!" Siguro nga. Kaya siguro kapag nagbigay ka ng rosas sa taong mahal mo ay nagbibigay ka ng tatlo. Kapag nagbigay ang "genie" ng kahilingan ay dapat tatlo lang! Kapag nagbilang ka upang simulan ang isang bagay ay "One... two... three... GO!!!" Nagbibigay din ng kaligayahan ang "tatlo". Naririyan ang grupo ng "Three Stooges" nung kapanahunan ng mga lolo at lola natin. Sumikat din ang Big Three Sulivans, (nakakarelate ba kayo?), Apo Hiiking Society, Tito, Vic & Joey (ayan kilala n'yo na siguro!). Sa "numerology", ang numerong 3 ay sumasagisag sa kahulugang "all is given!" sapagkat tinataglay nito ang simula, gitna at katapusan. Kaya nga't ginagamit ito sa pagsasalarawan ng maraming katotohanan: halimbawa ay 1) heaven, earth and water, 2)body, soul and spirit, 3) birth, life and death, 4) past, present and future. Kahit sa Bibliya ay makikita ang paggamit ng sets of three: 3 gifts of the Magi, 3 temptations of Christ, 3 denials of Peter, 3 crosses in Calvary, 3 days of Christ's death, 3 appearances of the Resurrected Christ, 3 Mary's, 3 theological virtues, etc... at syempre ang tampok sa lahat ay ang 3 Persona ng Iisang Diyos o tinatawag nating Holy Trinity. Ngayon ang ang kapistahan ng Banal na Santalo: Ama, Anak at Espiritu Santo. Pagkatapos ng mahabang panahon ng pagpapahayag ng Diyos sa tao, masasabi natin na sa pamamagitan ng Misteryong ito ang pagpapahayag ng Diyos ay "All is given!" Natapos na at pinaging ganap na ang pagpapahayag ng Diyos. Bagama't hindi diretsahan ay ito ang pilit na ipinapahayag ni Jesus katulad ng ating narinig sa Ebanghelo ngayon. Binanggit ni Jesus ang Ama, Anak at Espiritu Santo bilang pagpapahayag ng mga Misteryo ng Diyos bagamat hindi pa rin natin lubos na mauunawaan: “Marami pa akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon." (Jn. 16:12) Bagama't hindi natin lubos na matatalos ang kahulugan ng Banal na Santatlo dahil ito'y "Misteryo", hindi ibig sabihin na hindi na natin ito maaring makatagpo. Ayaw ng Diyos na pilit natin Siyang unawain bagkus mas nais Niyang Siya'y ating mahalin! Tanging ang mga taong marunong magmahal ang makakaunawa kung sino ba talaga ang Diyos! Kaya't pansinin ninyo na ang mga taong mapagpatawad, mapag-aruga at mapagmahal ang mga taong tunay na masaya sapagkat nararanasan nila ang Diyos bilang pag-ibig. Samantalang ang mga taong puno ng poot, mapaghiganti, mapagsamantala sa kapwa ay mga taong walang saysay ang buhay at kailanman ay hindi makikilala ang Diyos. Kaya nga't sa Kapistahang ito ng Banal na Santatlo ay inaanyayahan tayong iparanas ang pagmamahal ng Diyos sa ating kapwa. Hindi man natin maipaliwanag ng husto ang Misteryo ng Banal na Santatlo sapat ng maipadama natin ang Kanyang pagmahahal sa bawat taong ating nakakatagpo.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento