Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 5, 2010
SALO-SALO: Reflection for the Solemnity of the Body and Blood of Christ Year C - June 6, 2010
Mahilig ka bang kumain sa fast foods? Jolibee, Mcdonalds, Chowking, KFC, etc.. ang mga karaniwang tinatakbuhan natin kapag tayo ay nagugutom. Kaya nga fast food ay sapagkat gusto mong maibsan agad ang iyong gutom! Ngunit masaya ka bang kumakain kapag wala kang kasama? Hindi ba't mas masarap kumain sa mga lugar na iyon kapag kasama mo ang barkada mo? Masarap kumain kapag may kausap ka. Enjoy kumain kapag may kakulitan ka! Exciting kumain kapag may manlilibre sa 'yo! Kaya nga't ang tawag din natin sa kainan ay "salo-salo". Ibig sabihin ay mayroon kang kasama... may kasabay ka... may kasalo ka! Ito marahil ang nag-iiba sa atin sa mga hayop sa tuwing tayo ay kumakain. Hindi lang tayo lumalamon mag-isa o kaumakain ng walang pansinan, mayroon tayong pagbabahaginang ginagawa... mayroon tayong sharing! Ang Banal na Eukaristiya ay hindi lamang pagtanggap sa Katawan ni Hesus. Ito rin ay pagbabahaginan sapagkat ito ay isang pagsasalo. Sa Banal na Eukaristiya, ang Diyos ay nakikisalo sa atin! Kaya nga mahirap isipin na habang tayo ay tumatanggap ng Komunyon ay naghahari sa ating puso ang galit sa ating kapwa! Sa Unang Pagbasa ay pinaaalalahanan ni San Pablo ang mga taga-Corinto sa ginawang pagbabahagi ni Hesus sa huling hapunan. Nakita niya kasi na may pagkakanya-kanyang naghahari sa mga unang Kristiyano sa tuwing sila'y magdiriwang ng huling hapunan. Ang misa nila noon ay ginagawa nila sa isang bahay ng patago at nagdadala sila ng kani-kanilang baon upang pagsaluhan pagkatapos ng kanilang pagdiriwang. Marahil mayroong ilan na hindi nagbabahagi ng kanyang baon. Sinararili ito o ibinibigay lamang sa mga malapit sa kanya! Nagalit si San Pablo ng makita ito kaya't minarapat niyang paalalahanan sila sa tunay na diwa ng Euckarisitya. Ang himala sa Ebanghelyo ay naganap sapagkat may nagbahagi ng limang tinapay at dalawang isda! Marahil ay maliit na bagay ngunit sa kamay ni Hesus ay napakalaki... kasing-laki ng puso ng taong naghandog nito! Kaya naman pinarami niya ito ay nagawang maibahagi sa bawat tao. Sa pagtanggap natin ng komunyon ay lagi natin sanang isaisip na nagbabahagi din tayo sa iba! Huwag nating isipin na mahirap lang tayo o wala tayong kakayahang tumulong. Malinaw ang sinasabi ng Simbahan tungkol dito: "Walang taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba... at wala rin taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba!" Kapag sinabi ng paring "Katawan ni Kristo" ang sagot natin ay amen! Amen na ang ibig sabihin ay naniniwala ako. Naniniwala tayo na ang katawan ni Kristo ay hindi lamang ang "Banal na Ostia" na ating tinatanggap kundi ito rin ay ang kapwa nasa tabi ko... ang kapwa ko na mahal ko, ang kapwa ko na kaaway ko! Sikapin nating matutong makilala si Hesus sa bawat taong ating taong nakakatagpo at tanggapin natin sila kung paanong tinatanggap natin Siya sa Banal na Eukaristiya! AMEN!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento