"Pare, Linggo ngayon... magsimba ka naman!" Sabi ng kumpare nya sa kanya. "Hmmp...! Dami kong gagawin, mga anak at misis ko na lang!" Sinabihan din sya ng kanyang mga kasama sa trabaho: "Simba tayo bukas ha?" Ang kanyang sagot: "Hmmmp...! Ang misis at ang mga anak ko na lang! Me pupuntahan pa ako." Pinaalalahanan din sya ng kanyang kura paroko: "Anak, Linggo bukas. Magsimba ka." Sagot n'ya: "Padre, wala naman mawawala sa parokya kung di ako pupunta. Hmmmp! Ang misis at ang mga anak ko na lang!" Nagkataong namasyal minsan ang pamilya. Sa kasamaang palad ay nadisrasya ang kanilang sinasakyan. Nakita na lamang nila ang kanilang sarili sa harapan ng pintuan ng langit. Sabi ni San Pedro: "Pamilya Dimagiba... pasok sa loob!" Nang s'ya na ang papasok ay hinarang sya ni San Pedro. "Oooops... san ang punta mo?" "Sa loob! Kasama ng pamilya ko!" Sagot n'ya. Sabi ni San Pedro" "Hmmmp... ang misis at anak mo na lang!" Marahil isang kwento lamang ngunit kapupulutan ng mahalagang aral: Walang oras ang Diyos para sa mga taong walang oras sa kanya! Marami tayong ginagawa araw-araw. Kinakailangan nating magtrabaho para kumita. Kinakailangan nating mag-aral. Kinakailangan nating gawin ang mga gawain sa bahay. Ngunit hindi naman tayo parang mga makina sa pabrika na 24 na oras kung magtrabaho. Hindi naman tayo katulad ng 7-11 store na laging bukas ang pinto kahit may kandado. Kailangan din nating pahingahin ang ating katawan... ang pag-iisip,,, ang kaluluwa. Mahalaga ba ang Diyos sa akin? Kung oo ang ating sagot ay isa lang ang dapat nating gawin... maglaan ng panahon para sa Kanya. Ito ang pagkakamali ni Marta. Mahal pareho nang magkapatid si Jesus. Ang kanyang pagiging abala sa gawaing bahay upang pagsilbihan ang kanyang mahalagang panauhin ay nararapat lamang. Ngunit nakalimutan ni Marta ang higit na mas mahalaga... ang maglaan ng sandali upang makinig sa Panginon. Sa ating buhay, marami rin tayong ginagawa, marami tayong pinagkakaabalahan. Sa katunayan hindi tayo mauubusan ng dapat gawin. Huwag sana nating ipagkait at ipagpalit ang ilang sandali na dapat ay para sa Diyos. Sa loob ng isang araw ay may 24 na oras. Sa isang Linggo ay 168. Ang sabi ng Diyos kunin mo na ang 167 at yung isa... ibigay mo naman sa akin. Ang "suwapang" naman natin kung hindi natin ito maibigay sa Kanya! Kung atin lamang pag-iisipan ng malalim, ang lahat ay pagpapala na galing sa Diyos! Mula Lunes hanggang Linggo ay nagpapaulan Siya ng biyaya "siksik, liglig, at nag-uumpaw!" Kaya ngat wala tayong dahilan upang hindi magpasalamat sa Kanya. Huwag sana tayong mawalan ng oras para sa Diyos. Baka magulat na lang tayo at marinig sa Kanya sa kabilang buhay: "Hmmmp...! sila na lang! Wala ka kasing oras para sa akin!"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento