Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Miyerkules, Hulyo 7, 2010
KRISTIYANONG TEKA-TEKA (Reposted): Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year C - June 27, 2010
Kapag ako ay nag-iinterview sa mga ikinakasal ang lagi kong tanong ay: Paano mo masasabing Kristiyano ka? Halos pare-pareho ang kanilang sagot: "Kristiyano ako kasi nagsisimba ako tuwing Linggo!" Tama ba o mali? Sabi ng isang sikat na preacher: "Hindi sapagkat pumasok ka ng Simbahan ay Kristiyano ka na, kung paanong hindi ka nagiging kotse pag pumasok ka sa talyer!" Totoo nga naman... mas higit pa sa pagsisimba ang sinasabi ng ating pagiging Kristiyano. Noong nakaraang Linggo, nakita natin ang kahulugan ng ating pangalang "Kristiyano" ngayon naman ay pinaaalalahanan tayo kung ano ang hinihingi sa atin ng pangalang ito na ating tinataglay... ang ganap na pagsunod kay Hesus. "Ganap" sapagkat ang pagsunod kay Hesus ay wala dapat na hinihinging kundisyon... wala dapat pag-aatubili! Kung minsan magaling tayong tumawad. "Yes, Lord! Pero puwede ba..." Sa ebanghelyo narinig natin na: "Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos."Nakakalungkot sapagkat marami pa rin sa atin ang "teka-teka" sa ating pagiging Kristiyano. Urong-sulong sa pagsunod sa Kanya. Magsisimba sa Linggo... babalik naman sa masamang pag-uugali o bisyo sa Lunes hanggang Sabado. Magkukumpisal ngayon... magkakasala bukas. Seryoso ba tayo sa ating pagsunod kay Kristo? Ayaw niya ng urong-sulong na tagasunod... ayaw niya sa "Kristiyanong teka-teka!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento