Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Miyerkules, Hunyo 16, 2010
ANG ATING AMA: Reflecion for 12th Sunday in Ordinary Time Year C - June 20, 2010
Espesyal na araw ni itay! Gumising siya ng maaga upang maligo at mag-umagahan. Nagtaka siya dahil wala man lang ni isang bumati sa kanya. Abalang naghahanda ng agahan si inay. Ang kanyang mga anak naman ay abalang-abala sa pagpasok sa paaralan. Malungkot siyang pumasok ng opisina. Wala rin ni isang bumati sa kanya. Maging ang sikyo ay wala man lang "good morning". Laking pagadismaya ni itay. Nakalimutan ng lahat ang kanyang birthday! Ngunit may isang taong nakaalala sa kanya. Ang kanyang seksing sekretarya. Binati siya nito na ang wika: "Sir happy birthday, may surpresa ako sa 'yo mamyang gabi sa bahay namin. Pumunta ka!" Malambing ang pagkakasabi nito kaya't kinabahan si itay. Pumunta na rin siya sapagkat siya lamang ang nakaalala sa birthday nito. Pagdating sa bahay ay nagulat siya dahil sa nakahanda na ang sala. May candle light. May bote ng mamahaling alak sa lamesa. May senti music na tugtog. Perfect romantic and lugar! Kaya't lalong kinabahan si itay. Lalo na ng sabihin ng sekretarya na: "Sir, saglit lang ha... magpapalit lang ako ng damit." Napalunok si itay at pinawisan. Pagkatapos ng ilang minuto ay biglang bumukas ang ilaw at isang sorpresang HAPPY BIRTHDAY ang umalingawngaw! Naroroon pala ang lahat: ang kanyang asawa, mga anak, mga ka-opisina! Na-shock ang tatay at ang lahat ng naroroon sapagkat wala na siyang suot na damit! hehehe... Ngayon ay FATHERS' DAY... ang araw ng mga ama! Huwag nating kalimutang batiin sila kung ayaw nating matulad sila sa tatay sa kuwento. Masaklap nga namang malimutan sila sa espesyal na araw na ito. Kung ang mga ina ang tinuturing na "ilaw ng tahanan", ang mga ama naman ang "haligi ng tahanan". Ngunit higit pa d'yan ay sila ang itinalaga ng Diyos na kapalit Niya na mangalaga at magtaguyod sa buong mag-anak. Ang Diyos na ating Ama ay hindi natin nakikita. Ngunit ang ating ama ay nakikita at nakakasama natin. Kaya't siya ang kinatawan ng Diyos sa ating pamilya. Sa Ebanghelyo ay nagtanong si Hesus sa mga alagad kung sino ba siya para sa kanila. Ito rin ay katanungan na para sa ating lahat. Sino ba ang Diyos para sa akin? Iba't iba marahil ang ating pagtingin sa Diyos ngunit sana ay hindi malilingat sa ating pang-unawa na Siya ay ang Ama na lumikha sa atin at patuloy na nangangalaga sa lahat ng ating mga pangangailangan. Totoo na ang ating mga ama ay malayong kopya ng ating Amang nasa langit... Ipanalangin natin sila na sana ay sa kabila ng kanilang kakulangan ay magsikap silang maging katulad Niya sapagkat ito naman talaga ang laging hamon sa atin ni Hesus... be perfect as your Father in heaven is perfect! Happy Fathers' Day sa inyong lahat!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento