Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 12, 2010
MAHAL KITA MAGING SINO KA MAN: Reflection for 11th Sunday in Ordinary Time Year C - June 13, 2010
Isang ngo-ngo ang despiradong nagdasal sa loob ng Simbahan. Lagi na lang siyang niloloko ng kanyang mga kasama dahil sa kanyang kapansanan. Sa sobra niyang pagkalungkot ay buong tapang niyang tinanong ang Diyos kung talagang mahal pa siya nito. Nakita niya ang isang malaking krusipiho sa bandang sacristy at buong lakas niyang sinabi: "Mainoon, maal mo ma ao? (Panginoon, mahal mo ba ako?) Mait ao niloloo ng mga ao? Mait mo ako inawang ngo-ngo? Anung aalanan o? Tahimik ang paligid. Walang sumagot. Kaya't muli niyang isinigaw: "Mainoon maal mo ma ao? Umaot ka kun undi, magpapaamatay ao!" May nakarinig pala sa kanya, ang sakristan na isang ngo-ngo rin na nakasimpatya sa kanyang abang kalagayan kaya't sumagot siyang patago: "Ngo-ngo... maal na maal ita. Iniiip nilay indi maalaa. Maal ita maing ino a man..." Sagot si ngo-ngo: "Mainoon... ngo-ngo a rin?" May tama si ngo-ngo! Sobrang mahal siya ng Diyos. Sa sobrang pagmamahal na ito ay nakiramay siya sa ating abang kalagayan. Kinuha niya ang ating pagka"ngo-ngo"... ang ating kahinaan bilang tao. Kaya nga't tama si San Pablo ng ipanaliwanag niya kung ano ang pag-ibig: "Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak..." Higit pa riyan, ang Diyos na ito ay nagmahal sa atin na walang pagtatangi, walang kundisyon, walang limitasyon. "Mahal kita, maging sino ka man..." ang sabi nga ng linya ng isang awit. Ang makasalanang babaeng dumalaw kay Hesus ay nagpakita ng higit na pagmamahal kaysa sa Pariseong nag-anyaya sa kanya. Nagawa ito ng babae sapagkat mas higit niyang naranasan ang pagmamahal ng Diyos. Tandaan natin na sa tuwing tayo ay lumalapit sa Diyos para magsisi ay hindi ito sa ganang atin. Hindi tayo ang dahilan kung bakit tayo nagbabalik-loob sa Kanya. Ito ay sapagkat una tayong minahal ng Diyos bago pa natin hingin ang Kanyang pagpapatawad. Ano man ang ating kalagayan, gaano man kalaki ang ating pagiging makasalanan. Ang Diyos ay laging nagsasabi sa ating "Huwag kang matakot... huwag kang mabalisa... Mahal kita maging sino ka man!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento